Tahimik ang kusina matapos lumutang ang tatlong saging na parang sumasayaw sa hangin. Umikot-ikot ang mga ito na tila may sariling choreography. Kung may background music lang sana… baka nagmukha na itong isang bizarre na cooking show na pinapalabas sa kabilang mundo.
Nakaupo si Alfred sa mesa, nakasandal ang ulo sa dalawang kamay.
“Hindi ko na alam kung panaginip ba ’to o kung tuluyan na akong nababaliw…” bulong niya.
Sa harap niya ay nakatayo si Sheryl… ang kaluluwa na dalaga na parang sanay na sanay na sa mga ganitong eksena.
Sa tabi naman nila ay nakatayo ang matandang multo na nakabarong… ang lolo ni Alfred… ang dating may-ari ng malawak na plantasyon ng saging.
“Alfred…” mahinang sabi ng matanda.
Napatingala si Alfred.
“Lolo… pwede bang magtanong?”
Tumango ang matanda.
“Normal ba ’to?”
Sandaling natahimik ang matandang multo.
Pagkatapos ay napakamot ito sa ulo.
“Sa totoo lang… hindi.”
Napabuntong-hininga si Alfred.
“Salamat sa honesty…”
Biglang lumipad ang isang saging at tumama sa noo niya.
Pak!
“Araaaay!”
Napalingon si Sheryl at napahawak sa bibig habang pinipigilan ang tawa.
“Pasensya na… hindi ko sila napipigilan minsan.”
“Sila?!” tanong ni Alfred
“Oo… ang mga saging.” sagot ni Sheryl.
“May sariling isip ang saging?!”
“Hindi naman… pero minsan… parang meron.” malokong sagot ni Sheryl.
Napahiga si Alfred sa mesa, sabay bangit na "Lord… kung panaginip lang ’to… pwede bang gisingin niyo na ho ako…”
Tahimik na napangiti ang lolo niya. “Hindi ito panaginip, iho.”
Biglang nagseryoso ang mukha ng matanda. “Alfred, apo… kailangan mo akong pakinggan.”
Napatingin si Sheryl sa kanya. Napansin niya ang biglang pagbabago sa aura ng matandang multo. Hindi na ito yung nakakatawang lolo na nakabarong.
May bigat na sa boses nito. "May paparating na panganib.”
Napakunot ang noo ni Alfred. "“Panganib?”
Tumango ang matanda. "Ang plantasyon at ang mansyon, dito nanganganib kayo ng Lola mo..”
Biglang napalingon si Sheryl sa labas ng bintana.
Sa malayo… sa pagitan ng mahahabang puno ng saging, parang may gumagalaw na anino. Napansin niya ang isang napakadilim na anyo. Parang usok na may hugis ng tao. Mahina itong dumudulas sa pagitan ng mga dahon.
Napakagat si Sheryl sa labi. "Hindi maganda ’to…”
Napatingin si Alfred. "Ano?”
“May nararamdaman ako.” sagot ni Sheryl.
“Multo ka nga pala… may multo-sense kayo?” pagka-klaro ni Alfred.
“Hindi gano’n.”
Lumapit si Alfred sa bintana. At tumingin sa direksyon kong saan napatulala si Sheryl. Mas lalo niyang naramdaman ang lamig sa hangin. Ang mga dahon ng saging ay biglang kumaluskos.
Shhhhhhhhh…
Parang may dumaan na hangin, pero walang bagyo.
Sa gitna ng mga puno, biglang tumigil ang anino. At dahan-dahan itong umangat.
Parang lumulutang.
Pagkatapos ay bumuka ang isang maitim na bibig sa loob ng anino.
“Constanante…”
Mahinang umalingawngaw ang boses.
Sa loob ng mansyon, napahinto ang matandang multo. Nanlaki ang kanyang mga mata.
“Hindi maaari…”
Napatingin si Alfred. "Lolo?”
Napahawak ang matanda sa dibdib niya. “Siya iyon…”
“Sino?” tanong ni Alfred.
Hindi agad sumagot ang matanda.
Pero si Sheryl… unti-unting napapikit. “May masamang kaluluwa sa labas.”
Napalingon si Alfred sa kanya. “Mas masama pa sa multo?”
Tinignan siya ni Sheryl. “Mas masama pa sa akin.”
“Ay wow… comforting…” reaksyon ni Alfred.
Huminga nang malalim ang matandang multo. “Alfred apo.. may kailangan kang malaman tungkol sa pamilyang Constanante.”
Napaupo si Alfred nang tuwid. "Ano ho ’yon?”
Napatingin ang matanda sa sahig ng kusina. Sa ilalim ng sahig na iyon. May matagal nang nakabaon na lihim.
“Ang mansyon na ito… at ang plantasyon ng saging… ay hindi lang simpleng lupain.”
Napakunot ang noo ni Alfred. "Kundi?”
“Isa itong… kulungan.”
Ang kusina ay tila natahimik. Maging ang mga lumulutang na saging ay tumigil, na parang nakikinig din sa matandang multo.
“Matagal na panahon na ang nakaraan…” patuloy ng matanda.
“May isang tao na nagtangkang kunin ang lahat ng lupang ito.”
“Sino?” tanong ni Alfred.
“Isang mangkukulam.”
Nanlaki ang mata ni Alfred. “Ha?!”
Tumango ang matanda. “Ginamit niya ang madilim na ritwal para kontrolin ang mga espiritu ng lupa.”
Napalingon si Sheryl. “Spirit binding…”
Tumango ang matanda. “Pero hindi siya nagtagumpay.”
“Bakit?” tanong ni Alfred.
“Kasi pinigilan siya ng Lolo ko.”
Napatingin si Alfred sa lolo niya. "Wait… ibig mong sabihin…”
“Oo.”
Unti-unting naging mabigat ang hangin sa kusina. Tumango uli ang matanda kay Alfred, saka sinabing,
"Pinatay namin siya.”
Napasinghap si Alfred. “Lolo?!”
“Pero bago siya mamatay…”
Napatingin ang matanda sa bintana.
“…isinumpa niya ang lupang ito.”
Biglang kumalabog ang isang pinto sa loob ng mansyon.
BANG!
Napatalon si Alfred. "Anong nangyari?!”
Napatitig si Sheryl sa bintana. Ang mga dahon ng saging sa labas ay biglang nag-alon. Parang may malaking bagay na dumaan. Unti-unting nagdilim ang paligid.
At muling umalingawngaw ang boses sa hangin.
“Constanante…”
Mas malinaw na ngayon. Ang boses ay may bigat, may galit... at mas malapit.
Sa gitna ng plantasyon, nabuo ang isang malaking anino. Mas mataas pa sa mga puno ng saging. Parang isang tao na gawa sa kadiliman.
Habang sa loob ng mansyon., sa bintana kung nasaan si Alfred ay napahigpit ang hawak niya sa mesa.
“Okay…”
Huminga siya nang malalim. “Ngayon natatakot na talaga ako.”
Napangiti si Sheryl… kahit ramdam din niya ang kaba. Lumapit siya kay Alfred. "At least…”
Tinapik niya ang balikat nito. “…hindi ka nag-iisa.”
Napatingin si Alfred sa kanya. "Kahit isa kang kaluluwa?”
“Hoy!” tinaasan siya ng kilay ni Sheryl.
“Sorry.” pilit ngumiti si Alfred.
Pero sa labas ng mansyon. Ang madilim na nilalang ay dahan-dahang naglakad sa gitna ng mga puno. At sa bawat hakbang nito, parang may gumigising na ibang kaluluwa sa lupa.
May mga bulong nang galit.Mga kaluluwang matagal nang nakabaon sa ilalim ng plantasyon. Ang mansyon ng mga saging, ay hindi lang pala tahanan ng mga multo. Dahil isa din itong libingan ng mga lihim.
At ngayong gabi…may isang nilalang na gustong buksan muli ang nakaraang matagal nang ibinaon ng pamilya Constanante.
Sa loob ng kusina, hindi pa alam ni Alfred, na ang pagiging tagapagmana ng mansyon, ay nangangahulugan din ng pagiging tagapagbantay ng sumpa. At sa unang pagkakataon matapos ang maraming dekada.. ang sumpa ay nagising muli.