Kabanata 1: Iris

1889 Words
Iris “Ang bobo!” Sigaw ko habang nanonood ng sabungan sa aming lugar. Kada magsasabong ang manok na pinanglaban namin ay lahat kami'y nagsisigawan. Kulang na lamang ay magbardagulan kaming lahat dito. "Ano ba 'yan Mang Tabo, ang tanga ng manok mo, laging talo," naiinis kong saad sa kaniya kaya natawa ito sabay lagay ng kamay sa ibabaw ng ulo ko. “Ikaw talagang bata ka, kahit kailan. Kung ano-ano ang lumalabas sa bibig mo,” aniya kaya napasimangot ako sabay tanggal kamay niya sa ibabaw ng ulo ko. “Parang hindi ka naman sanay sa'kin, Mang Tabo, kita mo ngang sobrang tabil ng bibig ko at kung ano-ano ang lumalabas,” ika ko ulit at nagpatuloy sa panonood pero natigil na lang kaming lahat nang may biglang sumigaw. “May mga parak! Magsitakbuhan na tayo! 'Wag kayong magpapahuli, mahal ang sistensiya!” “Pakshet, panirang mga parak!” Napasigaw ako at dali-daling tumayo, napatingin ako kay Mang Tabo na ngayon ay nakatingin na rin sa akin. Nginisian ko siya bago tumalon pababa sa upuan. “Mang Tabo, kita-kita na lang tayo sa presinto kung sino ang mauuna sa ating dalawa!" Sigaw ko dito at nagsimulang tumakbo palayo sa sabungan. Paglabas ko ay inakyat ko ang hindi kataasang gate at tinalon ito. Nagpagulong-gulong pa ako bago tumayo. Napamura na lamang ako dahil sumakit ang likod ko sa ginawa ko.Pinagpagpag ko ang damit ko at inayos ang itim kong sumbrero. Napatingin ako sa kaliwa ko nang may biglang sumipol, nanlaki ang mata ko ng makitang pulis ito. “Isang malutong na pakshet talaga,” pagmumura ko at nagsimula nang tumakbo. Kahit hingal na hingal ay nagpatuloy pa rin ako. Napatingin ako sa likuran ko at kitang-kita ko pa rin ang pulis na humahabol sa akin, pagharap ko ay may isa pang pulis na papunta sa direksyon ko. Kaya napangisi ako nang may naisip akong plano. Nang malapit na sila sa akin ay bigla akong lumiko sa nakita kong eskinita dahilan para mauntog sila sa isa't-isa at sabay na tumumba. Tinawanan ko pa silang dalawa at kinawayan. Napangisi na lamang ako at mas lalo pa silang inasar. Nagmamadali akong tumakbo at naghanap ng tataguan dahil alam kong hahabulin pa rin nila ako. Nahagilap nang mata ko ang basurahan kahit mabaho ay doon ako nagtago at nagtiis na lamang sa amoy nito. At tama nga ako, makalipas lamang ang ilang minuto ay naandito na agad silang dalawa. Nagmasid pa sila bago tuluyang umalis kaya tumayo agad ako at naamoy ko agad ang sarili ko. “Putcha! Ang baho ko na tuloy! Bwisit na mga parak, mga kupal ang babagal naman.” Nanggagalaiti kong saad at naglakad na palayo. Bawat nakakasalubong kong tao ay umiiwas sa akin at tinatakpan ang mga ilong nila, napairap na lamang ako at nagpatuloy sa paglalakad. Tangina, ang aarte ng mga ito akala mo naman naliligo araw-araw. Pagdating sa eskinita namin ay mas lalo akong nanggalaiti dahil sa mga kapitbahay kong chismosa. Pagkapasok ko sa apartment ay naligo agad ako at nagpalit ng damit. Lumabas ako at dumiretso sa bahay nila Mang Tabo para tignan kung nakauwi na ba siya nang ligtas o isa na pala na nahuli nang mga pulis. Pagkadating ko roon ay naghihintay si Mang Tabo sa labas ng bahay nila kaya kinawayan ko ito. Kitang-kita ko ang tuwa sa kaniyang mata ng makita niya ako. “Iris! Salamat naman at nakauwi ka ng ligtas!” Ika niya na akala mo ay ngayon lang kami nakaligtas sa mga parak. “Ikaw rin Mang Tabo, nakatakbo ka pa rin kahit ganan ka kataba,” sabi ko kaya natawa kaming dalawa at nag-apir pero napatigil na lamang kami sa pagtawa ng biglang sumingit si Aling Nana, ang mahadera naming kapitbahay at maniningil. “Hoy Tabo! Nasaan na ang upa niyo sa bahay! Aba, ang kakapal naman ng mga mukha niyong mag-extend pa!” Sigaw ni Aling Nana sa harap namin kaya napayuko si Mang Tabo dahil sa kahihiyan. Ako naman ay napataas na lamang ang kilay. Ang tabil talaga ng bunganga. “Pasensiya ka na Nana-” Naputol ang pagsasalita ni Mang Tabo nang sumigaw ulit si Aling Nana. “Madam!” “Pasensiya na talaga, Madam. Wala pa kasi akong sahod ngayon kaya hindi ko pa maibigay sa'yo ang pang-upa namin.” Kaya napataas ang kilay ni Aling Nana sa narinig at hinampas ng hawak niyang pamaypay ito. Napailing na lamang ako at kumuha nang dalawang libo sa bulsa ko at binigay kay Aling Nana bago pa siya dumada nang dumada. “Pang-upa ba? Ito oh, isaksak mo pa 'yan sa baga mo. Pang-upa lamang pala, pwede namang makipag-usap ng ayos. Hindi yung susugod na lamang bigla at magsisigaw sa harap namin,” saad ko at hinagis sa kaniya ang pera kaya dali-dali niya itong pinulot. “Bastos kang bata ka! Kaya ka siguro iniwan ng nanay mo dahil diyan sa ugali mo,” saad niya kaya nag-init ang ulo ko at dahan-dahang lumapit sa kaniya sabay hinawakan ang panga niya ng sobrang higpit. Kitang-kita ko ang takot sa mga mata niya dahil sa mala-demonyo kong ngisi at tingin. “Huwag na huwag mong idadamay dito ang nanay ko na patay na! Ikaw nga, hindi ko pinakialaman ang anak mo na nagpalaglag para lang matawag na dalaga!" Sigaw ko habang nagngingitngit sa galit. Nagulat na lamang ako ng bigla niyang higitin ang buhok ko, rinig na rinig ko rin ang sigawan ng mga kapitbahay namin. "Matagal na akong nagtitimpi sa'yong babae ka, ang tabil ng bunganga mo! Akala mo kung sino ka!" "Matagal rin akong nagtitimpi sa'yo! Alam mo, sa totoo lang, bagay na bagay ang pangalan mo dahil magkasing parehas sila ng mukha at ugali mo! Nakakaasura!" Sigaw ko rin habang nagsasabunutan kami. Kita ko sa gilid ng mata ko ang mga kapitbahay naming nanonood at nagsisigawan. May nakita pa akong naka-live at akala mo ay reporter na nagbabahagi ng importante niyang balita Napamura na lamang ako dahil mas inuna niya pa ang pagiging chismosa kaysa sa umawat sa amin dito. Bigla na lamang nawala sa harapan ko si Aling Nana, nang tingnan ko kung sino ang humigit sa kaniya ay napangisi na lamang ako. “Ano ba, Iris! Ano bang ginagawa mo sa nanay ko?!” Galit na sigaw niya kaya napataas ako ng kilay at pumamewang. Sino ba naman ang mapapataas ang kilay dahil biglang umiyak si Aling Nana. Pa-victim ang lintek, siya na nga ang nauna. Kung sino pa ang may mali siya ang kakampihan at kung sino pa ang tama ay siya pa ang gagawing masama. “Hoy, 'yang nanay mo, pagsabihan mo. Hindi marunong rumespeto, kukuhanin na nga lang ang upa ay kailangan pang sumigaw. Bakit? megaphone ba ang bunganga niya para ipagkalat na wala pa ring pambayad si Mang Tabo,” sabi ko habang tinuturo ang nanay niyang hawak niya. "At saka, kayo na nga ay may kasalanan, 'yang Nanay mo pa ang may ganang umiyak. Sa susunod na umiyak 'yan sa harapan ko, magbabardagulan kaming dalawa." Dahil doon ay hindi nakapagsalita si Chella sa sinabi ko, Kaya tumango siya sa akin at hinigit ang nanay niya palayo. Sinipa ko na lamang ang pasong nakita ko, dahil sa sobrang galit na nadarama ko. Napatingin ako kay Mang Tabo ng bigla siyang magsalita. “Iris, anak... dapat hindi mo na ginawa iyon. Ang dami ko nang utang sa'yo, nadagdagan pa,” nahihiya niyang sabi at yumuko kaya tinapik ko siya ng malakas sa likod. “Ano ka ba Mang Tabo. Ako lang 'to si Iris. Bakit ka mahihiya at saka kaya kong maghintay na bayaran mo ang mga utang mo sa akin,” pagbibiro ko at tumawa naman siya. “Hiyang-hiya na talaga ako sa'yo. Paano ba naman kada susulpot 'yang si Nana ikaw lagi ang nagbabayad tapos ayan, nagkasagutan na naman kayong dalawa,” reklamo niya kaya napailing na lamang ako. “Mang Tabo, kung alam mo lang kung gaano ang galit ko diyan kay Nana. Kaya wala na akong respeto diyan simula noong may nangyari sa nanay ko,” saad ko habang nakatingin sa malayo. Napalingon ako dahil dumating na ang bakla niyang anak na si Awra. Nakangiti ang madidilaw niyang ngipin kaya napangiwi ako. Putcha! Nagsesepilyo pa ba 'to?! “Gaga, inuman tayo ngayon,” suhestiyon niya kaya napangisi ako dahil pinakita niya ang alak na dala niya. Bar gin! Solid! Magsasalita pa sana kami ng biglang sumingit si Mang Tabo. “Huwag na, baka mamaya ay sumuka ka lang ng sumuka, Awra.” Pagbabawal niya sa amin kaya napapadyak si Awra dahil sa inis. “Pudra naman, kahit ngayon lang oh. Kaming dalawa lang ni Iris!” Pagmamakaawa niya at lumuhod pa kaya wala ng naggawa si Mang Tabo kundi ang pumayag. “Sige... pero kasama ako.” ... Napamura na lamang ako dahil biglang sumuka si Awra habang si Mang Tabo naman ay tulog na dahil sa sobrang kalasingan. Anak ng tokwa! Ang hihina ng mga kainuman ko. Nakakasampung baso pa lang kami mga bagsak na agad. Paano kaya kapag nag-aya na ako ng isang case? Baka mapa-dasal na lang si Aura at Mang Tabo. “Iris!” Sigaw ni Awra habang nakayuko kaya tiningnan ko lamang siya habang iniinom ko ang isang basong gin. “Ano 'yon?” Pagtatanong ko kaya dahan-dahan niyang inangat ang ulo niya at tiningnan ako ng deretso sa mata. “Patawarin mo na ang Papa mo! 'Yung nakaraan, kalimutan mo na para wala ka ng galit sa puso mo! Alam naman natin kung ano ang nangyari sa nanay m-” Hindi ko tinapos ang pakikinig sa sinasabi niya ng malakas kong binaba ang baso dahilan para mabasag ito. Sinamaan ko siya ng tingin at ang tarantado! Tumatawa pa! “Salamat sa gin mo! Tarantado ka, ang weak mo! Ayos lamang na mag-inuman tayo pero sana walang banggitan ng nakaraan,” mariin kong saad at tumayo na. Hinayaan ko ang mag-ama na langong-lango sa alak at pumasok na sa apartment habang hinuhubad ko ang jacket ko sabay sinampay sa likod ng pinto. Kinse pa lang ako nang namatay ang nanay ko at ngayon ay bente anyos na hindi alam kung saan patungo ang buhay. Kung sa langit ba o impyerno. Simula nang mamatay ang nanay ko ay sunod-sunod na ang kamalasang dumating sa akin dahilan para magalit ako sa Diyos. Hindi ko alam kung bakit nangyayari sa akin ang lahat ng iyon. Kung tatanungin mo ako kung nasaan ang tatay ko, huwag niyo nang tanungin. Gago 'yon. Sa lahat ng gagong nakilala ko, siya ang pinaka gago. Siya ang pinaka-walang kuwenta. Naghilamos muna ako bago magpalit ng damit. Nang matapos na ako ay napatingin ako sa salamin nasa harapan ko. Napangisi na lamang ako dahil sa katarantaduhang ginawa ko ngayong araw. Sabagay, araw-araw pala. Walang pagbabago, araw-araw nagiging patapon ang buhay ko. Chineck ko muna lahat kung may nakalimutan ba akong hindi na nahugot na saksakan. Nang masiguro kong ayos na ang lahat ay pinatay ko na ang ilaw sa salas at pumasok na sa kwarto. Sanay na akong mag-isa simula ng iwan ako ng nanay ko. Ewan ko kung bakit nasanay na ako. Siguro para walang makapanakit na sa akin. Humiga na ako sa kama at pinikit ang mga mata. Iniisip kung ano ang pwedeng mangyari bukas. Sana, bukas paggising ko, mawala na ang galit sa puso ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD