Inabutan ko ng isang basong tubig si Ate. Nakauwi na kami pero si Ate, nakatulala lang na parang ang lalim ng iniisip. Sinusubukan ko naman siyang tanungin kanina kung ano ang nangyari kung may masakit ba sa kaniya, kung may gusto ba siyang puntahan, kainin, o gawin pero ang tanging naging sagot niya lang sa akin, "Umuwi na tayo", "Gusto ko nang umuwi". Napabuntonghininga na lang ako. Hindi ko malaman kay Ate kung ano ang nangyari sa kaniya dahil ayaw niyang magsabi sa akin. "Ate," tawag ko sa kaniya habang hawak ang kamay niya. Bahagya kong pinisil ang kamay niya. "Ayos ka lang ba?" nag-aalalang tanong ko sa kaniya. Tumingin si Ate Kristine sa akin. Pinagkatitigan niya ako na para bang binabasa ang mga mata ko, kapagkuwan ay itinaas niya ang kaniyang kamay saka hinaplos ang pisngi ko. "

