"Nakahanda na po ang lahat, Congressman," wika ng lalaking pinagkakatiwalaan ni Congressman Richard Dela Pena na si Berto.
"Magaling, Berto. Maaasahan ka talaga," seryosong sagot naman nito kay Berto habang nakaupo sa kanyang swivel chair sa loob ng kanyang opisina. Napakaseryoso ng kanyang mukha habang nakatingin sa kawalan at nag-iisip sa mga hakbang na sisimulan niya pa lamang.
Matagal na panahon ang binuo niya para matupad ang kanyang mga plano. At ngayon ay malapit na niya itong matupad. "Sa wakas, ma-ipagpapatuloy ko na rin ang mga nasimulan ng aking mga Ninuno pati na ng Ama ko, Berto. At sa pagkakataon na ito ay sisiguraduhin ko na magtatagumpay ako!" tiim bagang niyang usal at sumilay ang mapait na ngiti sa kanyang labi.
Si Congressman Richard Dela Pena ang tao na hindi makuntento sa kung anong meron siya. Siya ang pinakamakapangyarihan at maimpluwensyang tao sa buong City ng Sorsogon, subalit hindi pa rin 'yun sapat para sa kanya. Nagpalakas siya at nagparami ng tauhan upang matupad ang matagal na niyang nais. Ang pasukin ang Bundong ng Death Forest.
Nais niyang mapasakamay ang ginto na nasa kuweba ni Zyros. Hindi nagtagumpay noon ang kanyang mga Ninuno pati na ang namayapa niyang Ama. Kaya bata pa lamang siya ay nakatatak na sa kanyang isipan na siya ang magpapatuloy nang nasimulan ng kanyang pamilya. Alam niya na totoo ang ginto sa Death Forest dahil mismong ang Ama niya ang nagkuwento sa kanya bago ito pumanaw. Limang taon pa lamang siya noon subalit malinaw na sa kanyang isipan ang mga sinabi ng kanyang Ama.
At kahit sinasabi ng iba na walang sinuman ang nakakalabas ng buhay sa bundok na iyon ay hindi siya natatakot. Dahil matagal na panahon ang ginugol niya para paghandaan ang bagay na iyon.
"Kapag napasa 'kin na ang bagay na iyon ay sisiguraduhin ko na luluhod sa 'kin ang pamahalaan, Berto. Kikilalanin nila akong bilang isang pinakamakapangyarihan sa bansang ito at maibabalik ko na ang dangal ng aming pamilya!" tiim bagang pa rin nitong usal kay Berto.
"At lahat ng tao na naging sanhi ng pagtataksil noon sa aking Ama ay pagbabayarin ko ng malaki, ipinapangako ko yan!" Napakuyom siya ng kanyang kamao habang hawak ang baso na may lamang alak. Nanlilisik din ang kanyang mga mata dahil sa matinding galit na matagal na niyang kinikimkim.
Noong kumalat ang usap-usapan tungkol sa ginto na nakatago sa Bundok ng Death Forest ay isa ang kanyang Ama sa namuno para hanapin at angkinin ang ginto. Alkalde noon ang kanyang Ama sa Sorsogon. Subalit ang lahat ng tao na ipinapadala niya para hanapin ang ginto ay namamatay at hindi na nakakabalik. Nang makarating ang balita sa pamahalaan ay ipinag-utos ng pangulo na dakpin at parusahan ng kamatayan ang Ama ni Richard dahil sa kasakiman nito.
Maraming buhay ang nawala noon dahil sa pamumuno ng Ama ni Richard. Sapilitang kumukuha noon ng mga kalalakihan ang Ama ni Richard para ipadala sa Bundok. Ang sinumang tumanggi sa kagustuhan niya ay kaagad niyang pinapaslang. Kaya tinawag na malupit at sakim ang Ama ni Richard ng mga mamamayan dahil sa walang awa pagpaslang nito.
Pinatay din ng taong bayan ang kanyang Ina at tinawag ang buong pamilya nilang salot. Nakatakas lamang noon si Richard kaya hindi siya napatay ng mga taong galit sa kanilang pamilya. At sa murang edad niya noon ay nakatatak na sa kanyang isipan na babalik siya at mas magiging makapangyarihan. Pinalitan din niya ang kanyang pangalan para hindi siya makilala. Mag-isa niyang itinaguyod ang kanyang sarili hanggang sa makapagtapos siya ng pag-aaral. At hindi nagtagal ay naglakas loob siyang pumasok sa pulitika.
Kumapit siya sa may matataas na posisyon sa kanilang bayan para makilala. Pinilit niyang maging mabuti sa paningin ng mga tao para mahalin siya at magustuhan nila. At makalipas ang ilang dekadang paghihintay at pagtitiis ay nakuha na niya ang pinakamataas na posisyon sa kanilang Bayan.
"Ngayon pa lang ay binabati ko na kayo, Congressman!" tiim bagang din nitong usal at sumilay din ang mapait na ngiti sa kanyang labi.
"Maghanda ka. Mamimigay tayo ng ayuda sa mga kabahayan malapit sa b****a ng Bundok. Mapeperwisyo natin ang kanilang lugar dahil doon tayo dadaan. Kailangang gawin natin 'yan para maging kakampi natin sila."
"Masusunod, Congressman."
"Parang pulitika din yan, Berto. Kinakailangan mong bilihin ang boto nila para manalo!" muli siyang napangiti ng mapait dahil sa kanyang sinabi.
Kinabukasan ay kaagad silang nagtungo sa mga kabahayan malapit sa Bundok. Namigay sila ng pera at mga pagkain sa mga kabahayan. Kaya kaagad silang sumang-ayon sa nais ng Congressman. Ipinangako din nito na walang masamang mangyayari sa kanilang lugar kaya mabilis niyang nakuha ang pulso nila.
"Ipinapangako ko sa inyo, Ama. Ibabalik ko ang nasira niyong dangal sa bayan na ito. At ako ang magpapatunay na totoo ang mga sinabi niyo tungkol sa ginto!" asik nito sa kanyang sarili habang mapait na nakatingin sa b****a ng Bundok. "Matagal na panahon akong naghanda para dito. At sa pagkakataon na ito ay hindi na kayo matatawag na hangal at nag-i-ilusyon lamang sa nakatagong ginto sa loob ng bundok na 'to."
"At kung sinuman ang halimaw na nakatira sa Bundok na 'yan na pumapatay sa mga tao na nagtatangkang pumasok ay sisiguraduhin ko na mabubura siya sa mundo!" dagdag pa nito.
"Bumalik na tayo sa opisina n'yo, Congressman. Nagawa ko na ang lahat ng ipinag-utos niyo," basag ni Berto sa madilim na katahimikan ni Richard habang nakasakay sa loob ng kanyang kotse at pinapanood ang b****a ng Bundok.
"Bumalik na tayo!" madiing utos nito sa kanyang driver, at kaagad naman siyang sinunod.
"Handa na ang malakas na baril na ipinagawa niyo para sa halimaw na sinasabi nilang pumapaslang ng tao sa Bundok na iyon, Congressman," sambit nito sa kanyang Amo. "Gaya ng inutos, Congressman, gawa sa pilak ang bala ng baril na ipinagawa niyo. At kung talagang may makapangyarihang nilalang na nakatira sa Bundok na iyon ay siguradong tatalab ang balang iyon sa kanya."
"Magaling, Berto. Sabihan mo na rin ang mga tauhan mo na maghanda na dahil sa susunod na linggo ay papasukin na natin ang Bundok!" madiing utos nito.
"Masusunod."