Isang umaga matapos gumamit si Clarie ng banyo narinig niya pag-akyat sa kuwarto na may nagkakagulo sa katapat na bintana, kay Jayden. Apat na kalalakihan ang nakita niyang nagkakatuwaan, nagkikilitian, nagbabatukan – mga naghaharutan. Pero tingin niya'y isa iyon laban sa tatlo. Si Jayden ang pinagdidiskitahan ng mga iyon. Iyong dalawa tuwang-tuwa sa kakakiliti kay Jayden na hindi naman makawala sa mga ito dahil hawak-hawak ng isang matabang lalaki ang mga balikat niya.
"Hoy! Sino kayo?! Ano ba 'yang ginagawa nyo?!" sigaw niya sa mga iyon na kaagad namang tumingin sa kanya. Tinigil din nila ang ginagawang harutan. At iyon naman ang naging tyempo ni Jayden upang isa-isang pagbabatukan sa mga ulo ang tatlo. Sunod-sunod naman silang nag-react at nagsabing...
"Aray!"
"Mga loko kayo!" bulyaw pa ni Jayden sa mga iyon. "Buti na lang nandyan ka Clarie, baka di mo na ako naabutang buhay sa mga 'to."
"Clarie?" sabay-sabay pa nilang nasabi at bumaling din sa kabilang kuwarto. Nagulat naman si Clarie sa mga reaksyon ng tatlo.
"So, siya pala bro?" paniniguro noong mataba.
"Siya nga talaga iyon Biboy," sagot naman ng may katangkaran at maputi na lalaki.
"Walang duda. Base sa mga kwento ni Kaye, siya nga talaga," huling komento ng matangkad rin na lalaki pero may ka-itiman naman.
Sinilip naman ni Clarie si Jayden na nasa may bandang likuran ng tatlo. Humihingi ng paliwanang kung sino ba ang tatlong iyon dahil hindi niya naiintindihan ang mga pinagsasabi ng mga ito.
"Tabi nga," pumagitna si Jayden sa mga iyon. "Itong tatlong kabute na 'to na sumulpot na lang bigla sa kuwarto ko ay mga ka-banda ko noong college. Well, kaibigan ko na rin kahit ganyan 'yang mga yan."
Pinakilala din naman niya ang mga ito kay Clarie isa-isa. Si Biboy iyong mataba, si Aji iyong maputi na matangkad, at si Lance naman iyong medyo maitim. Kung hindi nagustuhan ni Jayden ang pagdalaw ng mga kaibigan niya, si Clarie naman tuwang-tuwa sa mga iyon. Sa tingin niya'y pare-parehas ang mga ito ng personality katulad ng boyfriend niya. Ngunit si Jayden lang itong medyo nagsusungit ng oras na iyon.
Minabuti ni Clarie na pumunta sa bahay nila Ate Ester at doon makipag-kuwentuhan sa mga kaibigan ng boyfriend niya. Welcome naman ang mga ito sa tiyahin ni Jayden na si Ate Ester at kay Goji na pinsan nito. Wala nga siyang ibang naging reaksyon sa mga kuwentuhan nila kundi ang tumawa ng tumawa. Binubuking kasi ng mga ito ang mga kapilyuhan ni Jayden noon at ang ilan pa sa mga hindi niya nalaman mula kay Jayden. Si Jayden naman laging kumukontra sa mga pinagsasabi ng mga kaibigan dahil masyado na nilang minanipula ang mga alaalang iyon.
"Matinik talaga sa babae 'yan, Clarie!" banat ni Biboy na patuloy pa rin na tumatawa sa pagkukwento tungkol kay Jayden. "Akala mo may magic kapag kumakanta! Halos lahat ng girls sa campus tinitilian siya. Pero ang pinakagusto niyang babae, wala namang hilig sa pagkanta at pagtugtog niya."
Natahimik naman ang lahat. Napansin na lang ni Clarie na nakatuon na ang tatlo kay Jayden na noo'y katabi niyang nakapikit lang at nakasandal sa upuan, hindi na nakikialam sa mga pinag-uusapan nila.
"Si Karla ba 'yun?" nakangiti naman niyang tanong sa tatlo. Tumango naman ang tatlo sa kanya. Kutob niyang may takot pa ang tatlo na i-open si Karla kay Jayden. Si Karla ang dati nitong minahal na hindi sumukli sa pag-ibig nito. Pero, narito na si Clarie. Hindi niya gustong mauwi lang sa inis ang katuwaan nilang ito.
"Wala naman sigurong ampalaya dito?" baling niya sa tainga ng katabing si Jayden na kaagad namang napadilat. Inakbayan niya din ito. "So, pasalamat ka pala sa'kin Jayden kasi mahilig ako sa music! Siguro boses palaka 'yun kaya ganun, buti na lang ehem, hindi ako sintunado."
"Mas maputi naman sa'yo 'yun!" sabay kurot naman ni Jayden sa ilong niya. Kaagad din namang sumang-ayon ang tatlo na natinag na sa pagka-pipi nila. Nagtatawanan pang nagsusulyapan sa isa't-isa na nagsesenyasang nakakapagbiro na ang kaibigan nila tungkol kay Karla.
"Okay lang! Gorgeous naman 'di ba?" banat din ni Clarie na natuwa rin sa reaksyon ni Jayden. Hindi niya naman din kasi binabanggit pa si Karla kay Jayden kahit na ang dami niyang gustong itanong dito. Umiiwas na lang din kasi siya na baka hindi pa ito handa na ungkatin iyon. Pero minsan niyang naitanong ito nang naguluhan siya sa mga sinabi nito dating paghihintay din kay Karla.
Base sa pagkakaintindi ni Clarie, parehas sila ni Karla na pinagtatabuyan ang lalaki kapag ayaw nila dito. Hindi na binibigyan pa ng pag-asa upang hindi na makasakit pa ng damdamin. Alam iyon ni Jayden dahil saksi ito nang itinaboy ni Clarie si Raymond, ang pinakagustong lalaki ni Clarie. But in the end nawala rin ang pagkagusto niya rito dahil na rin sa maraming dahilan. Aminado din naman si Clarie na isa din si Jayden sa mga dahilan niyang iyon. Iyon si Clarie, kapag ayaw niya hindi na niya papaasahin pa.
Ngunit si Karla kahit na sinabihan niyang ibaling na lang ni Jayden sa iba ang pagkagusto ay lagi rin naman niyang hinahanap ito. Iyon ang magulo sa sitwasyon, malapit na magkaibigan sina Jayden at Karla gaya rin nang turingan ni Jayden at Kaye na kapatid ni Karla. Sa bawat punta ni Karla kay Jayden ay katumbas rin ng pagkabuhay ng pag-asa ni Jayden para magustuhan din siya nito. Kaya't umasa ito at naghintay. Pero sa huli, mali pala ang hinala niya. Umani siya ng kabiguan nang minsang may iniharap na itong nobyo sa kanya.
At kung paano naman si Jayden napadpad sa Manalasan ay upang makalimot at umiwas kay Karla. Batid ni Clarie na nilinaw na ni Jayden ang ugnayan nito kay Karla noong biglaan itong bumalik sa lugar nila. Masaya siya sa naging resulta lalo't alam niyang nakatulong siya kahit paano sa kabiguan ni Jayden. At iyon ang ipagpapatuloy niya pang gawin. Hilumin pa ang sakit na iyon na dulot ng nakaraan.
Natuwa si Clarie nang makapasa siya sa exam at nakalagpas sa interview ng kompanyang tumawag sa kanya. Laking pasasalamat talaga niya at may isang nag-response sa pag-aaply niya ng trabaho. Mahirap talaga ang maghanap kahit na ang totoo naman napakaraming trabaho kahit saan. Iyon nga lang hindi siya qualified dahil sa hindi niya iyon linya kaya't hindi siya sumubok na mag-apply. At may pagkakataon naman na hindi talaga siya umabot sa standards na kailangan ng employer kaya hindi siya natanggap.
At sa napakasuwerteng resulta, makakapagsimula na siya bilang Marketing Assistant sa isa sa mga kilalang gadget developer sa loob at labas ng bansa. Hindi mawawala ang kaba pero iyon ang dapat niyang labanan. Iyon ang motto niya. Wala siyang ibang kalaban kundi ang mismong insecurities at fear ng sarili niya.
Kinagiliwan naman siya ng mga co-workers niya at mabait rin ang boss niya. Pero nang ipakilala nito sa kanya ang isa sa mga madalas niyang makakatrabaho ay nagulat talaga siya at nagtaka. Iyong Junior Marketing Executive daw ang makakasama niya palagi, walang iba kundi si Bench. Ang kaibigan ni Paul at ang pinagselosan pa ni Jayden. Kaya pala pamilyar ang mukha nito sa kanya dahil minsan na niya itong nakita sa kompanyang iyon.
"So, it's you again." ngiting sabi nito sa kanya na hinihintay ang pakikipagkamay niya dito. Nakaalis naman na ang boss nila.
"Oo nga eh, small world talaga!" sabay abot sa kamay ni Bench.
Nakangiti ito sa kanya kaya't ganoon rin ang tugon niya dito. Wala naman siyang ibang ekspresyon na pagpipilian kahit pa inunahan na siya ng utak niya kapag nalaman ito ni Jayden. Hindi niya tuloy alam kung dapat niya bang sabihin na ang lalaking pinagselosan nito magmula nang maging sila, ay ang lalaki rin na palagi niya pang makakasama sa trabaho ngayon. At kung hindi niya naman sasabihin kay Jayden, baka sa huli siya pa ang magmukhang masama at hindi nagpakatotoo dito. Ano nga ba ang dapat niyang gawin?