Episode 3-Trahedya

3037 Words
Winawagayway ni Sonia ang kamay. Si Lhian naman ay naka-salute na nakatingin sa ama. Nakangiti ang dalaga bilang pagsang-ayon sa utos ng tatay niya. Nakita niya ang kapatid na hila-hila ang sako palayo sa kanya. Pinabayaan niya lamang ito. Halos alas-kuwatro na nang tumigil silang mag-aama sa pangangalakal.  Nagpaalam naman si Mang Kanor na pupunta muna kay Alfred para mapatingnan ang cellphone na napulot. "Mga anak, magsiuwi na kayo, ha," sigaw niya sa mga ito. "Huwag kayong papagabi. Itambak niyo na muna ang nakuha niyo sa bahay." Balak puntahan ng matanda si Alfred sa puwesto nito. Sana magawan nito ng paraan na maayos ang napulot na cellphone. Masayang umalis ang matanda, kipkip nito ang cellphone na napulot. Dadaan muna siya sa bahay nila para iwan ang sako na may lamang kalakal. Dederetso na siya kay Alfred sa palengke. Mabilis niyang tinalunton ang daan papunta sa palengke. Hapon nang makaalis siya sa tambakan ng basura. Excited siyang mapatingnan ang cellphone na napulot. Isang linggo na lang bago ang kaarawan ni Lhian. Gustong niyang maayos agad ito para iregalo sa panganay na anak. "Pareng Alfred," bati niya nang makarating sa puwesto ng kaibigan.  "Pareng Kanor, ano'ng atin?" ganting bati nito sa kaibigan. Maliit lamang ang puwesto ni Alfred. May isang pahabang mesa at mga gamit nito ang nakapatong sa ibabaw ng lamesa. May lumang desktop computer din ito na pag-aari. Dalawang dipa lamang ang luwag sa loob ng puwesto nito. "Pare, papatingnan ko lamang ito." Tinaas niya ang kamay, sabay pakita ng cellphone kay Alfred. "Nokia 3310 ito," sinipat ni Alfred ang cellphone, napapailing ito. "Sira na ito, ah! Subukan natin kung maayos ko pa. Napulot mo ba ito?" habang binubuksan ay muling tanong ni Alfred. "Oo, sa tambakan. Sana maayos pa 'yan." Umaasa siyang magawan ito ng paraan ng kaibigan. "Balak ko pa namang iregalo 'yan kay Lhian sa nalalapit niyang kaarawan." Nakikita niya lagi ang anak na nanghihiram lang kay Leo o Evitte. "Tang*na, pare! Inaanak ko 'yon. Susubukan kong ayusin 'to, kung kaya pa." Inusog ni Alfred ang upuan sa kumpare at kinuha ang gamit. "Maupo ka rito sa tabi ko." Pagkabukas sa likod ng cellphone, tiningnan ito ng lalaki at inayos gamit ang panghinang. Sinabi nito na may maliit na na-disconnect sa likod. Kailangan nitong palitan ang LCD. Nakatingin lamang si Mang Kanor. Napapangiti. "Pareng Alfred, kaya pa kaya 'yan maayos?"  Nag-thumbs up si Alfred. May mga turnilyo itong pilit binabalik sa likod ng cellphone. May kinuha rin itong cellphone case para palitan ang luma. "Pareng Kanor, magdasal ka na sana umandar ito," saad ni Alfred at may hinanap ito sa maliit na drawer. May inilabas itong charger at sinaksak sa cellphone. "Luma na ang cellphone na ito. Sinaunang panahon pa ito pero ok na rin 'tong gamitin." Pagkatapos ng tatlong oras, may pinindot si Alfred para umilaw ang cellphone. Nakangiting pinakita niya ito kay Kanor. Isa lang ang ibig sabihin nito, gumagana na ang cellphone. Nagmukha itong bago dahil pinalitan ni Alfred ng cellphone case. Mabuti na lang ready si Alfred at may reserbang pamalit. "Naku! Pareng Alfred, matutuwa ang inaanak mo." Walang mapagsidlan ang saya ng matanda. Halos yakapin nito ang kaibigan nang masigurong gumagana na ang cellphone. Napakagaling nito. "Pare, pasabi kay Lhian na pumunta rito sa kaarawan niya, ha. Bibigyan ko siya ng pera, pambili ng cake niya." Napangiti na lang ang lalaki sa nakikitang excitement ng kaibigan. "Huwag kang mag-alala sa cellphone. Libre 'yan para sa kanya." Tuwang pinasalamatan ni Mang Kanor si Alfred kahit alam niyang hindi ito magpapabayad. Iba pa rin sa pakiramdam ang marinig mo ito. Masayang-masaya siya na naayos na ang cellphone. Binigyan din siya ni Alfred ng ekstrang charger. May pa-bonus pang maliit na box at paper bag galing sa kaibigan. Nagmukhang disente na panregalo na ang cellphone kung titingnan. Tinulungan niya rin ito sa pagliligpit para maisara na ang puwesto nito. Hanggang ala-singko ng hapon ang bukas ng puwesto ni Alfred. Tatlong oras ang ginugol ng lalaki sa pag-aayos. Nagpaalamanan na silang magkaibigan pagkatapos maisara ang puwesto. Hindi pa rin siya magkamayaw sa pasasalamat niya. Natatawa na lang si Alfred sa kanya. Umuwi na rin naman ang kaibigan, hindi na ito nagtagal pa.  Binaybay ng matanda ang daan pabalik sa tambakan. Mga trenta minutos din kung lakarin niya ito bago ang bahay nila. Dadaan pa siya sa malabundok na basura bago ang bahay niya. Sa paanan ng Smokey Mountain ang bahay nila pero patag na area na ito. Pinaghalong lupa at plastic ang kinatitirikan ng bahay nila. Makikita ang hugis bundok na basura kung ito'y titingnan galing palengke. May bagong eksperimento galing sa basura na ginawang source ng kuryente. Nakikisaksak sila dahil libre ito at wala rin silang ilaw. Gasera lamang noon ang gamit nila kapag hindi available ang libreng pagamit sa kuryente. Magkakalahating oras na ring naglalakad si Mang Kanor galing sa palengke. Madilim at walang ilaw ang poste na nadadaanan niya. "Sira siguro ang ilaw sa poste," bulong ng matanda. Napatingala ang matanda sa poste ng ilaw nang makatawid galing sa kabilang kalsada. Madilim ang area na nilalakaran niya. Malapit na siyang makarating sa bahay nila kaya binilisan niya ang lakad. Makakauwi na siya sa kanila nang biglang may humarang na lalaki. Hindi niya maaninag ang mukha ng lalaking humarang sa kanya dahil madilim. "Pare, ano'ng problema?" tanong niya sa lalaking walang kibo. "Bakit ka humarang?" Nakatayo lamang ang lalaki sa harap niya. Medyo matangkad ang lalaki kumpara sa kanya. Malaki rin ang pangangatawan nito.  Nagulat lamang ang matanda nang walang anu-ano'y bigla na lamang hinablot ng lalaki ang dala niyang maliit na paper bag. Mabilis ang kilos na hinablot pabalik ni Mang Kanor ang paper bag. Napakahalaga nito sa kanya dahil cellphone lang naman ito ng pinakamamahal niyang si Lhian. "Tang*na!" mura ng lalaki nang mahatak ng matanda ang paper bag. Inundayan niya ng suntok ang matanda. Bumulagta sa lupa si Mang Kanor. Pinilit niyang tumayo. Napaigik lamang siyang muli nang undayan na naman siya ng suntok ng lalaki. Pahigang bumagsak ulit siya sa lupa. Naramdaman niya ang pamamanhid