CHAPTER 4 - Changes
"SERIOUSLY? Are you doing this just for a man?"
Pinatay ko ang threadmill. Hinihingal ako nang ibaling ang tingin sa kaibigan.
"Whatever. You still went here with me." I even rolled my eyes when I said that.
Simula nang makarating kami rito sa gym ay panay na ang pagrereklamo niya. Pero ang baliw kong kaibigan, kahit panay ang reklamo ay sumama pa rin naman sa akin.
"Naninibago lang ako sa 'yo!" she exclaimed and crossed her arms in front of her chest. "Hindi ikaw ito, Haelynn. Malayo ka sa Haelynn na kilala ko."
Tumamad ang tingin ko sa kaibigan, walang masabi sa kanya. Dahil kahit ako ay nakikita ang pagbabago sa sarili ko.
Sa mga lumipas na araw, kahit abala na sa eskwelahan ay pilit ko pa rin pinasok sa schedule ko ang pag-g-gym ko. Wala naman akong part-time job kaya kahit papaano ay maluwag pa ang oras ko.
Payat naman ako. Ang kaso nga lang, tingin ko ay hindi pa rin ako sexy tingnan. May kurba, hindi naman kaakit-akit. Kaya kailangan ko pang i-improve ang pisikal na anyo.
Bukod sa pag-g-gym, nagsisimula na rin akong mamili ng mga damit na malayo sa taste ko sa fashion. Kahit napipilitan, bumili na ako ng mga damit na kulang-kulang sa tela. Oo! Kulang-kulang sa tela dahil sa iiksi nila! Lahat yata ng makita kong sexy o revealing na damit ay binili ko na.
"Talaga pala kapag nagmamahal na ang isang tao ay nagbabago siya," dagdag niya sa sinabi.
I grimaced when I heard that. s**t. Parang gusto kong sumuka nang sumuka dahil sa pandidiri. Pero dahil hindi alam ng kaibigan ang totoo ay hindi na ako umalma pa sa nakakadiring sinabi niya.
Hindi ko inaakalang magiging ganito kahirap ang plano kong makipaglapit kay Domino. Akala ko kapag sinabi kong gusto ko siya ay kusa na siyang lalapit sa akin, pero ang tarantado ay napakamapili! Magiging madali lang sana ang lahat kung hindi siya maarte. Ngayon, kailangan ko pa tuloy itodo ang effort ko para sa plano ko.
Nang hindi na muling nagsalita pa ang kaibigan, muli ko nang ipinagpatuloy ang pagtakbo ko sa threadmill. Ramdam ko na ang tagaktak ng pawis ko sa noo, leeg at likod. Kahit ang mga paa ko ay tila napapagod na.
Nang matapos kami ni Xia sa gym ay dumeretso kami sa apartment ko dahil mas malapit ito sa gym na pinuntahan namin. Handa naman si Xia dahil may dala siyang extra na damit, kaya sa apartment ko na siya nakiligo.
"Sisimulan na ba natin?" bungad na tanong ni Xia nang makita ang paglabas ko ng banyo. Mas nauna siyang maligo kaysa sa akin kaya ngayon pa lang ako nakaligo.
Tumango ako at mabilis na lumapit sa kanya. Nag-indian seat ako sa sofa at hinarap siya. Ginaya niya ang posisyon ko bago ako seryosong tiningnan.
"Ini-improve mo na ang body mo, ang kailangan mo naman ayusin ay ang kilos mo. Pero sa totoo lang, wala rin akong alam sa ganito. Pero sasabihin ko na lang sa 'yo ang mga personal kong opinyon kung paano nga ba mang-akit ng lalaking nagugustuhan mo," panimula niya.
Dahil hindi ako maalam sa mga ganitong bagay, napagpasyahan ko ang magpatulong sa kaibigan. Nagpapaturo ako sa kanya kung paano nga ba ang maging kaakit-akit.
Tanggap ko na. Masyado akong simple. Wala akong kaalam-alam sa pakikipaglandian. Nagkaroon naman na ako ng boyfriend dati, kaso walang nagtagal at wala rin akong sineryoso. Sa tuwing may karelasyon kasi ako ay nakikipaghiwalay agad ako lalo na kung nakikita kong nagiging sagabal ito sa pag-aaral ko.
Tumuon ang atensiyon ko sa kaibigan nang ipagpatuloy na niya ang sinasabi.
"First, be playful."
"What do you mean?"
"Be playful with your words or actions. For example, kapag may sinabi siya ay banatan mo. Magbigay ka ng mga cheesy lines."
Nagkasalubong ang kilay ko sa narinig na 'yon. Cheesy lines? Bakit parang may mali?
"Sa kilos naman, mas maganda siguro kung gagawa ka ng physical contact sa kanya. Halimbawa, kapag tatawa ka ay marahan mo siyang hampasin sa braso niya."
Tumango lang ako sa sinabi niya na kahit sa totoo lang ay hindi ako sigurado kung gagana ba 'yon.
"Make your smile and laugh sexy."
Umakto akong ngumiti sa harapan niya. Nang makita niya ang ginawa ko ay umakto siyang nasusuka dahilan para tigilan ko ang ginagawa. Naging blangko na ang mukha ko.
"Try to play with your hair. Sa mga napapanood ko, pinaglalaruan ng mga babae ang buhok nila para maging kapansin-pansin sila," sabi na naman niya.
"Hindi ba ako magmumukhang baliw kapag ginawa ko 'yan?"
"Syempre gagawin mo sa nakakaakit na paraan, hindi 'yong pang baliw!"
Mahina na lang akong suminghal sa sinabi niya.
"Okay. Continue," usal ko.
"Eye contact is the most important thing when you seduce someone. Sa titig mo, doon mo iparamdam ang pagnanasa mo sa kanya."
Parang kinilabutan ako sa narinig. Talagang pagnanasa? Oh God, wala ba siyang ibang word na puwedeng gamitin.
Naputol ang pag-iisip ko nang muli na namang magsalita si Xia. Nagseryoso na ako at nakinig nang maayos sa kanya.
"Naiintindihan mo ba ang lahat ng sinabi ko?" tanong ni Xia nang matapos na siya sa pagtuturo sa akin.
Tumango ako kahit na ang totoo ay hindi. May mga sinabi siya na nagpaisip sa akin kung gagana ba, pero malalaman ko lang kung gagana ba o hindi kung gagawin ko ito. Kaya kahit hindi sigurado, tatandaan ko pa rin ang lahat ng mga itinuro niya sa akin.
"Ngayon, ang problema mo na lang ay paano ulit kayo magkikita ni Domino."
Ngumisi ako sa narinig. Humalukipkip ako at sumandal sa sofa.
"Wala akong problema riyan. Halos gabi-gabi ay nagpupunta si Domino at mga kaibigan niya sa paborito nilang bar."
Nagkaroon ng awang ang bibig niya dahil sa sinabi ko.
"Did you stalk him?"
Hindi ako nakasagot, pero kinalaunan ay awkward na tumawa.
"Medyo."
Napahawak siya sa noo, hindi makapaniwala sa mga kabaliwan na ginawa ko. Nahihiya na lang akong umiwas ng tingin sa kanya.
Ilang oras pang tumambay si Xia sa bahay ko bago napagpasyahang umuwi na. Nang makita ko namang nasa hapon pa lang, napagpasyahan ko ang umalis para dalawin ang puntod ng pamilya ko.
Nang masindihan ko na ang tatlong kandila, inayos ko naman ang pagkakalapag ng mga bulaklak sa lapida nila. Tumayo na ako nang tuwid at seryosong pinagmasdan isa-isa ang mga lapidang nasa harapan ko.
Ilang buwan na rin ang nakakalipas simula nang mamatay ang buong pamilya ko. Dahil pagnanakaw ang inakala sa insidente at walang mahuling suspek o makuhang ebidensiya, walang nagawa ang mga pulis kundi tigilan na ang kaso. Nang sabihin kong may nagpapatay sa pamilya ko ay hindi sila naniwala. Nang ipagpilitan ko ang sinabi ay nanghingi sila ng ebidesiya sa akin. But I don't have any evidence to give it to them.
Ayaw kong tigilan nila ang kaso. Alam ko ang totoong hindi simpleng nakawan lang ang nangyari sa bahay namin. Ang gusto ko, mahuli nila ang totoong suspek ng krimen na ito. Pero dahil sa kakulangan ng ebidensiya ay hindi umusad ang kaso, at wala akong magawa sa bagay na 'yon.
Iyon ang nagtulak sa akin. Iyon ang dahilan kung bakit ganito ako ngayon. Pursigido akong makahanap ng ebidensiya na magiging patunay sa krimen na ginawa ng Mrs. Alvarez na 'yon. 'Yon lang ang tanging paraan para magpatuloy ang kaso at nang magbayad na sa batas ang totoong kriminal.
Humugot ako ng malalim na hininga nang maramdamang naninikip ang dibdib ko. Parang pinipilipit ito sa sobrang sakit. Kahit lumapas na ang mga araw o buwan, nananatili ang sakit sa puso ko. Nakakaramdam pa rin ako ng pangungulila para sa pamilya ko.
"Ma, I'll do my best to bring justice to all of you. Sisiguraduhin kong magbabayad ang taong dahilan kung bakit nandiyan kayo ng mga kapatid ko."
Nang matapos sabihin 'yon ay hindi ko namalayang nakakuyom na pala ang kamao ko. Natanto ko lang ito nang maramdamang dumiin na ang sariling kuko sa palad ko dahil sa sobrang pagkakakuyom nito.
Muli na akong magsisimula sa plano ko, at sa pagkakataong ito ay sisiguraduhin kong magtatagumpay na ako.