INIS na tinapos ni Belle ang pagkain niya ng almusal. Napakasama talaga ng ugali ng Kieran na iyon. Nagpakababa na nga siya na ipagtimpla ito ng kape at ngitian ng pagkatamis tamis ay ni hindi man lang nito tinikman ang tinimpla niya. Pwes, bahala ito sa buhay nito. Hindi na siya gagawa pa ng paraan para bumait ito sa kaniya. Masyado namang malaki ang bahay na iyon kaya makakaya naman siguro niyang manatili roon nang hindi ito nakikita.
Pagkatapos niyang kumain ay himbis na maglinis kaagad ay pinakiramdaman muna niya ang kabahayan. Nang wala siyang marinig mula sa itaas ay naisip niya na baka nakatulog na ito. Sinamantala niya iyon at lumabas ng bahay. Pagkatapos ay patakbo niyang tinahak ang daang pinanggalingan niya kahapon. Napaawang ang mga labi niya nang makita ang mataas na gate na bakal sa kahapon ay bukas na daan. Paano nagkaroon niyon doon?
Hahawakan sana niya iyon nang maalala ang mga pinag-uusapan ng mga ito kahapon at dagling napaatras. Paano ba niya malalaman kung talagang may kuryente iyon o tinatakot lang siya ng mga ito? Nagpalinga-linga siya at kumuha ng sanga sa lupa na may munting tuyot na dahon sa dulo. Hinagis niya iyon sa gate. Nanlaki ang mga mata niya nang may magspark doon at nasunog ang dulo ng dahon. Nanghihinang napaupo siya sa sahig.
“Ano bang klaseng lalaki talaga siya at may ganito siyang gate? Sindikato nga yata siya,” naiiyak na usal niya sa sarili. Muli siyang tumayo at tumitig sa direksyon ng bayan. Kapag kaya sumigaw siya ay may makakarinig sa kaniya? Pupuntahan ba siya ng mga ate niya? Pero kapag ginawa niya iyon ay baka talagang ipakulong na siya ni Kieran at Adrian. Malalaman pa ng mga ito na nagsinungaling siya sa mga ito kagabi. Higit sa lahat ay baka malaman ni Adrian kung ano ang mga kaso ng mga ate niya at tatlo pa silang magkasama-sama sa kulungan.
Laglag ang balikat na tumalikod siya sa gate at nagsimulang maglakad pabalik sa bahay. Wala talaga siyang pagpipilian kung hindi ang manatili roon hanggang bumalik si Adrian. Iyon lang ang tanging paraan para makalabas siya roon nang hindi mauuwi sa kulungan ang kahit sino sa kanila.
Tahimik pa rin ang buong kabahayan nang makabalik siya. Huminga siya ng malalim at nagsimulang maglakad patungo sa kusina.
“Akala mo makakatakas ka ‘no?” Napaigtad siya at nanlalaki ang mga matang napatingala sa hagdan nang marinig niya ang boses ni Kieran. Nakasandig ito sa pader at paismid na nakatingin sa kaniya. “Do you really think that it would be so easy?” patuloy nito.
“P-paano mo nalaman?” litong tanong niya.
Dumeretso ito ng tayo. “Hindi mo na kailangang malaman. Kung ako sa iyo ay magpapakabait na lang ako kaysa magtangka ka pang lumabas kung gusto mong humaba pa ang buhay mo.” Iyon lang at tumalikod na ito at gamit ang tungkod ay naglakad palayo sa kaniya.
Nakagat na lang niya ang ibabang labi sa inis. Gusto niya itong batuhin ng kahit na ano para lang makaganti. Pero alam niyang kapag ginawa niya iyon ay siya lang rin ang malulugi. “Nakakainis!” gigil na sigaw na lamang niya. Hindi ito lumingon pero alam niyang narinig siya nito.
Naiinis pa ring dumeretso na siya sa kusina. Ilang minuto pa siyang nagmukmok doon bago nainip at nagdesisyong maglinis na lang. Naghagilap siya ng mga panlinis at inunang linisin ang silid niya. Halos maluha na siya sa kakaubo sa dami ng alikabok na naroon. Inalis niya ang bedsheet, punda at mga kumot at dineretso sa laundry area na nakita niya sa gilid ng kusina. Naipagpasalamat niya na may washing machine at dryer naman doon. Itinambak na lang muna niya iyon doon pagkatapos ay lumabas at nilinis rin ang kusina. Hinugasan at pinunasan niya ang lahat ng mga gamit na may alikabok, nag mop ng sahig at nagpunas ng kung anu-ano.
Tirik na ang araw ay hindi pa siya tapos maglinis doon. Hindi pa rin niya nalalabhan ang mga itinambak niya sa labahan. Tagaktak na ang pawis niya at nangangati na siya dahil pumagkit na sa kaniya ang lahat ng alikabok. Ni wala siyang damit na ipangpapalit sa suot niya. At nang tumingin siya sa repleksyon niya sa salaming bintana ay napangiwi siya. Sa buong buhay niya na tinuruan siya ng mga magulang at mga kapatid niya na dapat ay maganda siya sa lahat ng pagkakataon ay mas pangit pa siya ngayon kaysa sa bilasang isda.
Napabuga siya ng hangin at patang patang napaupo sa silya roon nang kumulo na naman ang tiyan niya sa gutom. Kailangan na naman niyang magluto ng tanghalian. Sa laki ng bahay na iyon at sa dami ng mga dapat linisin, ay mukhang papayat siya sa pagod sa loob ng isang linggong pananatili niya roon. Ang matindi pa ay hindi naman siya mababayaran sa mga paghihirap niya. Napakatinding torture.
“Ergh, bakit ba nangyayari sa akin ito? Sorry na nga kasi eh bakit hindi pa ako patawarin? Bibigyan pa kita ng ilang dosenang rosas kung gusto mo,” gigil na bulalas niya. Subalit alam niyang hindi niya iyon maaring sabihin kay Kieran. Baka lalo lang siya nitong pahirapan.