NAALIMPUNGATAN si Fay dahil sa masuyong mga haplos sa kaniyang mukha, mabilis naman siyang nag-angat ng tingin ng maalala niyang nasa silid siya ni Storm at kasalukuyan itong binabantayan.
Saktong pag-angat niya ng tingin ay nakamasid lang din ito sa kaniya ngunit mabilis itong nag-iwas ng tingin ng magtama ang kanilang mga mata.
"Bakit ka narito?" paos at walang emosyong tanong nito sa kaniya nang hindi pa rin nakatingin sa kaniya.
"Okay na ba ang pakiramdam mo?" balik tanong naman niya rito sa halip na sagutin ang tanong nito.
"Okay na ako kaya makakaalis ka na saka marami namang mga katulong na nandiyan sa labas, ba't pinagsisiksikan mo pa yung sarili mo rito," ramdam pa rin niya ang galit sa bawat salitang binibitiwan nito. Ngunit sa pagkakataong iyon ay mas inintindi na lamang niya ito, saka alam niyang may kasalanan din siya kung bakit ito galit sa kaniya.
Hindi niya ito sinagot sa halip ay muli siyang yumukyok sa kama at mahigpit na hinawakan ang kamay nito.
"ANO BANG GINAGAWA MO?" galit na sigaw nito sa kaniya at binatak pa ang kamay nito na hawak niya kaya napatingin siyang muli rito.
"Pwede ba huwag mo 'kong sigawan?" nagtitimping usal niya rito, naiinis siya sa asal nitong parang bata. "Kasi kahit anong sigaw mo riyan hindi mo ko mapapaalis dito," pagmamatigas din niya.
Hindi ito sumagot kaya naman muli siyang yukyok sa kama nito. Ngunit naramdaman niyang hinawakan nito ang kamay niya at bigla siyang hinila nito paangat.
"Anong ginagawa mo, Storm?" iritable niyang tanong dito dahil nagulat siya sa ginawa nitong paghatak sa kaniya habang pilit din binabatak ang kamay niya rito.
"Ayaw mong umalis, hindi ba?" ganting tanong nito habang buong lakas pa rin siyang hinihila nito kaya naman napaupo na siya sa kama nito. "Dito ka pumwesto kung wala kang balak umalis," pautos na wika nito saka siya kinabig pahiga.
"Teka lang, Storm!" angal naman niya at tinangka niyang muling bumangon subalit bigla siyang niyapos nito ng yakap. "Storm, baka may makakita sa atin sa ganitong ayos!" nag-aalalang reklamo niya sa binata.
"Huwag kang mag-alala, hindi sila papasok hangga't hindi ko sila tinatawag," mahinang usal nito at pati ang binti nito ay idinantay na sa katawan niya.
"Ano bang ginagawa mo? Hindi ako makahinga!" muling angal niya rito at pilit inaalis iyon dahil talagang mabigat ang binti nitong nakadantay sa katawan niya.
Hindi ito tumugon ngunit inalis naman nito ang binting nakadagan sa kaniya at umayos ito ng paling paharap sa kaniya at iniyakap ng maayos ang mga bisig sa kaniya.
"Pag nagreklamo ka pa, palalabasin na talaga kita," banta nito sa kaniya, kaya nanahimik na lamang siya at napabungtong hininga na lamang dahil alam niyang hindi siya mananalo sa katigasan ng ulo nito.
Hindi rin niya nalaman kung bakit ba hindi niya magawang iwan ito ng mga oras na iyon. Natatakot siyang baka tuluyan itong lumayo sa kaniya.
Narinig niya ang mahinang mga hilik nito kaya naman bahagya siyang pumihit paharap dito at tinitigang maiigi ang mukha nito.
Bakit nga ba hindi ko magawang iwasan ka? Totoo nga kaya yung sinabi mong habang pinipilit kong ilayo yung sarili ko sa 'yo mas lalo lang akong mahuhulog papalapit?
Idinantay niya ang isang hintuturo at hinaplos ang matangos na ilong nito. At nagulat siya ng bigla nitong hawakan niya at bigla itong dumilat kaya naman muling nagtama ang kanilang mga mata. Alam niyang huli na para umiwas pa siya dahil huling-huli nang nakatitig siya sa mukha nito.
Tinitigan lang din siya nito at ang mga titig nitong iyon ay nagbibigay ng kakaibang kaba sa dibdib niya. Inihaplos naman nito ang kamay sa mukha niya, ngunit walang sinoman sa kanila ang gustong magsalita. Tanging ang mga tingin lang nila ang nag-uusap ng mga oras na iyon.
Hanggang sa hindi na niya alam kung paano sila nakatulog pareho sa ganoong ayos basta ang huling bagay lamang natatandaan niya ay nakatulog siya sa mga bisig nito.
KINABUSAKAN ay nagising siyang nakayakap pa rin sa kaniya ang binata at mahimbing pa rin itong natutulog. Subalit kailangan niyang bumangon dahil may klase pa siya.
Nag-angat siya ng tingin at tiningnang maiigi ang mukha nito, wala na ang pantal nito sa mukha, maging sa katawan nito ay wala na rin.
Marahan siyang kumilos upang tanggalin ang kamay nitong nakayakap pa rin sa kaniya. Pag-angat niya ng kamay nito ay bigla itong gumalaw kaya ang akala niya'y nagising ito, ngunit nakahinga naman siya ng maluwag ng makitang tulog na tulog pa rin ito.
Pagkaalis niya ng kamay nito ay marahan na siyang bumangon, ngunit isang paa pa lamang ang naibababa niya sa kama nang kabigin naman siya nitong muli pahiga.
"At saan mo balak pumunta?" seryosong tanong nito sa kaniya habang mahigpit pa ring nakayakap sa kaniya ang braso nito.
"Papasok ako, saan pa ba?" mabilis naman niyang tugon dito. "Marami kaming gagawin sa school kaya hindi pwedeng hindi ako pumasok," dugtong pa niya. Hindi ito sumagot ngunit inalis nito ang brasong nakayakap sa kaniya kaya naman bumangon na siya.
Pagtayo niya ay tiningnan pa niyang muli ito ngunit nakapikit na ito.
"Storm, huwag ka nang pumasok ngayon, magpagaling ka na lang muna," utos naman niya rito hindi pa rin ito dumidilat ngunit sigurado naman siyang narinig nito ang sinabi niya. "Ay, oo nga pala, Storm," baling niya ulit sa nakapikit pa ring binata. "Baka gabihin ako ng uwi, may pupuntahan pa kasi ako pagtapos ng klase ko," dagdag pa niya saka humakbang palabas ng silid nito.
Hindi rin niya alam kung bakit pa siya nagpaalam dito gayong alam naman niyang wala rin itong pakialam kung anong oras ba siya uuwi. At hindi rin niya alam kung bakit hindi niya masabi rito na sa bahay ni Treyton siya pupunta pagtapos ng klase nila.
Pumunta muna siya ng silid niya para maligo at magbihis, hindi na kasi niya nagawang magbihis pa pagdating dahil sa nangyari nang nagdaang araw sa binata. Pagkabihis naman niya ay umalis na rin siya. Tulad ng kaniyang nakagawian ay hindi na siya nagpahatid pa.
Matiyaga niyang nilalakad, araw-araw ang kantong iyon palabas ng mansyon, may kalayuan ngunit hindi naman niya alintana dahil na rin sa kagandahan ng lugar na iyon na kaniyang dinaraanan.
Pagdating niya ng Unibersidad, tulad ng nakagawian nilang magkakaibigan ay hinintay siya ng dalawa sa harap mismo ng department nila.
"Don't tell me, ghorl, naglalakad ka pa rin?" salubong na tanong sa kaniya ni Candice.
"Oo naman, bakit hindi?" tugon naman niya rito.
"Wala lang, baka lang mapagod ka," tanging nasabi na lang nito. "Tuloy tayo sa inyo mamaya, Treyton, ha," baling naman nito sa binata.
"Oo naman, nakapagsabi naman na ako kay Mama," sagot naman nito.
