Part 13

1154 Words
NAPANGITI si Belle nang hindi na niya maabutan ang mga tinira niyang pagkain para kay Kieran nang magising siya kinabukasan. Ibig sabihin ay kumain ito. Hindi niya alam kung bakit pero naging dahilan iyon para maging maganda ang simula ng araw niya. Masiglang nagtungo siya sa direksyon ng hardin, nagbabakasakaling naroon si Kieran. Subalit wala ito roon. Naisip niya na baka napasarap lang ang tulog nito. Tumila na ang ulan at napakagandang pagmasdan ng mga halaman at puno habang nasisikatan ang mga iyon ng pangumagang araw. Gusto niya sanang alisin ang tolda na nakatakip sa mga rosas pero ayaw niyang magalit na naman sa kaniya si Kieran kaya hinayaan na lamang niya iyon doon. Bumalik siya sa kusina at nagluto ng almusal at nagbrew ng kape. Napapakanta pa siya habang ginagawa iyon. Dinagdagan din niya ng pang isang tao pa ang niluluto niya para may makain ang binata. Ang kalahati ng atensyon niya ay nakaabang sa pagbaba nito. Subalit nakahain na siya ay hindi pa rin ito nagpapakita sa kaniya. Nagtaka na siya. Hanggang hindi na nakatiis. Pumanhik na siya sa ikalawang palapag upang gisingin ito. Di bale nang masigawan siya nito o huwag pagbuksan ng pinto basta malaman lang niya na maayos ang kalagayan nito. Nagtaka siya nang mapansing bahagyang nakaawang ang pinto ng silid nito. Napabilis tuloy siya ng lapit doon. Imposibleng sinadya nitong iwang bukas iyon. Nang lakihan niya ang bukas ng pinto ay nanlaki ang mga mata niya at gumapang ang pagkataranta sa katawan niya nang makitang naka handusay ito sa sahig na malapit sa kama nito, nakapamaluktot at nanginginig ang katawan na tila lamig na lamig. “Kieran!” sigaw niya sabay lapit dito. Lumuhod siya sa harap nito at nang hawakan niya ito ay halos mapaso siya sa init nito. Mataas ang lagnat nito at mukhang nang bumalik ito sa silid nito kagabi ay hindi na ito umabot sa kama. Nataranta na siya at nagpalinga-linga sa silid kahit sa totoo lang ay hindi naman niya alam kung ano ang hinahanap niya. Pagkatapos ay muli niya itong tiningnan. May pawis sa noo nito at tila hirap na hirap ito. Parang may lumamutak sa puso niya. Masuyo niyang hinaplos ang pisngi nito at bahagya itong umungol. Huminga siya ng malalim at kahit hirap na hirap ay binuhat niya ito para ilipat sa kama. Inaasahan na niya na mabigat ito pero hindi lang niya naisip na ganoon pala kabigat. Idagdag pang napapaso siya sa paglalakapat ng katawan nito sa kaniya – na may pakiramdam siyang hindi lang dahil inaapoy ito ng lagnat. Pero hindi niya iyon pinagtuunan ng pansin. Nang sa wakas ay maihiga niya ito sa kama ay hingal kabayo na siya. At sa kabila nang alam niyang matalas na pakiramdam nito ay hindi ito nagising sa ginawa niya. Tumagilid lang itong muli, namaluktot at umungol na tila nananaginip ng hindi maganda. Naawa siya rito. Bagay na pinaalala niya sa sariling huwag ipapahalata dito kapag nagising ito dahil tiyak na magagalit ito sa kaniya. Muli niyang hinaplos ang mukha nito, sa pagkakataong iyon ay ang bahaging may peklat. Umigtad ito at mabilis niyang nabawi ang kamay. Basang basa ito ng pawis at kailangan nitong mapunasan at mapalitan ng damit. Kahit nag-init ang mukha niya sa ideyang iyon ay kumilos na rin siya upang hanapan ito ng pampalit na damit. Nabuksan niya ang dressing room at saglit siyang