CHAPTER 2 -ANG BRACELET

1431 Words
March 25, 2004 . . . Nakatayo si Novel sa gilid ng swimming pool habang naaalala ang masamang pangyayari. Isang pangyayaring bumago sa kaniyang buhay. Tuloy-tuloy na pumapatak ang kaniyang mga luha at nanginginig. “Patawarin mo ako Yena, k-kasalanan ko ang lahat. Kung hindi kita dinala rito, sana b-buhay ka pa rin. S-Sana hindi nagbago ang buhay ko,” aniya habang umiiyak. Pinunasan niya agad ang luha nang makarinig ng yabag ng paa papalapit sa kaniya. “Kahit ilang beses ka pang umiyak diyan at humingi ng tawad hindi mo na maibabalik ang lahat sa dati. Hindi mababalik ang buhay ng anak ko sa pag-iyak mo riyan,” boses ng tinuring niya na ring tunay na ina, si Inna. “At siya nga pala, ayokong makita ang pagmumukha mo kaya naman manatili ka na lang sa kuwarto o kaya naman sa dorm mo. mag-aral ka roon! Huwag ka masyadong magdrama riyan dahil kahit ilang beses mo iyang gawin ay ‘di mo mababago ang katotohanan. Ang katotohanang ikaw ang dahilan ng pagkamatay ni Yena!” Nanginginig ang kaniyang mga kamay habang umiiyak. “Dapat makamit mo ang sinabi naming grado, huwag na huwag mo papababain! Pinag-aaral ka namin. Utang na loob mo sa amin iyon. ‘Di ko nga alam kung bakit pinagpilitan pa rin ni Limyel na kupkupin ka pa rin sa kabila ng ginawa mo eh! Kung ako lang tatanungin baka binalik na lang kita sa labas at magpalaboy-laboy ka roon!” Tila paulit-ulit na sinasaksak ang puso ni Novel nang marinig iyon. Patuloy ito sa pagsumbat sa kaniya at sa pagpapaalala ng mga nagawa niya noon. Wala atang araw na narito siya na hindi ito nagtagumpay na saktan siya sa pamamagitan ng mga salitang hindi na mabubura sa puso niya kailanman. Wala siyang laban, mas pinili nalang ni Novel na manahimik. Gusto niya mang lumaban pero siguradong papaalisin siya nito. Pinagpapasalamat niya na lamang na pinag-aaral pa rin siya kahit pilit lang. Pagkapasok niya sa loob ng mansion ay lahat ng mga mata ay nakatutok sa kaniya. Ang iba ay naaawa, karamihan ay may galit yata sa kaniya. Dire-diretso siyang pumasok sa loob ng silid-tulugan at umiyak nang umiyak. Matapos ay nakatulog at nagising na lamang dahil kay Nanay Linda. “Anak, kumain ka na muna para may lakas ka,” malambing na saad nito. “Salamat po sa pagkain,” tugon niya at malungkot na sinimulang kumain matapos manalangin. “Sinaktan ka na naman ba ni Madam?” tanong nito sa kaniya habang hinahaplos ang mahaba niyang buhok. “Hayaan niyo na po iyon, sanay na rin akong marinig halos araw-araw ang mga binibitawan niyang kataga sa akin. Kaya ko namang tiisin at ayos na rin po kahit paano. Ang mahalaga naman po sa akin ay makapagtapos ako ng pag-aaral,” sagot ng dalaga at tinapos ang pagkain ng hapunan. “Magpahinga ka at bukas ay kaarawan mo na naman. May ibibigay akong regalo!” Kahit paano ay gumaan ang mabigat na pakiramdam ni Novel bago tuluyang lumabas si Nanay Linda. Kinuha ni Novel ang kaniyang kuwaderno at doon nagsulat ng mga tula na tumutukoy sa mga masasakit niyang karanasan sa buhay. Pagkatapos ay nagsimula na siyang mag-aral muli ng mga lesson. _ Sumapit ang umaga at wala namang nagbago. Puro pagpaparinig, sumbat at masasamang tingin at salita ang sumalubong kay Novel. Normal na sa kaniyang gumising nang ganoon lalo na ngayong ikalabing pitong kaarawan niya. Imbis na dumiretso na siya sa kusina para kumain ay napagdesisyonan niya na lamang na bumalik na sa kaniyang kuwarto at ihanda na lang ang mga dadalhing gamit pagbalik niya sa dorm sa pinapasukang eskwelahan. Katulad nang nakagawian ay nagsulat na lamang siya ng tula at sunod ay isang maikling kuwento gamit ang papel at ballpen niya. Ayaw niyang ilagay ito sa laptop o computer o kaya naman cellphone dahil lahat iyon ay tinitingnan araw-araw kung ano ang nakalagay sa gadyet. Ayaw niyang makita ng iba ang kaniyang mga sinusulat. Nang may kumatok ay kaagad na tinago ni Novel ang gamit dahil sa pag-aakalang ang ina o ama iyon o kung sino man. Bumukas ang pinto at nakita niya ang isang katulong na mukhang may sama ng loob sa kaniya. Tahimik lamang siya at hindi ito tiningnan. Ayaw niyang batiin ito dahil alam niya na mapupunta ‘yon sa pangit na usapan. “Pinapahatid ni Sir Limyel, ang bilin naman ni Madam Inna ay kapag hindi mo raw iyan inubos hindi ka makakakain buong araw,” seryosong saad nito at iniwan na siya. “Galit na galit yata siya sa akin? Sa pagkakaalala ko wala naman akong ginawang masama sa kaniya,” bulong ni Novel at inubos ang hinatid sa kaniyang pagkain at uminom. Pagkatapos ay inayos niya ito habang nakalagay sa tray at pinagpatuloy ang ginagawa. Dating gawi lamang din, kukunin iyon mamaya pagkahatid sa kaniya ng pagkain. “Sana si Nanay Linda na ang maghatid mamaya . . .” Ang hiling ng dalaga ay ‘di natupad. Ang babaeng si Erah pa rin ang naghatid sa kaniya. Ang bilin nito ay katulad pa rin kanina. Mabuti na lamang ay muli niyang naitago ang ginagawang kuwento bago ito pumasok sa kaniyang silid-tulugan. Kaunting kanin at tubig lamang iyon at sa totoo lamang ay bitin pa para sa kaniya pero hindi na lamang siya nag-iwan ng komento at siguradong yari siya. Nagpapasalamat na lamang siyang pinapakain pa rin siya. Binuhos ni Novel ang oras sa pagsusulat at pag-aaral. Hanggang sumapit ang gabi ay hindi pa rin natupad ang hiling niyang si Linda maghatid ng hapunan niya. Pero nagpapasalamat pa rin siya na si Aling Mina iyon. Isa sa katulong na mabait din sa kaniya. “Kumusta naman ikaw ‘nak?” tanong nito na may bahid ng pag-aalala. “Ayos lang naman po ako. Kayo po? Ngayon na lang po tayo ulit nagkita,” tugon ng dalaga. “Ayos lang din pero minsan na-hi-high blood ako sa ibang katulong. Alam mo na, ikaw na naman pinag-uusapan ng kung ano-ano. Oh siya kumain ka na ng iyong hapunan. Si Linda ang kukuha niyan maya-maya,” sagot ni Aling Mina na nagpangiti sa dalaga. “Maligayang kaarawan pala! Ito ang regalo ko, yung ballpen at notebook na gustong-gusto mo!” dagdag pa nito na nagpawala ng lungkot lalo sa puso ni Novel. “Maraming salamat po Aling Mina!” “Walang anuman!” Masayang kumain ng hapunan si Novel at matapos niyon ay saktong pagpasok naman ni Nanay Linda dala ang regalo para sa kaniya. Niyakap niya ito kaagad at binati. “Akala ko po ‘di ko na kayo makikita ngayong araw! Bukas pa naman po ay aalis na muli ako,” aniya at hindi agad kumawala sa pagkakayakap. “Naku! Pwede ba namang hindi ko maibigay sa’yo ang regalo ko ngayong araw mismo? Ikaw talagang bata ka! Maligayang kaarawan pala!” “Salamat po, maraming salamat po sa inyo ni Aling Mina!” Nag-uumapaw ang kasiyahan ni Novel nang gabing iyon. Binuksan niya ang regalo at isa itong bracelet na halatang may pagkaluma na. May pangalan niya ito. Hindi niya alam pero sobrang bumilis ang t***k ng puso niya. Halatang hindi ito kasya sa kaniya. Ang sunod na regalo ay kapareho ng bracelet na unang nakita pero ngayo’y kasya na ito kung isusuot. “Kapag handa ka na malaman ang ilang impormasyon tungkol sa nakaraan mo, sabihin mo sa akin agad at buong puso ko itong sasabihin sa’yo. Matulog ka na at sigurado akong maaga ka pang aalis bukas. Sana nagustuhan mo ang regalo ko. Siya nga pala, huwag na huwag mo ipapakita iyan kina Madam Inna at Sir Limyel,” wika ni Nanay Linda. “Bakit p-po? Anong--” “Basta, makinig ka na lamang. Hindi mo magugustuhan ang mangyayari kapag nagkataon, Novel. Sige, kailangan ko na umalis at baka magtaka pa sila sa akin. Alam mo naman.” Pagputol ni Nanay Linda sa sinasabi niya. “S-sige po. Iingatan ko rin po ito, salamat po muli!” Hindi na nagawang itanong pa ni Novel ang ibig sabihin ni Nanay Linda. Nabalot siya ng maraming katanungan habang nakahiga sa maliit na kama. “Kinakabahan ako, ano ba talaga ang ibig sabihin n’on? Tungkol sa nakaraan ko? Bakit ‘di talaga pwedeng ipakita ito? May mangyayari bang hindi maganda? Ano pang mayroon bukod sa ampon ako at ako ang dahilan ng pagkamatay ni Yena ayon sa mga tinuring kong magulang? Nais kong malaman subalit . . . mukhang kailangan ko munang ihanda ang sarili ko,” sunod-sunod na tanong ni Novel sa sarili at nakatulog na hawak-hawak ang bracelets.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD