SABADO, AGOSTO 24 (11 PM)
NANDITO KAMING LAHAT SA SALA, tahimik ngunit ramdam ang tensyon habang nag-iisip ng plano kung paano kami makakaalis sa islang ito. Lahat kami ay nababalot ng pangambang hindi namin mabitawan.
Sa kabila ng mga bulong ng takot, si Lumina ay binibigyan ng paunang lunas dahil seryoso ngunit hindi kritikal ang kalagayan niya. Nakahiga siya sa mahabang sofa, pilit na nagpapahinga habang inaasikaso ni Zane.
Si Mang Ben naman na kanina lang ay nakita naming walang malay sa labas ngayon ay nagpapahinga. Mula sa kinatatayuan ko, kita ko ang kanyang maputlang mukha, waring pagod at nawalan ng lakas. Hinihintay naming magising siya, umaasa na may sagot siyang dala sa mga tanong na bumabagabag sa amin.
Ang oras sa panahon na ito ay parang bumagal. Sa bawat tunog ng hangin na sumasalpok sa mga bintana, may mga tanong na gustong sumingit sa aking isip.
Walang nagsasalita. Lahat ay nag-iisip.
“Ano na ba ang nangyayari sa atin?” tanong ni Nina sa amin, bakas din sa mukha ni Jack ang pagkalito.
Umupo ng maayos si Detektib Ethan. “May nakapasok sa isla, siya ang may pakana sa pagkamatay ng doktora. Hindi ko alam kung konektado ba ito sa nangyari kay Rica ngunit posibleng pansarili ang rason ng nangyari sa doktora.”
Mas lalong kumunot ang noo ni Nina. “May pumapatay? Teka! Hindi ba tumalon si Doktora Cassandra sa bubungan?”
Napailing ang detektib sa sinabi ng dalaga. Umalis ito saglit, pagbalik ay may dala na siyang hugis-bola na bagay.
“Ito ang sagot sa mga tanong nating lahat.”
Napaupo kaming lahat, biglang nagkainteres ang dati ay walang pakialam sa mga sinasabi niya. Agad na nakuha ang atensyon namin ng bagay na parang bula na hawak niya. Misteryoso at may tinatagong lihim.
“Yan ba ang misteryosong bagay na gumulong kanina?” tanong ni Zane.
Napatango lang ito. “Ito ang ginamit para palabasing tumalon ang doktora.”
Hindi namin maisip kung paano nangyari na ang hugis-bolang hawak niya ang siyang naging dahilan. Walang nagtanong o nagsalita man lang sa amin. Tahimik kaming naghihintay, bawat isa’y nakatutok sa kanya at sabik sa susunod niyang sasabihin.
“Tuso at matalino ang may gawa ng lahat ng ito. Nakalagay ito sa buhol sa ibaba. Nakakonekta sa katawan ni Doktora, upang hindi na niya kailangan nandoon kapag nangyari ang nakaplano.” pahayag ng detektib.
Nagpatuloy ang detektib sa pagpapaliwanag ng mapansin niya ang naguguluhang ekspresyon sa aming mga mukha. Bawat salita niya’y nagiging mas malinaw. Ngunit kahit anong pilit naming ay hindi pa rin namin magawang maintindihan kung paano at ano ang tunay na nangyari.
Inangat niya ang isang kawit na may nakasabit na balat ng tao na pinalibutan ng may nangingitim na likidong pula. “Ito ang napunit na parte ng leeg ni Doktora Cassandra.”
Nandiri kami sa narinig, muntik nang maduwal si Nina.
“Nakasabit ang doktora dito habang nakakonekta sa pintuan ng silid. Maaring ito ang dahilan kung bakit hindi makagalaw ang katawan ng doktora dahil lalong bumabaon ang kawit na ito.” dagdag nito sabay hagis ng bola habang hawak ang dulong may kawit.
“Napwersa ang goma pagkabukas ni Caleb ng pinto dahilan kaya natuklap ang balat at mahulog ito sa bubungan. Pagkatanggal ay agad itong bumalik sa maliit na butas dahil ito ay elastik.”
Bumulwak ang dugo sa kanyang daliri ng aksidente itong mahiwa ng sumabit ang kawit ng ito ay bitawan niya. “Ganyang ka tulis ang kawit.” Lalo kaming napagiwi ng bigla niyang sinipsip ang dugo mula sa sugat.
Umuugong pa rin sa aking diwa kung gaano ka gimbal ang sinapit ni Doktora Cassandra. Ang simpleng intensyon niyang tumulong sa amin ang naging dahilan ng pagkawala niya sa mundong ibabaw.
Niyakap ako ng bigat ng konsensya sa sinabi ng detektib, pakiramdam ko ay kasalanan ko ang pagkamatay ng doktora. “Caleb? Ayos ka lang ba?” tanong ni Lumina. “Ilang segundo kang natulala.”
Napakamot ako sa ulo dahil sa narinig. “Ah! Oo… ayos lang ako, nakokonsensya lang ako sa nangyari.”
“E! Ikaw kamusta kana, Lumina? Ano ba ang nangyari sayo sa kusina?” pabalik na tanong ni Detektib Ethan sa kanya.
Biglang nag-iba ang ekspresyon ni Lumina. Ang takot ay bumakas sa kanyang mukha. Ang kanyang mga mata ay nagtangkang umiwas, nagmistulang nagmamakaawang huwag balikan ang nakaraan.
Nanlamig ang hangin sa buong sala kahit walang bukas na bintana o pintuan, parang may kakaibang presensya na pumasok sa loob. Tahimik kaming lahat, kinakabahan sa hindi maipaliwanag na pagbabago ng klima.
Malalim na buntong-hininga ang pinakawalan ni Lumina bago nagsalita. “Sana ay hindi niyo iisiping nababaliw na ako, ngunit hindi ako sigurado sa aking nakita." nangangatog ang boses ni Lumina, habang pilit niyang kinakalma ang sarili.
"Nauhaw ako habang hinihintay ang pagbalik ninyo. Habang bumababa ako ng hagdan, biglang bumigat ang hangin sa loob. Hindi ko alam kung naprapraning lang ako, pero... parang may nakasunod sa akin."
Napatigil siya, halatang nanginginig sa takot. "Hindi ko magawang lumingon dahil... natatakot ako." Halos mapaiyak na siya sa pahayag, ramdam namin ang bigat ng kanyang nararamdaman
“Habang umiinom ako ng tubig ay mas lalong bumigat ang aking pakiramdam. Dumadaloy ang malamig at nakakakilabot na hangin sa aking leeg. Parang pinapahiwatig nito ang aking nalalapit na katapusan."
Tumigil ulit siya sandali at huminga ng malalim. "Sarado ang pintuan at maliit na bintana sa loob ng kusina ngunit may malamig na hangin pumasok at parang hinihipan ang aking leeg. Hindi ko natiis kaya, hinimas ko ang aking leeg sabay sandal sa lababo dahil nangangatog aking tuhod."
Naputol ang kanyang pahayag ng hindi na niya mapigil ang pag-agos ng kanyang luha. Hinayaan naming bumagsak ang katahimikan habang patuloy ang kanyang mga luha. Ramdam ko ang bigat ng bawat salitang kanyang binitiwan, bawat patak ng luha ay tila nagpapabigat ng hangin sa paligid.
“Hindi ko maipaliwanag,” patuloy niya. “Pero parang may isang bagay... taong nasa likod ng silid ni Mang Ben habang ang pinto ay nakaawang, nagmamasid, hinihintay na bumitaw ako.”
Sandali siyang natahimik, sa mga mata niya ay makikita ang takot na bumabalot sa kanyang alaala. "Hindi ko na alam kung anong gagawin... pero sa kabila ng takot na nangingibabaw sa aking sistema ay pilit kong tignan kung ano o sino ang nasa likod ng pintuan."
Tahimik at seryoso kaming nakikinig sa bawat salitang binibitawan ni Lumina. Sa bawat detalyeng isiniwalat niya, lalong bumibigat ang hangin sa paligid. Nagkatinginan kaming lahat, walang nagsasalita ngunit ramdam ang tensyon sa silid.
Sa mga mata ng bawat isa, mababakas ang kaba at takot habang naghihintay ng susunod na na sasabihin ng dalaga. Ang boses ni Lumina ay nagiging alingawngaw sa aking isip. Sa bawat salita na kanyang binibigkas, mas lalong bumabaon ang nakakakilabot na tensyon na bumabalot sa buong bahay.
“Mata…”
Nagulat kami sa binanggit niya.
“Dalawang pares ng mata mula sa likuran ng pinto.” bulong ni Lumina, nanginginig ang boses. "Nanlilisik, punong-puno ng galit."
Tahimik kaming napatingin sa kanya, ramdam ang bigat ng bawat salitang binibitawan niya.
"Natutop ko ang aking bibig ng mapagtanto ko kung kanino ang mga matang iyon."
Lalong bumigat ang hangin sa silid, parang unti-unting nagsisikip ang paligid. Sa isang iglap, nararamdaman din namin ang presensya ng mga matang binabanggit ni Lumina.
Nanginginig ang kanyang mga kamay, ang bawat isa sa amin ay nanatiling walang imik, kinakalaban ang pangingilabot na bumabalot sa amin.
"Sa sobrang bilis ng kabog ng aking dibdib, nagdilim ang aking paningin." patuloy ni Lumina, halos hindi na makontrol ang paghinga. "Ngunit bago ako bumagsak, isang bagay ang tiyak. Hindi ako pwedeng magkamali."
Napalunok kami, tahimik na hinihintay ang susunod niyang sasabihin. "Si Doktora..."
Huminto siya at nag-aalangan, ngunit itinuloy ang kwento. "Si Doktora Cassandra... siya ang nagmamay-ari ng mga tang nakasilip at nakatitig sa akin mula sa likuran ng pinto ni Mang Ben."
Bigla kaming napatingin sa pinto ng kusina ng ito ay malakas na kumalampag. Ang malamig na simoy ng hangin ay humampas sa buong silid, ramdam ang mga matang nagmamasid mula sa dilim.
Ramdam ang kilabot na gumagapang sa balat namin. Sa aming katahimikan, may aninong gumagalaw sa bawat sulok. Nag-aabang. Nagbabantay. Tulad ng mga matang nakita ni Lumina.
"Kasabay ng pagbagsak ay ang pagbitaw ko sa baso. Narinig ko ang tunog ng pagtama ng baso sa sahig. Bumagal ang oras... ang mga bubog ay tumalsik sa ere, sinundan ng malamig na yakap sa sahig."
Napatingin kami sa kanyang ulo, kung saan kita pa ang sugat na natamo niya.
"Posibleng dumikit sa akin ang mga bubog na tumalsik, dahilan ng sugat sa aking ulo at noo." pagpapatuloy niya habang hawak ang kanyang noo, nararamdaman muli ang sakit.
Ang bawat isa sa amin ay napalunok ng kaba. Ang imahe ng baso na bumagsak, mga bubog na kumalat, at ang malamig na presensya ni Doktora Cassandra ay parang multo na sumasama sa bawat tahimik na segundo.
Nakakapangilabot ang bawat salitang lumalabas mula kay Lumina, ang boses niya ay parang malamig na bulong na sumasagi sa aming balikat. Isang babala mula sa isang pwersang hindi namin maipaliwanag.
Napatingin kami kay Mang Ben, bumalik ang aking pagdududa tungkol sa kanya. Maraming mga ebidensya at pangyayaring pinagtagpi-tagpi pabalik sa kanya.
Ang mga kakaibang galaw niya, mga pagkakataong parang aligaga ito at balisa na para bang may itinatago. Ngayon, ang mga matang nakita ni Lumina sa likuran ng pinto ni Mang Ben.
Lahat ng mga ito ay nagsisimula ng magkonekta. Sa bawat sandaling dumadaan, mas tumitindi ang hinala ko. Parang may nagtatago sa bawat anino, at si Mang Ben ang nasa sentro ng lahat ng ito.
“Teka lang? Paano nangyari na nasa loob ng silid ng aking ama ang katawan ng doktora?”
Pasigaw na tanong ng detektib, ang boses niya’y nanginginig sa halo ng takot at pagdududa. "Alam naman nating lahat na patay na ang doktora, di ba?”
Lahat kami’y napatigil. Ang ideya na ang isang taong wala na ay tila nananatili pa rin. Nagmumulto sa aking isipan, mas lalong nagpapagulo ng lahat. Sa kabila ng nakakabinging katahimikan. Ang tanong ng detektib ay nag-iwan ng bigat, bumabalot sa amin ng higit pang pagkalito.
Muli itong nagsalita, "Kung pagtatagpi-tagpiin natin ang lahat, mula sa hinala nating baka ang pumatay kay Rica ay isa sa mga nakakaalitan ng kanyang ama sa negosyong pinapatakbo nila. Maari kayang magkakilala ang doktora at si Rica?"
Sa unang pagkakataon, ngayon ko lang narinig ang pag-aalinlangan sa boses ng detektib. Mukhang siya rin ay nalilito na sa mga pangyayari. "Maari rin bang isa sa atin ang may gawa ng mga ito? Gaano ba kabigat ang rason para magawa ang mga ganitong bagay? Kilala niyo ba si doktora? May nakakilala ba sa inyo sa kanya?"
Mas lalo pang gumulo ang sitwasyon. Paulit-ulit na pumapasok sa isip ko ang tanong ng detektib. Nagsimula na naming pagdudahan ang isa’t isa.
“Ngunit paano?” tanong ko. “Palagi naman tayong magkasama, magkadikit sa bawat hakbang.”
Nagtama ang mga mata namin, sa bawat titig ay nag-uumapaw ang mga tanong. Ang hangin ay nagpapalakas ng tensyon habang ang pagdududa ay lumalago, parang may masamang anino na unti-unting lumalapit sa amin.
Muling nagsalita ang detektib, ramdam sa kanyang boses ang lalim ng pagdududa. "Isa pang misteryosong pangyayari ay paano napunta ang aking ama sa likod ng bahay, walang malay at nakahandusay sa lupa."
Tumahimik ang buong silid, bawat isa sa amin ay nakaramdam ng bigat sa kanyang mga salita. Isa na namang palaisipan ang idinagdag sa hindi na matapos-tapos na serye ng mga katanungan.
Habang patuloy sa pag-usig ang detektib, naramdaman ko ang malamig na kilabot na gumapang sa aking leeg. Masyado ng maraming pangyayari na hindi maipaliwanag, lahat ng ito ay unti-unting nakapulupot sa amin tulad ng isang bitag na hindi namin maiiwasan.
"Walang palatandaan ng pilit na pagpasok." patuloy niya, ang mga mata'y nagliliyab sa paghahanap ng sagot. "Walang senyales ng away. Ngunit paano?"
Lalong bumigat ang hangin sa paligid. Ang bawat tanong ay parang naging malalim na hukay na humihigop sa amin palayo sa katotohanan. Isang katotohanan na mas nakakatakot na harapin kaysa sa mga aninong bumabalot sa bahay na ito.
"Alam kong may mali... alam ko, pero ano ito?"
Nag-aalangan ang detektib habang kumakabog sa kanyang dibdib. "May kinalaman kaya ang ama ko? Matagal na niyang kaibigan si Doktora Cassandra, pero si Rica... anong koneksyon nila?"
Bawat salitang binibitawan ng detektib ay tila mga piraso ng palaisipang mas lalong lumalalim at nagpapagulo. Ang lahat ng ito ay nagtatagpi-tagpi sa isang mas malagim na larawan.
Nararamdaman ko ang bigat ng kanyang mga tanong, lalo na’t lumalabas na may mas malalim pang lihim na bumabalot sa kanilang relasyon mag-ama.
"Nakakausap ko ang ama ko tungkol sa mga dati niyang kaibigan at kakilala, madalas niyang binabanggit ay ang doktora." pagpapatuloy niya. Mas tahimik ngayon para bang bumubulong siya sa kanyang sarili.
"Pero si Rica…” Napaisip siya muli. “Wala talagang kahit anong patunay na nagkakilala sila. Ngunit bakit parang may nadarama akong koneksyon sa kanilang dalawa?"
Nagkatinginan kami. Pare-parehong bumibigat ang paghinga habang ang mga tanong ay parang mga tusok na bumabaon sa aming isipan, at ang sagot ay malapit ngunit napakalabo.
"Detektib Ethan, matanong ko lang." panimula ko, pilit na pinipigilan ang kaba sa aking dibdib. "Alam niyo po ba na may maliit na silid sa bubungan?" diretso kong tanong, sabay sulyap sa kanya para makita ang reaksyon.
“Kuya Ethan nalang.” Bigkas nito bago tumigil sa paglakad. Biglang nagbago ang ekspresyon ng kanyang mukha, mula sa seryoso ay napuno ng pagkalito at pagtataka.
"Yan din ang kanina pang bumabagabag sa aking isipan." sagot ng detektib, halatang may bahid ng pag-aalinlangan sa kanyang boses.
"Sa totoo lang, ilang taon akong nagtatrabaho sa ibang bansa. Kakauwi ko lang dahil sa isang trabaho na hindi ko mahindian dahil mula sa malapit kong kaibigan."
Habang sinasabi niya ito, nagliwaliw ang kanyang mga mata sa paligid. Sinusuri niya ang bawat sulok ng sala na parang may nawawala. "Bagong palit ang disenyo ng bahay kaya malamang may mga parte ng bahay na pinaayos at pinagawa na hindi ko na alam. Baka isa na doon ang silid sa bubungan."
Tahimik ang buong silid. Nagpalitan kami ng tingin, lahat ay nagtataka kung ano ang maaari pang matuklasan. Ang dating payapa at magandang pagkakakilala namin sa lugar na ito ay biglang napalitan ng mga sikreto at misteryo.
Napalingon kaming lahat ng gumalaw si Mang Ben, kasunod ang dahan-dahang pagbukas ng kanyang mga mata. Bahagya itong nagulat ngunit agad din itong napalitan ng malalim na pagkalito ang kanyang mukha.
Hindi namin namalayan na nakapako pala ang tingin naming lahat sa kanya. "Anong nangyayari?" mahina niyang tanong, hindi alintana kung bakit kami naroroon o kung ano ang mga bumabagabag sa amin.
Agad na lumapit ang kanyang anak at inalalayan siya paupo.
”Tay, anong nangyari sayo?”
“Paano ka napunta sa likod ng bahay?”
“At… bakit ka nakahandusay sa lupa, walang malay?”
Sunod-sunod na tanong ng anak, bakas sa boses ang pag-aalala. Si Mang Ben ay matagal na pumikit, pilit sinasariwa ang bawat detalye ng nangyari.
Ilang minuto ang lumipas bago siya biglang dumilat. Isang malalim, halos pwersadong paghinga ang kumawala mula sa kanya. Napatingin siya sa aming lahat, ang dating pagkalito sa kanyang mukha ay napalitan ng seryosong ekspresyon.
"May... may nakita akong dumaan."
Nanlaki ang kanyang mga mata, bakas ang takot na hindi niya maitago. Tumayo ang balahibo namin nang makita ang bigla niyang pagbabago. "Hindi ako nagkamali... may ibang tao sa likod ng bahay. Hindi! Mali ako! Hindi siya... hindi siya tao."
"Si Doktora... ang kaibigan mong si Doktora Cassandra." nauutal at nanginginig na sambat ni Lumina habang tinitignan kami isa-isa. Ang takot sa kanyang boses ay ramdam na ramdam.
Pinunasan niya ang pawis na tuloy-tuloy na tumutulo mula sa kanyang noo, halatang pilit niyang kinakalma ang sarili. Ngunit hindi maikakaila ang kaba at takot na nakaukit sa kanyang mga mata. Sa tingin ko ay may gustong sumabog mula sa kanyang isip.
"Ngunit hindi siya nag-iisa..."