LUNES, AGOSTO 19 (5 PM)
WALANG IBANG LUGAR na pwede naming tambayan kung hindi ang malaking mesa at upuan sa ilalim ng malalaking puno.
“Anong nangyari at nahuli kayo sa pasukan? Buti na lang at nakapasok pa kayo dito.” pambungad kong tanong sa kanila.
Unang nagsalita si Jack. “Kailangan kasing manatili ni Lumina sa ibang bansa ng isa pang linggo dahil sa kanyang sesyon sa doktor. Hindi naman pwedeng iwan namin siya, kaya hinintay na lang namin siya at sabay bumalik dito. Alam niyo na… para di niya maramdaman na nag-iisa siya sa laban niya. Hindi rin kasi biro ang pinagdaanan niya.”
Maririnig mo sa boses niya ang labis na lungkot at pag-aalala sa kanyang kapatid kahit hindi niya ito kadugo.
“E, ikaw Rica, anong nagpabago ng desisyon mong mag-aral sa ibang bansa?”
Hindi ko alam pero parang may kakaiba kay Nina, bawat bitiw niya ng salita ay parang iba ang ipinapahayag niya. Posibleng ako lang ang nag-iisip ng masama pero hindi kasi siya ganito kung magsalita noon.
“Ahh… ganito kasi yun, hi-hindi ko kasi kagustuhang doon tumira. Parang—ano ugh… mas gusto kong dito magtapos bago lumipat sa ibang bansa.”
“Okay ka lang ba Rica?” nagtataka na tanong ni Zane dahil nauutal ito sa pagsagot.
Napangiti ng bahagya si Rica. “Oo naman, baka naninibago lang ako.”
“Buti na lang at pinayagan pa kayong mag-aral dito, halos isang buwan na ang lumipas mula noong huling araw ng pagpapatala.” tanong ko muli.
“Nalaman kasi ni Tatay na ang ina ni Zane ang namamahala kaya kinausap niya ito kung pwede bang dito na lang kami ni Ate Lumina mag-aral.” tugon ni Jack, sinang-ayunan din ni Rica.
Wala pa ring pinagbago ang isang Jack Navarro, malakas pa rin ang karisma niya at laging umaagaw ng atensyon. Kahit gaano siya kahusay magtago ng nararamdaman, alam kong may mga bagay siyang itinatago. Madali pa rin basahin ang bawat kilos niya.
“Kamusta na kaya si Lumina?”
Nagtaka ako nang biglang natigil ang kanilang pag-uusap. Seryoso silang lahat na nakatitig sa akin. Biglang naghalo ang kaba at pagkalito, hindi ko alam kung ano ang gagawin. Bumigat ang hangin, at ako’y naiwan sa gitna ng katahimikan.
Nagbago ang ekspresyon ng mukha ni Jack, bakas sa kanyang mga mata ang matinding lungkot at pag-aalala. "Ahh… si Lumina ba? Ayos naman siya pero hindi ko lubos maisip ang hirap na pinagdaanan niya.”
Para akong binuhusan ng malamig na tubig ng napagtanto na nabanggit ko pala ang tanong kanina, akala ko ay sa isip ko lang.
“Naawa talaga ako sa ate ko. Lalo na noong sinubukan niyang kitilin ang kanyang buhay."
Napatigil kaming lima sa narinig, nagkatinginan at tila nagtatanong sa mga mata kung ano ang dapat gawin. Walang nagsalita, walang umimik, tahimik lang kaming nakadamay sa kanya.
Napaupo kami ng maayos at muling itinuon ang atensyon sa kanya. “Muntik pa kaming madisgrasya kanina noong papunta kami dito.” panimula niyang kwento, unti-unting bumuhos ang lahat ng kanyang saloobin.
“Nagmamaneho ako ng dahan-dahan, hindi dahil sa trapiko kung hindi dahil mabigat ang mga iniisip ko. Sa totoo lang, hindi ko maisip kung paano ba kami napunta sa sitwasyong ganoon. Dati, masaya kami. Tawa dito, tawa doon. Hindi ko maisip kung kailan eksaktong nagbago ang lahat.” kwento ni Jack.
Huminga ito ng malalim bago nagpatuloy. “Kung 'yung mga araw na hindi siya lumalabas ng silid, kinamusta ko siya. Kung 'yung mga gabi na akala ko natutulog siya ay umiiyak pala sa dilim, sinamahan ko siya. Posibleng kung ginawa ko pa ang mga bagay na iyon, nabago sana ang lahat. Hindi ko maiwasang tanongin siya ulit.”
“Alam mo Jack, may mga bagay na hindi natin kontrolado kaya hindi mo rin dapat isisisi sa iyong sarili ang lahat.” pag-aalo ko sa kaniya.
“Pagod at nahihirapan ko ngunit ayokong ipakita sa kanya na nahihirapan ako, pero hindi ko rin makakaila sa sarili ko na natatakot ako para sa kanya lalo na’t sariwa pa ang nangyari ilang buwan na ang nakalipas.”
Namayani ang nakakabinging katahimikan sa amin. Hanggang sa muling nagsalita si Jack.
“Nagising ang aking diwa kanina sa lakas ng pagsigaw ni Ate at mahigpit na hinawakan ang aking balikat. Kasunod ang matinis na tunog ng mga gulong ang sumakop sa buong daan, kasabay ng pagkapit ng preno sa daan. Tumigil ang kotse sa gilid ng kalsada, nag-amoy sunog na goma ang hangin sa paligid. Masyado akong nakain ng aking iniisip, nakalimutan kong nagmamaneho ka.” pahayag nito.
Hindi mapigilan ni Jack ang mga luhang kanina pa namumuo sa kanyang mata matapos i-kwento ang nangyari sa kanila. Bawat salitang binitiwan ay tila matalim na kutsilyo na humihiwa sa kanyang puso. Wala siyang magawa kundi tapusin ang kwento, sa kabila ng sakit na bumabalot sa kanya.
Natameme kami sa narinig at Nakita. Bihira lang kasing magpakita ng ganoong emosyon si Jack. Walang salitang kayang magpagaan ng bigat na nararamdaman niya sa mga oras na iyon. Kaya niyakap na lang namin siya.
Sa simpleng yakap ay mababawasan kahit papaano ang sakit at lungkot na bumabalot sa kanya. Pinaramdam namin sa kanya ang pagsuporta kahit gaano kahirap ang pinagdaanan nila.
“Ikaw kasi, Caleb, nagtanong ka pa.” biro ni Derek, sabay mahina akong tinapik.
Nakaramdam ako ng matinding pagkakasala, pero mabuti na rin dahil nailabas ni Jack ang bigat sa damdamin. “Pasensya ka na, Jack. Hindi ko sinasadyang mabigkas ang tanong sa isip ko kanina. Nag-aalala din kasi ako sa kapatid mo.” mahinahon kong sambit.
“Salamat sa pag-alala sa kapatid ko. Ayos lang 'yun, mas mabuti na din at alam niyo na.” Tinapik niya ng mahina ang aking likod.
Nakaramdam ako ng ginhawa sa sinabi niya. Nawala ang bigat sa dibdib ko. Tahimik kaming lahat, walang imik, kanya-kanyang kalikot sa mga selpon, naghahanap ng aliw sa gitna ng mabigat na katahimikan.
“Gala kaya tayo sa katapusan ng linggo habang hindi pa marami ang gawain. Baka kasi sa susunod na buwan, maraming nang gawain.” suhestyon ko, pambasag sa katahimikan na sumasakop sa amin.
Nagkatinginan ang lahat. “Sige ba para naman makapagtipon-tipon tayo.” pagsang-ayon ni Nina.
“Magandang ideya yan para makwento rin natin ang mga pangyayari matapos tayong magtapos ng hayskul, di ba?” aligagang dugtong ni Rica habang tumitipa sa selpon at muling tumingin sa amin.
Napatingin si Jack sa selpon niya ng makatanggap ng mensahe sabay tingin sa relo. “Planuhin niyo na lang ang gala. Kailangan ko nang puntahan si Lumina, at saka pinapauwi na rin kami. Sabihan niyo na lang ako kung saan at kailan.”
“Aba! Paano ka namin sasabihan kung hindi mo binabasa ang mga mensahe?” tanong ni Nina.
Napaisip ito. “Oo nga pala, nanakawan pala ako at kasama ang selpon ko kaya bago ang gamit kong numero.”
“Rica!” tawag niya sa kaibigan. “Sali mo na lang ako balik sa grupo natin, nasa iyo na naman ang numero ko.” Sabay takbo pabalik sa kantina.
“Sama natin si Lumina sa gala!” sigaw ko, huminto ito sandali at sumenyas ng aprob sa kamay bago tuluyang nawala sa aming paningin.
“Bilisan na lang natin, di ko kasi nasabihan si Tatay na hindi ako sasabay sa kanya ngayon.” dugtong ni Nina.
Napatango na lang ako. “Hanap na lang ako ng pwede nating galaan. Sabihan ko na lang kayo, may ilang araw pa naman tayo para planuhin ito.”
“Ayos, tapos na ang pagpupulong!” sigaw ni Derek. “Tara, sabay na tayong lumabas.”
Sabay-sabay kaming naglakad palabas ng paaralan. Ngunit bago pa kami makalabas ng tarangkahan ay nakaramdam ako ng pagka-ihi, kaya pinauna ko na sila.
Lumihis ako ng daan dahil hindi ko na kayang dalhin pa ito sa bahay. Hindi ko pa masyadong kabisado ang buong paaralan. Kaya lakad-takbo na lang ako hanggang sa makakita ng palikuran.
Napadpad ako sa isang madilim at malalim na bahagi ng isang gusali, malapit sa bodega na bihirang pinupuntahan ng mga estudyante. Halos wala nang tao, tahimik, at ang paligid ay puno ng mga luma at sirang gamit.
May nakita akong pintuan na may nakalagay na palikuran kaya agad akong pumasok sa pintong para sa mga lalaki. Nakahinga ako ng maluwag nang mailabas ang ihing kanina pa gustong kumawala.
Saktong paglabas ko ng pinto ay may narinig akong nag-uusap, isang lalaki at isang babae. May hagdan pababa ngunit hindi na ito masyadong abot ng liwanag. May bukas na lagusan pagdating sa huling baitang ng hagdan.
“Kailangan nating mag-usap. Hindi na pwedeng ganito. Hindi na tayo pwedeng magtago ng ganito.” pahayag ng babae.
“Alam ko! Ngunit ano bang magagawa natin? Mas lalo lang lalala ang lahat kapag nalaman nila. Hindi pa ako handa.” sagot ng lalaki.
Mahinang tumawa ang babae. “Hindi ka handa? Kailan ka pa magiging handa? Hindi na ito tungkol lang sa atin. May mga buhay nang ma-aapektuhan, hindi na natin ito kayang itago habang-buhay.”
Namayani ang katahimikan sa buong pasilyo. Alam ko, kilala ko ang mga boses ngunit hindi ako sigurado kung kanino. Gusto kung silipin ngunit nagdadalawang-isip ako kung itutuloy ko ba.
“Alam mo naman ang sitwasyon natin, di ba? Kagagaling ko lang sa hi—
“Diyos ko naman, J— mmmph!
Naputol ang sasabihin ng babae na may tumakip sa kanyang bibig.
"Hinaan mo ang boses mo, binibini. Huwag na huwag mong babanggitin ang pangalan ko dito." mariing bigkas ng lalaki, puno ng tensyon at galit sa kanyang tinig. "Paano kung may nakarinig sa atin?"
“Ano ba!” dumadaing na sigaw ng babae. “Nasasaktan ako!”
“Pasensya ka na! Hindi ko sinasadya! Nadala lang ako ng emosyon.” paghingi ng paumanhin ng lalaki.
Nangyari na ito! May nangyaring ganito noon, pero hindi ko maalala ng buo. Lalaki at babaeng nag-aaway, alam kong nangyari na ito. Napahawak ako sa aking sentido nang bigla itong kumirot dahil pilit kong inaalala ang pangyayari.
“Ano? Mas gugustuhin mo bang mabuhay tayo sa kasinungalingan? Mas gugustuhin mo bang malaman nila mula sa iba kaysa galing sa atin mismo?” Ramdam ko ang tensyon at galit sa bawat pagbigkas ng babae.
“Ayoko lang na masaktan ka!” singhal ng lalaki.
“Kayo! Sila! Ayokong masaktan ang lahat.” sunod-sunod na sabi ng lalaki.
Muling tumawa ng mahina ang babae kahit puno ito ng lungkot. “Kahit anong gawin natin, may masasaktan. Kung magpapatuloy tayo sa ganitong kasinungalingan, mas lalo lang tayong lulubog. Ayokong dumating ang araw na masisira tayo dahil hindi natin kayang aminin ang totoo.”
Napaigtad ako nang marinig ang pag-alingawngaw ng tunog, parang may sinuntok na pader kasunod ang paghikbi ng babae. Nag-aalala na ako sa kalagayan niya ngunit nangangatog ang aking tuhod sa takot.
"Alam kong mahirap, pero iniisip ko…” napahinto ang lalaki sandali. “Baka kailangan nating isaalang-alang na... baka pwedeng…”
Isang mabigat na buntong-hininga ang pinakawalan ng lalaki bago nagpatuloy. “Baka pwedeng itigil na lang natin ito?” Pilit na nilalabanan ang pagbagsak ng kanyang boses upang pigilan ang pag-iyak.
"Anong ibig mong sabihin? H-hindi mo ba naiisip na may buhay na... may nabubuong buhay sa aking sinapupunan.
Napaiyak ng tuluyan ang babae sa narinig, naputol din ang pagsasalita nito dahil sa luhang tuloy-tuloy na dumadaloy mula sa kanyang mga mata.
Umihip ang malamig na hangin sa paligid, tila sumasabay sa bigat ng kanilang pinag-usapan. Tumahimik sila, sa tingin ko ay pareho nilang iniisip ang susunod na sasabihin.
"Mas makakabuti sa atin kung puputulin ang ugnayan natin ngayon. At ibalik ang kung anong meron tayo noon." Mabagal at walang ganang bigkas ng lalaki.
Isang malutong na sampal ang lumukob sa katahimikan. "Ano?! Nababaliw ka na ba?”
Nagbago ang temperatura sa gusali, tumindi ang katahimikan at mas nakakakilabot. Ang hangin ay tila humihinto at malamig na dumadaloy sa aking balat.
Wala na ang mga boses, para bang kinain ng dilim ang lahat ng tunog.
“Ano ito?”
“Gawa-gawa ko lang ba ang lahat ng ito?”
Bawat hakbang na ginagawa ko ay pinapagulong ng isang mabigat na pwersa habang nanginginig ang aking mga tuhod.
Unang hakbang!
“Dapat ba akong magpatuloy? O dapat bang umatras na lamang?”
Ang init ng kaba ay sumisiklab sa aking dibdib. Natatakot ako na baka may masamang nangyari sa akin dito. Dagdag mo pa ang katahimikan ng pasilyo na tila bumubulong ng panganib sa akin.
Ikalawang hakbang!
“Paano kung may makita akong hindi ko kayang makita?”
Bawat hakbang ay parang nagbabadya ng isang bagay na hindi ko pa nakikita. Pinilit kong pigilan ang aking paghinga. Ang bawat paghinga ay parang naging ingay sa walang kasing tahimik na paligid.
Ikatlong hakbang!
“Paano kung may mangyari sa akin dito, at walang makakaalam?”
Walang makakatulong. Walang nakakarinig. Lalong bumibigat ang aking hakbang. Lumalakas ang t***k ng aking puso.
Dalawang hakbang bago ang lagusan.
“Hindi ako dapat nandito… Bakit ko ba ginagawa ito?”
Sumisikip ang dibdib ko sa kaba. Mga kamay ko'y malamig na parang yelo. Hindi ko alam kung kaya ko pang magpatuloy.
Huling hakbang bago ang lagusan.
“Titignan ko ba kung sino ang nasa loob?”
Isang malalim na buntong-hininga ang aking binitawan.
Isa!
Dalawa!
Tatlo!
“Sino kayo? May tao ba rito?!” Sigaw ko ngunit walang sagot. Ang katahimikan ay bumalik.
Mas matindi!
Mas nakakagimbal!
Umuugong sa aking tenga ang kawalan ng tunog. Ang uri ng katahimikan na parang bumabalot at nagtatago ng mga lihim. Napansin ko ang mga pintuan sa magkabilang gilid ng pasilyo. Marami. Bawat isa’y may etiketa.
“Gamit pang-linis.”
“Kasuutan at mga kagamitan sa pagtatanghal”
“Lumang Imbakan ng Aklatan
“Mga Dating Talaan ng Kawani at Mag-aaral”
Ito pala ang silid-imbakanng paaralan.
Madilim.
Masikip.
Halos walang hangin.
Nandito ako, nakatayo sa harap ng walang katapusang pinto. Para akong kinakain ng dilim ng pasilyo. Hindi ko alam kung mas gugustuhin ko bang makakita ng kung anong nakatago rito o manatili sa kawalan.
“Bakit walang tao? Nababaliw na ba talaga ako?”
Napahawak ako sa aking sentido, pilit hinahanap ang mga sagot. Ngunit tila iniwan na ako ng lahat. Hindi ko na maintindihan kung ano ang totoo at ano ang imahinasyon ko.
Sa gitna ng aking pagkalito, napasandal ako sa malamig na pader, dahan-dahang dumausdos patungo sa sahig. Ang mga luha na kanina pa pinipigilan ay biglang bumuhos kasabay ng pag-apaw ng takot na hindi ko na kayang labanan.
Napapikit ako.
Pilit na pinakalma ang sarili.
“Caleb?!”
Ang pagtawag sa aking pangalan ay nagpamulat sa akin mula sa malalim na pag-iisip.
LINGGO, SETYEMBRE 15 (4 PM)
NANG MAMULAT AKO ay hindi ko na nakita ang madilim na pader ng pasilyo. Sa halip, nasa isang tahimik at komportableng silid ako, kasama ang doctor na eksperto sa kalusugang pang-isip na matiyagang tumutulong sa akin na muling balikan ang mga pangyayari.
“Dok, anong nangyari doon sa pasilyo? Bakit ganoon ang nangyari?” tanong ko, nanginginig ang boses, puno ng pagkalito.
Lumapit siya sa akin at dahan-dahang hinawakan ang aking kamay. “May posibilidad na nakabuo ka ng mga maling memorya, mga alaala na akala mo’y totoo ngunit hindi talaga nangyari. Ito ang dahilan kung bakit kailangang maingat tayo.”
“Pero Dok, alam kong may nangyari. Kahit na hindi ko alam ang eksaktong detalye, sigurado akong may nangyari. Ang pakiramdam ko’y hindi ito simpleng panaginip.”
Nagpupumilit ako, kahit ang kaba ay lumalakas sa aking dibdib.
Muling nagsalita ang doktor, kalmado ang tono ngunit may halong pag-aalala. “Maaring nagkaroon ka ng biglaang emosyonal na reaksyon habang bumabalik ang alaala, tulad ng takot, galit, o lungkot. Maaaring nakaimpluwensya ito sa kung paano mo muling naaalala ang mga pangyayari, na minsan ay magiging magulo o pagbabago ng mga detalye.”
“Pero hindi pa naman ako nababaliw, di ba?”
“Hindi naman, epekto ito ng memorya at emosyon na bahagi ng karaniwang reaksyon sa ibang estado ng kamalayan.” paliwanag niya. “Tandaan mo yan.”
Napatango nalang ako. “Sa susunod na sesyon ulit Dok. Alam kong mahirap, pero unti-unti ko nang nauunawaan ang mga tanong sa aking sarili.” sabi ko, habang tumatayo at naghahanda ng umuwi.
Tumayo rin siya at hinawakan ako sa balikat. “Ihanda mo ang sarili sa susunod na sesyon. Mas magiging mabigat at mahirap ito. Nagkakaintindihan ba tayo?”
Kumunot ang aking noo sa kanyang mga pahayag, at naramdaman ko ang matinding takot at kaba. Napatango na lamang ako, pilit na nginitian siya upang itago ang aking takot.
“Papapunta na tayo sa mangyayari sa inyo sa lugar na kinatatakutan mo at—
Habang papalabas ako ng pinto, naririnig ko parin ang huling pahayag niya kaya napahinto ako sa aking paggalaw. Lumingon ako, ang puso ko ay mabilis na tumitibok habang tinitignan ang doctor na tahimik na nagsusulat.
—MGA KAIBIGAN MO!”