Si Fay naman ay tahimik lang hanggang sa makarating sila sa classroom nila, inaalala pa rin niya si Storm. Batid niyang hindi ito pababayaan sa mansyon ngunit hindi pa rin niyang maiwasan ang hindi mag-alala rito.
"Oy, Fay!" pukaw ni Candice sa atensiyon niya. "Kanina pa kami salita nang salita rito hindi ka naman pala nakikinig diyan. Teka, bakit ba ang lalim ng iniisip mo?" naguguluhang tanong nito sa kaniya, maging si Treyton ay nakatingin na sa kaniya at naghihintay ng isasagot niya. "Huwag mong sabihin na hindi ka sasama mamaya?"
Napaisip naman siya sa tanong nito at nagpalipat-lipat ang tingin niya sa dalawa. "Iniisip ko nga rin kung papayag ba kayo na hindi na muna ako sumama sa inyo mamaya, eh," nag-aalangang tanong niya rito.
"At bakit?" pagalit na tanong sa kaniya ni Treyton.
"Eh, kasi kahapon nagkasakit si Storm, inaalala ko lang kung gagabihn tayo ng uwi baka may mangyari na naman," di niya mapigilang wika rito halos sabay namang nagsalubong ang kilay nito at ni Candice.
"Bakit ka pa mag-aabala sa kaniya, Fay? May magulang 'yon, hindi mo responsibilidad na alalahanin pa siya," naiinis na tugon na naman ng binata.
"Alam ko naman 'yon kaya lang kasi wala naman ang mga magulang namin sa mansyon, oo nga't ma—"
"Wala kayong magulang sa mansyon?" naguguluhang ulit nito sa sinabi niya.
"Oo, nasa Mexico si Mama saka si Mr. Chavez," nagtatakang tugon niya rito.
"Ibig mong sabihin, kayong dalawa lang ni Storm sa bahay nila?" hindi pa ring makapaniwalang tanong nito sa kaniya.
"Hindi naman dahil marami naman kaming kasamang katulong doon."
"Katulong? Ano bang magagawa ng mga katulong na 'yan kung may binabalik sa 'yong masama ‘yang Chavez na 'yan!?" sigaw nito at napatayo pa dahil sa narinig nito mula sa dalaga.
"Huminahon ka nga, Treyton. Pinagtitinginan na tayo, oh," awat naman ni Candice sa kaibigan.
Galit din itong bumaling kay Candice. "Paano ako hihinahon kung alam kong pwedeng may gawing masama sa kaniya 'yong hayop na 'yon?"
"Relax ka lang naman, Treyton!" awat na rin niya sa rito. "Hindi naman ganoon kasama si Storm katulad ng iniisip mo," pagtatanggol naman niya sa binata.
"Hindi ganoon kasama?" ulit nitong muli sa sinabi niya. "Narinig mo ba 'yang sinasabi mo, Fay? Alam mo kung gaano karaming estudyante na ang ginawan niya ng katarantaduhan dito sa school!" galit na pagpapaalala nito sa kaniya.
Natahimik na lamang siya dahil kilalang-kilala niya si Treyton hindi ito magpapatalo kapag alam nitong may basehan ang mga sinasabi nito.
"Naiintindihan ko yung pinaghuhugutan mo, Treyt, at na-appreciate ko yung pag-aalala mo sa 'kin pero sa ngayon talaga hindi ako makakasama sa group study natin. Babawi ako sa susunod, promise!" naisagot na lamang niya sa binata.
Hindi ito makapaniwalang nakatingin na lamang sa kaniya kasabay ng pag-iling nito at hindi na siya kinausap pa. Hanggang sa matapos ang klase nila ng araw na 'yon ay hindi siya kinausap o tiningnan man lang nito kahit pa nga makailang beses niyang sinubukang kausapin ito.
Si Candice naman ay hindi malaman kung sino sa dalawang kaibigan ang kakampihan.
"Cand, gusto mo bang sumama sa mansyon?" tanong niya sa kaibigan nang makalabas na sila ng campus kaya naman biglang nagningning ang mga mata nito.
"Pwede akong sumama?" hindi makapaniwalang tanong nito sa kaniya.