ng parteng nasuntok pero-- "Aaah!" napaungol siya. May hapdi siyang naramdaman sa bandang tiyan. Basa. Basa ang damit niya. Napatingin siya sa tiyan. Dugo? May sugat siya! Napagtanto niyang siya pala ay nasaksak na ng lalaki. Napadaing siya sa sobrang sakit. Mahigpit na kipkip n'ya ang paper bag na naglalaman ng regalo para sa anak. "T-tulungan niyo ako!" ubod lakas niyang sigaw. May mga bahay sa unahan. Sigurado siyang maririnig ang sigaw niya. Paulit-ulit ang ginawa niyang pagsigaw.  Pilit pa ring hinahablot ng lalaki ang paper bag sa matanda. Napunit na ito pero mahigpit pa rin itong yakap ng sugatang matanda. May mga ingay na ring naririnig palapit sa kanila. Nataranta ang lalaki. Mabilis itong tumakbo dahil may sumisigaw na tao sa hindi kalayuan. May nagpailaw na rin ng flashlight. Napangiti si Mang Kanor. Hindi nakuha ang cellphone sa kanya ng magnanakaw na iyon. Nandidilim. Nandidilim na ang paningin niya. Nanghihina na rin siya sobra. Pinilit pa rin niyang sumigaw sa huling pagkakataon para matulungan siya ng mga taong papalapit sa kanya. "T-tulooong!" ubod lakas niyang sigaw. Si Lhian, si Sonia... ang mga anak niya, ito ang nasa isip niya bago siya lamunin ng karimlan. *** Nag-aalala na si Lhian. Kanina pang hapon umalis ang ama. Pagabi na at kailangan pa niyang dumaan kay Aling Puring para kuhain ang pagkaing ibibigay nito. Sa pag-iisip na pupunta pa sa karinderya, sumulpot naman bigla si Leo sa harap niya. "Lhiiiaan," si Leo habang hangos na tumatakbo. Tinaas nito ang dalang supot. Nakangiti ang dalaga. "Leo, nag-abala ka pa, salamat!" Hinintay niya itong makalapit. Ganito naman si Leo, lagi itong pumupunta ng bahay nila. May dalang pagkain na tira sa karinderya ang binata. Pinapahiram din nito ang notes at libro sa kanya. Tinuturuan siya ni Leo sa kung anuman ang napag-aralan nito sa eskwelahan. May backpack ang binata sa likod. Napangiti siya. Nakabihis na ito ng pambahay. Kahit huminto siya sa pag-aaral, updated naman siya sa tulong ni Leo. Napaka-importante sa kanya ang may pinag-aralan. Lubos ang pasasalamat niya sa kaibigan, nagagawa niya ito. Balang-araw, makakaganti rin siya sa binata. Hindi siya titigil hangga't hindi natutupad ang pangarap niya kahit napaka-imposible. Binukas niya ang pinto ng bahay nila para papasukin si Leo. Nakapatong din ang lampara sa lamesa at isang pitsel ng tubig. Wala silang makain kaya malaking bagay ang libreng pagkain sa kanila. Kapag wala silang ilaw, lampara na muna ang ginagamit nila. Ang lutuan naman nila ay nasa labas lamang. May yerong pinatayo para takpan kung sino man ang nagluluto sa kusina. May katamtamang drum sa likod nila para imbakan ng tubig. Ang palikuran naman sa lugar na 'yon ay galing sa proyekto ng gobyerno. Kailangan pa nilang maglakad ng sampung minuto para makarating dito. Para sa lahat ang proyektong palikuran. Anim na toilet ito na puwede ring liguan sa kanilang area. May patubig din dito na kasama sa proyekto. Dito rin nila kinukuha ang tubig na ginagamit sa pang-araw araw. May iba pang parte ng Smokey Mountain na kapareho ng set-up ng sa kanila. Marami na ring tao