MAHINANG tapik sa pisngi ang gumising kay Angela.
"Ate, gumising ka! Binabangungot ka."
"Hah!" Napadilat siya habang habol ang hiningang tumingin sa paligid.
Natuon ang kanyang paningin sa taong gumising sa kanya.
"Ate, what's wrong?" nag-aalalang tanong ni Elizza habang hawak nito ang kanyang kamay.
"W-wala," tanging sambit niya.
"Sigurado ka?" Naupo ito sa gilid ng kama at hinaplos ang buhok niya. "Bakit, bangungot na naman ba?"
Marahan siyang tumango.
Ilang sandali ang pinalipas ni Angela bago tuluyang nahamig ang sarili. Umayos siya ng upo sa kama at sumandal sa headboard nito.
Naiiling lang ang bunsong kapatid habang pinagmamasdan siya.
"Ano na lang kaya ang sasabihin nilang lahat sa oras na malaman nilang bumalik ka na sa dati?"
"Eliz, kanina lang naman ako bumalik sa dati, ah. And besides, pareho ninyong alam iyon ni Cheska."
"Yeah, I know. Dahil sa mga putok ng baril na narinig natin kanina habang wala si Kuya Alexis kaya ka bumalik sa katinuan. Pero... bakit sa tuwing makakarinig ka ng mga putok ng baril, nagre-respond ang senses mo?"
Napabuntong-hininga na lang siya.
"Saka ko na lang ikukuwento, Eliz. Right now, kinakailangan ng utak ko ng sobra-sobrang pahinga. So can I rest?"
"Okay." Humalik si Elizza sa pisngi niya. "Doon muna ako sa kuwarto ko at magsusulat. Tawagin mo na lang ako kung may kailangan ka." Umayos ito ng tayo pagkatapos niyon at dumiretso sa pinto.
Tumango siya. "Sandali lang, Eliz!" pigil niya sa paglabas nito.
"Bakit?"
"Nasaan si Alex?" Huli na nang ma-realized niya ang pangalang binanggit niya.
Napangiti lang ito.
"Nasa silid niya, nagpapahinga. I think lumilinaw na ang kaso tungkol sa trahedya sa mga pamilya natin."
"Ganoon ba?"
Napatingin lang sa kanya ang kapatid at unti-unting lumapit ulit sa kanya.
"Ate, can I ask you something?"
Kinabahan siya.
"T-tungkol saan?"
"Bakit Alex ang tawag mo kay Kuya Alexis?"
Ilang saglit na ang lumipas pero hindi pa rin siya sumasagot.
"Ate, ang simple lang naman siguro ng itinatanong ko sa 'yo, 'di ba?"
"Elizー"
"Do you have feelings for him?" direktang tanong nito sa kanya.
"Eliz! A-ano ba'ng pinagsasasabi mo riyan?" Bahagyang namula ang mga pisngi niya dahil sa itinanong nito.
"Sus! Isa ka pang in denial diyan. Tama ako, 'no? May feelings ka kay Kuya Alexis, 'no?" nanunuksong tanong nito.
"Sshh!" Agad tinakpan ni Angela ang bibig ni Elizza. "Huwag ka ngang maingay riyan. Baka may makarinig sa 'yo, sabihin pa na totoo ang sinasabi mo."
"Bakit, hindi ba?"
"Manahimik ka na nga lang diyan. Sige na, pumunta ka na sa kuwarto," pagtataboy niya rito.
"Opo, boss!" natatawang wika nito bago tuluyang lumabas ng kanyang silid.
Ilang sandali nang wala ang bunsong kapatid sa kanyang silid ay wala pa ring kakilos-kilos si Angela sa kanyang kinauupuan.
'Bakit ba hindi ko magawang sabihin sa kanya ang nararamdaman ko para kay Alexis? Wala namang mawawala kung sabihin ko kay Eliz ang lahat.'
Bigla niyang naalala ang sinabi ni Alexis kanina bago ito umalis ng ancestral house.
'Gagawin nga kaya niya ang sinabi niya? Na kapag magaling na ako, liligawan na niya ako?'
Sukat sa isiping iyon ay napangiti siya at parang kinilig ang puso niya. Then again, ilang beses na rin namang muntik nang may mangyari sa kanila noon. Malamang na kapag tuluyang nangyari iyon ay hindi na nila magawang pakawalan ang isa't-isa. Sana lang ay ganoon pa rin katindi ang nararamdaman nito para sa kanya. Gaya ng hindi kailanman nawala ang nararamdaman niya para kay Alexis.
Kahit paano ay magaan ang pakiramdam na muli siyang nahiga at pumikit. Gusto niyang namnamin hanggang sa pagtulog ang kilig at tuwang nadarama.
Ngunit sa pagtulog niyang iyon, dinalaw siya ng isang alaala ng nakaraang tuluyang bumago sa takbo ng buhay nilang lahat.
Isang nakaraang kanyang nasaksihan... at hinding-hindi mawawaglit sa kanyang isipan...
xxxxxx
PAGBALYA sa pinto ang nagpahinto kay Angela sa paghakbang patungo sa suite ng kanyang ina.
Parang pusa siyang tumakbo patungo sa pinanggalingan ng ingay. At nagulat siya nang makitang bukas ang pinto ng suite ni Doña Criselda. Agad siyang nagmadali at dahan-dahang sumilip sa loob.
Madilim sa loob ng suite na iyon maliban sa isang bahagi niyon na nasisinagan ng ilaw sa lampshade na nasa side table.
May mga anino siyang nakikita at alam niyang mga lalaki ang mga iyon dahil sa laki ng katawan ng mga ito. May mga dala pang mataas na kalibre ng mga baril ang mga ito.
Tatlo lang ang aninong nakikita niya na nakatayo sa loob ng suite, malapit sa silid ng kanyang ina.
Napapitlag na lamang siya nang makalapit ang isa sa mga ito malapit sa pinagtataguan niya. Nakita rin niya ang pagsilip nito sa labas ng suite.
Nang sumungaw ang buong katawan ng lalaking iyon ay agad niyang tinadyakan ito sa sikmura. Nasapo nito ang tiyan sa sakit at napayuko.
Na sinamantala ng dalaga. Kumuha siya ng pin sa kanyang belt at itinarak sa isang bahagi ng batok nito, dahilan upang maparalisa ang kalaban.
Nabuhat pa niya ang pabagsak nitong katawan at dahan-dahang inilugmok sa sahig. Kinuha niya ang baril nito na alam niyang may silencer na nakakabit.
Sumilip siyang muli sa loob ng suite. At nakita niya ang dalawa pang lalaki na palapit na sa pintong pinagtataguan niya.
Parehong lumabas ang dalawang lalaki. At nagulat ang mga ito nang makitang nakalugmok na sa sahig ang isa sa kasamahan ng mga ito.
Naghagilap ang mga ito sa paligid at sa isang paglingon ay nakita ng mga ito si Angela na nakaumang ang baril sa mga ito.
Dalawang impit na putok ng baril ang pinakawalan ni Angela. Diretso sa ulo ang isa ngunit nadaplisan lang ang isa pa.
Sukat doon ay lumapit sa kanya ang lalaking nadaplisan lang at akmang susugod habang inilalabas ang isang kutsilyo.
Subalit nailagan niya iyon.
Kaya naman tumarak ang patalim sa dingding ng pasilyong iyon.
Habang abala sa pagtanggal ng patalim sa dingding ang lalaki ay kumuha naman ng pin si Angela sa kanyang belt. At gaya ng ginawa niya sa naunang lalaki, itinusok niya iyon sa batok ng lalaki.
Napalugmok ito sa sahig na dilat ang mga mata.
Dala-dala ang baril ay tinungo niya ang loob ng suite at dali-daling tinungo ang silid ng kanyang ina na bahagyang nakabukas.
Sa kanyang pagsilip sa siwang ng pinto, nagimbal siya sa nasaksihang eksena sa loob.
Isang babae ang duguang nakadapa sa kama, nakatarak pa rin ang patalim na maaaring gamitin sa pagpatay.