Kabanata 1

1362 Words
Sa isang mainit na umaga, makikita ang isang matabang babae na nakatayo sa harap ng isang salamin. Nakatitig lamang ito sa kanyang repleksyon, minamasdan ang kanyang kutis na maputi, ang kanyang maiikling bisig, ang kanyang matabang katawan, ang kanyang bilugang mukha, ang kanyang singkit na mga mata, at ang kanyang mga tigyawat sa mukha na kanyang tinatakpan ng foundation at make-up. Huminga ito nang malalim bago niya kunin ang kanyang salamin at isuot. “Kaya mo ’to, Alexa! Okay na ’to!” saad nito sa kanyang sarili. Kumuha ito ng lipstick at agad na ginamit sa kanyang labi. Nakasuot ito ng kulay pink na floral dress, habang nakasabit sa kanyang balikat ang kanyang puting sling bag. Ngumiti ito bago magsimulang maglakad palayo sa salamin. Ngayon ay Araw ng mga Puso kung kaya’t nakabihis-pang-alis si Alexa Maine Dela Cruz, handa para sa magiging date nito sa isang lalaking hinahangaan ng lahat. Kahit na sa ganitong itsura ni Alexa, ay nakuha niya pa ring mapaibig ang pinakaguwapong nilalang sa Denzelberg High Academy, kung saan nag-aaral ang dalawa. “Ate! Aalis na po ako!” paalam nito sa kanyang kapatid. “Sandali lang,” pigil nito kay Alexa. “Bakit po?” Tinitigan lamang ng kanyang kapatid si Alexa, mula ulo hanggang paa, bago ngumiti. “Saan ka pupunta?” Huminga nang malalim si Alexa bago niya sagutin ang kanyang nakatatandang kapatid. “May date ako, Ate Sheena! Grabe! Hindi ko talaga ’to ine-expect, ate! In-ask ako ni Jeremy ng date last time, eh… Alam mo naman na matagal ko nang crush si Jeremy, ate, ’di ba?” Ibinaba ni Sheena ang kanyang hawak na walis bago ngumiti muli. “Oo nga. Sabi mo sa akin.” Napakunot-noo naman si Alexa sa sagot ng kanyang kapatid. “Bakit po, ate? Bakit parang hindi ka masaya?” tanong nito. “Masaya naman ako, Alexa. Pero… sigurado ka ba talaga?” Napatigil si Alexa sa pagngiti at napalitan ito ng pagtataka. “Sigurado ka ba talagang hindi ka lolokohin niyan ni Jeremy?” tanong nito. “Opo, ate… Halos two weeks na kaming nag-uusap ni Jeremy. Kung lolokohin niya po ako o hindi po siya sigurado sa akin, sana una pa lang po hindi niya na ako kinausap,” sagot naman ni Alexa. “’Wag ka pong mag-alala, ate! Kaya ko sarili ko! Promise!” Nagtaas ito ng kanyang kanang kamay na tila ba nanunumpa siya sa watawat na nagpatawa sa kanyang kapatid na si Sheena. “Sige. Alam mo naman, bilang kapatid mo, nag-aalala lang ako sa anong gagawin nila. Paano ako hindi mag-aalala, lagi kang umuuwi na umiiyak, minsan sinasabi mo binubully ka. Kaya siguro hindi ako nagtitiwala sa mga taong nakakasama mo minsan. Kasi ayokong nasasaktan ka.” Agad namang nilapitan ni Sheena ang kapatid at niyakap. Pagkatapos yakapin ni Sheena ang kapatid ay tumingin ito sa kanya. “I love you, Alexa.” Ngumiti naman si Alexa at sumagot ng, “I love you too, ate. Promise! Bago na po ito ngayon! Hindi na ako masasaktan!” sabi nito. “Oh sige na. Mag-enjoy ka, ah.” Muling namaalam si Alexa bago umalis ng kanilang bahay. Naiwan naman si Sheena na nag-aalinlangan pa rin hanggang ngayon, dahil alam niya sa sarili niya na may hindi magandang mangyayari, ngunit kailangan niyang maging matatag, magtiwala, at ngumiti na lamang para hindi masaktan pa lalo ang kanyang kapatid. Pagkatapos ay nakarating na rin si Alexa sa kanilang campus na tila ba umakyat pa ng bundok sa sobrang gulo ng kanyang buhok at sa sobrang alikabok ng kanyang damit, sa tagal ng kanyang biyahe dahil sa traffic. Maraming tao ang lumalabas ngayong Araw ng mga Puso kung kaya’t matagal ang kanyang pagdating sa eskwelahan, ngunit kahit gaano ito kainis sa naranasan ay napalitan ito ng saya at kilig nang makita niya si Jeremy sa kabilang dulo na may dala-dalang bouquet of flowers. Agad na inayos ni Alexa ang kanyang sarili—sinuklayan ang kanyang buhok at pinagpagan ang kanyang damit. Inilabas niya ang isang gift box mula sa kanyang bag na pinag-ipunan niya pa para bilhin at ibigay kay Jeremy. “Sana magustuhan mo ito, Jeremy. Sigurado akong matutuwa ka!” bulong nito sa kanyang sarili habang nakatingin sa gift box. Agad itong naglakad papalapit kay Jeremy, ngunit bago pa siya tuluyang makalapit ay napatigil ito nang makita niyang ibinigay ni Jeremy ang bouquet of flowers sa isang babae at agad na hinalikan sa labi. Natulala si Alexa at naramdaman niya ang pagkadurog ng kanyang puso mula sa kanyang nakita. Tila ba bumagsak ang kanyang mundo, tila ba pinisil ang kanyang puso, tila ba tumigil ang kanyang mundo. Agad niyang nabitawan ang gift box na bumagsak sa sahig, dahilan upang mahulog ang laman nito—isang relo. Isang mamahaling relo na pinag-ipunan ni Alexa sapagkat isa ito sa mga gusto at hiling ni Jeremy. Ngunit dahil mahal na mahal ni Alexa si Jeremy, taos-puso niyang isinakripisyo ang kanyang buong ipon upang bilhan si Jeremy ng relo na ngayon ay tila ba wala nang silbi o halaga pa. Napatingin naman si Jeremy at ang babaeng kasama nito sa kanya. “Alexa,” saad ni Jeremy sa gulat. Agad na napagalaw si Alexa sa kanyang kinatatayuan at kinuha dali-dali ang relo at inilagay muli sa kahon. Lumapit si Alexa sa kanilang dalawa at pilit pang ngumiti. “Sino siya?” tanong ni Alexa kay Jeremy, tinutukoy ang babaeng hinalikan nito. Kahit na obvious naman kung sino ang babae ay nagmatapang pa rin si Alexa, umaasang lahat ng kanyang nakita ay biro lamang. Tumingin naman si Jeremy sa babae at agad itong hinalikan muli sa labi. “She’s my girlfriend.” At sa oras na marinig ni Alexa ang mga salitang iyon, naramdaman niya muli ang kirot sa kanyang puso na tila ba hindi siya makahinga. “Akala mo ba magugustuhan ka ni Jeremy, Alexa? Hindi! It is all just a plan or a prank para naman magising ka sa sarili mo na hindi ka magugustuhan ng kahit na sinong lalaki dahil sa itsura mo! Umasa ka ba talaga? Naniwala?” saad naman ng babae na agad pinagtawanan ang sitwasyon ni Alexa. “Come on. Wake up, babe. You’re fat. You’re ugly. And you still think may gustong bumahay sa ’yo? Look at me—ako ang type ni Jeremy! Sexy, maganda, maputi, at higit sa lahat, payat. Unlike you.” Tila ba umikot ang paligid ni Alexa sa hindi mapaniwalaang mga salitang kanyang narinig. “Para sa ’yo. Happy Valentine’s,” saad ni Alexa at ibinigay ang gift box kay Jeremy. Hindi niya pinansin ang sinabi ng babae, kaya’t nakatitig lamang muli ito kay Jeremy. Agad namang kinuha ni Jeremy ang gift box at nagulat sa kanyang nakita. “Yuck. Nakuha mo pa talagang magbigay ng basag na relo?” saad ng babae. “Please, Jeremy. Sabihin mo hindi totoo ang sinasabi niya,” tinutukoy ni Alexa ang mga binanggit ng babae. “Bingi ka ba o nagtatanga-tangahan lang?” tanong naman ng babae na hanggang ngayon ay hindi pa rin pinapansin ni Alexa. “Gusto kong marinig mismo galing sa ’yo, Jeremy… Totoo ba ’yon?” Napansin ni Alexa na maraming tao na ang nakapaligid sa kanila—nakikinig sa usapan at sa nangyayari. Ang iba ay nagtatawanan, ang iba ay nagvi-video, ngunit ni-isa, wala man lang naawa sa sitwasyon niya ngayon. “Oo. Dare lang lahat ng ’yon, Alexa. Hindi kita gusto, hindi kita mahal, lahat ng meron tayo wala lang ’yon. Ang taba-taba mo! Ang panget mo pa! Hinding-hindi kita magugustuhan. So ’wag mo na ulit akong kausapin.” At sa oras na iyon, ang poot ng kanyang puso ay napalitan ng pagkawala ng hangin sa kanyang paligid. Sumikip ang kanyang dibdib at hindi siya makahinga. Napahawak ito sa kanyang dibdib. Maya-maya pa, bumagsak si Alexa sa lapag at nagulat ang mga taong nakapaligid sa kanya. Nawalan ng malay si Alexa at agad na bumagsak ang kanyang katawan sa sahig, ngunit walang pakialam sina Jeremy at ang babaeng kasama nito. “Tara, babe?” yaya ng babae. “Tara,” sagot ni Jeremy. Agad namang naglakad palayo ang dalawa, iniwang mag-isang nakalugmok sa lapag si Alexa.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD