Chapter 18

1838 Words
NAKAUPO siya sa mahabang sofa at nakataas rin ang dalawang paa. Habol ang kanyang paghinga. Wala namang masakit ngunit napapagod siya. Wala naman siyang ginawa kundi ang maglakad bilang ehersisyo niya. Nahihirapan na rin kasi siyang kumilos lalo na at malaki na rin ang kanyang tiyan. Hinimas-himas pa niya iyon. Naramdaman pa niya ang pagbukol ng paa ng sanggol sa kanyang sinapupunan. Hindi tuloy niya mapigilan ang matamis na pagngiti. Ilang beses pa kasi siyang sinermunan ng mga magulang noon. Dahil nauna pa na magbuntis siya kaysa makasal. Ngunit hindi siya nakaramdam ng galit o tampo. Mas lamang pa rin ang saya niya habang pinapangaralan siya. Dahil doon mas ramdam niyang mahal na mahal siya ng mga ito. Siyam na buwan na rin ang kanyang sinapupunan. Kung tutuusin ay kabuwanan na ng sanggol at maaari na siyang manganak, tatlong linggo mula sa araw na iyon. Naiwan siya sa bahay, dahil may ipinabili siya sa kasama nilang mag-asawa. Ang ama naman ng anak niya, may biglaang trabaho kaya naiwan siyang mag-isa. Kung tutuusin ay kaya naman niya ang sarili. Hindi naman siya nag-aalala na baka mapaaga ang panganganak niya. Lalo na at totoong ready na naman siya. Mismong kaorasan na lang talaga ng panganganak niya ang kulang. Ilang sandali pa at nakatanggap siya ng mensahe. Napakunot-noo pa siya dahil maaaring wrong number or prank lang ang mensaheng natanggap niya. Ngunit naulit pa ang mensahe kaya nagreply siya. Ayon sa mensahe ay may kailangan siyang malaman tungkol sa lalaking mahal niya. Pinilit niyang tawagan ang kung sino mang nagpadala ng mensahe sa kanya. Ngunit hindi naman nagriring ang numerong ginamit nito. Hindi naman sana niya papansinin pa. Kung hindi lang ito nagpadala ng larawan ng babaeng buntis na nakatagilid na may kasamang lalaki na nakaalalay dito. Alam niyang siya ang babae sa larawan at ang lalaking kasama nito ay ang lalaking mahal niya. Ngunit bakit kailangan pa siyang sundan nito kung sino man ito. Out of curiosity, pinuntahan niya ang lugar na sinabi ng kung sino mang gustong makausap siya. Isa iyong maliit na coffee shop na halos walang customer ng mga oras na iyon. Ngunit nasa gilid lang ng kalsada. Ang sabi ng kausap niya ay babae ito at nakasuot ng kulay pulang damit, may suot na malapad na sumbrero na wari mo ay iyong mga suot na ng mga nasa ibang bansa. Hindi naman siya nabigo. Nakita niya kaagad ang babae. Ngunit ang mukha nito ay hindi niya makita. May facemask ito at nakasuot ng itim na sunglasses. Kahit nahihirapang maglakad dahil sa malaki niyang tiyan ay nilapitan niya ito. Iminosyon nito ang upuan na nasa harapan nito kaya naman naupo siya roon. "Water, juice or tea," tanong ng babae sa kanya sa mababang tinig. Ni hindi niya mapresensyahan ang boses nito. Hindi niya malaman kung sino ito. Kaya lang ay naglakas loob siyang makipagkita. Dahil ang sasabihin ng babaeng kausap niya ay tungkol sa lalaking mahal niya. "Hindi ako nauuhaw anong kailangan mo sa akin? Sino ka ba?" Hindi kaagad pinansin ng babae ang sinabi niya. Tinawag nito ang waiter ang nagpakuha ito ng isang basong tubig para sa kanya. Napansin naman niyang may isang tasa ito ng kape sa harapan nito. Kaya siguro ay siya na lang ang ikinuha nito ng tubig. "Hindi mo na ako kailangan pang makilala. Pero ikaw kilalang-kilala kita," mababa lang ang tono ng pananalita ng babae. Hindi galit ngunit nakakaramdam siya ng kaba. "Anong kailangan mo sa akin?" ulit pa niya. "Gusto ko lang malaman mo na bago ka pa dumating sa buhay niya, nauna na akong makilala siya. Naramdaman kong gusto niya ako at may nangyari sa amin. Matagal din ang pinagsamahan naman. Ilang beses ko siyang nahuli na may iba. Pero sa akin pa rin siya bumabalik. Pero mula nang makilala ka niya nabaliwala na ako. Pinamukha pa niyang baliwala lang sa kanya ang mga pinagsamahan namin, ang pinagsaluhan namin. Minahal ko siya. Ibinigay ko ang lahat. Pero bakit ikaw pa rin ang pinili niya?" ramdam niya ang sakit sa boses ng babae. Damang-dama niyang nagmahal lang ito ngunit hindi iyon natugunan. Pero may kasalanan ba siyang talaga? Wala siyang alam. Pero bakit nasasaktan siya sa isiping may nasaktan sila, ay nagmahal lang naman siya. "H-hindi ko alam," iyon na lang ang naisagot niya. Hindi talaga niya alam kung ano pa ang dapat sabihin niya. "Hindi mo talaga alam kasi wala kang alam. Makasarili ka at mang-aagaw." "Sino ka bang talaga? Bakit ako ang aakusahan mo sa bagay na hindi ko ginawa? Wala akong inagaw. Kilala ko siya at alam kong wala na siyang iba nang mapunta siya sa akin!" aniya ng may paninindigan. Hindi ang katulad ng babaeng kaharap ang sisira sa relasyon nila ng lalaking minamahal niya. Hindi siya mananahimik lang at basta na lang magpapaubaya. Kilala niya ang lalaking ipinaglaban niya. Kilala niya ang lalaking pinagkatiwalaan niya ng lahat. Nang puso at buong sarili niya. Hindi niya isasalalang-alang sa isang mapanirang salita ang relasyon na mayroon silang dalawa. Lalo na ngayon at nasa sinapupunan niya ang ebidensya ng pagmamahal nito sa kanya. "Pero akin siya. Ako ang nauna." "Wala akong inagaw. Alam kong wala siyang iba, nang mapunta siya sa akin. Paanong nagkaroon ng isang ikaw sa buhay niya? Kung ako ang mahal niya." "Dahil nagpakilala ka sa kanya. Mula ng makita ka niya, iniwan na niya ako. At tama ka, wala ng ako, noong maging malapit kayo sa isa't isa. Pero kung hindi ka niya nakilala, hanggang ngayon akin pa rin siya. Nasira ang buhay ko dahil iniwan niya ako." "Iniwan ka niya dahil hindi ka niya mahal. Paano mo nasabing siya ang sumira ng buhay mo? Kung hawak mo naman ang lahat ng tama at maling desisyon mo sa buhay." "Dahil iniwan niya akong nagdadalangtao noon. Ilang beses akong nagtangkang kausapin siya pero hindi niya ako pinakinggan. Dahil sa stress, nawala ang anak ko. Dahil sa iyo! Dahil inagaw mo siya sa akin!" Sigaw ng babae sa kanya. Natutop niya ang bibig. Hindi niya inaasahan ang bagay na isiniwalat nito sa kanya ngayon. Wala siyang kasalanan. Alam niya iyon sa sarili niya. Pero nasasaktan siya sa kaalamang nakunan ito. May batang involve. Habang masaya siya sa lalaking mahal niya, may isang inang nagdurusa dahil nawalan ng anak. Kasalanan ba niyang talaga? Pero wala siyang alam. "Wala akong inagaw! Mahal niya ako. Ang pag-iwan niya sa iyo ay dahil tapos na ang relasyon na mayroon kayo. Matagal na kayong wala, bago niya ako nilapitan. Hindi ko siya inagaw. Ako lang ang pinili niya," sagot niya kahit unti-unti ng nag-uunahan ang mga luha niya sa pag-agos sa kanyang pisngi. Halos manlabo na ang kanyang paningin dahil sa mga luhang walang humpay sa pagbukal. Habol ang kanyang paghinga. Pinilit niyang kinakalma ang sarili. Nararamdaman niya ang pagtigas ng kanyang tiyan. Kaya naman marahan niyang hinaplos iyon. Kasabay ng pagsidhi ng sakit sa kanyang puson. Sunod-sunod ang kanyang paglunok. Nanunuyo ang kanyang lalamunan. Ang isang kamay niya ay napahawak sa ibabaw ng lamesa. Doon nakapa niya ang baso ng tubig. Pinilit niyang buhatin iyon para madala sa kanyang bibig. Tumimtim siya ng kaunti, para maibsan ang uhaw na kanyang nararamdaman. Ngunit isang pagkakamali yata ang kanyang ginawa. Nabitawan niya ang baso. Naramdaman niya ang labis na panunuyo ng lalamunan niya. Unti-unting lumalabo ang kanyang paningin. Pero may naaaninag pa siya. Nakikita niyang nakatingin sa kanya ang babae. Ngunit malabo sa isipan niya kung sino ito. Hindi talaga niya ito kilala. Pinilit niyang tumayo. Kailangan niyang makalabas sa lugar na iyon. Ngunit bago pa siya makahakbang ay naramdaman niya ang pagtusok ng isang matulis na bagay sa kanya leeg. "K-karayom," usal niya. Ngunit walang boses na lumabas sa kanyang bibig. Naramdaman na lang niya ang paggapang ng lamig mula sa karayom patungo sa kanyang mga ugat. "S-sino ka bang talaga?" Pinilit niyang magsalita. Ngunit wala siyang narinig na sagot. Hanggang sa napaluhod siya. Inaasahan niyang may tutulong. Ngunit wala siyang narinig na kahit anong yabag sa lugar na iyon. Maliban sa kanya at sa babaeng nasa tabi na niya. Hanggang sa may lumapit. Ang waiter kanina. Nagtataka ito at nagsasalita ngunit wala na siyang maunawaan. Naramdaman na lang niyang muli siyang napaupo sa silyang kinauupuan niya kanina. Ilang saglit pa at parang nakalutang ang pakiramdam niya. Magaan lang. Ang sakit na nararamdaman niya sa kanyang sinapupunan kanina ay bigla na lang nawala. Ang paninigas at ang pagkilos ng sanggol sa kanyang sipupunan ay nawala. Nabaling ang tingin niya sa babaeng kaharap. Nakaupo na ulit ito sa silyang kinauupuan nito kanina. Tahimik. Nakasuot pa rin ng sunglasses. Ngunit wala na ang facemask. Ang nakaharang sa mukha nito ay ang tasa ng kape. Humihigop na ito. Pinakiramdaman niya ang paligid. Gusto na niyang umalis. Natatakot siya sa nararamdaman niya. Lalo na at parang nawalan ng pakiramdam ang tiyan niya. Natatakot siya para sa anak niya. Bigla siyang tumayo. Kailangan na niyang umalis. Tumalikod na siya. Hindi niya alam kung saan siya pupunta. Kinakabahan siya. Ang puso at isipan niya ay parang walang alam. Walang pakiramdam. "Mamatay ka na! Isama mo ang sanggol sa sinapupunan mo! Mamatay na kayong dalawa! Para sa akin na siya mapunta!" May diin at puno ng galit ang bawat katanggang biniawan ng babae sa kanya. Gusto niyang maiyak. Parang talim ng sumpa ang sinabing iyon ng babae. Bakit ganoon itong magsalita? Pati ang anak niyang walang kamuwang-muwang sa mundo ay sinasabihan nito ng masama. Dahil lang sa lalaking hindi siya gusto. Ngunit maayos siyang kinausap ng iniwan siya nito. Gusto rin niyang magalit. Ngunit wala na siyang maramdaman. Para na lang siyang bulak na palutang-lutang sa hangin. Iyon ang nararamdaman niya. Nakita niya ang ilaw sa labas. Maliwanag pa. Pero unti-unti ng nabubuhay ang ilaw sa kalsada. Naihakbang niya ang mga paa. Narating niya ang pinto. Nagawa niyang makalabas sa lugar na iyon. Naglalakad lang siya. Lakad na wala sa tamang direksyon. Humahakbang lang siya habang kaya pang gumalaw ng kanyang mga paa. Pakiramdam niya ay gumagaan na rin ang kanyang paa. Parang ilang sandali pa, baka hindi na niya iyon maihakbang sa lupa. Kahit lutang ay bigla na lang siyang nakarinig ng malakas na pagsagitsit ng gulong ng sasakyan. Gawa ng biglaang pagpreno dahil sa mabilis na andar ng taong nagmamaneho. May ilang sigawan siyang narinig hanggang sa may matigas na bagay na tumama sa kanyang katawan. Lalo lang nagdilim ang kanyang paningin. Para siyang totoong nakalutang. Wala na siyang alam. Ngunit may isang pangalan na paulit-ulit na nagpiplay sa kanyang isipin. May pakiramdam siyang makakalimutan man niya ang lahat. Hindi niya alam kung paano. Pero naramdaman na lang niya. Ngunit ang pangalan na iyon ay alam niyang palagi niyang kasama at hindi mawawala sa puso niya. Ilang saglit pa at maramdaman niya ang paglapat ng kanyang katawan sa malamig na semento. Patuloy lang sa pag-agos ang mga luha niya. Basang-basa na ang kanyang pisngi. Hanggang sa ang malalakas na ingay na kanina lang niya naririnig ay nawala ng lahat, at napalitan iyon ng nakabibinging katahimikan. Katahimikang hindi niya malaman kung hanggang kailan at paano nagsimula.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD