NAPALUNOK LAWAY ako nang magtama ang paningin namin ng mama ni Debbie. Ito kasi yung unang beses na nagkita kami. Hindi naman kasi ito pumupunta sa office, madalas sa phone lang sila nag-uusap ng anak n'ya.
Wala namang kaso sa 'kin na magkita kami, besides, nanay s'ya ng girlfriend ko, pero iba pa rin 'yung pakiramdam dahil may relasyon kami ng anak n'ya.
Tapos bigla n'ya pa akong tinitigan mula ulo hanggang paa na para bang kung sino lang ako. Napansin naman kaagad ni Debbie ang ginagawa ng mama nya kaya tinanong n’ya ito para mapunta sa kanya ang atensiyon nito imbes na nasa akin.
"Ma, bakit po kayo nagpunta rito? May problema po ba?" Tanong ni Debbie. Plano ko na sanang i-excuse ang sarili ko para mabigyan sila ng privacy kaso pinigilan ako ng mama n'ya.
"Wag kang lumabas, Ms. Rivera. Hindi kita pinapaalis." Anya dahilan para matigilan ako't kainin ng labis na kaba.
Nagkatinginan kami ni Debbie at alam kong naramdaman n'ya na hindi ako kumportable. Muli n'yang kinuha ang atensiyon ng mama n'ya.
"Ma, tinatanong ko po kayo."
"Puro ka tanong. Hindi mo man lang ba muna ako yayayaing umupo o aalukin ng kape?" Sabi nito dahilan para mapailing si Debbie.
"I’m so sorry, Ma. Upo po muna kayo." Tumingin sa 'kin si Debbie at nagka-intindihan naman kami.
"Eli, puede bang tumawag ka sa reception at magpaakyat ng coffee and pastries dito sa office ko?" Sabi sa 'kin ni Debbie tapos ningitian n'ya ako kaya napanatag ang loob ko. Akma na akong aalis nang biglang magsalita na naman ang mama n'ya. This time, para na 'yun sa 'kin.
"Ano'ng espesyal sa 'yo para ipagpalit ng anak ko ang asawa n'ya sa katulad mo?" Saad n'ya.
Napatingin ako sa kan'ya at du'n pa lang s'ya tumingin sa 'kin. Muli na naman n'ya akong tinitigan mula ulo hanggang paa.
"Hindi ka naman maganda. Ang baduy mo manamit. Hindi pa mamahalin. Kaya nagtataka ako, ano'ng nakita sa 'yo ni Deborah?"
"Ma, that's enough! Kung iinsultuhin n'yo lang po si Eli, makakaalis na kayo sa opisina ko." Galit na saad ni Debbie tapos nilapitan n'ya ako at tangkang yayakapin. Pero ganu'n na lang ang gulat n'ya nang umiwas ako. Ayokong makita ng mama n'ya na naaapektuhan ako sa mga sinabi nitong insulto sa 'kin.
"Bakit? Totoo naman, 'di ba? Nagtataka ba kayo kung paano ko nalaman? S'yempre, sinabi sa 'kin ni Vincent. Ano ba sapalagay n'yo ang magiging reaksyon ko? Matuwa? Magpa-party kasi may relasyon kayong dalawa? Puede ba, napakalaking kalokohan ng ginagawa n'yong ito!" Sabi n'ya sabay tingin kay Debbie.
"Ikaw, Deborah, ano na lang ang sasabihin sa 'yo ng mga kaibigan namin ng papa mo? Na pumapatol ka sa kapuwa mo babae tapos mas bata pa sa 'yo at secretary mo lang?" Matatalim ang mga salitang lumalabas sa bibig ng mama ni Debbie at alam kong kahit na pilitin n'yang magpakatatag, naaapektuhan pa rin s'ya nito.
"At ikaw, Eli, gan'yan ka ba ka-desperada? Ano'ng palagay mo sa anak ko, sugar mommy mo?! Alam ko na mahirap pa sa daga ang buhay n'yo ng lola mo. Kaya naisip mong patulan ang anak ko para maiahon kayo sa kahirapan, tama ba? Nakakasuka ang mga katulad n’yo!" Sabi n'ya dahilan para makagat ko ang aking pang-ibabang labi.
Ginawa ko 'yun para pigilan ang mga luha ko na mag-umalpas sa aking mga mata dahil hindi ko na kinakaya ang sakit at ang talim ng mga salita n'ya sa 'kin.
Napansin naman ni Debbie na kinakain na ako ng anxiety pero nagdadalawang-isip s'yang lapitan ako matapos kong dumistansya sa kan'ya. May ugali kasi ako na kapag nagkakaganito, mas gusto kong mag-isa para madaling huminga.
"Ano bang nakain mo, Deborah, at nakipag-relasyon ka sa batang 'yan? Kahit saang anggulo mo tingnan, kasalanan ang ginagawa n'yo!"
"Walang may kasalanan dito dahil pareho po naming mahal ang isa't isa!" Bakas ang frustration sa boses ni Debbie.
"Mama ko kayo pero wala kayong karapatang insultuhin si Eli. Saka naririnig n'yo po ba ang sarili n'yo habang sinasabi ang mga mapanakit at mapanirang salita na 'yun sa tao na walang ibang ginawa kundi pasayahin ako, mahalin ako at hindi saktan katulad ni Vincent?"
"Sinasabi mo lang 'yan kasi nabubulag ka. Akala mo pag-ibig ang natagpuan mo sa babaeng 'yan pero sa huli ma-re-realize mong mali ka pala. Sabagay, sa una pa lang kasi, maling-mali na talaga na naging kayo!"
Ma-otoridad na sabi ng mama nya.
"Bakit hindi mo bigyan ng pabor ang sarili mo at tapusin mo na ang relasiyon n'yo ng babaeng 'yan ngayon din? Tapos makipagbalikan ka kay Vincent, hindi pa naman huli ang lahat! Magsimula kayo ulit. Bigyan n’yo ng tsansa ang kasal n’yo.”
“Wala na pong bisa ang kasal namin dahil finalize na ang divorce ko kay Vincent.”
“Sira na talaga ‘yang tuktok mo, Deborah!”
“Sira na kung sira pero hinding-hindi na ako babalik sa taong nanakit at dumurog sakin! Mama ko ba talaga kayo? Kasi kung oo, bakit pinagpipilitan n'yo pa rin ako na makisama sa kan'ya? Dahil sa reputasyon ng pamilya natin, ganu'n ba?" Nakita kong nangingilid na ang luha sa mga mata ni Debbie at nanginginig na rin ang pang-ibaba labi n’ya. Hindi ko s'ya masisisi, mabigat ang palitan ng mga salita nila ng mama n'ya kung tutuusin ay bigla-bigla na lang sumulpot dito sa opisina n'ya.
“Kesa naman makisama ka sa babaeng ‘yan na mukhang pera lang ang habol sayo!”
“Mahal ko po si Debbie! Mahal ko ang anak n’yo!”
“Tumahimik ka, hindi kita kinakausap! Ganyan ba talaga kayong mga lumaki sa mabaho at maruming lugar? Asal-kanal!”
“Ma, tumigil ka na!”
“Ikaw ang tumigil! Kayo, mga imoral kayo!”
"Kung wala na kayong sasabihing maayos, makakaalis na po kayo sa opisina ko." Malamig pa sa yelong saad ni Debbie dahilan para magulat ang mama n'ya. Pati ako hindi ko rin inaasahan na sasabihin n'ya 'yun.
"Deborah, pinapaalis mo na ang mama mo ngayon?!"
"Ayoko na pong pagsalitaan n’yo ng hindi maganda ang girlfriend ko. Kung tutol kayo sa relasyon namin, wala akong magagawa kundi tanggapin na lang ang pag-kontra n'yo pero hinding-hindi ko po gagawin ang gusto n’yo na hiwalayan si Eli. Kailangan n'yo pong maintindihan na nagmamahalan kami ni Eli o kung ayaw n’yo mag-move on na lang kayo."
"Napaka-bastos mo! Walang utang na loob! Gan'yan ba ang tamang pagtrato sa taong nagluwal sa 'yo sa mundong ito?!"
"Iniluwal n'yo nga po ako. Sa inyo ako nanggaling. Pero tinuring n'yo ba akong anak? Hindi naman, 'di ba? Si Papa lang ang nagmamahal sa 'kin. Nasa'n kayo nu'ng kailangan ko ng nanay? Wala. Nandu'n sa mga kaibigan n'yo, nagsasaya, nagsusugal. Nagkakaroon lang kayo ng oras sa 'min ni Papa kapag kailangan n'yo ng pera."
"Alam mong hindi totoo 'yan! Saka sino ka para sumbatan ako? Baka nakakalimutan mo, mama mo ako!"
"Hindi ko po nakakalimutan na mama ko kayo. Kaya nga nang sinabi n'yong ayusin ko ang relasiyon namin ni Vincent, ginawa ko. Sinunod ko ang payo n'yo kasi lagi n'yong sinasabi "papunta pa lang ako, pabalik na kayo."
"Pero alam n'yo, na-realize ko na sana nu'ng una pa lang naglakas-loob na akong suwayin kayo. Kasi pinabayaan n'yo lang akong magdusa sa mga desisyon ko sa buhay na kinontrol at pinakialaman n'yo!"
"Hindi na po 'yun mangyayari ngayon, Ma. Hindi ko na kayo hahayaang panghimasukan ang relasyong meron kami ni Eli dahil unang-una, wala kaming sinusuway na batas."
"Oo, maraming magtataas ng kilay dahil hindi pa lubusang tanggap sa lipunan natin ang same s*x relationship, pero mas masama ba ito kesa sa mga nangungurakot sa gobyerno? Sa mga terorista na walang habas kung pumatay ng mga inosente makuha lang ang gusto nila? Sa mga mamamatay tao, mga kriminal at drug addict? Hindi naman, 'di ba? Kung bubuksan n'yo lang ang isip n'yo, malalaman n'yo na ang pag-ibig, hindi lang 'yan ekslusibo para sa babae at lalaki. Universal o para sa lahat ang magmahal, Ma. At 'yun ang nararamdaman ko ngayon kay Eli."
Hindi ko alam kung ano'ng mabuting bagay ang nagawa ko sa nakaraang buhay ko para magkaroon ng isang tao na ipaglalaban ako at magmamahal sa 'kin ng husto. Ewan pero nangingiti ako na naiiyak habang sinasabi ni Debbie ang mga bagay na 'yun.
Tapos hindi na rin ako pumalag nang higitin n'ya ang katawan ko para mapalapit sa kan'ya. Kitang-kita namin ang pagkagulat at pagka-inis sa reaksiyon ng mama n'ya pero para sa 'min, dapat lang na malaman nito na hindi n’ya kami mapaghihiwalay.
Hindi porke matanda ka, hindi ka na puedeng turuan.
Kaya nga hindi pa man din s'ya nakakaupo, nagmartsa na s'ya ng dire-diretso palabas sa opisina ni Debbie. Ang lakas pa nga nang pagkakasara n'ya ng pinto at pareho pa kaming nagulat ng anak n'ya. Tapos nagkatitigan kami ni Debbie at natawa.
"Okay ka lang ba? Sorry kasi matabil dila ng mama ko. Hindi pala kita na-orient." Mahinahon n'yang sabi tapos hinaplos n'ya ang pisngi ko para pahirin ang mga luha na hindi ko na napigilang tumulo.
"Ayos lang kasi nandyan ka naman. Thank you dahil pinagtanggol mo 'ko." Sabi ko.
"Ipagtatanggol kita kahit na ilang beses pang pumasok si Mama d'yan sa pinto ng office ko at..."
"Wag naman. Kasi kung babalik pa s'ya, pa'no ko na lang magagawa ito?" Magtatanong pa sana s'ya kung ano ang ibig kong sabihin pero hindi na s'ya naka-imik nang ipulupot ko ang mga braso ko sa leeg n’ya sabay higit sa kan'ya upang tuluyan nang mag-dikit ang aming mga labi.
Narinig ko na lang na napa-ungol si Debbie tapos sabay kaming naglakad papunta sa swivel chair n'ya at naupo s'ya dito, samantalang sumampa naman ako sa kandungan n'ya.
Hindi pa rin namin pinuputol ang aming halikan maliban na lang nu'ng pareho na kaming kinapos ng hininga. Pero nananatiling magkadikit ang mga noo namin at punong-puno ng pag-ibig ang aming mga titig sa isa't isa.
"Mahal kita, Debbie."
"Imposible. Dahil mas mahal kita, Eli."