ang nagsipagtayo ng bahay sa ibang bahagi ng lugar. "Leo, sabay ka na sa amin kumain." Nilabas n'ya ang mga pagkaing dala ng binata at nilagay sa mangkok. Naglabas din ng pinggan at kutsara ang dalaga galing sa malaking box na plastic. Sinisigurado niya na malinis pa rin ang loob ng bahay nila kahit nasa tambakan sila ng basura. Nasa tamang lalagyan ang mga kubyertos at pinggan. "Tapos na 'ko kumain, Lhian," sumenyas ang binata bilang tugon sa dalaga. "Sonia, tigilan mo na 'yang ginagawa mo," puna ng dalaga sa kapatid. "Kumain na tayo!" Abala si Sonia sa ginagawa nito. Nakasalampak ito sa sahig habang may sinusulat. May nakakalat din na papel at nakalabas ang notebook ng bata. Nasa grade four na ang bunsong kapatid ng dalaga. Kahit naman mahirap sila, ayaw nilang patigilin ito sa pag-aaral. Hindi naman masyadong magastos sa public school. "Kuya Leo, turuan mo 'ko mamaya, ha!" sabay turo ni Sonia sa notebook nito. Nakasalampak din si Leo sa sahig. Gawa ito sa tabla. Pumapasok ang tubig sa sahig kapag malakas ang ulan. Balak ni Tatay Kanor niya na pataasan nila ang sahig ng bahay kapag nagkapera sila. Mahirap ang sitwasyon nilang magpamilya kapag tag-ulan. Pumapasok ang tubig sa sahig. Nababasa ang lupa dahil tabla lamang ito at may kanipisan pa. Minsan kapag bumabagyo naman, kailangan nilang pumunta sa Evacuation Center. Doon sila matutulog para masigurado na ligtas sila. Gawa lamang sa pinagtagpi-tagping yero ang bahay nila. Posibleng tangayin ng hangin ang barong-barong nila. Ilang beses na silang pabalik-balik sa Evacuation Center tuwing tag-ulan. Nagulat si Leo nang biglang pisilin ni Lhian ang pisngi niya.  Napaangat ng mukha bigla ang lalaki. "Tang*na naman, Lhian. Pinagdidiskitahan mo na naman ang taghiyawat ko." Winaslik ng binata ang kamay ng babae. "Leo, ang laki na ng taghiyawat mo." Pilit inaabot ng dalaga ang mukha ng binata habang panay iwas naman ito. Taghiyawat sa mukha ang isa sa mga rason kaya nabu-bully sa school si Leo. Hindi na nga ito kaguwapuhan, tinadtad pa ito ng mga taghiyawat sa mukha. Hindi rin katangkaran si Leo. Mataas lamang ito ng kaunti kay Lhian. Nasa five feet at three inches ang height ng lalaki. "Kapag yumaman ako, ipapa-derma talaga kita," komento ng dalaga. Napabalik siya sa lamesa nang tinulak siya ni Leo. "Kumain ka naaa!" nanggigil na pakli ng binata. Naupo na lang ang dalaga na nakairap. Tatakpan niya na lang niya ang pagkain ng tatay nila. Mag-aaral pa sila ni Leo pagkatapos nilang kumain. Salamat kay Leo, ang bait talaga ng kaibigan niya. Hindi ito nagsasawa na turuan siya at i-share ang gamit sa eskuwelahan. Pamilya na niyang maituturing ito. Nasa fourth year high school na rin ito, graduating. Kahit papaano, hindi niya maituturing na sobrang mangmang ang sarili. Mahirap lang sila pero alam niya na matalino siya. Malakas pa ang confidence niya dahil kailangan iyon sa buhay. Hindi siya nawawalan ng pag-asa. Niligpit na ni Leo ang mga gamit at lumabas ng pintuan. "Lhian, uuwi na 'ko, lampas alas-otso na pala. Buti na lang Sabado bukas." Lampas-otso na ng gabi pero wala pa rin ang tatay nila. Lumapit siya pinto at tiningnan ang labas. Madilim. Kanina pa sila nag-aaral. Tumingin siya kay Leo. Nginitian niya ang kaibigan. "Leo, salamat! Sa walang sawang suporta."  Tinanguan siya ng binata. Tinanaw pa niya si Leo habang marahan itong naglalakad. Kumaway pa ang binata. Ginantihan niya ito ng kaway. Nawala ang ngiti niya. May lalaking tumatakbo na kasalubong nito. May pagtataka sa mukha niya nang mapagsino ito. Ang kapitbahay nila... "Lhiaaan, si Tatay mo dinala sa Tondo Hospital, nasaksak!" hinihingal na sigaw ng lalaking kapitbahay nila. "Ano ho?" nabingi siya sa sinabi nito. Hindi agad rumehistro sa utak niya ang sinabi nito. Binundol siya ng sobrang kaba. Pilit hinahabol ang hininga, pinakalma ng lalaki ang sarili. "Tubig!"  Mabilis na binigyan ni Lhian ng tubig ang lalaki. "Si Tatay mo, sinugod sa ospital. Nasaksak!" ulit nito nang mapakalma ang sarili. Makikita sa lalaki ang pagkabalisa.  "Anooo?" muling sigaw ng dalaga. Pati si Sonia ay napatigil sa ginagawa. Pumunta ito sa gilid ng kapatid para pakinggan ang sinasabi ng kapitbahay nila. Namumutla na rin ang bata habang nakatingin sa lalaking dumating. "Tang*na naman! Nasa ospital ang tatay mo, Lhian," pag-uulit ni Mang Ruben. "Nasaksak si Kanor!" Nakatayo lamang si Leo. Hindi niya maintindihan ang sinasabi ng kapitbahay. Nang makitang nakatulala sina Lhian at Sonia, napabalik siya bigla. "Bakit po, Mang Ruben?" hangos na tanong ni Leo nang makabalik. "Si Tatay nina Lhian at Sonia, nasaksak! Nasa ospital ngayon si Kanor," ulit ng lalaki. "Kami ang naghatid kay Kanor sa ospital." "Anoo hoo?" ulit ni Leo na nabigla. Nabigla si Leo sa balita nang rumehistro sa utak niya ang sinabi ng kapitbahay. Nasa ospital si Mang Kanor. Nasaksak! "Taataaay," malakas na sigaw ni Lhian. Si Sonia ay umiiyak na rin.  "T-tataay!" muling sigaw ni Lhian. Nanginginig na ang dalaga at umiiyak. "Saan po na ospital dinala?" may nginig sa boses na tanong ni Leo. "Sa Tondo Hospital, pumunta na kayo, Lhian," pakli ng lalaki. Umalis na lang ito bigla at nagmamadali. "Uuwi na muna ako." "Hindi!! Leo.."  Nataranta na rin si Leo. Nakasalampak na ang kaibigan sa lupa. Pilit niyang tinatayo ang dalaga. "Lhian, pupunta tayo sa ospital, halika na," inalalayan niya si Lhian. "Sonia, huwag kang lalabas ng bahay at i-lock mo ang loob. Pupunta kami ng ospital ni Ate Lhian mo." Si Sonia ay nakakapit sa laylayan ng damit ng kapatid na panganay. Umiiyak din ang bata pero wala itong sinasabi. Tumango lang ito. "Ok ka lang ba?" nilapitan ni Leo si Sonia. Hinagod niya ang ulo nito. "Walang mangyayaring masama sa Tatay Kanor. Babalik kami agad, sa loob ka lang at huwag magpapasok ng ibang tao." Binalingan ni Leo si Lhian na nakaupo ulit sa lupa. Ngumunguyngoy ang dalaga at nakatakip ang palad sa mukha. Pilit itong tinatayo ng binata. "Bilisan natin, Lhian!" hawak ng binata ang dalaga at inalalayan ito. "May pera pa 'kong dala rito. Hindi ko pa nabibigay kay Nanay Puring 'yong napagbentahan ko ng ulam." Pilit niyang hinila ang kaibigan. "Mag-tricycle na lang tayo, malapit lang ang ospital na 'yon dito." Mabilis ang mga hakbang na tinalunton ng magkaibigan ang paradahan ng tricycle sa kabilang kalsada. Wala pa ring ampat ang pag-iyak ni Lhian. Mabilis na sumakay ang dalawa sa unang nakapila na tricycle. "Manong, Tondo Hospital po tayo." Hawak ng binata ang kamay ni Lhian na tahimik pa ring umiiyak. Awang-awa siya sa kaibigan. Sana lang, walang mangyaring masama kay Mang Kanor. Mabilis silang bumaba ng tricycle. Binuksan ng binata ang backpack. Kinuha niya sa bulsa ng bag ang pambayad sa tricycle. Nang makababa, hila-hila niya ang dalaga papasok sa loob. Nasa Information desk na sila. Mahigpit na hawak ng binata ang kamay ni Lhian. "Miss, Kanor po ang pangalan ng pasyente," saad ni Leo sa staff. "Saan po ang kuwarto niya? Nasaksak daw po siya." Dere-deretso ang pagkakasabi ng binata. Kinakabahan siya sobra.  Tumingin ang babaeng staff kay Leo. "Ano ang buong pangalan ng pasyente?"  "Kanor Halipayo po," mahinang sagot ni Lhian. Kinuha ng staff ang papel na naglalaman ng informations ng in-admit na mga pasyente. Pinasadahan n'ya ito ng tingin. Napatigil ang babae at tumingin sa dalawa. Palipat-lipat ang tingin nito sa information book na hawak nito at sa dalawa na nasa harap. Mababakas ang pagkabigla sa mukha ng babae. Seryoso itong tumingin sa dalawa. "Huwag sana kayong mabibigla, ha. Ayon sa record dito, sinugod bandang 7:20 ng gabi si Kanor Halipayo." Nakaramdam ng awa ang babae. "Room 105, pinakadulo ng pasilyo na 'to. Puntahan niyo siya sa--morgue." Morgue? Sumikdo nang mabilis ang puso niya sa narinig. "Hindi! Buhay pa ang Tatay Kanor ko!" lumakas ang iyak niya. Hindi ito totoo! Hindi niya maigalaw ang katawan. Ramdam niya ang napahigpit na kapit ni Leo sa kamay niya. Buhay pa ang tatay niya. Buhay pa! "Lhian." Kinabakasan ng sobrang awa ang binata. Mabagal na iginiya ni Leo ang kaibigan sa pinakadulo ng pasilyo. May mga numero ang kada kuwarto sa hospital na ito. Hindi alam ng binata kung ano ito pero hinanap ng kanyang mata ang numero na sinabi ng staff. Ramdam niya ang panginginig ng dalaga. Habang papalapit, lumalakas ang iyak nito. Lutang din siya sa nangyayari pero kailangan niyang magpakatatag para sa kababata.  Naaawang napasunod ng tingin ang babaeng staff sa dalawang magkaibigan. Ayon sa record, alas-otso ng gabi binawian ng buhay ang matanda. May saksak ito sa tiyan at lubhang malalim ang patalim na ginamit. Naabot ang internal organ ng matanda dahilan upang magkaroon ng internal hemorrhage. Sinubukang i-revive ng mga doctor ang pasyente. Sa kasamaang palad, malaki ang pinsala sa internal organ nito na naging dahilan ng labis na pagdugo na ikinamatay ng pasyente. Nalagyan pa ng oxygen at suwero ang matanda pero binawian pa rin ito ng buhay. Sa dulo ng pasilyo, dahan-dahang binasa ni Leo ang nadadaanang mga numero. Rooms 102. 103.. 104.. Nakarating sa dulo ang magkaibigan. Room 105. Morgue ang nakapaskil sa labas ng pintuan.  Nanginginig pa rin at sobrang nanlalamig ang kamay ng dalaga. Malalim na buntonghininga ang pinakawalan niya. "Leo," sa pagtawag sa kaibigan, gusto niyang sabihin dito na buhay pa ang ama. 
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD