Sa likod ni Sheryl ay may isang kasambahay na bagong gising at pumasok sa kusina upang uminom ng tubig.
Si Nena.
Pagpasok niya sa kusina ay napansin niyang bukas ang ref.
“Ha?” bulong ni Nena.
Dahan-dahan siyang lumapit.
“May nagiwan bang bukas ang ref..?"
Bigla siyang napatigil. Dahil sa harap ng ref ay may banana cake na parang kusang nababawasan.
“AAAAAAAH!”
Napatalon siya sa takot, at tumakbo siya palabas ng kusina habang sumisigaw.
“May multo! May multo!”
Napakamot si Sheryl sa ulo. "Ay… nakita yata niya.”
Hindi nagtagal ay nagising ang buong mansyon. Naglabasan ang mga kasambahay. Lahat ay naalimpungatan sa sigaw ng kanilang kasama.
“Anong nangyari?” tanong ni Raul na kapatid ni Lola Beatriz habang pababa ng hagdan.
Humahagulgol si Nena.
“Sir! May kumakain sa ref!”
Napakunot ang noo ni Raul. “Sino?”
“Walang tao pero may kumakain!” nanginginig na boses ni Nena.
Napabuntong-hininga si Raul. "Baka daga lang na nakapasok!"
Ngunit si Lola Beatriz ay hindi nagsalita. Tahimik lamang siyang nakatingin sa kusina, habang nakatayo sa itaas. Naramdam niya ulit ang presensya.
Sa kabilang kwarto ng bahay, si Alfred ay bumangon at umupo sa kanyang kama habang nakatingin sa direksyon ng pintuan. Alam na alam niya kung sino ang may gawa ng ingay.
Makalipas ang ilang segundo ay lumitaw si Sheryl sa pintuan ng kwarto ni Alfred.
Hawak ang isang saging, ay binati siya nito.
“Hi.”
Napailing si Alfred. “Sheryl…”
Ngumiti siya nang parang batang nahuling nagnakaw ng kendi.
“Sorry.”
“Anong ginawa mo?”
“Wala naman…” sagot ni Sheryl at itinaas niya ang saging. "Kumain lang ako.”
Napahawak si Alfred sa noo.
“Alam mo bang halos atakihin sa puso si Nena?”
“Hindi ko sinasadya.” Napakamot si Sheryl sa ulo.
Bumalik sa paghiga si Alfred sa kama habang napapailing.
“Simula nung dumating yung pari kanina… mas lalo kang naging makulit.”
Napaisip si Sheryl. "Totoo ba?”
Tumango si Alfred. “Mas lumalakas ang ingay sa bahay.”
Natahimik sandali si Sheryl. Hindi niya rin maintindihan kung bakit. Pero simula nang bendisyonan ang mansyon ay parang mas naging magaan ang pakiramdam niya… ngunit kasabay nito ay parang may kakaibang enerhiya sa paligid.
Maya-maya ay may narinig silang tunog mula sa labas ng kwarto.
TOK… TOK… TOK…
Napakunot ang noo ni Alfred. "May kumakatok na naman? hayst!"
Tumayo siya at binuksan ang pinto. Ngunit sa pagbukas niya ng pinto ay nagtataka siya, dahil walang tao sa labas. Lumabas siya ngunit walang makitang tao sa hallway. Ang paligid ay tumahimik na.
Napatingin siya kay Sheryl.
“Ginawa mo ba ‘yon?”
Umiling si Sheryl. "Hindi ako.”
Sumunod ay may biglang kumalabog sa dulo ng hallway.
BANG!
Nagkatinginan sila Alfred at Sheryl, parehong nagulat.
“Okay…” bulong ni Alfred. “Medyo creepy na ‘to.”
Ang dalawa ay nagpunta sa dulo ng hallway. Habang papalapit sila ay mas lumalakas ang tunog ng kalabog.
BOG!
KREEEAAAK!
Bumaba sila sa kabilang hagdan patungo sa likod ng mansyon. Doon nanggaling ang ingay, na tila tinatawag sila pareho.
