Pagdating ni Jeon sa lugar kung saan gaganapin ang meeting nina Oscar Datiles at ng iba pa, nakita niya agad ang kaniyang tiyuhin na kausap ang mga tao na sa tingin niya ay bigatin sa larangan ng negosyo. Agad siyang dumiretso sa kumpulan ng mga ito at nagpakilala.
“Jeon Datiles ho, pamangkin ni Oscar Datiles,” pakilala niya sa mga kasama ng tiyuhin. Inilahad nito ang sariling kamay upang makipagkamay.
“Siya pala ang matalinong pamangkin mo, Oscar. Hindi lang matalino, magandang lalaki pa,” puri ng isang negosyante sa kaniya.
“Salamat ho.” Tipid nitong nginitian ang kaharap.
“Papunta rin dito ang anak kong babae. Baka gusto mong ipakilala kita.”
Hindi sumagot si Jeon, bagkus humarap siya kay Oscar at sandaling nagpaalam. Binalingan niya rin ang mga kasama nito bago tuluyang umalis.
“Pasensya na Mr. Reynante. Walang oras ngayon ang pamangkin ko para sa mga babae. Abala siya sa aming negosyo at sa kaniyang nag-iisang anak,” hinging paumanhin ni Oscar sa kausap na halatang nag-iba ang reaksiyon ng mukha.
Samantala, nagtungo si Jeon sa mahabang mesa at tumikim ng ilang pagkain. Luto iyon ng mga magagaling na Chef na nagtatrabaho sa restaurant ni Tristan. At hindi niya alam iyon.
“Jeon!”
Napalingon bigla si Jeon nang marinig ang taong tumawag ng kaniyang pangalan.
“Bakit narito ka?” pagtataka niyang tanong sa lalaki.
“Bakit? Ikaw lang ba ang pamangkin ni Tito Oscar? Baka nakakalimutan mo na parang pamangkin na rin ang turing ni Mr. Datiles sa akin simula nang ipakilala mo ako sa kaniya.”
“Pero hindi mo linya ito, Tristan. Umalis ka na nga lang dito,” pagtataboy niya sa kaniyang pinsan.
“Hindi puwede, Jeon. Ako ang inutusan ni Tito Oscar na asikasuhin ang meeting na ito. Tinawagan niya ako noong isang araw pa kaya ’di ako aalis. Kailangan ko ring tingnan nang maigi ang trabaho ng mga tauhan ko. Mga bigating tao ang mga kakilala ni Tito Oscar. Malay natin, magustuhan nila ang serbisyo ko.”
“Maghahanap ka lang ng babae.” Ngumisi si Jeon at halatang tinutukso si Tristan. Tinapunan pa niya nang matalim na titig ang huli pagkatapos.
“Oh! Huwag mo akong tingnan nang ganiyan,” sabi ni Tristan sabay turo kay Jeon.
“Tama ako hindi ba?”
“Sa kabilang banda, tama ka. Pero sa halip na makakakita ako ng magaganda, halos lalaki lahat ang nandito at mga may edad pa. Nagsisisi tuloy ako kung bakit pa ako nanatili at sumunod kay Tito Oscar. Nariyan ka naman.”
“Sabi ko naman sa iyo, umalis ka na lang. Wala kang mabibiktima rito dahil lahat ng mga taong narito, mga negosyante. At lahat naman ng empleyado mo ay magagaling kaya hindi mo na kailangang tingnan pa.”
“Tama! Pero sa tingin ko naman, hindi masasayang ang pananatili ko dahil baka may makikilala ako na gustong kunin ang serbisyo ng restaurant ko. Alam mo naman, the best ang mga luto ng mga chefs ko. Kaya, rito na muna ako.”
“Talaga bang mga crew mo ang mga iyan?” tanong ni Jeon na tila hindi naniniwala kay Tristan.
“Oo. At tutulungan ako ni Tito Oscar na mas palaguin pa ang restaurant na hawak ko. At siyempre, nariyan ka rin naman.”
Maya-maya may parating na waiter at may dalang dalawang baso ng alak na inilagay sa isang malapad na serving tray. Dumaan ito sa mismong harapan ng mag-pinsan. Pinigilan ni Jeon ang waiter para kumuha ng dalawang baso. Ang isa ay para sa kaniya at ang isa naman ay ibinigay kay Tristan.
“Salamat.” Itinaas ni Tristan ang baso na may alak na ibinigay ni Jeon sa kaniya at nakipag-toast.
“Siyanga pala, kumusta na ang ipinapapagawa ko sa iyo?” maya-maya’y tanong ni Jeon at ang tinutukoy nito ay ang pinag-usapan nila kagabi.
Nakuha naman agad ni Tristan ang itinatanong ni Jeon sa kaniya. “Hey! Kagabi mo lang sinabi sa akin iyan, ah! Malamang, wala pa akong maibibigay na detalye sa iyo.”
