TANIELLA
Pinasok ko na ang lahat ng gamit ko sa bag at sinukbit sa aking balikat saka lumabas ng classroom. Kailangan ko pa pumasok sa karinderya ni Aling Nimfa. Kapag hindi ako dumating sa tamang oras ay tiyak akong uusok na naman ang ilong nito. Gusto ko na nga sanang umalis pero ayaw niya akong payagan dahil simula ng maging serbidora ako sa karinderya niya ay marami na raw naging customer. May ilan pa nga na dumadayo galing sa kabilang barangay para lang kumain sa karinderya niya. Pakiramdam ko nga ay binibenta niya ako. Kulang na lang ay i-table ko ang mga customers niya.
Kung tutuusin ay pwede ko na iwan ang karinderya dahil kakarampot ang sahod. May offer kasi sa akin na trabaho na maganda ang sahod kaya ayos lang kahit umalis ako. Hindi ko rin kayang pagkasyahin ang sahod sa karinderya sa aming tatlo ng mga kapatid ko lalo na at dalawa kami ni Tamie ang nag-aaral. Nag-iiwan pa ako ng pagkain at pera sa nag-aalaga sa bunso kong kapatid. Gusto ko na sanang huminto sa pag-aaral pero nanghihinayang ako dahil ilang buwan na lang ay tapos na ako.
"Taniella!"
Napalingon ako sa tumawag sa 'kin. "Renz, ikaw pala. Bakit hingal na hingal ka?" natatawa na tanong ko. Tagaktak ang pawis nito. Saan kaya ito galing at hindi ko nakita sa minor subjects namin?
Kaklase ko si Renz sa vocational school na pinapasukan ko. Naging kaibigan ko ito simula ng ipagtanggol ako sa mga tambay na manyak sa kanto ng lugar namin.
"May sasabihin ako sa 'yo. Pero hindi pa ako sigurado kung tama nga ang narinig ko," humihingal na panimula nito.
Hinawakan ko siya sa kamay at hinila palapit sa bench para maupo. Pinahupa ko muna ang hingal nito para makapagsalita ito ng maayos.
"Ano'ng sasabihin mo?" tanong ko ng normal na ang paghinga nito.
Humarap siya sa akin at mataman akong tinitigan. "Narinig ko kasi sa mga tsismosa sa lugar natin na 'yong mga sangkot sa barilan sa lugar natin, sa Royale Club daw pumupunta."
Nagliwanag ang mukha ko sa sinabi nito. Sa wakas, matutuldukan na rin ang paghihintay ko. Ito lang naman ang hinihintay ko, ang magkaroon ng impormasyon sa mga sangkot sa barilan sa lugar namin.
"Saan banda ang club na 'yan?" walang paliguy-ligoy kong tanong.
"Sa bandang–" Tumigil ito sa pagsasalita at nagsalubong ang kilay. "Ano'ng iniisip mo, Tanie? Kung ano man iyan, 'wag mo ng ituloy." Mukhang nabasa kaagad niya ang iniisip ko.
Tumayo ako at naglakad. Sumunod siya sa akin. "Susubukan ko lang," tanging nasambit ko.
"Hindi ka pwede sa lugar na 'yon, Taniella. Bawal sa edad mo. Isa pa, pagpasok mo pa lang sa club na 'yon, isang paa mo nasa hukay na. Malalaki at maimpluwensyang tao ang pumapasok sa club na 'yon, Tanie. Baka mapahamak ka sa binabalak mo," babala niya sa 'kin.
"Eighteen years old na ako, Renz. Pwede rin naman dayain ang edad ko kung masyado pa iyon bata para pumasok doon," katwiran ko.
Hinawakan niya ako sa braso para pigilan. Pumuwesto siya sa harap ko at nagbabanta ang tingin na pinukol sa 'kin. "Kapag ginawa mo 'yan, parang sinabi mo na rin na wala kang pakialam sa mga kapatid mo. Maliit pa si Tristan, Tanie. Si Tamie, ilang taon lang ba s'ya? Hindi n'ya kakayanin ang responsibilidad kapag may nangyari sa 'yong masama. Gumagawa ka lang ng dahilan na ikapapahamak mo."
Tinaasan ko siya ng kilay. "Kilala mo ako, Renz. Papasukin ko lang pero hindi ibig sabihin ay ilalagay ko na sa kapahamakan ang buhay ko. Mahalaga pa rin ang mga kapatid ko. Sila na lang ang mayroon ako kaya hindi ako gagawa ng dahilan para mapahamak ako. Kailangan ko lang ng tulong mo. Wala akong ibang pinagkakatiwalaan kundi ikaw, Renz. Kaya please, suportahan mo na lang ako sa gusto kong gawin."
Lumamlam ang mata niya. "T-Tanie."
Walang nagawa si Renz kundi sumang-ayon na lang sa plano ko. Pero bago ko ituloy ang pagpasok sa club, kailangan ko muna magpaalam ng maayos kay Aling Nimfa. At kung hindi man ako matanggap sa club, doon ako sa in-offer sa aking trabaho.
"Magandang hapon sa iyo, Tanie. Mabuti na lang nandito ka araw-araw, laging buo ang araw ko," nakangiting sabi ni Mang Berto na kung makapagsalita ay akala mo walang asawa.
"Aba'y kung si Tanie ang magsisilbi sa akin araw-araw, sisipagin talaga akong pumasada," segunda naman ni Tonyo na halos hindi na nga pumasada at maya't maya na lang ang punta dito sa karinderya para lang magsabi ng mabulaklak na salita.
Ngiti lang ang tugon ko sa kanila. Wala akong panahon makipag-usap dahil iniisip ko kung paanong paalam ang sasabihin ko kay Aling Nimfa na ngayon ay malawak ang ngiti dahil sa mga customers niyang sunod-sunod na ang datingan.
"Taniella, baka gusto mo ng trabaho, may i-o-offer ako sa 'yo," singit naman ni Lando, isang pedicab driver.
"Hoy! May trabaho na si Taniella, baka nakakalimutan mo, Lando?" hindi nakatiis na singit ni Aling Nimfa. Napakamot na lang si Lando sa kanyang ulo.
Pasimple akong napangiwi. Parang ang hirap tuloy magpaalam dito. At kapag ginawa ko iyon, tiyak na bunganga nito ang matatanggap ko. Kilala ko ng mabunganga si Aling Nimfa. Ilang beses ko na iyon natunghayan kapag may pagkakamaling ginawa ang mga kasama ko.
"Aling Nimfa, pwede ko ho ba kayong makausap?" lakas loob kong sabi rito.
"O, sige. Tungkol saan iyan? Babale ka ba?" nakangiti pa niyang tanong ng hinila ako sa kitchen area.
"Magre-resign na ho ako," walang paliguy-ligoy kong sabi.
Ang kanina lang na malawak nitong ngiti ay biglang naglaho na parang bula. Unti-unti na ring dumilin ang mukha nito at nakataas na ang kilay. Hindi ako nagkamali, maganda lang ang pakikitungo niya sa akin dahil ako ang nagdadala ng customers niya dito.
"Ano'ng sabi mo?"
"Narinig n'yo ho ako, Aling Nimfa. Magre-resign na ho ako." Hindi ako nagpatinag sa tingin niya dahil matapang pa akong nakipagtitigan sa kanya.
"Hindi pwede!"
Lahat ng tao sa kusina ay napatingin sa amin. Maging ang mga kumakain sa karinderya ay napasilip dahil sa lakas ng sigaw ni Aling Nimfa.
"Pasensya na ho, Aling Nimfa. Hindi ho sapat ang kinikita ko dito para sa amin ng mga kapatid ko. Kailangan ko ho ng mas malaking pagkukuhanan para sa pang-araw-araw ho namin," paliwanang ko. Nanatili akong kalmado kahit ramdam ko na ang pagpipigil nitong bungangaan ako. Alam kong nagtitimpi lang ito dahil may mga taong nakatingin sa amin pero base sa mabilis na pagtaas at pagbaba ng dibdib niya ay alam kung naiipon na ang galit niya sa 'kin.
"Sahod ba ang problema mo, Taniella? Dagdagan natin iyan." Dumukot ito sa bulsa ng apron nito. May hawak na itong tig-iisang libong pera ng nilabas ang kamay.
"Hindi na ho magbabago ang pasya ko, Aling Nimfa. Pasensya na ho."
Mula sa hawak nitong pera ay nag-angat ito ng mukha. Hindi na ako nagtaka kung namumula na ang mukha nito sa galit sa 'kin.
"Aalis na ho ako. Kukunin ko na lang ho ang huling sahod ko. Kahit 'wag n'yo na ho bayaran ang araw na pinasok ko ngayon." Pero duda ako na ibibigay niya sa akin ang sahod ko ng isang linggo.
Tumaas ang kilay ko ng mapangutya akong tinitigan nito mula ulo hanggang paa. Sinasabi ko na nga ba. Baka magmalaki pa ito at malamang, ipahiya pa ako sa maraming tao.
"Sige umalis ka, pero 'wag mo asahan ang sahod mo, Taniella. Libre lahat ng kinakain mo rito. Kulang pa ang sahod mo sa mga kinain mo!" asik niya sa akin na kulang na lang pati laway niya ay tumalsik sa mukha ko.
Napabuntong-hininga ako. Ayoko maging bastos kaya hindi na ako nagsalita. Tinalikuran ko siya at tinungo kung saan nakalagay ang bag ko saka sinukbit sa aking balikat. Hindi ko ugali na ipilit kunin ang ayaw sa akin ibigay kung iinsultuhin naman ang pagkatao ko.
"Wala kang utang na loob na babae ka. Pagkatapos kitang tanggapin dito, lalayasan mo ako? Napakabastos mo!"
Dahil nasa labas na ako ng karinderya at maraming tsismosa sa lugar na ito, lahat sila ay sa akin na nakatingin. Ano pa ba ang aasahan ko? Isa pa, pinaghandaan ko na rin ang ganitong iksena dahil madalas talaga mamahiya si Aling Nimfa.
"Tanie, aalis ka na?" tanong ni Mang Berto na ngumunguya pa ng lapitan ako.
Ngiti lamang ang sinagot ko at nagpatuloy ako sa paglalakad. Gusto ko ng makalayo sa lugar na ito lalo na kay Aling Nimfa.
"Hoy! Babaeng akala mo ay napakainosente, ang kapal ng mukha mo. Libre ka na nga sa pagkain, gusto mo pa kunin ang sahod mo? Ang kapal ng mukha mo!"
Napahinto ako sa aking paglalakad. Mariin akong pumikit at huminga ng malalin. Pinilit kong pakalmahin ang sarili ko pero hindi ko pala kaya magpasensya kaya pumihit ako paharap. Tulad ng inaasahan ko, lahat na ng tao ay nakatingin sa akin. Pati ang mga kumakain sa karinderya, kahit may laman pa ang bibig ay nakatutok na ang atensyon sa amin ni Aling Nimfa. Ito naman talaga ang madalas na hinihintay ng lahat, ang may pagkaguluhan.
"Aling Nimfa, baka ho nakakalimutan ninyo, hindi ko na ho kinuha ang sahod ko. Wala ho akong bitbit kundi bag ko lang. At para ho sabihin ko sa inyo, ni minsan ay hindi ako kumain sa karinderya n'yo. May sarili ho akong baon. Alam n'yo ho kung bakit?" Tumingin ako kay Mang Berto na ngumunguya pa rin. "Hindi n'yo ho magawang maghugas ng kamay kahit marumi ang kamay n'yo bago mag-serve ng pagkain."
Kitang-kita ko kung paano naibuga ni Mang Berto ang pagkain sa bibig niya. Ang iba naman na kumakain pa ay halos masuka dahil sa sinabi ko.
Tinalikuran ko na si Aling Nimfa ng magsimula itong mataranta ng makita ang mga customers na umalis sa karinderya niya. Wala akong masamang intensyon sa sinabi ko. Sinabi ko lang ang totoong nakikita ko.
Pagdating sa bahay ay kinuha ko kaagad si Tristan kay Ate Lanie, ang nag-aalaga sa kapatid ko. Mabait ito kaya kampanti ako na nasa mabuting kamay ang kapatid ko. Wala naman daw problema rito na iwanan ko ang kapatid ko dahil wala pa naman daw siyang trabaho.
"Tris, aalis si Ate mamaya, ha. Iiwan ko muna kayo ni Ate Tamie kay Ate Lanie. 'Wag mo na hintayin si Ate, ha. Matulog ka lang, okay?" bilin ko rito habang nililinisan ang katawan nito.
"Saan ka punta, Ate?"
"Maghahanap po ako ng pambili ng toys mo. 'Di ba, gusto mo ng malaking dinosaur?" Nagliwanag ang mukha nito ng marinig ang sinabi ko sabay tango. "Para mabili ni Ate ang gusto mo, kailangan ko maghanap ng work," paliwanag ko.
"Ingat ka po, Ate." Niyakap ko siya pagkatapos niya iyon sabihin. Isa sa nagustuhan ko kay Tristan, malambing at maalalahanin nitong kapatid. Bagay na nakuha nito sa tatay namin.
Kinausap ko si Ate Lanie bago umalis. Pero dahil alam naman na nito ang gagawin ay kaunting bilin lang ang ginawa ko.
Nandito na ako ngayon sa lugar kung saan kami magkikita ni Renz. Ito ang magtuturo sa akin sa club. Matagal pa nga ito dumating, mukhang ma-i-indian ako sa pagkakataon ito ng kaibigan ko.
"Tanie!" Napangiti ako ng lingunin ang tumawag sa 'kin.
"Kanina ka pa?" Bakas sa boses niya ang pag-aalala.
"Kalahating oras pa lang naman," nakataas ang kilay na tugon ko.
"Sigurado ka na ba rito?" Tulad ng inaasahan ko, hindi pa rin siya sang-ayon sa gusto ko mangyari.
"Suportahan mo na lang ako, Renz."
Wala na siyang nagawa kundi samahan ako. Sumakay kami ng jeep at ilang minuto lang ay nasa tapat na kami ng club.
Malaki ang club at mukha ngang class kahit labas pa lang. May dalawang lalaki na malaki ang katawan ang nakatayo sa bawat gilid ng pintuan.
Nandito kami sa kabilang kalsada kaya kailangan pa namin tumawid ni Renz. Nang pwede ng tumawid ay nauna na ako sa kaibigan. Pero bago pa man ako tuluyang lumapit sa dalawang lalaking bantay, hinawakan ako ni Renz sa kamay para pigilan.
"Renz, ano ba? Nandito na ako. 'Wag mo na akong pigilan." Binawi ko ang kamay ko na hawak niya.
"Nakikiusap ako sa 'yo, Tanie. 'Wag mo na lang ituloy. Baka mapahamak ka sa gagawin mo." Nakikiusap ang mga tingin na pinukol niya sa akin.
Magsasalita na sana ako ng may sunod-sunod na busina ng sasakyan ang umagaw ng aming atensyon kaya pareho kaming napalingon. Hinila ko si Renz dahil nakaharang pala ito sa daanan.
"Tanie." Pukaw sa akin ni Renz dahil nakasunod pala ako ng tingin sa itim na sasakyan ng dumaan ito.
"Hindi na magbabago ang pasya ko, Renz. Kung ramdam ko ng malapit na ako sa kapahamakan, pangako, aalis agad ako." Tinaas ko ang kanang kamay ko na parang nanunumpa.
Napabuntong-hininga na lamang siya, tanda ng pagsuko. Wala ng nagawa si Renz ng talikuran ko siya. Hindi na kasi siya pwedeng pumasok.
Ito ang unang beses na papasukin ko ang ganitong lugar kaya nag-ipon ako ng lakas ng loob. Dalangin ko na sana ay lalabas ako ng club na ito na may magandang resulta ang pagpunta ko.