NAGDAAN ang mga sumunod na araw na tila napakabilis. Hindi ko namalayang dumating na pala ang araw na ilang beses kong sinubukang kalimutan.
Ang kaarawan ni Arnaldo.
Mula pa lamang sa paggising ko nang umagang iyon ay hindi na mapakali ang aking isipan. Hindi ko alam kung bakit tila may kung anong mabigat na bumabalot sa aking damdamin.
Marahil ay dahil alam kong kapag sumama ako sa kanya ngayong gabi, marami na namang mga matang mapapako sa akin.
Napabuntong-hininga ako habang nakatitig sa repleksiyon ko sa salamin.
Suot ko pa lamang ang simpleng damit na pantulog, ngunit pakiramdam ko ay para bang napakarami ko nang iniisip.
"Pumayag ka na, Cea. Hindi na puwedeng umatras."
Iyon ang paulit-ulit kong sinasabi sa aking sarili.
Napalingon ako sa pintuan nang marinig ang mahinang katok.
"Cea, hija?"
"Pasok po."
Dahan-dahang bumukas ang pinto at sumilip ang isa sa mga kawaksi.
"May ipinadala pong gown si Sir Arnaldo."
Bahagya akong natigilan.
"Gown? Pero nagpadala na siya kahapon. Nagbago ba ang isip niya sa dapat ko sanang suotin. Ito talagang si Arnaldo napaka-elegante pagdating sa akin.
"Oo, hija. At may stylist din siyang ipinapunta. Naghihintay na sila sa ibaba.
Napasinghap ako.
Hindi ko inaasahang pinaghandaan niya nang ganoon ang gabing ito. Mabagal akong tumayo at sinundan ang kawaksi.
Pagdating ko sa salas ay bumungad sa akin ang isang eleganteng garment bag. Nang buksan iyon ng stylist, halos hindi ako makapagsalita. Isang napakagandang evening gown ang nasa loob nito.
Simple lamang ang disenyo ngunit halatang napakamahal. Kumikinang ang maliliit na kristal na nakaburda rito na tila mga bituin sa kalangitan.
"Hindi ko yata ito kayang isuot..." mahina kong sabi.
Ngumiti ang stylist. "Sir Arnaldo personally chose this gown for you, Ma'am."
Lalo akong natahimik. Bakit ba kasi napakabuti ni Arnaldo? Matapos ang ilang oras ay natapos din ang aking paghahanda.
Nang humarap ako sa malaking salamin, maging ako ay hindi makapaniwalang ako ang babaeng nakikita ko roon.
Marahan kong hinaplos ang tela ng aking bestida.
Hindi ako sanay sa ganitong buhay.
Hindi ako sanay na tratuhing parang prinsesa.
Muli akong napabuntong-hininga.
Hindi nagtagal ay narinig ko ang tunog ng isang sasakyang huminto sa labas ng mansiyon.
"Dumating na po si Sir Arnaldo."
Lalo akong kinabahan. Mabagal akong lumabas ng bahay. Pagbukas ng pinto ay agad kong nakita ang itim na luxury car na nakaparada sa harapan. Lumabas si Arnaldo mula sa driver's seat.
Nang magtama ang aming mga mata ay tila natigilan siya. Hindi siya agad nakapagsalita. Ako naman ang unang umiwas ng tingin.
"B-bakit?"
Napangiti siya nang banayad.
"You look... breathtaking."
Agad akong namula.
"Huwag mo nga akong binibiro."
"Hindi ako nagbibiro."
Lumapit siya sa akin at marahang iniabot ang isang maliit na kahon.
"Ano ito?"
"Birthday gift ko sa sarili ko."
Napakunot-noo ako.
"Bakit ibinibigay mo sa akin?"
"Dahil ikaw ang gusto kong makasama ngayong gabi."
Hindi ko alam kung ano ang isasagot.
Tahimik niyang binuksan ang kahon.
Isang napakagandang diamond necklace ang naroon.
"Arnaldo..."
"Hayaan mo akong isuot ito."
Hindi ko na nagawang tumanggi.
Marahan niyang isinuot ang kuwintas sa aking leeg. Hindi ko maipaliwanag ang kakaibang kaba na naramdaman nang bahagyang dumikit ang kanyang mga daliri sa aking balat.
"Tara na?"
Tumango na lamang ako.
Hindi nagtagal ay nakarating kami sa venue ng engrandeng birthday celebration. Halos mapasinghap ako nang makita ang dami ng mga bisita.
Naroon ang mga kilalang negosyante, personalidad, at mga taong kabilang sa mataas na lipunan.
Nang bumaba kami ng sasakyan ay sunod-sunod ang pagliwanag ng mga camera. Nagulat ako.
"Bakit may media?"
Mahina lamang na natawa si Arnaldo.
"Normal na iyon."
Hindi normal para sa akin. Mas lalo akong nailang nang marahan niyang inalalayan ang aking baywang habang papasok kami. Pakiramdam ko ay lahat ng mata ay nakatingin sa amin. At hindi nga ako nagkamali. Sa pagpasok pa lamang namin ay narinig ko na ang mga pabulong na usapan.
