PROLOGO

2118 Words
MAALIWALAS AT PAYAPA ang araw habang naglalakad kami tatlo nina Nanay at Tatay galing sa tindahan sa loob ng subdibisyon. Ang sikat ng araw ay banayad sa balat, sinasabayan ng malamig na simoy ng hangin. Napapikit ako at napadaing ng may tumama sa aking tagiliran kasabay ang tatlong putok ng baril. Ramdam ko ang pagkiskis ng siko ni Inay sa aking tagiliran habang kami ay dahan-dahang nawalan ng balanse sa lakas ng pagkakatulak. Pagmulat ko ay natagpuan ko ang sariling nakadapa sa gilid ng sementadong daan. Basag ang balat ng tuhod at braso dahil sa galos ng pagkakadapa. Sa tabi ko, nakahandusay si Inay, namumutla sa gulat at nagmamadaling bumangon. Napaupo ako at napansing wala si Itay sa aming tabi. Ang kaba ay parang kabuting biglang sumulpot, bumilis ang t***k ng aking puso habang natatarantang hinahanap siya. Hanggang sa narinig ko ang pagdaing niya mula sa damuhan, hindi kalayuan. “Itay!” sigaw ko, pinipilit bumangon ngunit mas mabilis ang paghila ni Inay. “D—diyan la…ang kayo!” Aligagang sigaw niya. “Huwag kayong lalapit sa akin.” Puno ng pag-aalala sa ang kanyang boses. Hindi ako mapakali ng makita ang malagkit na pulang likidong tumutulo mula sa kamay niyang nakahawak sa sugatang balikat. Gusto ko mang tumakbo’t tulungan siya ngunit nahigpit ang pagkakahawak ni Inay sa aking pulso. Ang malamlam na asul niyang mga mata ay nakatingin siya sa amin. Bakas ng pag-aalala, awa at kirot sa matang nakatitig sa amin. Namumuo ang luha sa gilid ng kanyang mga mata habang pilit na pinipigilan ang daing sa sakit. Sa isang iglap ay napawi ang kirot na darama sa aking basag na tuhod at braso. Lahat ng nararamdaman ko’y napalitan ng awa at takot para sa aking ama. Habang patuloy ang pag-agos ng dugo sa kanyang balikat ay siya ring pag-agos ng mga luha sa aking mata. Sa gitna ng nakakabinging katahikan ay sumiksik ang langitngit ng gulong ng isang puting van, muli ito nagdudulot ito ng kaba sa aking puso. Kasunod ay ang sunod-sunod na putok ng baril na nagpatuliro sa akin. Napapikit ako, napatakip ng mahigpit ang mga kamay sa tenga, at napa-upo sa magaspang na daan. “Mahal!” malakas na sigaw ni Inay. Narinig ko ang muling pag-andar ng sasakyan at nagmamadaling umalis na para bang walang nangyari. Nanginginig ang aking katawan, gusto ko man siyang tignan ngunit natatakot sa posibleng makita. Ilang minuto akong nanatiling nakapikit, nakaupo, at mahigpit na nakatakip ang mga kamay sa aking tenga. Tahimik ang paligid na para bang ako ay nasa isang masikip at madilim na silid habang nakakulong sa kaba at takot. Nabigla ako nang maramdaman ang pagtayo ni Inay. Tumayo siya at nilapitan si Itay. “Tulungan niyo kami! Tulungan niyo ang asawa ko!” Marahas akong napatayo sa narinig, nanlamig ang aking katawan, nanigas, at hindi makapagsalita. Ang oras ay bumagal ang oras, ang hangin ay biglang naging kasing bigat ng mundo habang dumadampi sa aking balat. Nanginginig ang aking mga tuhod at tila ba ay nawawalan ng lakas. Nakatitig lang ako, nanlumo, hindi makapaniwala. Si Itay… basag ang bungo mula sa balang tumama sa kanyang noo. Naliligo sa sariling dugo habang kandong ni Inay ang kanyang walang-buhay