POSIBLE bang gumising tayo isang araw tapos na-realize na lang natin na mahal na natin ang isang tao? Siguro, oo, lalo kung palagi kayong magkasama. Nakakakuwentuhan mo s’ya at habang lumalalim ang pagkakakilala mo sa kan’ya, tinuruan mo na rin ang puso mo na magustuhan sya sa lahat ng klase ng pagkataong meron s’ya.
Yan ang eksaktong damdamin ko kay Debbie na walang iba kundi ang boss ko. Pero alam ko na hindi kami puede dahil secretary lang ang tingin n’ya sa ‘kin. O, ‘di kaya kaibigan na makakausap at mahihingan ng payo tungkol sa mga bagay-bagay at hindi na ‘yun hihigit pa du’n.
Masakit pero sinabi ko sa sarili ko na hindi ko na palalalimin ‘yung nararamdaman ko para sa kan’ya. Na baka naguguluhan lang ako at nagpapadalos-dalos ng desisyon. Pero matapos kong makaramdam ng selos at panibugho sa tuwing nasa palagid ang asawa n’ya, napatunayan kong tinamaan na nga ng lintek ang puso ko na nagmamahal sa kan’ya!
Kung tatanungin n’yo ako kung ano ba ang espesyal kay Debbie, sasabihin ko marami. Maganda s’ya, given ‘yun. Nu’ng unang beses pa lang na nakita ko s’ya sa chapel, para na akong sinto-sintong napatitig sa kan’ya ng husto! Kahit ako ang nagsabi na nakatulala s’ya, hindi n’ya alam na natameme rin ako sa kagandahan n’ya.
At nang muli kaming nagkita sa kompanya n’ya noong nag-a-apply pa lang ako, ni katiting, hindi kumupas sa halip lalo pa ngang lumitaw ang pagiging diyosa n’ya. Tapos may pagka-flirty din s’ya sa ‘kin o sadyang clingy lang talaga kaya pa’no ko pipigilang wag ma-attach sa kan’ya?
Minsan gusto ko s’yang tanungin, bakit kailangan n’yang iparamdam sa ‘kin na espesyal ako sa kan’ya lalo na kapag wala ang asawa n’ya? Pinaglalaruan ba n’ya ako? O, ako itong umaasa at nag-a-assume tapos masasaktan lang ako sa dulo?
Hindi ako eksperto pagdating sa pag-ibig dahil wala pa naman akong nakakarelasyon. Kahit twenty-five years old na akong nabubuhay sa mundo, hindi ko naging priority ang i-involve ang sarili ko sa ibang tao in a romantic way. No wonder tatanga-tanga ako ngayong naranasan ko kung pa’no ba ma-in love.
“Eli, apo, bakit parang kulang na lang pasukan ng langaw ‘yang bibig mo? Hindi mo ba ‘yan ititikom?” Panira ng mood na sabi ni Lola. At dahil na-conscious na ako, kaagad kong tinikom ang bibig ko at tiningnan s’ya ng masama. Nakapangalumbaba kasi ako at hindi ko na lang namalayan na natulala na rin ako kaiisip pa’no ko pipigilan ang sarili ko na lalo pang mahulog sa boss ko. Hay, hirap!
“O, ayan, ang sama mo pa makatingin! Dukutin ko kaya ‘yang mata mong lintek ka.” Banta ni Lola kaya natawa ako. Kahit kelan, hindi makuha sa tingin ‘tong lola ko, oo!
“Pero ano ba kasing problema mo? Napapansin ko, kanina ka pa wala sa sarili. Saka maaga ka na namang umuwi. Hindi ako sanay dahil madalas kang nag-o-overtime kasama ang boss mo. Sino nga ba ‘yun, ‘yung maganda na naghahatid sa ‘yo rito?”
“Debbie po ang pangalan n’ya, La… At tama kayo dahil hindi na nga kami madalas mag-overtime dahil busy s’ya ngayon. In fact, ilang araw na s’yang wala sa office namin dahil kasama n’ya ang asawa n’ya sa isang event.” Sabi ko habang binabalikan sa alaala ko ‘yung araw na sinabi ni Debbie na isang linggo rin s’yang mawawala dahil may aasikasuhin sila ni Sir Vincent. Hindi ko alam bakit bigla akong nalungkot nu’n samantalang asawa naman n’ya ang kasama n’ya.
“Bakit mukha kang malungkot? Miss mo na ba ang boss mo?” Pagsasa-vocal ni Lola sa feelings ko. Dahil du’n, nag-blush ako ng todo!
“Aha, tama ako!” Sabi pa n’ya sabay tawa. Kahit kelan napaka-mapang-asar ng lola ko!
“Natural lang ‘yun, Lola, kasi walang nag-uutos sa ‘kin o ‘di kaya nagagalit kapag mabagal ako kumilos o kapag natutulala ako dahil wala akong naiintindihan sa sinasabi n’ya…” Dipensa ko pero hindi naniniwala sa ‘kin ang reaksyon ng mukha ng lola ko. Patay tayo d’yan. Magaling pa man din itong bumasa ng iniisip.
“Maniwala ako sa ‘yo, Eli. Kilala kita, apo. Alam na alam ko ‘yang hilatya ng bituka mo! Sa ‘kin ka lumaki kaya alam ko kapag nagsisinungaling ka.” Tumawa muna ako para kunwari hindi ako affected.
“Ano po bang pinagsasabi n’yo? Hindi po ako nagsisinungaling, Lola. Totoo ‘yung mga sinabi ko sa inyo tungkol sa boss ko.” Dipensa ko. Pilit kong kinukumbinsi si Lola na maniwala sa ‘kin dahil hindi ko alam ang gagawin sakaling pilitin n’ya akong magkuwento. Baka may masabi pa akong kung ano, mahirap na.
“Ewan ko ba naman sa ‘yo pa’no mo ‘ko pinipilit kumbinsihin sa mga dahilan mo kahit hindi naman talaga yun ang totoo! Sabihin mong wala akong napapansin, pero hindi ako estatwa! Oo nga, matanda na ako, may edad, pero hindi ko naabot ang gan’tong estado ng buhay ko sa mundo kung hindi ko minsang naranasan ‘yang pinagdaraanan mo ngayon, apo! In lab ka, ‘no? Aminin mo na! Kanino? Du’n sa boss mo? Ano nga bang ngalan nu’n? De…bbie. Oo, kay Debbie!”
“Lola, tumigil na po kayo! Ano bang sinasabi n’yo? Imposible ‘yan dahil boss ko s’ya bukod du’n may asawa na s’yang tao!”
“Narinig ko ‘yung tsismisan n’yo ni Kina, sabi mo hindi magkasama sa bahay ‘yung mag-asawa. Ibig sabihin, hiwalay na sila kaya ganu’n!” Sabi ni Lola sabay palakpak. Ayos, parang nanalo sa bingo ang reaksyon ng mukha n’ya! Makangisi pa wagas!
“Lola, magkasama sila ngayon du’n sa event na pinuntahan nila, ‘di ba? Saka wala akong sinabi na hiwalay na sila. Kayo lang ni Kina ang nag-assume na ganu’n nga porke hindi sila magkasama sa bahay. Anong malay natin, meron pa pala silang ibang bahay kung saan du’n, magkasama na sila. Wag naman po tayong mag-isip ng hindi sigurado kasi kawawa naman sila kung ija-judge na natin.” Saway ko kay Lola at pinigil ko ang sarili ko na matawa dahil inismiran n’ya ako pagkatapos. Pambihirang matanda, attitude!
“At tungkol naman po du’n sa sinasabi n’yong in love ako sa kan’ya… Hindi po ‘yun totoo, Lola.”
Pagsisinungaling ko.
***
“ALAM MO ELI, ang ganda du’n sa pinuntahan namin ni Vincent. Nagkataon kasi na nasa area lang ‘yung place at matagal ko nang pangarap na makapunta du’n para makapag-beach at mag-relax! Pero hindi naman natutuloy dahil busy sa work. Hayaan mo sa susunod, isasama kita du’n para ma-experience mo.” Masayang kuwento ni Debbie sa ‘kin matapos n’yang pumasok sa opisina kanina.
Lumagpas ng isang linggo na wala s’ya at aaminin kong sobrang na-miss ko ang prisensya n’ya. Masaya rin ako dahil mukhang nakapag-relax s’ya ng husto. Kitang-kita kasi ang ningning sa mga mata n’ya. Pero habang unti-unting nagsi-sink in sa isip ko na magkasama sila ni Sir Vincent sa sinasabi n’yang pangarap na lugar na gusto n’yang puntahan habang nagbabakasyon, parang may kung anong mabigat na bagay ang dumadagan sa dibdib ko dahilan para kapusin ako ng hininga!
Huli na nang mamalayan kong napapakagat na ako ng labi para lang pigilan ‘yung luha ko dahil inis na inis na ako! O, puede ko bang sabihin na selos na selos na ako? Kung puede lang, bakit hindi, ‘di ba?
“Eli, what’s wrong?” Anya. Bakas sa boses n’ya ang pag-aalala. Para naman akong nahugot mula sa pag-iisip ng malalim papunta sa realidad.
“Are you okay? Mukha kasing dudugo na ‘yang labi mo sa diin ng pagkakakagat mo. May problema ka ba?” Dagdag pang n’yang tanong. Lumunok muna ako ng laway saka ko inisip ng mabuti ang isasagot. Dapat hindi rin ako mag-stutter dahil sakit ko na talaga ‘yun kapag kinakabahan.
“Masama lang po ang pakiramdam ko kaya…” Hindi ko natapos ang sinasabi ko nang bigla kong maramdaman sa noo at leeg ko ang malambot na kamay ni Debbie.
“Wala ka namang lagnat. Pero mainit ka. Gusto mo bang ihatid na kita sa inyo para makapagpahinga ka?” Nag-aalala n’yang sabi. Bigla tuloy akong nakonsensya kasi ayokong nakikita na nagwo-worry s’ya, lalo na sa ‘kin dahil pakiramdam ko hindi ko deserve na pag-aksayahan n’ya ng ganu’ng klase ng concern.
“Ayos lang po ako. Kaya ko naman po, wag kayong mag-alala. Uhm… kung wala na po kayong sasabihin, babalik na po ako sa computer ko dahil may i-e-encode pa po ako du’n. Baka kasi hanapin n’yo na sa ‘kin, eh, hindi ko pa tapos.” Natawa pa ako para lang i-assure s’ya na ayos lang ang lahat pero nanatiling seryoso ang tingin n’ya sa ‘kin.
“Ayoko sa lahat ‘yung nagsisinungaling sa ‘kin.” Sabi n’ya dahilan para magtindigan ang mga balahibo ko sa katawan. Kahit kailan, nakakatakot magalit ang boss ko! At huli na para tawagin ko lahat ng santo dahil mukhang nababasa n’ya ang iniisip ko.
“Hindi po ako nagsisinungaling, Miss—”
“Ilang beses ko bang dapat sabihin sa ‘yo na Debbie ang itawag mo sa ‘kin pag tayong dalawa lang? Hindi ka ba talaga marunong umintindi o kailangan ko pang ulit-ulitin para lang ma-gets mo?” Aamin ko, medyo masakit ‘yung mga sinabi n’ya. At feeling ko na-realize din n’ya ‘yun dahil bumuntong-hininga s’ya tapos nilapitan n’ya ako.
Hindi na ako nakatingin sa kan’ya dahil ayokong makita n’ya na naiiyak na ako. Pero pasaway ang babaeng ‘to dahil hinaplos n’ya ang pisngi ko at kinumbinsi n’ya akong tingnan s’ya. Dahil ayoko s’yang magalit, sinunod ko ang gusto n’ya. Nang magsalubong ang tingin namin, kitang-kita ko na apologetic s’ya.
“I’m sorry, hindi ko sinasadyang sigawan ka o pagsalitaan ng hindi maganda. Masyado lang akong na-frustrate kasi feeling ko kanina mo pa ako iniiwasan simula nang magkita tayo rito sa opisina. Tapos nu’ng nagkukuwento ako, parang lumilipad sa ibang lugar ang isip mo. Naisip ko tuloy na hindi ka interesado. Alam ko na office hours ngayon pero dati naman walang kaso kung nakakapagkuwento ako ng ibang bagay sa ‘yo outside work, ‘di ba?”
“Wala naman po talagang kaso ‘yun at interesado po akong marinig ang kuwento n’yo tungkol sa pinuntahan n’yo ni Sir Vincent…” Pagkasabi ko nu’n, nagsalubong ang kilay n’ya.
“Yeah? Pero hindi ko kasama si Vincent sa pinuntahan ko. Hinatid lang n’ya ako du’n sa lugar tapos naghiwalay na kami. Basically, ako lang talaga ‘yung nagbakasyon. Walang kami.” Sabi n’ya sabay ngisi.
Oh, well... Fudge.