“Akala ko ba, mabilis ka? Sa mga babae lang pala.”
“Hindi mo sinabing urgent pala ang ipinapagawa mo. Sana nakiusap ako sa kakilala kong magaling mag-imbistiga.”
“Pulis ba iyon? Huwag, mayayari ako. Kami ni Tito Oscar.”
“Huwag kang mag-alala. Kilalang-kilala ko iyon at hindi pulis. Matapat sa akin dahil sa marami na rin akong naitulong sa kaniya. Hayaan mo, mamayang gabi, kokontakin ko ang taong iyon at nang makatulog ka na nang mahimbing.”
“Hindi naman sa ganoon. Ayaw ko lang na maghirap ang mga taong naiwan ng mag-asawang iyon.” Pagkatapos ay tumikhim siya ng alak.
“Bukas na bukas, may malalaman ka na.”
“Mabuti. Aasahan ko iyan.”
“Oo naman, ako pa!”
“Sige, rito ka na muna. Pupuntahan ko lang si Tito Oscar,” anas niya at tinanguan lamang siya ni Tristan.
Ngunit nakailang hakbang pa lang si Jeon nang pigilan siya ng isang seksing babae. Hindi niya ito kilala.
“Hi!” bati nito sa lalaki. Lumapit na para bang kilala niya si Jeon.
Hindi kumibo si Jeon, sa halip tiningnan niya lang ito mula ulo hanggang paa.
“Mr. Jeon Datiles, tama?” tanong nito. “Ako nga pala si Lhiana. Anak ako ni Mr. Reynante, iyong kausap mo kanina.”
“Kanina ka pa pala nandito?” naitanong ni Jeon.
“Hindi naman.”
“Bakit mo alam na magkausap kami ng papa mo?”
“Nakita ko kayo. Hindi nga lang ako lumapit. Ayaw ko kasi na makihalubilo sa mga taong puro negosyo na lang ang inaatupag at iniisip. Mapilit lang talaga si Papa.”
“Well, I suggest na umalis ka na at huwag mo na akong kausapin dahil kagaya rin ako ng papa mo.”
“Mali ka. Atleast ikaw . . .” marahan siyang lumapit sa lalaki. Tinabihan niya at hinawakan ang kanang balikat nito. “Iba ka. Kahit buong araw mo pa akong kuwentuhan tungkol sa negosyo, okay lang. Guwapo naman ang kaharap ko.”
Dumistansiya si Jeon kay Lhianna. Umiwas sa kakaiba na nitong hawak. Pakiramdam niya kasi tinutukso siya ng babae. At ayaw niya nang ganoon.
“Alis na ako.” Tinalikuran ni Jeon ang babae subalit hinawakan nito ang braso niya at saka pinigilan.
“Puwede ba tayong magkita minsan?”
“Niyayaya mo ba akong makipag-date?” diretso niyang tanong kay Lhianna.
“Hm . . . parang ganoon na nga.”
“Sorry, pero wala akong panahon para riyan. Bukod sa negosyo, may anak akong inaasikaso. Sige.” Bahagya niyang iniwaksi ang ngayong nakapulupot na braso ni Lhianna sa kaniya.
Walang nagawa si Lhianna kundi ang hayaang talikuran at iwan siya ni Jeon.
“Next time,” sabi niya sa kaniyang sarili. Tila wala siyang balak na pakawalan pa ang lalaki at pursigidong maangkin ang puso nito.
Pagkatapos talikuran ni Jeon ang babae, nakita niyang may kausap si Oscar kaya naman hinintay niya na muna na matapos ang pinag-uusapan nito at ng isa sa mga negosyante. Pagkatapos ng ilang minuto, nilapitan niya ang tiyuhin.
“Pinapunta mo rin pala si Tristan dito.”
“Ah! Oo. Mabuti nang alam din niya ang pasikot-sikot sa negosyo natin. Dahil baka isang araw, bigla na lang akong mawala, siyempre kailangan mo nang kasama sa pagpapalakad sa nag-iisa kong negosyo.”
“Mawawala? Ano ho bang ibig n’yong sabihin, Tito?”
“Alam na alam mo ang kalakaran sa negosyo natin, Jeon. Posible tayong magkaroon ng kaaway lalo na ngayon, umuunlad na ito. Hindi kagaya noon na pipitsuging kompanya lang ang mayroon tayo. At nagpapasalamat ako sapagkat nariyan ka para tulungan ako.”
“Bukod sa tito ko po kayo, utang na loob ko rin po sa inyo ang lahat nang nakamit ko. Para sa akin, obligasyon kong suklian kayo sa mga kabutihang ibinigay n’yo sa akin at kay Sheen.”
“Ginusto ko iyon. Ayaw kong maranasan mo ang kahirapang natamo ng ama mo.”
