NAPAMAANG si Belle nang makita niya ang pagsilay ng ngiti sa mukha ni Kieran. Sa isang iglap ay nakita niya ng malapitan ang Kieran na nakita niya sa mga larawan nito. Kung kaya lang niyang pahintuin ang oras para matagal pa niyang matitigan ang ngiting iyon. O kung may camera lang sana siya para makunan ito.
Ngunit bukod sa wala siyang camera ay hindi rin niya kayang pahintuin ang oras. Dahil nawala na ang ngiti nito at kumunot na naman ang noo. “What?” takang tanong nito sa kaniya.
Kumurap siya. “Ngumiti ka kasi,” nausal niya bago pa niya napigilan ang sarili.
Mukhang nagitla ito sa sinabi niya kaya tumikhim siya at ngumiti. “Anong oras tayo pupunta sa bayan?” Totoong gusto niyang makita kung paano ang fiesta sa San Bartolome. Pagkatapos ay may bigla siyang naisip. “Teka, kaya mo na bang kumilos? Baka mabinat ka. May sakit ka lang kagabi.”
“I’m fine. Besides, kailangan mo ring bumili ng maisusuot mo,” sagot nitong bumaba ang tingin sa katawan niya… huminto sa dibdib niya. Nag-init ang mukha niya nang maalalang wala siyang suot na bra. Napahalukipkip siya. Bago pa siya makapagsalita ay tumalikod na ito. “Mamayang gabi tayo pupunta. I hate to go there at day time,” anitong naglalakad na patungo sa direksyon ng hardin.
“Bakit?” takang tanong niya.
Napahinto ito at nilingon siya. May mapait na ngiti sa mga labi nito. “Hindi pa ba halata? Natatakot sila kapag nakikita ang mukha ko. So it’s better to go at night, kapag wala nang masyadong makakapansin. Havent you heard? They are calling me a beast around here.”
Napakunot noo siya sa sarkasmo sa tinig nito. Hindi niya alam kung bakit pero naiinis siya na ganoon ang iniisip nito sa sarili nito. “Hindi ka pangit. Sa isang tingin ay nakakatakot ka nga, pero kung aahitin mo lang ang mga balbas mo hindi na sila matatakot sa iyo.”
Napatitig ito sa kaniya, nawala na ang ngiti sa mga labi. “I think you need eyeglasses Belle. I am ugly and a cripple. If that’s not beastly to you then you have no taste. Sayang ang kagandahan mo kung ganoon.” Iyon lang at muli na itong tumalikod at lumabas sa hardin bago pa siya makapagsalitang muli.
Wala na ito sa paningin niya ay saka lamang tumimo sa isip niya ang dalawang bagay. Tinawag siya nito sa pangalan niya. At higit sa lahat sinabi nitong maganda siya. Kung hindi lang sana siya nababahala sa pait na narinig niya sa tinig nito ay magtatalon na siya sa tuwa.
At bakit siya magtatalon sa tuwa na sinabi nitong maganda siya? Napakagat labi siya nang bahagyang sumikip ang dibdib niya sa paraang medyo masarap sa pakiramdam. Napahinga siya ng malalim. Ano bang nangyayari sa kaniya? Ilang araw pa lang siya roon pero bakit pakiramdam niya ay may naiba sa kaniya? Hindi lang niya masyadong mawawaan kung ano.
MAINGAY at nagkakasiyahan ang mga tao sa plaza nang magtungo sila ni Kieran doon pagsapit ng alas otso ng gabi. Dahil abala sa singing contest sa stage ang karamihan at ang iba naman ay nasa perya ay halos wala namang tumitingin sa kaniya.
Napahinto si Belle nang mapansing hindi na niya kaagapay si Kieran. Bahagya siyang nag-alala na baka bigla na lang itong umalis kaya marahas siyang napalingon sa likuran niya. Nakahinga siya ng maluwag nang makita ito roon, dalawang metro yata ang layo sa kaniya. Napapansin niyang nakatiim na ang mukha nito. Napansin din niya ang ilang nakakasalubong nito na napapalayo rito kapag nakikita ito. Napakunot tuloy ang noo niya at gustong sikmatan ang mga taong iyon. Ang OA naman ng mga ito. Akala mo naman kagaganda at guguwapo.
Lumapit siya kay Kieran. “Bakit nandiyan ka?” takang tanong niya rito.
Lalong dumilim ang anyo nito at nag-iwas ng tingin. “Sinabi ko na sasamahan kita pero hindi ko sinabi na sasabay ako sa paglalakad mo. Mas mapapansin ako kung may kasama ako. Besides, it will be bad for you to be seen with me,” malamig na sagot nito.
Napabuntong hininga siya. Hayun na naman ang tono nitong iyon na malapit na niyang ikapikon. Tiningnan niya ang mukha nito at nang makitang hindi pa rin ito tumitingin sa kaniya ay naningkit na ang mga mata niya. Kusang kumilos ang katawan niyang lumapit pa dito ng husto at hinawakan ang kaliwang braso nito. Naramdaman niyang natigilan ito at gulat na napayuko sa kaniya.
O di tumingin ka rin. Napangiti tuloy siya at napansin niyang tila lalo itong natigilan. “Tara na,” aniyang inakay na ito patungo sa plaza.
“You are crazy,” bulalas nito.
Napatingala tuloy siya rito. “Bakit?”
Titig na titig na ito sa kaniya. Napasinghap siya nang biglang umangat ang isang kamay nito sa mukha niya at haplusin ang pisngi niya ng likod ng kamay nito. Siya naman ang natigilan, ang pintig ng puso niya ay bumilis at para siyang lalagnatin sa biglang pag-init ng bahagi ng mukha niyang naparaanan ng likod ng kamay nito. Nagtama ang mga mata nila at bigla ay para siyang kakapusin ng hininga nang makita na naman niya ang kislap na iyon sa mga mata nito – na para bang nais nitong tawirin ang pagitan ng mga mukha nila. Napahigpit tuloy ang hawak niya sa braso nito.
“You have bad taste,” usal nito, ngunit walang himig ng panlalait sa tinig nito. Bagkus ay malambot iyon, halos pabulong at nagdulot iyon ng init sa dibdib niya.
Inalis nito ang kamay sa mukha niya at nag-iwas ng tingin. Napakurap siya, nawala ang mahikang saglit na bumalot sa kanilang dalawa. “Let’s go,” aya nito at nagsimulang maglakad. Mababahala sana siya ngunit nakalma nang mapagtanto niyang hindi nito tinangkang pagpagin ang kamay niya na nakakapit pa rin sa braso nito. Nakangiting umagapay siya rito.
Kakabalik pa lamang sa normal ng paghinga niya nang mapalingon siya sa harapan nila at manlaki ang mga mata nang makita kung sino ang masasalubong nila ni Kieran. Gaya niya ay nanlaki rin ang mga mata ng mga ito nang mapatingin ang mga ito sa kaniya.
“Belle?!” sabay pang bulalas ng mga ito.
Hindi siya makapaniwalang nawala sa isip niya ang mga ate niya. Napakagat labi siya. Bakit ganoon? Himbis na makahinga siya ng maluwag na nakita na niya ang mga ito ay para pang pinagbagsakan ng malaking bato ang puso niya. Ah, dahil alam niyang malalaman na ni Kieran na nagsinungaling siya rito. At ang kaalamang magagalit ito sa kaniya ay mas masakit pala sa pakiramdam niya kaysa inaasahan niya.