Mahigpit ang hawak ni Glenville sa kamay ko habang tuloy-tuloy niya akong inaakay palabas sa dining room. Hindi na siya lumingon kahit isang beses.
At sa likod namin, patuloy pa rin ang mga sigaw.
“Kapag tumuloy ka sa kahibangang ito, huwag ka nang bumalik dito!”
“Glenville!”
“What a bastard!”
“Sinisira mo ang lahat para sa babaeng ‘yan!”
Isa-isang tumama sa pandinig ko ang mga salitang iyon. Ngunit ni isa sa mga iyon ay hindi pinansin ni Glenville. Parang matagal na niyang inaasahan ang lahat ng iyon. Parang matagal na rin siyang pagod na pagod.
Mabilis kaming naglakad sa mahabang hallway ng mansion. Dumadagundong ang tunog ng sapatos namin sa makintab na marmol na sahig.
Ako naman ay halos natatangay na lang niya. Hindi dahil sa ayaw kong sumunod. Kundi dahil hindi pa rin makasabay ang isip ko sa mga nangyari.
Ilang oras pa lang ang nakalipas ay nasa condo na kami. Ngayon ay kaaway na yata ako ng isa sa pinakamakapangyarihang pamilya na nakilala ko.
Natawa ako nang mahina. Isang tuyong tawa at may halong pagod. Nakakabaliw at medyo desperado.
Biglang huminto si Glenville. Napahinto rin ako. Nasa foyer na kami ngayon. Sa harapan namin ay ang napakalaking pinto.
Tahimik siyang nakatayo roon. Nakaharap sa labas at nakahawak pa rin sa kamay ko.
Sa unang pagkakataon mula nang lumabas kami sa dining room, napansin kong bahagyang naninigas ang mga panga niya. At doon ko na-realize na galit siya.
Sobrang galit. Hindi lang niya ipinapakita kanina, pero nakakatakot siyang tingnan.
"Glen..."
Hindi siya sumagot.
"Glenville."
Muli ko siyang tinawag. Dahan-dahan siyang napabuntong-hininga. Pagkatapos ay ipinikit niya ang mga mata nang ilang segundo. Parang pilit niyang kinokontrol ang sarili.
Nang muli niya akong tingnan, kalmado nang muli ang mukha niya. Ngunit ang mga mata niya ay tila nagbabaga pa rin.
"Are you okay?" tanong niya.
Napakurap ako. Ako? Ako ang tinatanong niya, eh, siya nga itong parang papatay na ng tao.
"Ako?" halos hindi makapaniwalang tanong ko.
Tumango siya.
"Ako ba ang mukhang may problema rito?" balik ko.
Bahagyang gumalaw ang sulok ng labi niya. Halos hindi makita, pero napansin ko. At iyon yata ang pinakamalupit na ngiti na ibinigay niya ngayong gabi.
"Fair point."
Napailing ako.
"Fair point daw." Napatawa ako nang walang sigla. "Sinigawan ako ng pamilya mo. Binantaan ako ng stepmother mo. Galit sa akin ang future ex-fiancée mo. At sa tingin mo, okay lang ako?"
Hindi siya agad nagsalita. Sa halip ay pinagmasdan niya lang ako nang matagal. Masyadong matagal. Hanggang sa ako na mismo ang umiwas ng tingin.
Hindi ko gusto kapag tinitingnan niya ako nang ganoon. Parang may nababasa siyang hindi ko kayang itago.
May kakaiba talaga kay Glenville na hindi ko mahulaan.
"I'm sorry."
Napalingon ako agad. Hindi dahil sa sinabi niya. Kundi dahil hindi ako makapaniwalang narinig ko iyon.
"Ano?"
"I'm sorry."
Nanlaki ang mga mata ko. "Ikaw ba talaga iyan?"
Napairap siya. At sa wakas, medyo bumalik ang pamilyar na awra niya.
"Don't make me take it back."
"Ay, huwag!" mabilis kong sabi. "Bihira ka lang mag-sorry. Baka hindi na maulit."
Tinitigan niya ako nang masama. Ngunit sa kung anong dahilan, bahagyang gumaan ang pakiramdam ko.
Saglit lang. Dahil nang maalala ko ulit ang nangyari, bumalik na naman ang kaba ko.
"Glen..."
"Hm?"
"Totoo ba ang sinabi nila?"
Napakunot ang noo niya. "Tungkol saan? Marami silang sinabi, eh."
"Tungkol sa kumpanya."
Tumahimik siya. At sapat na iyon para masagot ang tanong ko.
"Yes."
Nanikip ang dibdib ko. "Tapos... ako ang itinuturong dahilan kung bakit nasira ang kasunduang iyon."
"No." Matigas ang sagot niya. Masyadong mabilis. "Don’t include yourself in that agreement."
Napababa ako ng tingin. Hindi ko alam kung bakit, pero parang mas mabigat iyong sagot niya. Dahil ibig sabihin noon, matagal na niyang planong tumanggi.
Matagal na niyang planong kalabanin ang pamilya niya. At nagkataon lang na dumating ako sa gitna ng gulo.
Biglang bumukas ang malaking pintuan sa likuran namin. Pareho kaming napalingon. At nakita namin si Astrid. Humihingal pa ito. Parang tumakbo palabas.
"Ate Lizzy!"
Napakurap ako. Ate?
Mabilis itong lumapit sa amin. Hindi tulad ng ibang miyembro ng pamilya nila, wala akong nakitang galit sa mukha nito. Nalulungkot lang ito.
"Astrid..." mahinang tawag ni Glenville. “Paano ka nakarating dito? Saka paano ka nakapasok diyan?”
Hindi sumagot si Astrid. Sa halip ay lalong lumalim ang lungkot sa mga mata nito.
"Kuya, are you mad at me, too?" agad nitong sabi sa kapatid.
Napailing si Glenville. “No. why would I?”
Agad itong ngumiti. Tapos may iniabot itong isang maliit na kahon.
"Para kay Ate Lizzy."
Nagulat ako. "Ha?"
"Welcome gift sana."
Napakurap ako. Hindi ko alam kung ano ang sasabihin.
"Pasensya ka na sa kanila," mahina nitong dagdag. "Hindi naman lahat dito ayaw sa “yo. I like you, ate."
Pagkatapos ay tumingin ito sa akin at ngumiti. At sa buong pagkakataong iyon... ito lang ang unang taong nagparamdam sa akin na kahit paano may kakampi rin ako sa pamilya nila. Kahit isa lang.
Kasunod niyon ay nagpaalam na ito. Nagpahatid pala siya sa driver nila. May susi rin ito ng condo ni Glen. Pero ibinalik rin nito.
"Glen."
"Hm?"
"Hindi mo pa ba ako ihahatid sa apartment ko?"
Hindi siya agad sumagot. Nakatutok lang ang tingin niya sa labas ng bintana. Nakaupo na kami ngayon sa sofa.
Iyon pa lang ay kinabahan na ako. "Glenville."
"We're not going there."
Napakurap ako. "Ha? Bakit?"
"You're staying with me."
Namilog ang mga mata ko. "Excuse me?"
"Tomorrow is our wedding."
Pakiramdam ko ay tumigil ang mundo sa pag-inog. "Ano?!"
Napatingin pa ako sa kaniya para siguraduhing hindi ako namamalikmata o nagkamali ng dinig. Pero seryoso siya. Sobrang seryoso.
"Wedding? Agad-agad?" halos mapasigaw ako. "Anong pinagsasasabi mo?"
"Our wedding."
"Glenville, baliw ka ba?!"
Hindi siya natinag. Parang normal lang ang pinag-uusapan namin. Parang hindi niya biglang ibinalita na ikakasal kami kinabukasan.
"Bukas?" hindi makapaniwalang ulit ko. "As in bukas na bukas?"
"Yes."
"Glenville!"
"What?"
"What?!" Halos maubusan ako ng hangin. "Iyon lang ang masasabi mo? What?"
Napahawak ako sa noo ko. Pakiramdam ko, sasakit na ang ulo ko. Napakabilis ng lahat. Masyadong mabilis.
Sa totoo lang, nagbago na ang isip ko. Ayaw ko nang pa ituloy ang kasunduan namin. Hindi ko na rin hahangarin pa iyong sampung milyon. Siguro ay may iba pang paraan para makabangon akong muli.
Pagdilat ko ay diretsahan ko siyang tiningnan.
"Glenville." Tahimik siyang naghintay. "I think..." Napalunok ako. "I think gusto ko nang umatras."
Nanatili lang siyang tahimik. Masyadong tahimik. At sa loob ng ilang segundo ay walang nagbago. Walang reaksyon. Walang salita. Wala.
Hanggang sa napansin kong bahagyang humigpit ang pagkakakuyom ng mga kamao niya. At doon nagsimulang manlamig ang sikmura ko.
Dahan-dahan siyang lumingon sa akin. At halos hindi ko na siya makilala. Parang biglang naglaho ang lalaking nakasama ko buong araw.
Wala na iyong mapang-asar. Wala na iyong lalaking panay ang pang-iinis sa akin. Wala na rin iyong lalaking paminsan-minsang nagpapakita ng lambing at kabaitan.
Ang nasa harapan ko ngayon ay mas malamig. Mas madilim at mabalasik ang awra. At mas nakakatakot.
"Ano'ng sinabi mo?"
Mahina ang boses niya. Ngunit iyon mismo ang dahilan kung bakit lalo akong kinabahan.
Napalunok ako. "S-Sabi ko..."
Hindi ko naituloy. Dahil hindi ko nagustuhan ang paraan ng pagtitig niya sa akin. Parang may kung anong mapanganib na bagay na unti-unting lumilitaw sa likod ng mga mata niya.
"Gusto mong umatras?"
Napahigpit ang kapit ko sa laylayan ng dress ko.
"Glen–"
"After everything?"
Mababa at kontrolado ang boses niya. Ngunit iyon ang mas nakakatakot. Parang bagyong ilang segundo na lang ay tuluyan nang mananalanta.
"Glenville, pakinggan mo muna ako–"
"No."
Napasinghap ako. Hindi niya ako pinagsalita. Hindi niya ako binigyan ng pagkakataong magpaliwanag.
Dahan-dahan siyang naglakad palapit sa akin. At sa bawat hakbang niya, parang lalong sumisikip ang hangin sa loob ng condo. Bigla akong nakaramdam ng totoong takot.
"Dahil baka may hindi ka naiintindihan, Elizabeth." Mariin ang bawat salitang lumabas sa bibig niya. "This isn't a game."
Nanginginig na ang mga kamay ko. "Glen..."
"You made an agreement with me."
"Alam ko pero–"
"No."
Muli niya akong pinutol. Mas matalim at madilim na ngayon ang tingin niya.
"You don't get to walk away whenever you want."
Napaatras ako ng isang hakbang. Hindi ko alam kung bakit, pero pakiramdam ko ay biglang lumiit ang buong sala. At ang lalaking nasa harapan ko ay hindi na iyong lalaking akala ko ay unti-unti ko nang nakikilala.
May kakaiba sa kaniya. May bahagi siyang tila matagal niyang itinatago. At ngayon ko lang nakikita.
"Listen carefully, Elizabeth Corrine Alvarez…" mahinang sambit niya, ngunit nakakakilabot pakinggan.
"Kapag sinabi kong magiging asawa kita..." saglit siyang tumigil. At hindi ko namalayang pinipigilan ko na pala ang paghinga ko. Pagkatapos ay muli siyang nagsalita. "...magiging asawa kita."
Napatitig lang ako sa kaniya. Hindi ako makapaniwala. Hindi ko maintindihan kung ano ang nangyayari.
Nang tuluyan akong makabawi sa pagkabigla, saka lamang bumalik ang boses ko. Nanlalabo pa ang mga mata ko habang nakatitig sa kaniya.
"Ano?"
Halos pabulong iyong lumabas sa bibig ko. Hindi ko alam kung tama ba ang narinig ko. O baka hindi ko lang matanggap.
Ngunit nanatiling malamig ang ekspresyon niya, nakatitig lang sa mga mata ko. Walang bakas ng biro. Walang bakas ng pagsisisi. Parang normal lang ang sinabi niya. At iyon ang mas nakakatakot.
"Hindi mo puwedeng gawin ‘yan," nanginginig kong sabi. "Hindi mo ako puwedeng pilitin na magpakasal sa ‘yo."
Tahimik lang siya.
"Tao ako, Glenville!" napataas ang boses ko. "Hindi ako gamit na puwede mong angkinin dahil lang may kasunduan tayo!"
Nakita kong gumalaw ang mga panga niya. Ngunit hindi pa rin siya nagsasalita. At habang tumatagal ang katahimikan, lalo akong nagkakaroon ng lakas ng loob.
"Hindi ko na kailangan ang pera mo."
Mariin kong pinunasan ang mga luha sa pisngi ko.
"Hindi ko kailangan ang sampung milyon. Maghahanap ako ng ibang paraan. Kaya tapos na ito."
Pagkasabi ko niyon ay tumalikod ako. Balak kong lumayo at tapusin na lang ang usapan. Ngunit hindi pa man ako nakakahakbang nang maayos ay bigla niya akong hinila pabalik.
Napasinghap ako. Mahigpit siyang nakahawak sa braso ko. Napangiwi ako sa sobrang higpit.
"Glen!"
Pililit kong binabawi ang braso ko ngunit hindi siya bumitiw. Sa unang pagkakataon simula nang makilala ko siya, tila ibang tao ang kaharap ko. Madilim na madilim na ang mukha niya sa galit.
"Bitiwan mo ako!"
"Look at me."
Nanlamig ang dugo ko. Hindi siya sumigaw. Hindi rin niya ako tinaasan ng boses. Ngunit nadama ko ang kakaibang nerbiyos na hindi ko mapangalanan.
Ayaw ko siyang tingnan. Pero napilitan ako. At nang magtagpo ang mga mata namin, para akong nahulog sa nagyeyelong tubig.
"Kapag tinalikuran mo ako, Elizabeth..." mabagal niyang sabi. "Kapag iniwan mo ako pagkatapos ng lahat..."
Lalong humigpit ang hawak niya. Napapadaing na ako sa sakit.
"Glen, nasasaktan ako–"
"Then don't."
Naputol ang sasabihin ko. Hindi ko alam kung bakit. Pero bigla akong natakot magsalita. Dahil parang hindi ko na kilala ang lalaking nasa harapan ko.
Huminga siya nang malalim. Parang pilit na kinokontrol ang sarili. Ngunit nang muli siyang magsalita, lalo akong nanginig.
"Huwag mo akong iiwan. Huwag na huwag."
Napatitig lang ako sa kaniya. Hindi ako makapaniwala at hindi rin makahinga. Parang nawalan ako ng lakas na gumalaw.
At sa pagkakataong iyon, wala na akong maisagot. Dahil anumang sasabihin ko ay tila magpapalala lamang ng sitwasyon.
Hanggang sa bigla niya akong hinila.
"Glenville!"
Nataranta akong sumabay sa kaniya habang mabilis niya akong kinakaladkad sa hallway.
"Glen! Bitiwan mo ako!"
Hindi siya sumagot. Diretso lang siyang naglakad. Parang wala siyang naririnig. Parang wala siyang pakialam sa pagmamakaawa ko.
Pagdating namin sa kaniyang kuwarto ay mabilis niyang binuksan ang pinto. At bago pa ako makapag-react, itinulak niya ako papasok.
Napaatras ako at halos mawalan ng balanse.
"Glen!"
Mabilis akong lumingon. Ngunit huli na. Narinig ko na ang pagsara ng pinto. Kasunod niyon ang tunog ng lock.
Napasinghap ako at tumakbo agad ako papunta sa may pinto.
"Glenville!"