"Siya ba ang babaeng kasama ni Sir Arnaldo?"
"Ang ganda pala niya."
"Akala ko si Miss Veronica ang dadalhin niya."
Sino si Veronica? Hindi ko maiwasan na itanong sa sarili.
"Hindi ko siya kilala."
"Napakaswerte naman niya."
Mahigpit kong hinawakan ang aking maliit na clutch bag. Hindi ako komportable sa ganoong atensyon. Hanggang sa natapos ang naturang party ay hindi ako iniwan ng mga mata ni Arnaldo.
Kinabukasan, pagpasok ko sa paaralan ay tila kakaiba ang katahimikan.
Pagdaan ko sa hallway ay napansin kong halos lahat ng estudyante ay nakatingin sa akin.
May mga nagbubulungan.
May mga palihim na kumukuha ng litrato. May mga nagtatawanan.
Napakunot-noo ako.
"Ano'ng nangyayari?"
Hanggang sa marinig ko ang isang grupo ng mga babae.
"Siya pala ang date ni Sir Arnaldo."
"Kapal naman ng mukha."
"Hindi naman siya espesyal."
"Bakit siya ang napili?"
"Hindi ba siya nahihiyang agawin ang atensyon ng lahat?"
Napahinto ako sa aking paglalakad.
Mas lalong bumigat ang pakiramdam ko nang mapansing masama ang tingin nila sa akin.
Hindi ko naman ginusto ang lahat ng ito.
Hindi ko naman hiningi ang espesyal na pagtrato ni Arnaldo. Ngunit bakit tila ako ang nagiging kontrabida sa paningin nila?
Habang naglalakad ako papunta sa aking silid-aralan, ramdam ko ang bawat matang nakasunod sa akin. May inggit.
May pagkainis. At mayroon ding galit.
Pagod na pagod akong napasandal sa upuan ng sasakyan habang pauwi mula sa paaralan.
Hindi ko inaasahang magiging ganoon kabigat ang araw na iyon. Mula nang dumalo ako bilang kapareha ni Arnaldo sa kanyang kaarawan, tila naging sentro na ako ng usap-usapan sa campus. Halos saan man ako lumingon ay may mga matang sumusunod sa bawat kilos ko.
May mga ngumingiti, ngunit mas marami ang nakatingin sa akin na tila may hinanakit. Hindi ko naman ginusto ang atensyong iyon. Ang gusto ko lamang ay mamuhay nang tahimik.
Napabuntong-hininga ako habang ipinikit ang aking mga mata.
"Sana bukas ay maging normal na ulit ang lahat."
Ngunit alam kong malabong mangyari iyon. Hindi pa man tuluyang humihinto ang sasakyan sa tapat ng bahay ay napansin kong tila may kakaiba.
Mula sa labas pa lamang ay tanaw ko na ang maliliit na ilaw na nakasabit sa hardin. Kumukutitap ang mga ito na para bang mga bituin na bumaba sa lupa.
"Ano'ng meron?" mahina kong tanong sa sarili.
Pagkababa ko ng sasakyan ay lumapit ang isang kawaksi at magalang na ngumiti.
"Welcome home, hija."
Tumango ako.
"May okasyon ba?"
Ngumiti lamang ito na tila may itinatagong lihim.
"Mas mabuti pong kayo na lamang ang makakita."
Lalo akong nagtaka. Mabagal akong naglakad papunta sa hardin sa likod ng bahay. Pagliko ko ay agad akong natigilan. Napasinghap ako.
Sa gitna ng hardin ay may isang mahabang mesa na natatakpan ng puting mantel. May mga kandilang nagbibigay ng banayad na liwanag, napapalibutan ng sari-saring bulaklak na maayos ang pagkakaayos. Sa paligid ay may mga fairy lights na lalong nagpaganda sa tanawin. Para akong napadpad sa isang eksena sa pelikula.
"Bakit..."
Hindi ko naituloy ang sasabihin ko nang marinig ko ang isang pamilyar na boses.
"Nagustuhan mo ba?"
Napalingon ako. Nakatayo roon si Arnaldo, nakasuot ng simpleng polo at slacks. Wala ang pormal na kasuotang madalas kong makita sa kanya, ngunit nananatili pa rin ang kanyang elegante at maaliwalas na tindig. Napangiti siya nang makita ang pagtataka sa aking mukha.
"Arnaldo?"
Lumapit siya sa akin.
"Napansin kong pagod ka nitong mga nakaraang araw."
"Pero... ano'ng lahat ng ito?"
"Surpresa."
Hindi ko napigilang matawa nang bahagya. "Napakalaki naman ng sorpresa mo."
"Deserve mo."
Napayuko ako. Hindi ko alam kung bakit tila lagi niyang nagagawang ipadama sa akin na mahalaga ako. At iyon ang dahilan kung bakit lalo akong nakararamdam ng guilt. Napakabuti niya. Napakaalaga. Ngunit sa kabila ng lahat ng ginagawa niya para sa akin...
Hindi pa rin nagbabago ang nararamdaman ko. Magaan ang loob ko kapag kasama ko siya. Komportable akong kausap siya. Nagtitiwala ako sa kanya. Ngunit hanggang doon lamang.
Hindi tumitibok ang puso ko sa paraang marahil ay inaasahan niya.
Kaibigan. Iyon lamang ang kaya kong ibigay sa kanya. At natatakot akong isang araw ay masaktan siya dahil sa katotohanang iyon.
"Ano'ng iniisip mo?"
Napakurap ako.
"Wala..."
Hindi siya naniwala ngunit hindi na siya nangulit.
"Halika. Maupo tayo."
Tahimik kaming naupo sa magkabilang panig ng mesa. Masarap ang mga pagkaing inihain, ngunit mas nangingibabaw ang katahimikan sa pagitan namin. Hindi iyon nakakailang.
Sa halip ay payapa. Isa iyon sa mga bagay na hinahangaan ko kay Arnaldo.
Hindi niya kailangang magsalita palagi para ipadama sa akin ang presensya niya. Matapos kaming kumain ay inilapag niya ang hawak niyang baso.
"Cea."
"Hmm?"
"May gusto sana akong itanong."
Napatingin ako sa kanya.
"Pwede ba kitang yayain sa isang date?"
Bahagya akong natigilan. Date?
Hindi ko inaasahang gagamitin niya ang salitang iyon. Marahan akong napabuntong-hininga.
"Arnaldo..."
"Kung hindi ka komportable, tatanggapin ko."
Tinitigan ko siya. Walang pamimilit sa kanyang mga mata. Walang pagmamadali. Tanging paggalang lamang sa magiging sagot ko.
Siguro...
Wala namang masama kung lalabas kaming dalawa. Hindi naman ibig sabihin niyon ay sasagutin ko na siya.
"Sige."
Bahagya siyang ngumiti.
"Talaga?"
"Oo. Bilang magkaibigan."
Nakita kong bahagyang kumislap ang kanyang mga mata, ngunit hindi ko na alam kung dahil ba iyon sa salitang oo o dahil sa salitang magkaibigan.
Kinabukasan ng gabi ring iyon ay sinundo niya ako. Hindi ko inaasahang dadalhin niya ako sa isa sa mga pinakasikat na restaurant sa lungsod.
Pagpasok pa lamang namin ay sinalubong na kami ng malamig na musika mula sa isang violinist.
Marahang sumasayaw ang liwanag ng mga kandila sa bawat mesa, habang ang amoy ng mga sariwang bulaklak ay humahalo sa masasarap na pagkain.
Napalinga-linga ako sa paligid.
"Ang ganda naman dito."
"Nagustuhan mo?"
Tumango ako.
"Hindi pa ako nakakapunta sa ganitong lugar."
Ngumiti siya.
"Masaya akong ikaw ang kasama ko."
Hindi ko alam kung bakit tila may kung anong kirot akong naramdaman sa damdamin. Habang tumatagal ang gabing iyon ay mas lalo kong nakikilala ang ibang bahagi ng pagkatao ni Arnaldo. Hindi lamang pala siya mabait.
Napakaalaga rin niya.
Bago pa man maubos ang tubig sa aking baso ay pinapalagyan na niya iyon.
Kapag nahihirapan akong abutin ang isang pagkain ay siya na mismo ang naglalagay nito sa aking plato. Hindi rin niya nakakalimutang itanong kung komportable ba ako o kung may gusto pa akong kainin.
At nang magsimulang tumugtog ang isang pianist ng mabagal na awitin, napangiti siya bago marahang iniunat ang kanyang kamay sa akin.
"May I have this dance?"
Napasinghap ako.
Hindi ko inaasahang darating sa puntong iyon ang gabi. Napatingin ako sa kanyang kamay. Pagkatapos ay sa kanyang mga mata. Wala akong nakitang kahit katiting na biro. Tanging katapatan lamang. Hindi ko namalayang napangiti ako. Unti-unti kong iniabot ang aking kamay sa kanya. Habang magkahawak ang aming mga kamay at marahan kaming umiikot sa saliw ng musika, isang bagay ang tuluyan kong napagtanto.
Napaka-romantic na tao ni Arnaldo.
Isa siyang lalaking kayang ipadama sa isang babae na siya lamang ang pinakamahalagang tao sa mundong ito.
At marahil...
May ibang babae na agad na mahuhulog ang loob sa kanya. Ngunit ako...
Sa kabila ng lahat ng kanyang kabutihan at pagiging maalaga, hindi ko pa rin magawang pilitin ang puso kong ibigin siya nang higit pa sa isang mabuting kaibigan.
At iyon ang katotohanang kinatatakutan kong sabihin sa kanya balang araw.
"Cea... kailan mo ba ako sasagutin?"
Natigilan ako sa tanong ni Arnaldo. Ano bang dapat kong isagot? Halos mabingi ako sa mabilis na pagtibok ng aking puso.