Nagpatuloy pa rin ang mga kalabog, Hanggang sa marating nila ang lumang pintuan ng bodega. Ito ay kusang bumukas sa kanilang pagdating.
Nanlaki ang mata ni Alfred. Katabi niya si Sheryl kaya alam niyang hindi si Sheryl ang gumagawa ng ingay, at ngayon ay kusang nagbukas ng pintuan.
“Sheryl…”
“Hmm?”
“May ibang multo ba dito?”
Biglang nanahimik si Sheryl. Sa unang pagkakataon mula nang maging kaluluwa siya, ay kakaiba na ang naramdaman niya. Hindi siya katulad sa ibang mga multo na parang mga ligaw lang kung saan. Sapagkat ngayon ay may isang presensyang mas malamig kaysa sa kanya.
Isang presensyang matagal nang nandito sa lumang bodega. Dahan-dahan siyang lumutang papasok sa bodega.
Madilim ang loob. Puno ng lumang kahon at gamit ng pamilya. Sa gitna ng silid ay may lumang rocking chair.
At ito ay… gumagalaw ng magisa at walang nakaupo
Nanlaki ang mata ni Alfred.
“Ano ‘yan? don't tell me dahil sa hangin, ang init kaya difo!”
Ngunit mas lalo pang nanlamig ang pakiramdam ni Sheryl. Dahil sa likod ng rocking chair, may anino.
isang matangkad na anino ng lalaki na nakatayo sa dilim. Hindi ito gumagalaw, na nakatingin lamang.
“Hindi ako ‘yan…” bulong ni Sheryl.
Biglang tumigil ang rocking chair, at natahimik bigla ang paligid.
Pagkatapos.. may bumulong sa loob ng bodega. Isang mababang boses na parang galing sa malayo.
“Umalis ka…”
Nanlaki ang mata ni Sheryl. "Ha?”
Biglang kumalabog ang mga kahon.
BANG! BANG! BANG!
Napaatras si Alfred at sumigaw. "Sheryl!”
Lumipad ang isang kahon papunta sa pader. Nabasag ang isang lumang salamin. Sa loob ng basag na salamin ay may sandaling nakita si Sheryl ng malinaw.
Ang kanyang mukha…
Ang kanyang puting damit…
At ang lungkot sa kanyang mga mata.
Ngunit sa likod ng kanyang repleksyon… May isa pang mukha. Isang mukha ng matandang lalaki. Galit ang mga mata nito.
Pagkatapos ay biglang namatay ang ilaw sa hallway.
Mula sa labas at sa loob, nagdilim ang sandali.
Tumahimik.
Ngunit biglang bumalik ang ilaw pagkaraan ng ilang segundo. At ang anino ay biglang nawala.
Hindi gumagalaw ang rocking chair, at ang lahat nang pangyayari kanina ay hindi naganap.
Humihingal si Alfred. "Ano… ‘yon?”
Tahimik lang si Sheryl. Nakatingin siya sa bawat sulok ng bodega. Hindi siya natatakot sa sarili niyang pagiging multo.
Pero ngayon, may naramdaman siyang kakaibang pangamba.
“Alfred…” mahina niyang sabi.
“Ano?”
Tumingin siya sa kanya.
“Parang hindi lang ako ang multo sa bahay na ‘to.”
Sa kasalukuyan, sa loob ng mansyon, si Lola Beatriz ay gising pa rin. Nakaupo siya sa sala habang hawak ang rosaryo. Nakatitig siya sa kisame. Ramdam na ramdam niya ang kaguluhan sa loob ng kanyang tahanan. Pagkatapos ay unti-unti siyang napapailing.
“Hindi lang isa…” Bulong niya sa sarili.
“Kundi dalawa sila.”
Habang sa bodega naman, nakatingin si Sheryl sa dilim ng hallway. At sa unang pagkakataon mula nang makilala niya si Alfred. May tanong siyang hindi niya kayang sagutin.
Sino ang multong iyon?
At bakit parang galit ito sa kanya?