TATLONG katok sa pinto ang nagpabalik kay Alexis sa realidad.
Dahan-dahang binuksan ni Fate ang pinto ng kuwarto niya. May dala itong pagkain para sa kanya.
"Kuya, kumain ka muna. Ni hindi ka pa nagla-lunch."
Napangiti siya sa concern ng kapatid. Kakambal ito ni Cheska at mas matanda si Fate ng two minutes and thirty-six seconds.
"Salamat. Hindi ka na sana nag-abala pa."
"Si Kuya talaga. Kung anu-ano ang pinagsasasabi." Sinarado nito ang pinto sa pamamagitan ng pagsandal nito ng likod dito.
Inilapag nito ang dalang tray ng pagkain sa higaan at naupo sa harap niya.
Habang inaalis ni Fate ang mga takip ng pagkain ay kapansin-pansin ang pag-iwas nito ng tingin sa kanya na ipinagtaka niya.
"Fate, tumingin ka nga sa akin," utos niya rito.
"B-bakit, Kuya?" Napatingin na ito sa kanya.
"May problema ba?"
Nag-iwas ito ng tingin at saka bumuntong-hininga.
"Wala naman, Kuya."
"Then bakit hindi ka makatingin sa akin?" hindi makatiis na tanong niya.
Tumigil ito sa ginagawa at tumingin sa kanya.
"Nagi-guilty lang kasi ako, Kuya. Kasi hindi namin kaagad sinabi sa 'yo ang nangyari kay Ate Angela. Dati-rati kasi, sinasabi namin sa iyo ang lahat ng nangyayari rito sa mansyon."
"Fate, hindi ko kayo masisisi kung 'yon ang gusto ni Angela. Pero salamat na rin sa concern." At tinapik niya ang balikat ng kapatid.
Napangiti naman si Fate. At matapos niyon ay inayos nito ang pagkakainan niya.
"O, hayan. Kumain ka na," yaya nito sa kanya.
Maganang kumain si Alexis habang nakikipagkuwentuhan kay Fate. Lahat halos ng mga nangyari sa hacienda ay naikuwento na nito. Wala itong pinalagpas.
Maging ang mga relationship ng kanyang mga kapatid at pati na rin ang tungkol sa kanyang mga kababata ay naisalaysay nito.
"Nagkaroon ng boyfriend si Ate Cecille at dapat ay sasabihin na sa lahat ang kasal nila. Kaya lang, may nangyari kay Kuya Niel noong araw na ginanap ang engagement party."
"Niel?"
"Oo. Iyon ang boyfriend ni Ate. In-ambush ang kotse nito on the way papuntang party. Kaya ngayon ay hindi pa rin siya nagkakaroon ng boyfriend."
"Kailan pa nangyari iyon?"
"Almost a year ago. Kaya tingnan mo naman, halos doon na sa office nagkukulong si Ate. Si Kuya Joaquin naman, ayaw na niyang magmahal. Paano ba naman, napatay ang fianceé niyang si Ate Sylvia three years ago."
"Kayong tatlo nina Cheska at Nathan, may mga naging kasintahan ba kayo?"
"Kung sina Cheska at Kuya Nathan ang tatanungin mo, wala pa. Kasi naman, ang relationship lang na meron sila ngayon ay ang relationship nilang magkapatid. Asaran dito't inisan diyan."
"Eh, ikaw?"
Hindi agad kumibo si Fate.
"Fate..."
Napabuntong-hininga ito bago sumagot.
"Hindi ako sinipot ng groom-to-be ko sa araw ng kasal namin."
"Ha? Paano iyon? May alam ka ba kung ano'ng nangyari, kung saan siys nagpunta?"
Umiling ito.
"Ayoko munang pag-usapan iyon, Kuya. Nasasaktan lang ako sa tuwing naaalala ko iyon."
"Sorry..." hinging-paumanhin niya.
"Okay lang 'yon. Anyway, si Kuya Kevin lang naman ang alam kong may minamahal ngayon. Kaya lang, wala siya rito."
"Sino ba 'yon?"
"Naaalala mo ba 'yong anak na dalaga ni Aling Belinda, si Jillian?"
"Oo."
"Siya ang mahal ni Kuya Kevin."
"Nasaan siya ngayon?"
"Hindi ko alam. Biglaan naman kasing umalis, eh. Si Kuya Joel naman, hindi ko alam kung may love life nga ba o wala. Masyadong malihim iyon pagdating sa personal niyang buhay."
Hindi pa rin tapos si Fate sa kakukuwento sa kanya nang matapos na siyang kumain. Natigil lang ang pag-uusap nila nang pumasok si Don Javier sa silid.
"Tapos ka na bang kumain, Alexis?" kapagkuwa'y tanong ng ama sa kanya.
"Opo, Dad. Medyo ginanahan nga akong kumain dahil sa dami ng ikinuwento nitong si Fate sa akin."
"Mabuti naman. Ah, siyanga pala. Puwede ba kitang makausap sandali?"
"Tungkol saan, Dad?" kunot-noong tanong niya.
"Ah, ang mabuti pa siguro ay umalis muna ako. Mukha kasing napakaimportante ng pag-uusapan ninyo ni Daddy." Kinuha ni Fate ang tray ng pinagkainan niya at agad na lumabas ng silid.
xxxxxx
"TUNGKOL saan ang pag-uusapan natin, Dad?" tanong ni Alexis sa ama nang makalabas na ng kuwarto si Fate.
"Tungkol sana sa nangyari kay Angela."
"Ano ho ang tungkol doon?"
"Anak, alam kong kagagaling mo lang sa Canada. Pero ikaw lang ang makakalutas sa kasong naiwan ni Angela."
"Hindi ko kayo maintindihan, Dad. Anong kaso ang sinasabi n'yo?"
"Tungkol sa pagkamatay ng Mama mo at ni Criselda."
"Pero, Dad... ang akala ko ba ay sina Joel at Joaquin ang gumagawa niyon?"
"Patong-patong ang kasong hinahawakan ngayon ng dalawang iyon, dahilan upang hindi nila kaagad maasikaso ang tungkol kay Isabella."
"You mean, pagkabalik ni Angela rito ay inasikaso niya kaagad ang kaso tungkol sa pagkamatay ni Mama?"
"Tama ka. At sa palagay ko, iisa lang ang may kagagawan sa pagkamatay ng Mama mo at ni Criselda. May matinding dahilan ang kung sino mang demonyong iyon upang patayin sila nang ganoon kabrutal."
Napaisip bigla si Alexis. Tama ang kanyang ama.
Naalala niya ang sinabi ni Kevin na pinatay ang ina nitong si Criselda dela Vega sa parehong paraan ng pagpatay sa kanyang ina. Seventeen stabs of knife and eight of them were fatal.
At sa nangyari kay Angela, posibleng may koneksyon iyon sa nangyari sa dalaga. Kung ano man iyon ay kailangan niyang tuklasin upang maibalik sa dati ang kababata.
"Ano ang gusto n'yong gawin ko, Dad?" kapagkuwa'y tanong niya kay Don Javier.
"Ikaw ang maghahanap ng lead na makakapagturo kung sino ang gumawa nito sa kanilang tatlo. Alam kong mahihirapan ka dahil kadarating mo pa lang pero--"
"Don't worry, Dad," putol niya sa iba pang sasabihin nito. "Gagawin ko iyon. Para mabigyan na rin ng hustisya ang ginawa nila kina Mama at Tita Criselda."
xxxxxx
KINABUKASAN ay maagang nagising si Alexis. Gusto pa sana niyang matulog pero ayaw naman nang makisama ng kanyang mga mata.
Dumiretso siya sa banyo at nag-shower, pagkatapos ay nagbihis na at agad na bumaba.
Nakasalubong niya ang mayordomang si Aling Belinda nang makarating siya sa baba.
"Sir Alexis, mag-aalmusal na po ba kayo?"
"Mamaya na lang po siguro. Pagbalik ko na lang po galing sa pangangabayo."
"Ah, may gusto po ba kayong ipaluto?"
"Hmm... Ipagluto n'yo na lang po 'yong paborito kong sinampalukang manok. Ang tagal ko na rin pong hindi natitikman iyon, eh."
"Sige po."
Palabas na sana ng mansyon si Alexis nang biglang mapadako ang kanyang paningin sa portrait ng islang binili ng kanyang ina.
Ano na kaya ang nangyari sa islang ito?
Nakapokus pa rin ang kanyang mata sa portrait nang biglang may tumikhim. Hinagilap niya kung saan nanggaling iyon at nakita niya si Cecille na nakatayo sa gitna ng hagdan.
"Iniisip mo ba kung ano na ang nangyari sa islang 'yan, Kuya?" nakangiting tanong ng kapatid sa kanya.
"Paano mo nalaman?" gulat na balik-tanong niya.
"Wala lang. It's just a guess but I never realized na tatama ako. Anyway, pinatayuan na ng resthouse 'yan two years after you left. Then pinag-iisipan din nina Daddy at Tito Carlos na patayuan din ng hotel 'yan para pagbakasyunan."
"Wow! May nakaplano na pala kayo para sa isla."
"Well, iyon naman ang gusto ni Mommy in the first place. Gusto lang naming matupad iyon. By the way, saan ka pupunta? Ang aga-aga pa, ah."
"Ah, plano ko sanang mangabayo at libutin ang hacienda."
"Ganoon ba? Okay then. Mag-iingat ka na lang, ha?"
"Sige."
Lumabas na siya ng bahay at agad na dumiretso sa kulungan ng mga kabayo.
Agad siyang sinalubong ni Mang Ambo na siyang tagabantay sa mga kabayo.
"Magandang umaga po, Sir Alexis," bati nito sa kanya.
"Magandang umaga rin sa inyo, Mang Ambo."
Nilapitan niya ang isang puting kabayo at agad na sinakyan iyon nang tuluyan na itong ilabas sa kulungan nito.
"Saan po kayo pupunta, Sir?"
"Plano ko lang libutin ang buong hacienda. Hintayin n'yo na lang ako rito."
"Sige po. Mag-iingat po kayo, Sir."
Agad na pinatakbo ni Alexis ang sinasakyang kabayo. Una niyang pinuntahan ang kagubatang madalas nilang puntahan noon ni Angela.
Nang makarating siya sa nasabing gubat ay nakita niyang walang masyadong ipinagbago ang lugar na iyon. Bagkus, mas lalo pa itong naging malago.
Nang muli niya itong masilayan ay hindi niya maiwasang alalahanin ang kakabit na alaala ng lugar na iyon. Mga alaala kasama ang babaeng lihim na minamahal.
Lalo na ang isang pangyayaring namagitan sa kanila ng dalaga noon na sa tingin niya ay pinanatiling sikreto ni Angela hanggang sa huli...