“Pero Tito, sa tingin ko hindi na natin kailangang isali pa si Tristan sa ganitong negosyo. May sarili na siyang pinagkakikitaan. At wala ho siyang balak na ma-involve rito. Babae lang ang alam na kalabanin n’on.”
Natawa si Oscar sa sinabi ni Jeon. Maski siya ay alam niya rin na mahilig sa babae si Tristan.
“Ayos lang iyan. Matututuhan niya rin ang lahat ng ito sa huli. At saka, nariyan ka naman para turuan siya. Kagaya mo lang siya noon, wala pang kaalam-alam. Tingnan mo ngayon, malaki na ipinagkaiba mo noon kaysa sa ngayon.”
Natahimik si Jeon. Ang totoo, ayaw niya na masangkot si Tristan sa mga gawain na kung minsan ay kailangang depensahan ang sarili laban sa mga kaaway. Hindi biro ang ginagawa nila. Lakas at tibay ng loob ang kailangan. At si Tristan, babae lang ang kayang ipatumba at hindi kalaban.
Pero wala siyang magawa kundi sundin si Oscar. Malaki ang kaniyang respeto sa matanda at hindi niya ito kayang suwayin. Alam naman niya na kabutihan lang din ang nais nito para sa kaniya.
Gabi na nang matapos ang pagtitipon. Naunang umuwi si Oscar dahil sa kailangan pa nitong uminom ng kaniyang maintenance na gamot. At isa pa, hindi na nito kayang tumagal dahil baka aatakihin ng highblood. Tumataas lagi ang blood pressure ng matanda kapag nasobrahan sa pagod.
“Hey! Uuwi ka na ba?”
Nagtaka si Jeon nang marinig niya ang boses ni Tristan mula sa kaniyang likuran. Magkasalubong na mga kilay ang isinalubong niya sa pinsan na ginantihan naman nito ng pilyong ngiti.
“Bakit nandito ka pa?” pagtatakang tanong niya sa pinsan.
“Nagpaiwan, siyempre. Hindi ako sumabay kay Tito Oscar. At saka, hindi pa kami tapos dito. Siyanga pala, sino ’yung chicks na kumausap sa iyo kanina? Gusto kong lumapit kaya lang nagdalawang isip ako, eh.”
“Talaga? Himalang hindi mo kami nilapitan. Ano’ng nangyari? Dati naman kapag may nakita kang babae, sinusunggaban mo agad.”
Tumabi si Tristan sa tabi ni Jeon at inakbayan. “Pinsan, ayokong makipag-kompetensiya sa iyo. Iyong sa iyo, ay sa iyo. Ang akin, ay akin.”
“Pero ’yong sa iba, sa iyo rin? Ganoon ba?”
“Hindi ko kasalanan kung ako ang mas nagugustuhan nila,” kompiyansa nitong saad sabay alis ng kaniyang kamay na nakapatong sa balikat ni Jeon.
“Maya-maya ay aalis na ako. May aasikasuhin pa akong iba bukod dito. Pagkatapos nito, umuwi ka na rin at kausapin mo na ang taong sinasabi mo kanina. Ayaw kong magtagal pa itong problemang ito.”
“Sige, masusunod hari ng mga yelo.”
Kumunot bigla ang noo ni Jeon nang marinig ang ibinansag sa kaniya ni Tristan. Wala siyang ideya kung ano iyon.
“Oh! Akala ko ba, aalis ka na. Alis na,” wika ni Tristan dahil sa mukhng nabasa niya agad ang ekspresiyon ng mukha ni Jeon.
“Kagabi ko pa naririnig iyan sa iyo.”
“Ano ka ba? Biro lang iyon. Sige na, umalis ka na baka hinahanap ka na ng anak mo. Ikumusta mo na lang ako kay Sheen. Pakisabi na-mi-miss na siya ng pinakaguwapo niyang Tito Tristan.”
“Ikaw, guwapo?”
“Naman!”
“Huh!”
Husto namang dumaan ang waiter na may dalang serving tray at may lamang mga baso ng tubig. Kumuha si Jeon ng isa at akmang pabirong isasaboy kay Tristan.
“Oy! Masisira ang porma ko,” anas niya nang makita ang itinuran ni Jeon.
Ang akala ni Tristan, sasabuyan talaga siya ni Jeon ng tubig. Natawa nang bahagya ang huli sa naging reaksiyon ng pinsan kaya naman ibinaba niya ang kamay at ibinigay rito ang baso.
“Para sa iyo ito. Inumin mo nang mahismasmasan ka sa mga sinasabi mo,” saad nito saka tuluyang tinalikuran ang huli nang walang paalam.
“Oy! Jeon! Saan ka pupunta?” habol na tanong nito pero hindi man lang siya nilingon ni Jeon. “Ang lalaking iyon. Mahilig talagang mang-iwan.”