GISING na ang lahat nang makauwi si Alexis sa ancestral house at napansin ng mga ito ang dala niyang kahon.
"Ano 'yang dala mo, Kuya?" kapagkuwa'y tanong ni Fate sa kanya.
"At saan mo 'yan nakuha?" tanong naman ni Elena.
"Mamaya ko na sasabihin," sagot niya habang inilalapag ang kahon sa center table ng kanilang sala. "Nasaan nga pala si Papa at si Tito Carlos?"
"May pinag-uusapan lang sandali pero pababa na rin ang mga iyon."
"Mabuti naman."
Lalong nagtaka ang lahat sa sinabi niyang iyon. Nagkatinginan ang mga ito at bumaling sa kanya na kasalukuyang pinagmamasdan ang kahon.
Subalit panandalian lang iyon dahil ilang sandali pa ay agad na bumaba ang dalawang don at agad rin na napansin ng mga ito ang kahon.
"Kanino naman nanggaling ang kahong 'yan, anak?" kaswal na tanong ng kanyang ama.
"Pag-aari ito ni Mama, Dad."
Lahat ay nagulat sa sinabi niyang iyon.
"What do you mean pag-aari ni Tita Isabella ang kahong iyan, Alex?"
"Tingnan ninyo ito." At binaliktad niya ang kahon upang ipabasa sa lahat ang pangalang nakaukit sa ilalim niyon.
ISABELLA MONTALBAN-CERVANTES. Iyon ang pangalang nakaukit doon.
At sa ibaba naman ng pangalang iyon ay isang petsa. Marahil ay ang petsa kung kailan iyon inilibing doon sa gubat. Tatlong araw bago pinaslang ang kanyang ina.
"Kung pag-aari 'yan ni Mama, ano naman ang dahilan niya para ilibing 'yan?" tanong ni Cecille.
"Iyon ang kailangan nating malaman," aniya habang inilalapag sa dating posisyon ang kahon.
"Isang malaking tanong, Alexis. Paano natin mabubuksan 'yan?"
Hindi siya nakasagot. Iyon ang isang bagay na hindi niya kaagad napag-isipan. 'Di nagtagal ay biglang sumagot si Don Javier.
"Alex, kung kay Isabella ang kahon na 'yan, nakasisiguro akong nandito lamang ang susi niyan. Alam kong inaasahan niyang isang araw ay isa sa inyo ang makakatuklas ng kahong iyan."
"Kaya ba inukit ang pangalan ni Mama sa ilalim nito?"
"Sa palagay ko," sagot ng don.
Bago siya nag-isip ay hinagilap ng kanyang mga mata ang isang partikular na tao.
"N-nasaan nga pala si Angela?" pasimpleng tanong niya sa mga ito.
"Naroon sila ni Elizza sa veranda," sagot ni Nathan. "Napapansin ko na palagi kang wala sa sarili mo matapos mong malaman ang tungkol kay Ate Angela, Kuya. Okay ka lang?"
Tumango siya at bumuntong-hininga.
"Pagod lang siguro ako."
"Ngayon, ang kailangan nating gawin ay hanapin kung nasaan ang susi niyan para malaman na natin kung ano ang laman ng kahong iyan," wika ni Aaron.
"Ang tanong ay kung saan tayo magsisimulang maghanap," ani Fate.
Napaisip ang lahat. Hanggang sa biglang magsalita si Cheska.
"Kung ganito rin lang ito kaimportante, walang ibang puwedeng pagtaguan si Mama ng susi kundi sa paborito niyang lugar."
Nagkatinginan ang lahat bago humarap sa dalaga.
"Sa study room?" halos sabay nilang sabi.
Tumango lang ito. Matapos ang ilang sandali ay tumayo si Alexis.
"Kung gayon, simulan na nating maghanap. Isa sa inyo ang magdala ng kahon sa study room at tayong lahat ay maghahanap ng susi. Okay ba 'yon?"
Sumang-ayon ang lahat.
xxxxxx
NANG marating nila ang study room sa second floor ng ancestral house ay saglit na natigilan si Alexis.
Pakiramdam niya ay bumalik siya sa nakaraan. Walang ipinagbago ang study room ng kanyang ina.
Nang buksan nila iyon ay namangha siya. Sinabi ng kanyang ama na wala nang gumagamit ng study room matapos patayin si Donya Isabella. Marami kasing alaala ang kakabit ng silid na iyon kaya masakit sa kanilang magkakapatid na Cervantes, maging sa mga dela Vega sa tuwing magtutungo sila sa silid na iyon.
Napakalinis ng silid na iyon. Tila ba kahapon lang huling ginamit. At may kalakihan iyon.
Ang totoo ay napanatili ng kanyang ama ang kalinisan at kasinupan ng lugar na iyon. Tulad ng ginagawa ng kanyang ina matapos na gamitin ang silid.
"Okay. Simulan na natin ang paghahanap," ani Alexis at agad na dumiretso sa cabinet.
Silang lahat ay ginawa ang makakaya upang mahanap ang susi ng kahon. Lahat ng sulok ng silid ay hinalughog nila. Subalit hindi nila makita ang kailangan.
"Cheska, baka naman nagkamali ka lang ng akala nang sabihin mong dito sa study room itinago ng Mama mo ang susi ng kahon," ani Kevin na kumuha ng isang libro at binuklat iyon.
"Hindi ako puwedeng magkamali. Kilala ko ang Mama ko. Kilala namin siya," depensa ni Cheska.
Tama ito. Kapag napakaimportante ng isang bagay sa kanilang ama ay dito lamang nito itinatago iyon. At tanging ang mga miyembro ng pamilya Cervantes ang nakakaalam niyon.
"Pero saan pa natin hahanapin 'yon?"
"Nandito lang ang susi. Sigurado ako sa bagay na iyon."
Natahimik ang lahat nang mapansin nila ang biglang pagkunot ng noo ni Fate. Nilapitan nito ang isang blow-up picture ng dalawang angkan na kinuhanan pa labing-isang taon na ang nakakalipas. Nakasabit ito malapit sa bookshelf na katabi ng bintana.
"Ngayon ko lang nakita ang picture na iyo, ah." Kapagkuwa'y inalis sa pagkakasabit ang litratong naka-frame. At laking-gulat ng dalaga nang makita ang isang vault sa pinagsabitan ng picture frame.
Nagulat ang lahat nang makita ang vault. Agad nilang nilapitan ito at tinangkang buksan subalit naka-lock din iyon at hindi nila mabubuksan iyon hanggang hindi nila pinipindot ang six-number combination.
"Ibang klase naman si Tita Isabella. Talagang pinahihirapan tayo nang husto sa paghahanap lang ng isang susi," reklamo ni Aaron.
"Ano namang six-number combination ang ilalagay natin upang mabuksan ang vault na 'yan?"
"Kailangang pag-isipan nating mabuti," tanging nasabi ni Alexis.
Ang totoo niyan ay malapit na siyang sumuko. Subalit laging sumasagi sa kanyang isipan si Angela kaya kinakaya pa niya at hinahabaan pa ang pasensiya.
Kailangang huwag akong sumuko. Kakayanin ko ito upang maibalik sa dati si Angela. Hindi ako susuko para sa kanya. At para mabigyan ng katarungan ang pagkamatay ni Mama, madalas niyang isipin.
Ang lahat ay napaisip kung ano ba ang combination na ilalagay nila. Si Fate naman ay patuloy lang ang pagtingin sa picture nang mahagip ng paningin nito ang isang petsa sa ibaba ng larawan.
Iyon ay ang petsa kung kailan kinuhanan ang litrato.
Hindi kaya ito ang combination? Nang maisip na posibleng ang petsang nasa litrato ay ang six-number combination na kailangan ay agad nitong nilapitan sina Joel at Alexis.
"Kuya, subukan kaya natin ang date na ito?" At itinuro nito ang tinutukoy na petsa.
Nag-alangan si Alexis sa sinabi ng kapatid.
"Sigurado ka ba, Fate?" tanong nito.
"Walang mawawala kung susubukan natin, Kuya. At alam kong hindi maglalagay ng vault diyan si Mama kung hindi natin kaagad malalaman ang susi nito. Subukan lang natin at kung hindi mabuksan ay saka tayo mag-isip ng panibagong combination."
May punto ang sinabing iyon ni Fate. Wala nga namang mawawala kung susubukan nila.
"Sige. Gawin na natin," wika ni Joel.
Si Cecille ang nagtipa ng mga numero sa keypad ng vault at nang matapos ay nahigit nila ang kanilang hininga nang sinubukang buksan iyon. At napahinga sila nang malalim nang mabuksan iyon. Tama ang sinabi ni Fate.
Nang tuluyang mabuksan ang vault ay nagtaka ang lahat nang makita ang mga nakatuping papel at isang hardbound na notebook na sa kanilang palagay ay isang diary. Nakita na rin nila sa wakas ang susi.
Kinuha ni Cecille ang lahat ng nasa vault at iniabot kay Alexis ang susi. Iniabot ni Joaquin dito ang kahon.
Bubuksan na sana nila ang kahon nang bigla silang nakarinig ng malakas na tili na magmula sa veranda.
"Ano 'yon?"
"Hindi ko alam pero kailangan nating puntahan. Baka kung napaano sila."
Dala ang kahon ay tinakbo nilang lahat ang pasilyo patungo sa veranda.
xxxxxx
BAHAGYA pang nagulat si Elizza nang biglang dumating ang mga kapatid at kababata. Kabig niya ang ulo ng kanyang Ate Angela na ngayon ay walang malay na nakahiga sa kanyang hita.
"Ano'ng nangyari rito, Liz?" agad na tanong ng kanyang Kuya Joel nang makalapit ito sa kanya.
"Wala naman. Nag-hysterical lang si Ate nang makarinig ng putok ng baril kanina. Kaya sinaksakan ko ng pampakalma," paliwanag niya.
"Ang mabuti pa ay dalhin muna natin siya sa kanyang kuwarto at saka mo ipaliwanag sa amin ang nangyari," wika ni Elena.
"Okay."
Binuhat ni Alexis ang dalagang walang malay at walang sabi-sabing tinungo ang silid nito. Nang inihiga nito si Angela ay napansin ni Elizza ang pagkislap ng mga mata ng binata nang masilayan nito ang kanyang Ate Angela.
Hinawi rin ni Alexis ang nakatabing na buhok sa mukha ni Angela at saka ito kinumutan.
Kapagkuwa'y humarap ito sa kanila.
"First time lang bang nangyari ito, Liz?"
Umiling siya. "If I can still remember, third time nang nangyari ang ganito sa kanya. But this time, may ibinubulong na siyang pangalan. Parang hinahanap niya."
"Ano'ng pangalan?"
Makahulugang ngumiti si Elizza sa lahat.
"Pangalan ni Kuya Alexis ang binabanggit niya."
"H-ha?" tanging sambit nilang lahat.
Natural lang na magulat sila dahil ilang taong nawala sa poder nila si Alexis and yet, ito ang taong hinahanap ng dalaga.
Sinulyapan ni Alexis ang dalagang kasalukuyang nahihimbing. Subalit napailing na lamang ito dahil sa kung ano-anong isiping pumapasok na naman sa utak nito.
Hindi kaya may feelings pa rin si Kuya Alexis kay Ate Angela hanggang ngayon at gustong-gusto na niyang sabihin? Lihim na kinilig si Elizza sa isiping iyon.
Noon lang niya napansin ang dalang kahon ni Nathan.
"Ano 'yang hawak mo, Nathan?"
"Ah, ito ba? Kahong nakita ni Kuya Alexis sa gubat. Supposed to be, bubuksan na namin ito kanina. Kaya lang, 'yon nga. Narinig naming sumigaw si Ate Angela kaya naantala ang pagbubukas namin nito."
"Ang mabuti pa siguro ay buksan na ninyo 'yan. Baka mamaya niyan, mawala pa 'yan sa mga paningin ninyo."
Naupo na lamang silang lahat sa carpeted na sahig at doon inilapag ni Nathan ang kahon. Hawak-hawak pa rin nina Fate at Cheska ang mga nakatuping papel at ang diary.
Inilabas ni Alexis ang susi sa kanyang bulsa. Handa na silang buksan ang kahong inilihim ni Donya Isabella sa kanilang lahat ng mahigit sampung taon.
Nakasisiguro si Alexis na malaki ang maitutulong ng kung ano man ang laman ng kahon sa pagresolba sa lahat ng kaguluhang nangyayari sa kanilang lahat.
Silang lahat ay nahigit ang paghinga nang unti-unting binubuksan ng binata ang kahon.
Nang maalis na nito ang susi at mabuksan ito ay laking pagtataka nila sa nakitang laman nito.
Bakit ganito ang laman nito? hindi mapigilang bigkasin ng kanyang isip sa gitna ng labis na pagtataka.