Ang malawak na bahay na napapalibutan ng plantasyon ng mga imported na saging ay tila payapa sa paningin… ngunit sa loob nito ay may presensyang hindi nakikita ng karamihan.
Isang presensyang matagal nang napapansin ni Lola Beatriz.
Sa sala, nakaupo ang matandang babae habang hawak ang rosaryo. Nakapikit siya at tahimik na binubulong ang mga salita na kanyang idinarasal.
Ngunit kahit nagdarasal siya, ramdam niya ang kakaibang lamig sa hangin.
Para bang may nakatingin sa kanya.
Sa kabilang bahagi ng sala, nakaupo si Alfred sa sofa habang hawak ang cellphone. Ngunit paminsan-minsan ay napapangiti siya na parang may kausap sa screen.
Dahil sa totoo lang… may kausap nga siya. Sa tabi niya, nakaupo si Sheryl, nakalutang nang bahagya sa sofa habang nakapangalumbaba.
“Hoy…” bulong niya kay Alfred. “Sabihin mo nga sa Lola mo na huwag ako tinititigan nang ganyan. Kinikilabutan ako.”
Napangiti si Alfred.
“Ano?” tanong ni Lola Beatriz habang nakatingin sa kanya.
Biglang napaubo si Alfred. "Ah… wala po, La.”
Napakunot ang noo ng matanda. “Madalas ka nang nagsasalita ng mag-isa, Alfred. Akala mo ba hindi ko alam?"
Sa tabi niya ay napairap si Sheryl. “Hindi siya nag-iisa. Andito ako, hello.”
Ngunit siyempre… walang nakakarinig sa kanya.
Napailing si Lola Beatriz. "Iba na talaga ang pakiramdam ko sa bahay na ito.”
Napatingin siya sa kanyang kapatid na si Raul na bagong dating mula sa labas.
“Raul… tinawagan mo na ba ang pari?”
Napakunot ang noo ni Raul. "Pari? Para saan?”
Napabuntong-hininga ang matanda.
“May presensya dito sa bahay. Hindi ko lang nakikita… pero ramdam ko.”
Ang kaluluwang naka upo sa sofa na Sheryl ay nagtaas ng kilay. "Wow… malakas pala radar ni Lola.”
Tumawa si Alfred nang mahina.
Napatingin agad si Lola sa kanya.
“Ano na naman ‘yang tinatawanan mo?”
Biglang nagseryoso si Alfred. “Ah…I just.. remember something po La...”
Maya-maya pa ay may tumunog na busina sa labas ng mansyon.
“Dumating na yata,” sabi ni Raul.
Tumayo si Lola Beatriz. " Hayst, salamat naman.”
Napatingin si Sheryl kay Alfred saka napatanong, "Uy… sino dumating?”
Lumapit silang dalawa sa bintana para tingnan kung sino ang dumating.
Sa labas ng gate ay may nakaparadang sasakyan. Bumaba mula rito ang isang lalaking nakasuot ng puting polo at may hawak na maliit na bag.
Isang pari.
Nanlaki ang mata ni Sheryl. “Ay hala… pari!”
Pagkatapos ay agad siyang napatingin kay Alfred.
"Alam mo bang allergic ang multo sa mga ganyan?”
Napakamot si Alfred sa ulo.
"Hindi naman siguro…” sinabi ni Alfred. Ngunit sa loob-loob niya ay medyo kinakabahan din siya.
Pagpasok ng pari sa loob ay agad siyang sinalubong ni Lola Beatriz.
“Father, salamat at pumunta kayo agad.”
Ngumiti ang pari.
“Walang anuman, hija. Ano bang problema?”
Napabuntong-hininga si Lola.
“Pakiramdam ko kasi… may ibang nilalang sa bahay na ito.”
Sa likod niya ay napailing si Sheryl. "Grabe… parang detective.”
Napatingin ang pari sa paligid ng sala.
Tahimik ang buong bahay… ngunit may kakaibang lamig sa hangin.
“Magdasal tayo,” sabi ng pari.
Binuksan niya ang bag at inilabas ang maliit na bote ng tubig bendita at isang rosaryo.
Nanlaki ang mata ni Sheryl. “Ay… may props pa siya!”
Lumapit siya kay Alfred at bumulong. "Hoy… safe ba ‘to?”
“Hindi ko rin alam,” bulong ni Alfred.
Habang nagsisimula ang pari sa pagdarasal, napansin ng mga kasambahay ang kakaibang katahimikan sa bahay.
Ang mga ilaw ay bahagyang kumikislap. Ang hangin ay tila lumalamig.
“Sa ngalan ng Ama, ng Anak, at ng Espiritu Santo…” sabi ng pari.
Nagsimula siyang maglakad sa loob ng sala habang nagwiwisik ng tubig bendita.
Ang mga kasambahay ay tahimik na nakamasid.
Ngunit si Sheryl? Nakakunot ang noo habang pinagmamasdan ang pari.
“Ganito ba ginagawa nila?”
Lumapit siya sa pari at sinubukang hawakan ang bote ng tubig bendita.
Ngunit hindi niya ito mahawakan.
“Ay… sayang.”
Nang iwisik ng pari ang tubig bendita sa hangin, bahagyang umatras si Sheryl.
“Ay! Ang lamig!”
Napangiti siya. “Pero okay lang naman.”
Napansin ni Alfred na parang walang epekto Kay Sheryl ang bendisyon. Kaya napabuntong-hininga siya sa ng maluwag.
Ngunit hindi pa tapos ang pari. Lumapit ito sa kusina.
“Dito daw madalas may ingay,” sabi ni Lola Beatriz.
Napangiti si Sheryl.
“Ah… dito ako madalas kumain.”
Habang nagwiwisik ng tubig bendita ang pari, biglang may nangyaring kakaiba. Ang isang kutsara sa mesa ay gumalaw.
Napatingin ang lahat.
“K-kita niyo ‘yon?” bulong ng isang katulong.
Unti-unting lumutang ang kutsara sa hangin.
“AAAAAH!” sigaw ng isa pang katulong.
Nanlaki ang mata ng pari. "Anong....”
Sa likod ng kusina ay nakatayo si Sheryl habang nakangiti.
“Oops…”
Napatingin si Alfred sa kanya.
“Sheryl!”
Napakamot siya sa ulo, at umiikot ng kanyang mga mata, upang bigyan ng senyales si Sheryl na inuutusan niyang ibaba ang kutsarang hawak niya.
“Hindi ko sinasadya… na-excite lang ako sa ice cream”
SA MGA mata ng lahat. Ang sumunod na kababalaghan, ay ang biglang paggalaw ng ibang gamit sa kusina.
Ang plato ay kumalabog. Sumabay ang mga kutsilyo na nagkiskisan.
“AAAAAAH!” sigaw ng mga katulong habang nagtakbuhan palabas ng kusina.
"Ano bang kababalaghan ang nangyayari sa sarili kong tahanan!” Napahawak sa dibdib si Lola Beatriz
At ang pari ay napaatras. “May espiritu nga dito!”
Sa gitna ng kaguluhan ay tumatawa ang kaluluwang si Sheryl.
“Wahah.haha ang saya pala!”
Napahawak si Alfred sa noo at pabulong na sinabi, “Sheryl… please tumigil ka na.”
Ngunit hindi siya marinig ng iba.
Hanggang sa biglang pumatay ang ilaw sa kusina. Ngayon ay nagdilim ang paligid. At sa gitna ng dilim ay maririnig ang mahihinang tawa ni Sheryl.
“Hindi ako aalis…”
Napalingon ang pari sa paligid.
“Kung sino ka man… umalis ka sa bahay na ito!”
Ngunit imbes na matakot. Mas lalo pang natawa si Sheryl. "Hindi nga!”
Biglang bumukas mag-isa ang refrigerator. At lumabas mula rito ang isang saging na lumutang sa hangin.
Nanlaki ang mata ng pari. "Sa ngalan ng Ama...”
Ngunit bago pa siya matapos sa pagsasalita, tila may isang invisible na kamay na binabalatan ang saging, kusang lumabas ang masustansiyang laman nito at kinagat ni Sheryl ang saging habang lumulutang.
“Hmm… ang sarap.”
Napatingin si Alfred sa kanya habang napapailing.
Ang pari ay tuluyang napaatras. "Hindi ordinaryong espiritu ito…”
Samantala, si Lola Beatriz ay nakatingin lamang, tulalang nakabuka lang ang bibig sa kanyang nakikita. Ngunit mas lalong tumibay ang kanyang kutob, na may multo nga sa mansyon. At hindi ito basta-basta aalis.
Sa sulok ng kusina, tumingin si Sheryl kay Alfred habang ngumunguya ng saging.
“Relax ka lang.” ngumiti siya. "Hindi ko naman sila sasaktan.”
Ngunit hindi alam ni Sheryl, na sa likod ng lumang pintuan ng bodega ng mansyon. May isa pang presensya na nakamasid sa kanya.
Isang aninong matagal nang naninirahan sa lumang bahay. At hindi ito natatawa sa kasalukuyang nangyayari, tahimik lamang itong nakatingin kay Sheryl.
Parang naghihintay.