"ATE..." Kagyat na nangilid ang mga luha sa mga mata ko nang sumalubong sa akin ang takot na takot na anyo ng kapatid ko, pagpasok ko pa lang sa presinto, na siya raw pinagdalhan sa nanay namin. Mag-isa lang itong nakaupo sa isang sulok, na kaagad na bumalikwas ng tayo pagkakita sa akin. Awang-awa ako sa hitsura nito. Maputla ang mukha at namamaga na ang mga mata, marahil ay dahil sa kanina pa nito pag-iyak. "Si Nanay..." naiiyak pa ring anito paglapit sa akin, at kaagad na yumakap sa baywang ko. "Ano ba ang nangyari? Bakit ipinahuli ni Mrs. Reyes si Nanay?" Sunud-sunod kong tanong sa pilit na pinatatatag na tinig. Ikinurap-kurap ko ang mga mata ko upang pigilin ang pagpatak ng mga luha na kanina pa naka-antabay doon. "H-hindi ko rin alam, Ate." Sagot naman nito sa akin na may kasam

