“Bakla ikaw na bahala kay KV. Baka umiyak na naman siya kapag nagising siya at wala ako, alam mo naman ‘yang bata na ‘yan,” mahinang sabi niya at sinilip ang kwarto nila ng anak niya kung nasaan ito mahimbing na natutulog.
“Hmm-mm ako na ang bahala, gora ka na sa trabaho mo,” sabi ng kaibigan niya na hindi man lang siya tinapunan ng tingin dahil abala ito sa harapan ng laptop.
Sa nakalipas na mga taon ay hindi man lang siya iniwan ni Eduardo kaya nagpapasalamat siya sa kaibigan. Nagbago na ang lahat-lahat sa kanya pero hindi man lang siya pinabayaan ni Eduardo na labis niyang kinatutuwa.
Ito ang nakakakilala sa kanya ng lubos, alam na alam din nito kung anong hirap ang pinagdaanan niya para lang makausad. Hindi naman madaling manganak at magpalaki ng anak lalo’t alam niya rin na siya lang ang tatayong ama’t ina rito.
“Salamat, Edurado,” madamdamin na sabi niya. Hindi niya alam ang gagawin niya kung hindi nakaalalay ang Lola niya at si Eduardo sa kanya noong pinagbubuntis niya si KV.
Sobrang hirap pero wala siyang pinagsisihan.
“Mag-iiyakan ba tayo rito? Mahuhuli ka na sa trabaho mo, Katrina. Walang problema sa akin tsaka gustong-gusto ko nga na binabantayan si KV, isa akong huwarang tita,” sabi nito sa kanya at tumawa pa kaya napailing na lang siya.
“Wala ka pa ring kipay, tanga,” sabi niya at inayos ang damit niya.
“Bobo nito kanina lang labis ‘yang pagpapasalamat mo tapos ngayon ganyan ka na sa akin. Kaya mukha ka na ring mas matanda sa akin e, panget mo kasi,” sabi nito kaya binato na lang niya ito ng suklay na kanina pa pala niya hawak-hawak.
“Nga pala bakla baka ikaw ang madatnan ni Emitt dito, biyernes na pala. Nandito na naman ‘yon mamaya,” sabi niya at naglakad na sa pinto para isuot ang sandal niya.
“Masyadong nagpapakaama ‘yon kay KV ah, akalain mo ‘yon. Noong kolehiyo tayo halos ‘di ka niya pansinin. Ngayon grabe ang tindi niya kahit hindi na siya ang gusto mo hindi rin umalis ‘yon sa tabi mo,” sabi nito sa kanya kaya napailing na lang siya.
Oo nga, si Emitt ang isa sa tumulong para lang makapagsimula siya ulit kasi hindi niya alam kung paano uusad noong napagpasyahan niyang tapusin ang kung anong meron sa kanila ni Dak.
Iniiling na lang niya ang ulo nang maisip na naman ang binata. Masaya na ‘yon ng wala siya at kahit pa ba nagkahiwalay sila at hindi man nito alam na may anak na sila ay hindi naman ito nawala sa mga panalangin niya.
Sa limang taon ba na lumipas ay nakamit na nito ang paghihiganteng pinapangarap nito?
Kahit pa ba nakakasama niya si Emitt ay matagal naman nang walang balita si Emitt kay Dak. Tuluyan ngang kinalimutan ni Emitt si Dak at gano’n din naman ang ginawa niya.
‘Yon ang mabuting gawin para sa ikakabuti ng lahat.
“Mabuti lang talagang kaibigan si Emitt kaya gano’n,” sabi na lang niya.
Ngayon ay wala siyang panahon na buksan ang puso niya sa kahit na sinong lalaki kahit pa ba si Emitt pa ‘yon. Tanging ang anak niya lang ang nasa isip niya at kung paano ito palalakihin ng maayos.
Ilang buwan na lang ay mag-aaral na ito kaya kailangan niyang magsikap sa trabaho niya. Hindi niya pwedeng pabayaan ang mga mahal niya sa buhay. Ngayon ay dalawang tao na ang kailangan niyang alagaan.
Habang tumatanda naman ang anak niya ay gano’n din ang pagtanda ng Lola niya. Walang araw na hindi siya nag-aalala sa Lola niya.
“Head manager Katrina!” her friend shouted at her. Natigilan naman siya at napatingin sa kaibigan niya.
“Huh?”
“Tulala ka d’yan. Sabi ko dalian mo na, hindi ibig sabihin na mataas na ‘yang katungkulan mo e ganyan na ang kilos mo,” sabi nito kaya napailing na lang siya.
“Oo na! Sige na una na ako, bakla. Tawag ka lang sa akin kapag hindi mo nakontrol si KV. Ang kulit pa naman ng batang ‘yan.”
“Hindi na ako nagtaka. Anak ba naman siya ni Dak,” sabi nito kaya natigilan na naman siya. Nakita niya rin na nagulat si Eduardo dahil siguro sa sinabi nito kanina lang. “Gago, nadulas ako. Pasensiya ka na, babawi na lang ako sa susunod na buhay.”
“Bahala ka d’yan, una na ako,” sabi niya at tuluyan na ngang tinalikuran ang kaibigan.
Sumigaw pa ito bago siya tuluyan na makalabas ng pinto, “pasensiya na Katrina! Ito naman hindi mabiro!”
“Bahala ka sa buhay mo!” balik na siyaw niya. “Alagaan mo ‘yang anak ko dahil kapag may galos ‘yan pagbalik ko talagang malalagutan ka ng hininga.”
“Oo na Mommy Kat!” sigaw nito kaya napailing na lang siya at naglakad na papunta sa paradahan ng mga tricycle. Nasa harapan lang naman ng bahay nila kaya lalakarin lang. Malayong-malayo ang buhay probinsiya sa buhay niya noon sa lungsod.
Mahirap makahanap ng pera rito sa probinsiya buti na lang at tinutulungan siya ng mga magulang ni Eduardo kaso hindi naman habambuhay ay aasa siya sa ibang tao. Kahit pa ba isang tunay na anak ang turing sa kanya ng mga magulang ni Eduardo.
She is a head manager of a small market in the province of Baybay and an online seller. Kahit na sabay ‘yon na pinagkakakitaan niya ay hindi pa rin talaga sapat sa kanila. Balak niyang ipasok sa pribadong paaralan si KV para matutukan ang pag-aaral nito kaya kailan niyang kumayod ng kumayod.
Sa dalawang trabahong ‘yon ay hindi pa rin pumantay sa dati niyang kinikita sa kumpanya kung saan siya nagtra-trabaho noon. Parang hindi na niya alam ang pakiramdam ng pahinga pero sa tuwing nakikita niya ang anak ay mas lumalakas ang loob niyang lumaban pa rin kahit na pagod na pagod na siya.
Kung tutuusin din ay inaaya siya ni Eduardo na magtrabaho ulit sa Maynila dahil mas malaki nga naman talaga ang kita doon pero natatakot siyang baka magkita sila ni Dak, ang ama ng anak niya. Hindi pa niya kayang makita ang binata.
Tungkol sa pansarili niyang kaligayahan, aaminin niyang wala nang nakapasok sa puso niya maliban sa anak niya nang maghiwalay sila ni Dak. Hindi niya kayang makaramdam ulit ng sakit katulad ng naranasan niya kay Emitt at Dak.
She already accepted the fact that no man will enter her heart except for her child. Even though Emitt — her first love, didn't leave her side to help her. It had been a long time since she had lost her love for Emitt. Kahit anong gawin niya, hindi niya kayang pumasok sa isang relasyon.
‘Kamusta ka na kaya, Dak? Nakamit mo na ba ang paghihigante na pinapangarap mo?’ tanong niya sa isip niya habang nakasakay na siya sa tricycle. Tuwing umaga kapag papasok siya sa trabaho niya ay natutulala na lang siya at naaalala ang mga panahon kung saan hirap na hirap siya sa pagpapalaki kay KV.
Nagawa niya pang isisi lahat kay Dak dahil hindi niya ito kasama sa hirap. Kaso tuwing naaalala niya na siya rin ay may kasalanan kung bakit wala rin sa tabi niya si Dak dahil hindi niya nga nagawang ipaalam dito na buntis siya at ito ang ama at doon siya tumitigil sa pagsisi sa binata. Hindi niya pwedeng isisi sa taong walang kaalam-alam sa sitwasyon niya.
Naitanong niya rin sa sarili kung tama ba ang desisyon niyang itago kay Dak na buntis siya. Kaso naisip niya rin paano nga kung sinabi niya at hindi ito naging masaya? Ayaw naman niyang matali si Dak sa kanya dahil lang sa pinagbubuntis niya.
Hindi niya rin gusto na matulad sa mga magulang niya ang relasyon nila ni Dak kaya mas minabuti niyang lumayo para na rin ‘yon kay Dak.
Ayaw niyang maranasan ng anak niya ang naranasan niya. Hindi niya gusto na makikita niyang hindi naman masaya si Dak kasama sila ni KV dahil lang sa hindi nito nakamit ang gusto nitong mangyari.
‘Limang taon na, Katrina. Nakayanan mo naman ng wala siya. Kayang-kaya naman ng kayo lang ni KV,’ pagkausap niya sa sarili niya kaya napatango na lang siya na parang baliw sa loob ng tricycle.
“Sino ba’ng nagsabi na kailangan pa kita? Matagal ko nang ibinaon ang nararamdaman sa ‘yo,” mahinang sabi niya habang nakatingin sa palayan na nadadaanan ng tricycle kung saan siya nakasakay.
Tahimik na ang buhay niya at ‘yon ang mahalaga.