ARAW NG LINGGO, wala akong pasok sa office at nasa bahay namin ngayon si Kina para mambwiset este bumisita. Close din kasi s'ya kay lola at parang apo na rin ang turing nito sa kan'ya. Nagmaktol kasi sa 'kin si Lola nu'ng nakaraan na kesyo miss na raw n'ya si Kina at sawa na s'ya sa pagmumukha ko kaya papuntahin ko naman daw ang kaibigan ko sa bahay. Grabe, minsan napapatanong ako kay Bathalang Emre kung lola ko ba talaga s'ya o isa s'yang Hathor na nagkukunwaring tao. Haha, sorry, napunta na tayo sa Encantadia.
So anyway, matapos magkumustahan nina Lola at Kina, ako naman ang kinukulit n'ya ngayon na magkuwento tungkol sa inuman session namin ni Debbie, also known as my boss. Nabanggit ko kasi sa kan'ya ang tungkol du'n last time kaya 'di na n'ya ako tinantanan hangga't hindi ko inilalahad ang buong pangyayari. Ayos din talaga, parang SOCO lang ang peg.
"Sure ka ba na natulog lang kayo nu'ng nalasing s'ya?" Nakangisi n'yang tanong sa 'kin dahilan para tumaas ang isang kilay ko. Busy pa naman ako sa pagluluto ng pancit canton at inaantay ko na lang kumulo ang tubig tapos bigla s'yang magtatanong ng ganu'n.
"Oo. Teka nga, ano pa bang gusto mong gawin namin?" Tanong ko habang ginugupit ang sachet ng mga seasonings.
"Napaka dumi mo talagang mag-isip." Sabi n'ya. Nilingon ko s'ya at pinamewangan. Balak ko sanang itapon sa kan'ya ang gunting na hawak ko pero pinandilatan n'ya ako ng mata.
"Ako pa ang marumi mag-isip samantalang ikaw ang marumi magtanong?" Singhal ko sabay intindi sa niluluto ko. Kumulo na kasi ang tubig at isa-isa ko nang nilagay du'n ang mga pancit canton
"Curious lang naman ako kasi sabi mo sa 'kin dati ang ganda at ang hot ng boss mo. Na kahit nasa 30's na s'ya at married, mala-Diyosa pa rin ang katawan n'ya at ang kinis-kinis ng balat— aray, punyeta naman, Eli!" Sigaw n'ya matapos ko s'yang kurutin. Busy s'ya sa pagdaldal kaya 'di na n'ya namalayan na nakalapit na ako sa kan'ya.
"Isusumbong kita kay Lola, sige ka!" Maktol n'ya habang hinihimas ang braso kung sa'n ko s'ya kinurot. Mukha s'yang nakakaawa pero hindi n'ya ako mauuto. Padabog kong nilapag sa mesa ang pinggan na naglalaman ng mainit-init na pancit canton at kinuha ko ang nakasabit na plastic ng pandesal na binili ko kanina at nilapag ‘yun sa mesa. Nagtimpla din ako ng dalawang tasa ng 3 in 1 na kape at nang maiayos ko na ang almusal namin, hinila ko ang upuan at naupo katapat n’ya. Du'n ko na s'ya pinagtapunan ng pansin.
"Kumain ka nga lang at wag nang kung ano-ano na ang sinasabi mo." Saad ko. Sinimangutan naman ako ni Kina habang nagsasandok ng pancit canton. Nagpalaman naman ako sa tinapay sabay kagat at nguya rito.
"Sinabi mo naman talaga 'yun, nakalimutan mo na ba?"
"Oh, eh ano naman ang kinalaman ng kagandahan n'ya sa marumi mong tanong?"
"Hay, naku. Kalimutan mo na nga 'yun! Eh, ang ibig kong sabihin, wala ka bang nasagap na tsismis? Sabi mo 'ka mo, hindi nakatira sa bahay n'ya ang husband n'ya? Bakit kaya? Di ba, mag-asawa sila? OMG, 'di kaya?"
"Wag kang mag-assume hangga't hindi mo alam ang totoo. Saka wala na tayo du'n, Kina."
"Curious lang naman ako. Ikaw ba, hindi ka nagtataka?" Magsisinungaling ako kung sasabihin kong hindi pero isa sa natutunan ko ay itikom ang bibig ko kung wala rin akong mabuting sasabihin. Hindi magandang ugali ang maging marites katulad ng mga tao sa opisina namin. Saka kinabukasan nang magising ako nu'n, nakapagluto na ng breakfast si Debbie at tahimik lang kaming kumain. Nag-sorry lang s'ya at nag-thank you sa 'kin dahil sinamahan ko s'ya tapos hinatid na n'ya ako sa 'min at pinayagan na ma-half day since late na ako pagpasok sa office.
"Baka naman hiwalay na sila, palagay mo?" Napukaw ang atensyon ko matapos magsalita ni Kina. Napatingin tuloy ako sa kan'ya. Actually, naisip ko na rin 'yun pero magkasama naman silang mag-asawa sa event last time. Nga lang, hindi sila sabay umuwi. Tapos naglasing pa si Debbie. Posible kayang hindi sila in good terms? Pero, again, ano naman ang pakialam ko du'n? Ni hindi nga s'ya sumagot nu'ng tinanong ko kung bakit s'ya naglalasing. Marunong naman akong umintindi na hindi s'ya kumportableng pag-usapan ang bagay na ‘yun kaya ba't ko ipipilit?
"Kung anoman ang status ng relasyon nila, sa kanila na lang 'yun."
"Ano ba 'yan? Panget mo naman ka-bonding." Dismayado ang boses ni Kina pagkasabi n'ya nu'n. Inirapan ko naman s'ya sabay subo sa tininidor kong pancit canton. Tapos naisip ko na s'ya ang titinidurin ko kapag nangulit pa s'ya ulit sa 'kin. Brutal na kung brutal.
***
"IKAW, Eli, ano ba ang pangarap mo?" Napatingin ako kay Debbie dahil out of the blue nagtanong s'ya sa 'kin ng ganu'ng bagay.
Nga pala, nandito kami ngayon sa conference room at katatapos lang ng management meeting namin na pinangunahan n'ya. Grabe, sa sobrang tatas manalita ng babaeng ito kanina, kahit 'yung pinaka-tamad at pinaka ma-attitude na supervisor ay napapasunod n'ya.
Ang dami nilang pinag-usapan pero isa sa nagustuhan ko ay ang pangarap n'ya para sa company. Damang-dama ko 'yung malasakit n'ya hindi lang sa personal n'yang interes kundi maging sa mga tauhan n'ya. Nito ko lang din kasi nalaman na s'ya ang nagpalago ng company na 'to, originally, sa tatay n'ya ito pero papalugi na nang i-take over n'ya after n'yang maka-graduate sa college. Twenty-two lang s'ya that time. At sa loob ng labing dalawang taon na pamumuno n'ya, lalong lumago at umunlad ang kumpanya nila.
"Pangarap para sa sarili ko?"
"Oo. May pangarap ka ba? Natanong ko kasi napag-usapan natin ang tungkol sa mga pangarap kanina. Saka curious din ako." Ramdam ko ang sincerity sa boses n'ya kaya naisip kong harmless naman 'yung tanong. Pero, at the same time, napaisip din ako dahil meron nga ba talaga akong pangarap?
Lahat kasi ng tao, kapag tinanong mo, may maisasagot. Kahit nga mga bata, ang daming gusto paglaki nila. Karamihan may gustong mangyari sa buhay nila, mga lugar na gustong puntahan at bagay na gustong subukan. Pero ako, ano nga ba ang pangarap ko?
"Ang gusto ko lang magkaroon ng kumportableng buhay ang lola ko habang magkasama pa kami. Wala po akong ibang pangarap dahil hindi naman ako nakapagtapos ng college. Ni makatuntong nga po sa university, hindi ko na nagawa dahil maaga akong nawalan ng magulang." Sagot ko habang nakatingin sa sahig. Pero wala akong narinig na response mula kay Debbie kaya napatingin ako sa kan'ya.
Kitang-kita ko na lumambot ang ekspresyon ng mukha n'ya sabay tango. Alam ko at ramdam ko na naiintindihan n'ya ang ibig kong sabihin kahit hindi na ako magpaliwanag. Ayos na 'yun dahil hindi rin ako ganu'n katapang para pigilan ang mga luha ko sakaling ipakuwento n'ya sa 'kin ang talambuhay ko. Ewan ko, siguro may mga tao talagang ganu'n. Tipong hindi pa rin nakaka-move on kahit na ilang taon na simula nang mangyari 'yung bagay na ikinalulungkot nila.
"Kung nasa'n man ang parents mo, proud sila sa 'yo." Sabi n'ya sabay pisil sa kamay ko.
"Siguro 'yung nanay ko lang po. Pero 'yung tatay ko, hindi ko alam. Bata pa lang ako, iniwanan na n'ya kami ni Nanay. Sumama s'ya sa ibang babae at pinagpalit kami. Simula nu'n, hindi na ako naging interesado sa kan'ya." Malungkot at mapait kong saad.
"I'm sorry kung natanong ko pa."
"Naku, wala po 'yun! Saka matagal na rin 'yun. Hindi ko na masyadong iniisip sa ngayon." Punong-puno ng assurance ang boses ko. Wish ko lang sana makumbinsi ko s'ya dahil hindi ko na alam kung ano pa ang sasabihin ko kung sakaling magtanong pa s'ya ulit. Ang totoo, hindi pa rin ako nakaka-move on sa pangangaliwa ng tatay ko. At ang masahol pa, iniwanan n'ya kami ni Nanay. Pinabayaan n'ya kami kaya kinailangang magkayod-kalabaw ng nanay ko sa pagtatrabaho nu'ng araw dahilan para maaga s'yang magkasakit ng malubha at mamatay.
"Minsan may mga tao talaga na hindi marunong makuntento sa kung ano'ng meron sila. Naghahanap pa sila ng iba at hindi nila iniisip na may nasasaktan sila." Sabi ni Debbie. Damang-dama ko na hugot na hugot s'ya sa sinabi n'yang iyon. Pero hindi na ako nagtanong sa halip iniba ko na ang takbo ng usapan namin. Binalikan ko yung tanong n'ya sa 'kin kanina.
"Ikaw po ba, bukod sa pangarap mo sa company, meron pa ba kayong gustong makamit sa buhay? Natanong ko kasi parang nasa inyo na po ang lahat. May mahihiling pa ba kayo?" Tanong ko. Nakita ko naman na napangiti s'ya bago inayos ang mga folders na nakakalat sa mesa. Naghanda na rin ako sa paglabas namin sa conference room. Pero bago 'yun mangyari, sinagot n'ya ang tanong ko.
"Magkaro'n ng baby. Yun ang pangarap ko." Pilya n'yang saad. Tumango na lang ako bilang pagsang-ayon.
Wow. Very random.
Lalo lang tuloy nadagdagan ang katanungan sa isip ko kung bakit hanggang ngayon wala pa rin silang anak ng asawa n'ya. Ilang taon na ba silang kasal? May problema ba sila kaya hindi sila makabuo?
Wait.
Di ba, sabi ko hindi ako magiging marites? Pero hirap kasi pigilan! Tsismis is life.