niyang katawan,. Ang kanyang mga bisig ay puno ng sugat at marka ng karahasang naranasan niya. Ang mabagal na takbo ng oras ay biglang bumilis. Napabuga ako ng hangin, kasabay ng pagbabalik ng aking ulirat. Ang panghihina ng tuhod ay nawala sa isang iglap. Napatakbo ako papunta sa kanila, sa harap ng patay na katawan ng aking ama kasabay ng pagsabog ang lahat ng hinanakit at takot sa malakas na hagulgol. Isang malakas na pag-alog ang gumising sa akin. Paulit-ulit ito, kasabay ng tinig ni Inay na umalingawngaw sa aking pandinig. "Anak! Binabangungot ka na naman.” “Gumising ka! Nandito lang si Inay." Muli nitong sigaw. Napabalikwas ako ng bangon ng napagtantong binabangungot na naman ako. Basang-basa ng pawis ang aking damit, nanginginig ang buong katawan dulot ng masamang panaginip. "Anak, ilang gabi ka nang ganyan… mag-iisang buwan na," sambit niya sabay upo sa tabi ko. Napayakap ako sa aking mga tuhod, pilit na isiniksik sa mukha ang sakit. Isang buwan na ang lumipas simula ng mamatay si Itay, walang gabi o araw na hindi ko siya naiisip o napapanaginipan. “Anak, ilang araw ka nang ganyan. Tahimik ka na lang at laging nakatunganga sa loob ng kwarto.” sabi ni Inay, ang boses ay puno ng pag-aalala. Napaangat ako ng tingin at sinalubong ang magkahalong lungkot at pagod sa mata ng aking ina. Naawa ako sa kanya, lalo na at alam kong ilang buwan nalang ay manganganak na siya. Tinignan ko siya ng maigi bago napayakap ng mahigpit. Pagkalas ko sa yakap ay iniabot niya sa akin ang isang basong tubig. Ininom ko ito at tahimik na binalik sa kanya. "Tara na anak, tulog na tayo ulit." ILANG BUWAN ang lumipas bago namin napagdesisyunan na magpatingin ako sa isang doktor na espesyalista sa kalusugang pangkaisipan. Noong una, natatakot ako at nahihiya. Alam ko na may mga tao na iisiping ako ay nabaliw, ngunit malaki ang pasasalamat ko sa aking ina at sa mga taong tunay na nakakaintindi. Sa loob ng opisina ng doktor, ang malamlam na liwanag na pumapasok mula sa maliit na bintana ay nagbigay ng mapayapang paligid. Ngunit ang tunog ng orasan ay tila nagdadagdag ng kaunting tensyon sa tahimik na paligid. Nakaupo ang doktor sa kanyang mesa, kaharap ko. Ako naman ay nababalot sa mabigat na lungkot at takot. Nagsimula siyang magsalita sa mahinahong boses. “Alam kong mahirap ang pinagdaanan mo. Ang mga alaala ng karahasan ay parang mga sugat sa isipan na hindi madaling naghihilom. Lalo na kapag ang mga taong mahal natin ay harap-harapang nasasaktan at nahihirapan, ngunit wala tayong ibang magawa para maibsan ang kanilang nararamdaman.” Tahimik akong nakayuko, ang mga kamay ko'y nakakuyom sa aking kandungan. “Ang pagkukulong sa silid at pagiging tahimik ay karaniwang reaksyon matapos makaranas ng isang traumatikong pangyayari. Ang utak natin ay pinoprotektahan ang ating sarili mula sa sakit na alaala. Minsan, bilang proteksyon ay sinasara nito ang emosyon para hindi na muling masaktan. Ngunit habang sinusubukan nating takasan ang mga alaala, lalo itong bumabalik sa panaginip—mga alaala na tila bangungot.” Walang imik akong nakikinig, ramdam ang pamumuo ng luha sa aking mga mata. “Naiintindihan kita!” Namayani ang nakakabinging katahimikan sa gitna naming dalawa. “At gusto kong ipaalam sa’yo na may mga paraan para unti-unting maghilom ang iyong isipan. Hindi mo kailangang kalimutan ang nangyari, ngunit makakatulong kung matutunan nating tanggapin ito. Gamit ang isang proseso, maaring mahaba o mabilis depende sa iyong sarili at handa akong samahan ka sa pagharap dito.” Ang kanyang boses ay may sinserong malasakit at pakikipagkapwa. “Ang trauma ay hindi nangangahulugang may mali sa’yo; ito ay karaniwang tugon ng utak sa matinding karanasan. Sa tamang gabay at proseso, may pag-asa tayong mabawasan ang sakit at takot na dala ng mga alaala.” Dahan-dahan akong tumingin sa doktor, nararamdaman ang bahagyang pag-asa sa aking puso. “Magtiwala ka!” dagdag niya. “Magsisimula tayo sa maliliit na hakbang. Kasama mo ako sa bawat yugto. Hindi mo kailangang harapin ang sakit na ito mag-isa.” Mula noon, bumibisita kami sa kanya. Isang beses kada linggo. Malaking tulong ang paghingi ng propesyonal na tulong. Unti-unting naghilom ang sugat na dulot ng pangyayari, at gumagaan ang aking pasanin sa dibdib. Ngunit sa kabila ng unti-unting paghilom, pinaalala ng doktor na maaari pa rin akong makaranas ng pag-atake ng pagkataranta, lalo na kung makaramdam ng sobrang bugso ng emosyon. Nakabalik na ako sa pag-aaral, at muling nabuhay ang pag-asa sa kabila ng mga pagsubok. Kasama ko ang aking ina at ang paparating kong kapatid. Ilang araw na lang ay masisilayan na namin ang bagong miyembro ng aming pamilya. Napabuntong-hininga ako habang tinatanaw ang langit. "Kung may mawawala, may bagong dadating," buong tapang kong sabi. "Kaya tuloy lang ang buhay." sagot ng matalik kong kaibigan na si Dale. Bukod sa aking ina, ang pamilya niya ang isa sa mga taong tunay na nakakaintindi sa akin. Masaya kaming naglalakad pauwi galing sa paaralan. Magkasabay na kaming umuwi dahil nadadaanan ko ang bahay nila sa bago naming tinitirhan. Matapos ang mga sesyon ko sa doktor, nagpasya kaming umalis sa dati naming lugar. Naibenta namin ang bahay at ang ilang gamit upang may mapagkukunan para sa mga bayarin at panganganak ni Inay. Bagamat payak at may kahirapan ang buhay namin ngayon, masaya kami sa kabila ng sakit na dala ng pagkawala ni Itay. "Axel at Dale, mga apo! Magmeryenda muna kayo." sigaw ni Lola Soledad ng makita kami sa daan. "Mano po, Lola!" sabay naming bati sa kanya. "Pagpalain nawa kayo ng Diyos." Pinapasok muna niya ako sa loob at pinakain ng bagong lutong kamoteng-kahoy at malamig na katas ng dalandan. "Apo, dalhan mo rin ang iyong nanay nito." sabi niya, sabay abot ng binalot na kamoteng kahoy at katas ng dalandan. Matapos kumain ay nagpaalam na ako at hindi na ako nagtagal dahil walang kasama si Inay sa bahay. "Axel, ito pa ang mga gulay at prutas mula sa tanim namin sa likod-bahay. Dalhin mo ito para may pang-ulam at makain kayo." "Naku po, Lola! Sobra-sobra na po itong ibinibigay niyo. Maraming salamat po, malaking tulong po ito sa amin." Nahihiya kong pasasalamat. "Wag kanang mahiya kasi para ko na kayong kadugo." sagot niya, sabay halik sa aking noo. "Ikamusta mo ako sa iyong ina. Sabihan mo ako agad kapag nanganak na siya." Nakangiti akong nagpaalam at masayang naglakad pauwi, bitbit ang mga biyayang dala mula sa mga taong patuloy na sumusuporta sa amin. Ang bigat ng dinadala ko ay tila mas gumaan. Hindi dahil sa dami ng mga gulay at prutas na bigay ni Lola Soledad, kundi dahil sa kasiyahang hatid ng tunay na pagmamalasakit ng iba. ANG BILIS ng takbo ng oras ay hindi ko namamalayan. Ang mga araw at linggo ay naging buwan, at sa isang kisapmata, dalawang taon na ang lumipas mula nang manganak si Inay. Sa ngayon, isa na akong kuya sa isang masayahing bata na nagbibigay-liwanag sa buhay namin. Sa paglipas ng mga taon, malaki rin ang nagbago sa akin. Nasa hayskul na kami ni Dale, at tila unti-unti ko ng natutunan ang pagtanggap sa mga nangyari sa aming pamilya. Bagamat may mga alaala pa rin na bumabalik-balik sa akin, mga alaala ng masakit at mapait na trahedya. "Dale, iyong talaarawan ko, ingatan mo." sabi ko sa kanya habang kami’y naglalakad papunta sa eskwelahan. "Mahalaga ang mga laman doon kaya umayos ka." Mahina akong binatukan ni Dale, may halong tawa sa kanyang boses. "Aba! Binigyan pa ako ng responsibilidad." "Nandoon 'yon sa bahay, ligtas at iniingatan ko na parang sarili kong talaarawan." Napangiti ako, ramdam ko ang tiwala at pagmamalasakit niya. Sa kabila ng mga trahedya at pagsubok, si Dale ang naging sandigan ko. Alam ko rin na ako ang sandigan niya. Ngunit ang saya namin ay pansamantalang naputol dahil sa isang trahedya na sisira sa aking buhay. Mag-iisang buwan na din simula ng may nangyaring trahedya sa aming paaralan. Nawawala ang isang babae, babaeng palihim na nagpapatibok ng aking puso. Maraming usap-usapan na lumipat siya ng paaralan, may nagsabi namang naglayas siya dahil sa problema. "Anak, may sunog!" Napabalikwas ako sa pag-aalala at dali-daling tumakbo papunta sa sala. Sumalubong sa akin ang init na tila humahalik sa aking balat. Ang aming maliit na tahanan ay binabalot sa apoy na parang halimaw na sumalakay sa bawat sulok. "Nay!" Buong lakas kong sigaw ngunit ang boses ko ay tila nilamon ng sarili kong kaba at takot. "Anak, lumabas ka na! Kukunin ko muna ang kapatid mo." Kahit puno ng takot ang puso ko, sinunod ko si Inay at dahan-dahang tumalikod upang hanapin ang daan palabas. Habang papalayo ako, hindi ko maalis ang tingin sa apoy, mga sigaw, at sa aking mahal sa buhay na naiwan sa loob. Ang takot at sakit ay humahalo sa aking damdamin, nararamdaman ko ang pagkawala ng aking boses, hindi mailabas sa paghingi ng tulong. Nakarating ako sa likuran ng bahay kung saan hindi pansin ng mga tao ang nagaganap. "Ito na ang kabayaran...” Nakaramdam ako ng kakaibang presensya. Napatigil ako at nanlaki ang mga mata. “Ikaw ang may kasalanan ng lahat ng ito. Kung sana'y nanahimik ka lang..." Nanginig ang buong katawan habang pilit kong sinubukan na labanan ang boses na bumubulong sa akin. Ngunit ang bigat ng kanyang mga salita ay parang tinik na tumutusok sa akin. Nanlaki ang aking mga mata at napamulat ako. Isang pamilyar na pigura ang yumakap sa akin. Nakilala ko siya. Kilala ko siya! Napakagat ako sa labi, naguguluhan. Ang babae! “IKAW!? BAKIT IKAW…?”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD