Lumabas na din si Clarie at hinanap si Jayden. Iniwan niya muna ang apat sa videoke bar dahil hindi niya kayang maghintay lang sa pagbalik ng boyfriend niya. Paano kung wala na pala iyong balak bumalik?
At bakit ba ang nakaraan pilit pa ring umeeksena sa kasalukuyan?
Sa oras na ito, may isa pa pala siyang kalaban maliban sa sarili. Kalaban niya sa pagkuha ng buong atensyon ni Jayden, si Karla, ang dati nitong minahal nang... Sobra.
Akala niya maayos na ang lahat tungkol kay Karla. Pero isang kanta lang matitinag na ito sa mga masasakit na alaala?
Hindi nagtagal nakita niya ang hinahanap sa isang swing roon malapit lang din sa bar na dinayo nila. Noong nakita niya si Jayden nakaupo pa iyon sa duyan pero nang malapit na siya ay bigla iyong tumayo. Aalis na iyon sa kinatatayuan kaya naman agad na siyang lumakad nang mabilis at bigla niyang niyakap ito habang nakatalikod ito sa kanya.
“Huwag mo kong iwan,” bigla na lang niyang nasabi habang nakayakap pa rin kay Jayden. Hindi naman kasi talaga siya nagagalit sa nalaman niya tungkol sa history ng Forevermore. Nag-alala siya, iyon ang nararamdaman niya ng mga sandaling iyon.
Kung alam lang sana niya na masasaktan si Jayden ng kagustuhan niya hindi na lang sana niya sinabi pa. Hindi niya alam kung bakit ganito rin siya kay Jayden.
Hindi niya malaman kung nag-aalala ba talaga siya sa mga nararamdaman ng kasintahan o guilty lang siya sa mga itinatago niya dito.
“Nagpahangin lang naman ako Clareng,” sagot nito at hinarap siya. “Bakit, may masama ka na naman bang napanaginipan sa’kin?
“Wala naman. Sorry... Hindi ko naman alam na parehas pala kami ng gusto,” sabi niya sa mga mata ni Jayden.
Nagtataka siya parang hindi niya malaman ang nilalaman ng mga iyon. Ang akala niya’y babaliwalain lang nito ang mga sinabi niya pero muli ulit siyang niyakap nito. Mahigpit.
“Don’t be sorry. Ako dapat ang mag-sorry. Hindi ko dapat ginawa ‘yun. Hindi ako dapat umalis at iniwan ka. Pero, bigla lang akong nakaramdam ng sakit,” paliwanag ni Jayden habang sinasabi iyon na nakayakap pa rin kay Clarie. “Sorry talaga. Promise... Hindi na mauulit.”
Napatunayan nga ni Clarie na may guilt na bumalot sa kanya. Iyon ang pumipigil sa kanya na sumbatan ito. Sabihin ditong nasasaktan din siya dahil sa Karla na iyon na hindi pa rin nagpapatahimik sa nobyo niya. Pero hindi niya magawa dahil alam niya sa sariling gusto din niyang intindihin ang nararamdaman nito. And in return, makakaasa siyang maiintindihan din siya nito sa inililihim niya.
Dalawa na lang silang magkasamang umuwi. Sina Biboy, Aji, at Lance ay humiwalay na sa kanila dahil may pupuntahan pa daw ang mga iyon. Gagawa naman ng lesson plan ang dinahilan ni Clover. Pero kutob ni Clarie na ayaw lang nitong sumabay sa kanya. Ayaw lang nitong ma-out of place sa kanila dahil hanggang ngayon ay wala pa rin itong boyfriend.
Hapon na rin nang makauwi sila. Pero inaya muna ni Clarie si Jayden sa sanktuwaryo niya.
May mga kaunting pinagbago iyon dahil ang dati nilang bench doon ay may sarili ng bubong pananggalang sa araw at ulan. Mas tumitindi na kasi ang init at kapag naman umulan wala talaga silang ligtas na hindi mabasa dito. Pinagtulungan nilang dalawa na gawin iyon alang-alang na rin sa pamamalagi nila doon.
At nitong mga nakaraang linggo ay hindi na nga nila ito nabibisita pa dahil sa kulang na rin ang oras nila.
“Jayden,” tawag ni Clarie habang magkatabi silang nakaupo habang ang kaliwang braso ni Jayden ay nakaakbay sa kanya. May kaunting kaba sa loob ni Clarie pero sinikap niyang labanan iyon. Hinanda na rin niya ang sarili sa mga isasagot sakaling sumalubong ang tampo nito sa kanya dahil kutob niyang hinihintay na lang nito ang pag-amin niya.
Hindi na rin niya maintindihan kung bakit ba niya inililihim ang tungkol kay Bench. Wala naman silang ginawang masama. Mahal niya ang nobyo at nais niyang magpakatotoo dito.
“Bakit?”
“Sorry.”
“Saan?”
“Dahil naglihim ako.” tumingin siya kay Jayden. “Kutob ko alam mo na... sorry talaga. Hindi ko agad sinabi sa’yo na magka-trabaho kami ni Bench.”
“Bakit mo nga ba nilihim sa’kin?” kaagad na tanong ni Jayden sa kanya.
Hindi man lang niya inasahan ang sobrang reaksyong makikita dito sa halip, kalmado lang iyon. Ngunit ang mga mata’y kita niya ang panunumbat.
“So, alam mo na talaga?” mahina niya pang paninigurado sa kausap.
At tama nga ang kutob niya dahil tumango si Jayden sa tanong niya.
“Matagal ko ng nalaman. Bago ka pa man magsimula na pumasok ‘dun naitanong ko na kay Paul. Kaya naman nang sabihin mo sa’kin ang pangalan ng kompanyang papasukan mo ay may posibilidad ngang magkita kayo. At hindi nga ako nagkamali. Sinabi sa’kin ni Paul na magkasama pa kayo sa trabaho ni Bench. Ang tanong ko, bakit ngayon mo lang sinabi sa akin?”
“Kasi bigla akong natakot,” paliwanag ni Clarie na nakatitig pa rin kay Jayden.
“Sasabihin ko naman talaga sa’yo hindi ko lang talaga mahanapan ng tamang timing kasi ayokong magkatampuhan tayo at mauwi pa sa away ‘yung magandang pag-uusap natin. Ayokong nagseselos ka. Ayokong nararamdaman mo ‘yun. Alam ko naman kasi na ‘yun kaagad ang mararamdaman mo kapag sinabi ko ‘yun sa’yo.”
“Buti alam mo,” irap niya kay Clarie.
“Iyan! Nagsusungit ka na naman. Ano naubos na ba lahat ng sugar sa katawan mo?”
“Ako? Mauubusan nun? Hinding hindi!”
Nagulat na lang si Clarie nang biglang hawakan ng kanang kamay ni Jayden ang pisngi niya at mabilisan nitong nadampian ang labi niya.
“Ito pa!” dampi ulit nito. “At ito pa!”
“Nakakadami ka na ha,” sita naman ni Clarie na hindi kaagad nakagalaw sa mga ginawa ng kasintahan niya.
“Hindi bawal ang gumanti,” ngiting biro naman ni Jayden sa kanya. Natawa si Clarie kaya naman ginaya niya rin ang ginawa sa kanya ni Jayden. Imbis na tatlo lang, ginawa niyang lima. Pinagkikiliti at kinurot-kurot niya pa ang tagiliran nito.
Nagsimula na naman silang magkulitan. At nang mabawi na ulit nila ang lambingang iyon ay nagpasya na silang umuwi sa kani-kanilang bahay.
“Basta Jayden,” sabay hawak ni Clarie sa mga kamay ni Jayden nang huminto siya malapit sa bahay. Kaharap niya ang lalaki at matiim na tinititigan. “Ikaw lang talaga. Ikaw at ikaw lang ang mahal ko, tatandaan mo yan ha? Iwas-iwas ka na sa pagseselos kasi ayoko talaga ‘nun! Okay?”
“Opo gorgeous,” sagot naman ni Jayden sa kanya. “Malinaw ang lahat.”
“Tsaka... May gusto din sana akong itanong,” habol niya. Tanong na kanina niya pa talaga gustong sabihin kay Jayden.
“Go on.”
“May nararamdaman ka pa ba kay Karla?”