"HINDI na mahalaga iyon. Matagal na rin naman iyon," aniya. Tumawa si Zai pero walang sigla iyon. Pakiramdam niya kasi ay may susunod na hindi magandang mangyayari. Pakiramdam niya ay bumigat ang pakiramdam niya dahil sa tensiyong nadarama niya ngayon. "Pero bakit hindi mo sinabi?!" Napaigtad siya nang tumaas ang boses ni Dice. Labis na frustration ang nabanaad niya sa mga mata nito pero bakit ito pa ang galit? Matapos nitong tawagan siya at sabihing hihintayin siya nitong bumalik sa Legazpi pero hindi naman nito ginawa, ito pa ang magagalit sa kanya ngayon? "Dahil wala naman akong pagkakataon na sabihin iyon dahil hindi kita naabutan!" Hindi na rin mapigilan ni Zai ang pagtaas ng boses niya. Tumaas na ang emosyon niya dahil parang pelikulang bumalik na naman sa kanya ang nakaraan.