"Oo, para lang masabi mo rin kay Treyt na hindi naman talaga ganoon kasama si Storm. Alam kong ikaw lang ang makakatulong sa 'kin para makumbinsi siya."
"Sige, walang problema sa 'kin. Pero alam mo maganda, try mo rin siya i-invite sa inyo minsan para makita rin niya yung sitwasyon ninyong dalawa," tugon naman nito.
"Sige, susubukan kong magpaalam kay Storm," pagpayag naman niya sa sinabi nito. "Pero ready ka bang maglakad?"
"Oo naman, super ready basta makita ko lang ang bago mong bahay at makita mismo ng dalawang mata ko kung gaano talaga kayaman ang mga Chavez!" excited na tugon nito sa kaniya. "Sa news at mga magazine ko lang kasi sila nababasa pero ikaw suwerte mo talaga, friend, nakadaupang palad mo na sila," bakas na bakas ang inggit sa tinig nito kaya naiiling na lamang siya.
"Tara na!" aya naman niya rito pagtapos ay nagsimula na silang maglakad.
"Pero, wait! May hindi ka pa kasi sinasabi sa 'kin, eh," wika nito habang naglalakad sila, nagtataka naman siyang tumingin dito. "'Yang bracelet mo! Saan 'yan galing?" di makatiis na tanong nito.
"Ah, ito ba?" nakangiting tanong niya rito sabay angat sa braso niyang may suot ng bracelet. "Bigay—aw!"
Napatigil siya dahil isang lalaki ang biglang bumunggo sa kaniya at mabilis na hiniklat ang bracelet na suot niya.
"Yung bracelet ko!" sigaw niya saka ito mabilis na hinabol.
"OY, FAY!" narinig niyang tawag sa kaniya ni Candice ngunit hindi niya ito pinansin, sa halip ay mabilis siyang tumakbo upang mahabol ang lalaking kumuha ng bracelet niya.
Nang maabutan niya ito ay mabilis niya itong hinila sa damit at agad na kumapit sa braso nito. Nakipagbuno sa kaniya yung snatcher ngunit pilit niyang inaabot yung kamay nitong may hawak ng bracelet niya. Tinutulak siya nitong palayo pero mahigpit na mahigpit ang hawak niya sa damit at braso nito. Kahit pa nga mapayakap siya rito at maamoy ang masangsang nitong amoy ay wala siyang pakialam ang tanging mahalaga sa kaniya ay iyong bracelet na ibinigay sa kaniya ni Storm.
Ngunit sa pakikipagbuno niya rito ay hindi niya napansing may inilabas itong patalim at mabilis na isinaksak sa tagiliran niya.
"Urgh! Kuya, yung bracelet ko!" naiiyak niyang pakiusap dito habang ang isang kamay niya ay sapo ang tigilirang tinamaan ng saksak nito at ang isa ay mahigpit pa ring nakahawak sa damit nito. Pilit nitong inalis ang kamay niyang nakahawak dito ngunit kahit may saksak na siya ay mahigpit pa rin ang pagkakahawak niya rito.
"FAY!" narinig niyang muling tawag sa kaniya ni Candice at nataranta ang snatcher nang makitang papalapit ito kaya naman nagkaroon siya ng pagkakataon na kuhain sa kamay nito ang bracelet niya.
Nagtagumpay siyang makuha ang bracelet niya mula rito bago tuluyang bumagsak sa kalsada. Nanlalabo na ang mga mata niya dahil sa nararamdamang sakit mula sa tagiliran niyang may saksak ngunit pilit niyang sinusundan ng tingin ang lalaking nagtangkang kumuha ng bracelet niya. Nakita pa niyang may lalaking sumalubong dito at inundayan ito ng malakas na suntok, ngunit hindi na niya maaninag pa kung sino iyon.
"Fay!" naiiyak na sambit muli ni Candice sa pangalan niya at pilit siyang inaaangat mula sa pagkakahiga niya.
Mahigpit niyang iniikom ang palad niya upang hindi malaglag ang bracelet na hawak niya, ngunit hindi na niya kayang labanan ang sakit kaya unti-unti na ring nawala ang malay tao niya.