SUCCESSFUL ang naging operasyon kay Alexis at ngayon ay naka-confine na ito sa isang private room sa fourth floor na nasa west wing ng Rose General Hospital na matatagpuan sa lungsod.
Nang matapos ang operasyon ay pinauwi muna si Angela upang makapagpahinga ito at nang makita na rin ang amang si Don Carlos.
At ngayon, kagagaling lang niya sa bahay. Subalit hindi pa rin nagigising ang binata.
Napapansin niyang tila iniinda pa rin nito ang kirot ng sugat na iyon. At sa tuwing maaalala niya ang ginawang pagbaril ni Ricky kay Alexis ay hindi niya maiwasang sisihin ang kanyang sarili sa nangyari rito.
Wala itong alam tungkol sa nasaksihan niya.
At least, sa ngayon ay wala pa.
Sinabi na niya sa lahat ang tungkol sa nakita noong gabing maaksidente siya at hindi naiwasang mahindik ang lahat sa nalaman.
At ngayon, tanging si Alexis na lang ang hindi nakakaalam niyon.
Patuloy pa ring pinagmamasdan ni Angela si Alexis at hindi niya maiwasang mapaiyak sa ginagawang pag-iinda nito sa kirot ng sugat nito kahit na wala pa itong malay.
At dahil sa nararamdamang awa para rito, natagpuan niya ang sariling ginagap ang palad ng binata at marahang pinisil iyon.
Baka sa ganoong paraan ay maibsan ang nararamdamang kirot ng binata.
'I'm really sorry, Alex. Hindi ko gustong madamay ka sa gulong ito. Lalo namang hindi ko ginustong mapahamak ka sa kamay ng Fidel Mariano na iyon. Dahil—' Natigilan sa pag-iisip si Angela nang maramdaman niya ang pagpisil ni Alexis sa palad niya.
Hanggang sa makita niyang unti-unting nagmumulat ng mga mata ang binata.
"Alex..."
Dumilat ang mga mata ni Alexis at hinagilap ng tingin ang taong tumawag sa pangalan nito. At nang makita ang hinahanap ay napangiti ito habang hawak pa rin ang kamay niya.
"Hi..." bati ng binata sa kanya.
Napabuntong-hininga si Angela at hinaplos ang buhok nito. "Kumusta ka na? Masakit pa ba ang sugat mo?" masuyong tanong niya habang patuloy ang paghaplos sa buhok ni Alexis.
"Medyo masakit pa. Pero kaya ko naman. Isa pa, nandito ka naman na, eh."
"Ano naman ang koneksyon ko riyan sa sugat mo?"
"Kapag nakikita ko kasi ang mukha mo, nawawala ang sakit na nararamdaman ko. Kaya naman hindi na ako nahihirapan pa."
"Hmp! Kahit na kailan talaga, bolero ka."
"Siguro... sa ibang babae, bolero ako. Pero kapag sa 'yo, hindi ko yata kayang gawin iyon."
"Talaga lang, ha?" nakangiting tanong ni Alexis.
"Oo naman. Bakit, hindi ka ba naniniwala?"
Hindi kumibo si Angela. Tinitigan lang niya ang binata.
"Angela..."
"I don't know kung gusto kong paniwalaan iyon."
"It only means na hindi ka talaga naniniwala sa akin, hindi ba?" nagtatampong wika ni Alexis.
At lihim na nataranta ang dalaga nang mahimigan iyon sa tinig nito.
"Paano naman kasi ako maniniwala? Eh hindi mo nga napatunayan sa akin 'yang sinasabi mo?"
"Ano bang patunay ang gusto mong gawin ko para lang maniwala ka?"
Saglit na napaisip si Angela. "Bago ko sagutin ang tanong mo, sagutin mo muna ang itatanong ko sa 'yo."
"Ano 'yon?"
"Bakit mo ako niyakap noon sa kasukalan?"
Hindi nakasagot si Alexis.
"O, bakit hindi mo na ako sinagot? May mali ba sa tanong ko?"
Umiling ito, saka napabuntong-hininga. "Gusto mo ba talagang malaman ang totoong dahilan kung bakit ko ginawa iyon?"
"Siyempre naman, 'no?"
"Okay." Humigpit ang hawak nito sa kamay niya. Saka matiim na tinitigan ang mukha niya. "Ang totoo niyan, nasa high school pa lang tayo, na-realized ko na sa sarili ko na... mahal na kita."
"A-ano?" Sabihin pa ay nagulat siya sa nalaman.
"I know, hindi ka naniniwala sa akin," wika nito sabay iwas ng tingin. "Pero sa maniwala ka't sa hindi, iyon ang totoo. Ang akala ko nga noon, pagtinging-kapatid lang ang kaya kong iukol sa iyo. And then I realized na nagkamali lang ako ng inakala. Dahil sa paglipas ng panahon, lalo akong nai-in love sa iyo at kahit na anong pigil ang gawin ko, hindi ko magawa."
Walang masabi si Angela sa narinig niya.
Paano naman kasi siya magsasalita? Eh hindi naman niya akalaing sasabihin nito ang nararamdaman sa kanya sa ganoong sitwasyon.
"Iyon ang totoong dahilan kaya kita niyakap noon. Gusto kong iparamdam sa 'yo na mahal kita kahit na alam kong ang tingin mo lang sa akin ay pangalawang kuya mo, bukod kay Joel. Kaya hindi mo alam kung paano ako nagdusa nang inakala kong namatay ka sa plane crash."
"Sino ba'ng may sabi sa 'yo na kuya lang ang tingin ko sa 'yo?"
"Ha? H-hindi ba, iyon naman talaga ang tingin mo sa akin mula pa noon?"
"Sigurado ka ba?"
"A-ano ba talaga ang gusto mong ipunto sa sinasabi mo?"
"Manhid ka talaga, alam mo 'yon? Hindi ba halata na mahal na rin kita, noon pa?"
"H-ha? K-kailan pa?" Nagulat man ay kinabakasan ng tuwa ang mukha ni Alexis.
"Ever since I learned how to fall in love. Na-realized ko lang iyon noong araw na tinawag kita sa pangalan mo for the first time na hindi kinakabitan ng salitang 'kuya'."
"Talaga? Hindi ka nagbibiro?" naninigurong tanong nito.
"O, ngayon naman, ikaw na ang hindi naniniwala sa akin. Sa maniwala ka't sa hindi, iyon ang totoo. At kaya kong patunayan iyon."
"Sige nga. Paano?"
Dahan-dahang dumukwang si Angela at bago pa makapag-react si Alexis ay banayad nang dumampi ang mga labi niya sa mga labi nito.
Saglit lang na natigilan si Alexis. Kapagkuwa'y tinugon na nito ang halik niya. Naghiwalay lang ang mga labi nila nang pareho na silang kapusin ng hininga.
Wala mang salitang namamagitan sa kanilang dalawa ay bakas naman ang kakaibang kislap sa mga mata nila ㅡ ito ay ang kislap ng kaligayahang noon lang nila naramdaman magmula nang maganap ang isang trahedya sa pamilya nila.
"Ano? Naniniwala ka na sa sinasabi ko?" untag ni Angela sa kanya.
"Oo na, naniniwala na. Pero mas paniniwalaan kita kung hahalikan mo uli ako."
"Bakit ako ang hahalik? Hindi ba dapat ay ikaw naman?"
Napailing na lang ang binata. "Sige na nga."
Unti-unting bumangon ang binata at muling hinalikan si Angela, with all his heart.
Hindi man nila natapos ang misyong nakaatang sa mga pamilya nila, natapos naman nila ang pangungulilang ilang taon nilang dinanas para sa isa't-isa. At alam nila, ito ang simula ng kanilang magiging kasaysayan...
THE END
xxxxxx
COMING NEXT:
Ano ang gagawin ni Elena kapag nalaman niyang nag-e-exist pala sa tunay na buhay ang lalaking humihingi ng tulong sa kanya sa panaginip? Sino nga ba ang lalaking ito at ano ang magiging koneksyon nito sa dalawang angkan?
Witness her love story on the CHRONICLES OF THE ROSES # 2: Elena dela Vega (My Destiny From A Dream).