natigilan nang makita ang sangkaterbang damit ng babae doon. Marahil ay damit iyon ng asawa nito. Hindi pa rin nito inaalis iyon doon. Mahal pa rin siguro niya. Inalis niya ang tingin doon at hinanap ang mga damit ni Kieran. Kinuha niya ito roon ng tshirt at pantalong cotton ang tela. Pagkatapos ay hinalughog rin niya ang dressing room para sa mga towel. Lalabas na sana siya nang mahagip ng tingin niya ang mga nakahigang picture frames na nakapatong sa ilang mga damit doon. Sumikdo ang dibdib niya at inabot iyon. Ang bumungad sa kaniya ay lawaran ng isang lalaki at babaeng parehong ngiting ngiti sa larawan. Nakaakbay ang lalaki sa babae at sa likod ng mga ito ay ang bahay na iyon noong mga panahong bagong bago pa ang pintura niyon. Kumikislap sa kasiyahan ang mga mata ng mga ito at damang dama niya ang pagmamahal ng mga ito sa isa’t isa. Siya si Regina. At ang lalaking ito… si Kieran. Wala sa loob na nahaplos niya ang mukha nito sa larawan. Wala pang peklat ang mukha nito roon, wala pang balbas at bigote, may init pa ang kulay abong mga mata nito at may ngiti pa sa mga labi nito. Tiningnan niya ang iba pang larawan roon. May kuha ito na kasama si Adrian at isa pang lalaki. Ang iba pa ay ito at si Regina. Masaya ito sa lahat ng larawan nito. Ano ba talagang nangyari at nag-iba ito? At ano ang maari niyang gawin para makita lang na masaya itong muli na gaya ng sa mga larawan? At bakit gusto mo siyang makitang masaya? Usig ng isang bahagi ng utak niya. Ipinilig niya ang ulo. Hindi rin niya alam kung bakit. At hindi iyon ang oras para isipin ang dahilan. Bantulot niyang ibinalik ang mga picture frames at lumabas doon. Huminga siya ng malalim nang makita si Kieran. Bago niya inilapag sa lamesa ang mga damit nito. Pagkatapos ay mabilis siyang bumaba upang kumuha ng palangana ng tubig. Pinunasan niya ang mukha nito at sa tuwina ay umuungol lang ito. Pagkatapos ay sinimulan niyang hubarin ang suot nito sa kabila ng mabilis na kabog ng dibdib niya. Nang matanggal niya ang tshirt nito ay nanlaki ang mga mata niya sa mga mahahabang peklat sa bandang dibdib nito hanggang sa baywang. Nang tingnan niya ang likod nito ay napagtanto niyang mas malalaki at marami ang mga hiwang iyon doon. Parang may humalukay sa sikmura niya at kahit hindi niya alam kung anong nangyari doon ay nag-init ang mga mata niya. Pinaraanan niya ng mga daliri niya ang mga peklat na iyon. Noon nagmulat ng mga mata si Kieran. Ngunit hindi niya binawi ang kamay at sinalubong ang mga mata nito. “W-what are you doing?” usal nito sa paos na tinig. Napalunok siya at hinawi ang buhok nitong pumagkit sa noo nito. “Pawis na pawis ka. Lalo kang magkakasakit kapag hindi ko pinalitan ang damit mo at pinunasan ka. Magpahinga ka lang. Wala akong gagawing masama sa iyo,” sagot niya rito. Kinuha niya ang towel na binasa niya ng malamig na tubig at sinimulan itong punasan. Muli itong napapikit at napaungol. “Thank you,” usal nito. Napangiti siya. Mabuti pa pala kapag halos wala itong malay ay ganoon ito kabait. “Walang anuman. Matulog ka na,” ganti niya sa mahinang tinig. Bumuntong hininga ito. At nang matapos niyang punasan ang itaas na bahagi ng katawan nito at nasuotan na ito ng panibagong damit ay naramdaman na niya ang paglalim ng tulog nito.  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD