Hila-hila niya 'ko habang naglalakad patungo sa sasakyan niyang naghihintay. Kanina ko pa binabawi ang kamay ko pero lalo lang niyang hinihigpitan.
Agad namang lumabas ang driver niya at binuksan ang pinto sa backseat. Agad niya 'kong pinasakay doon nang walang kahirap-hirap. Sumunod agad siya at siya namang sara ng pinto ng driver.
Doon lang niya binitawan ang kamay ko. Naiwan pa ang payong ko sa gilid ng kalsada. Inirapan ko siya sa inis.
"Where do you think you're going?" Mariing tanong niya nang akma akong lalabas.
"Kukunin ko lang 'yong payong ko. 150 rin ang bili ko do'n, ano," sagot ko sa kaniya pero hindi pa rin niya 'ko pinayagang lumabas. Umandar pa agad ang sasakyan kahit wala pa siyang inuutos. Kilala na 'ko ng driver niya dahil palagi kaming magkasama ni Sir William. Ang inaasahan ko... huli na ang kahapon pero heto ako ngayon... nakasakay na naman dito.
"Sayang 'yong payong ko," nakasimangot kong sabi.
"Bibilhan kita," agad niyang sagot kaya inirapan ko uli siya.
"Ano bang kailangan mo? Bigla-bigla ka na lang nanghahablot ng tao," may halong inis na boses ko. May respeto pa rin naman ako kay Sir William kahit hindi na 'ko empleyado sa kumpanya niya. Pero itong ginagawa niya ngayon, parang pinapasahuran niya pa rin ako.
"Bakit ka nag-apply sa iba?" Sagot niyang tanong.
"Para magkatrabaho," deretso namang sagot ko.
"May trabaho ka sa akin, pero iniwan mo," wika niya at tila may kahulugan ang huling sinabi. Trabaho ba talaga ang iniwan ko o siya? Parang gano'n kasi ang naging dating ng boses niya. Hindi ko na lang pinansin at sumagot agad.
"Sawa na 'ko e," pagsisinungaling ko.
"Sawa ka na sa'kin?" Deretsong tanong niya kaya agad na napalingon ang driver sa rear view mirror.
Mapakla naman akong tumawa. Joke ba 'yon? Bakit hindi ako natawa? Parang kinalabog na tambol sa dibdib ko at bigla na lang dumagundong.
"Sa...sawa?" Tanong ko.
"I know, you love your job as my secretary. Your salary is big compare to the other employee in my company. Wala akong makitang rason kung bakit bigla kang nag-resign. Or maybe, sawa ka na talaga sa akin," wika niya at nasamid ako sa huling sinabi niya. Hindi yata joke 'yon kaya hindi talaga ako natawa uli.
"Hindi niyo po ba alam na pinag-uusapan na tayo sa opisina?" Tanong ko.
"I know," sagot niya pero parang wala lang sa kaniya.
"And I don't care," dugtong pa niya.
"Pero ako, meron. Reputasyon ko ang nasisira. At ako pa ang lumalabas na malandi dahil gusto raw kitang makuha," wika ko.
Tapat ako sa boss ko at hindi ako nagsisinungaling dahil iyon ang pinaka-ayaw niya. Kaya kung ano ang alam ko, sinasabi ko. Sinabi ko ring tsismis ang rason ng pagre-resign ko. Tapos sasabihin niya, wala siyang nakikitang rason sa pagre-resign ko?
"Hindi ako gold digger, Sir William. Yes, I love my job. Napamahal na 'ko sa trabaho ko kahit ang hirap mong basahin lagi. Kahit palagi kang may mood swings at hindi ka maintindihan... nakasanayan kong lahat 'yon dahil gusto ko ang trabaho ko. Pero dahil sa trabaho ko, nasisira ako. At ang gusto ko lang ay magtrabaho ng payapa. Walang tsismis," dere-deretsong sabi ko at diniinan ang huling sinabi. Lumingon ako sa bintana dahil parang sasabog ako sa inis. Pakiramdam ko, ako lang ang apektado kahit hindi naman dapat dahil hindi naman 'yon totoo. Walang katotohanan kahit sa anong tsismis ang sinasabi nila.
"Hindi ako sawa sa inyo. Gusto ko lang lumayo at hindi ka na kadikit palagi," dagdag ko na ikinatahimik ng loob ng sasakyan. Pati driver ay parang natahimik kahit kanina pa siya hindi umiimik. Alam kong nakikinig din si Mang Jun.
Kinuha ko pa ang panyo sa bag ko para punasan ang nangingilid kong luha. Masakit din iwan si Sir William dahil nasanay ako sa presensya niya bilang boss sa akin. Pero hanggang doon lang 'yon. Masiyado lang nilang binibigyan ng kahulugan ang pagtatrabaho ko sa kaniya. Minsan pa ay nakakarinig ako ng mga bastos na salita mula sa iba. Naiinis ako lalo.
"Ibaba niyo na 'ko," wika ko at suminghot na. Habang naaamoy ko ang pabango niya, naninikip ang dibdib ko. Naiinis lang ako lalo. Lalo kong naaalala ang mga bulong-bulungan sa opisina.
"Then, I will fire them," aniya kaya gulat ko siyang binalingan ng tingin.
"Bumalik ka lang sa opisina ko," dugtong niya.
"You're crazy, Sir William," hindi makapaniwalang bulalas ko sa kaniya.
"Sesesantehin mo sila para lang bumalik ako?" Mangha pang tanong ko.
"I don't care. Lahat ng meetings ko today, kanselado dahil wala akong secretary," wika niyang may halong reklamo o patama. Wow! Parang kasalanan ko pa na canceled lahat ng meeting niya ngayong araw. Inayos ko 'yon lahat bago ako nag-resign.
"Hindi ba't may bago kayong secretary?" Tanong ko. May kapalit naman ako bago ako umalis. Matagal na 'kong nagpaalam sa kaniya at napilitan lang siyang pirmahan ang resignation letter ko dahil nakulitan na sa akin.
"Nasaan si Nina?" Tanong ko. Siya ang kapalit ko bilang secretary niya na tinuruan ko ng mga gagawin. Last week pa 'yon at kahapon, nakita ko pa siya noong nagliligpit ako ng mga gamit ko sa dati kong table.
"I don't like her," nakasimangot niyang sagot.
Bumuntong-hininga na lang ako. Ang hirap pa rin talaga basahin ni Sir William. Sa apat na taon kong pagtatrabaho sa kaniya, wala pa rin siyang pinagbago.
"Na-hire na 'ko sa bago kong in-apply-an. Kung ayaw mo kay Nina, humanap na lang kayo ng iba," wika ko.
"Mang Jun, diyan lang po ako sa tabi," sabi ko para ihinto na ang sasakyan at pababain na 'ko.
"Mag-resign ka agad," wika niyang pautos kaya nanlaki ang mga mata ko sa pagkamangha. Nilingon niya 'ko na seryoso ang mukha.
"Bumalik ka sa company ko," wika niya habang nakatingin sa mga mata kong dilat na dilat. Kumurap-kurap ako para pumasok sa isip ko ang mga sinabi niya. Sa huli ay tumikhim ako.
"Hindi na," matigas kong sagot at umayos ng upo.
"Marry me then," wika niya kaya nilingon ko siya uli.
"Pwede ka na sa comedy bar, Sir William. Ang galing mo mag-joke," pagbibiro kong labas sa ilong.
"Ibaba niyo na 'ko at gusto kong kumain. Nakakagutom ang conversation na 'to," reklamong sabi ko.
"Bumalik ka sa'kin kung gusto mong matapos ang conversation na 'to," wika naman niya. Marahas akong napabuga ng hangin.
"Unbelievable," tanging salita na lumabas sa bibig ko.
"Seryoso ako sa sinabi kong sesesantehin ko sila, bumalik ka lang sa'kin," wika niya.
"Sir, baliw ka na," wika ko at napailing. Hindi ko kinakaya ang mga lumalabas sa bibig ni Sir William. Nilingon naman niya 'ko at hinaplos nang bahagya ang baba niya gaya ng madalas niyang gawin kapag may gusto siyang makuha o nakikipag-negotiate.
"I mean it. Seryoso ako, Love," wika niya. Heto na naman ang tawag niya sa'kin. Hindi ko gusto talaga.
Sa mga mata niya ay alam ko na ang susunod niyang gagawin. Isang tawag lang niya, sesante na lahat ng mga empleyadong tsismosa sa company niya. Gano'n siya katindi kapag may gustong makuha. Hindi naman ako sobrang espesyal para magsakripisyo ang mga nagtatrabaho ng marangal sa company niya.
"Ayoko," matigas kong sabi.
Doon ay nakita ko na siyang dinukot ang phone niya sa bulsa.
"Hindi ko kayang may masesante na inosente," wika ko. Kahit pa tsismosa sila... hindi pa rin sapat na dahilan 'yon para tanggalin sila sa trabaho. Ang iba roon ay matagal na rin sa kaniya.
"Kung 'yon lang ang pwedeng gawin para bumalik ka sa'kin. I'll do it," seryosong wika niya.
"Hayaan niyo na 'ko, Sir William. Gusto ko ring makasubok sa iba," wika ko.
"Bakit gusto mo sa iba?" Tanong naman niya. Lalo akong napagod sa usapang ito. Ang hirap niya talagang kausap.
"Malaya na 'ko sa company mo. At meron na 'kong bagong trabaho. Hindi ba pwedeng... respetuhin niyo na lang 'yon?" Paliwanag ko at sinabihan ang driver na ihinto na ang sasakyan.
Wala akong narinig kay Sir William hanggang sa makababa ako. Hindi ko alam kung bakit gano'n na lang niya 'ko gustong bumalik sa kaniya. Wala siyang sinabi kaya wala rin akong clue. Nakakainis pa na ipipilit niya ang gusto niya kahit na sinabi kong may bago na 'kong trabaho.
"Grabe talaga," bulalas ko.
"Kailangan kong kumain ng marami. Nakaka-stress!" bulong ko pa sa sarili.
Pumasok ako sa isang canteen para makakain na. Agad naman akong nilapitan ng waiter nang makaupo ako at tinanong agad ang order ko. Wala kasing tao at ako lang mag-isa ngayon. Maulan ngayon at naiwan pa ang payong ko kanina. Sayang 'yon. Matagal na 'yon sa akin e.
"Dalawang pancit malabon at isang buong letsong manok. Tatlong kanin." Lahat ng 'yon ay deretso kong sinabi sa waiter bilang order ko. Wala akong kasama at kailangan ko lang talaga ng maraming pagkain.
"Iyon lang po, Ma'am?" Tanong ng waiter.
"Softdrinks na rin, please," dagdag ko at saka siya umalis.
Napalingon agad ako sa bag ko nang maramdaman ang pag-vibrate ng cell-phone ko.
Napairap agad ako sa hangin nang makuha ko 'yon at mabasa ang pangalan ng tumatawag sa screen.
Gusto ko sanang patayin pero para namang nakakabastos kaya sa huli ay sinagot ko na lang.
"Busy ako, Sir William," bungad ko sa kaniya.
"Can I join you?" Tanong niya. Hindi pa 'ko nakakasagot ay nakita ko na agad siyang pumasok. May dalang payong at bago pa yatang bili. Nakalagay pa sa tapat ng tenga niya ang phone at gano'n din ako. Binaba ko na lang nang makalapit siya.
"Here," aniya at inabot sa akin ang bagong payong. Mukhang mahal kaysa sa payong kong naiwan. Pero kahit na... sayang pa rin 'yon. Sana ang makapulot no'n ay nangangailangan talaga ng payong.
Kinuha ko ang binigay niyang payong dahil wala akong gagamitin mamaya pauwi.
"Salamat." Nagpasalamat pa rin ako kahit naiinis ako sa kanya.
"Waiter!" Tawag niya sa waiter.
Um-order din siya at marami rin.
"Wala ba kayong trabaho?" Tanong kong pataboy.
"Marami," sagot naman niya.
"Bakit sinundan niyo 'ko hanggang dito? Hindi niyo na 'ko secretary," mariing wika ko.
"I just want to eat," wika niya.
Hindi ko na lang pinansin at pinili ko na lang na hindi magsalita. Hanggang sa dumating na nga ang order namin. Mas marami ang order ko kaysa sa kaniya. Nagpunas muna ako ng kamay gamit ang wipes bago nagsimulang kumain. Wala na 'kong pakialam kung nagmumukha akong matakaw sa kaniya dahil pang-barako ang mga order ko.
Mainit na pancit malabon ang inuna kong kainin. Mukha siyang nag-e-enjoy habang pinapanood akong kumain.
"Kumain ka, Sir William. Huwag kang manood diyan. Hindi ito mukbang," makahulugan kong sabi.
Nagsimula naman siyang kumain. Kumakain naman siya ng mga simpleng pagkain. Ayaw lang niya ay sa fast food. Hindi niya masiyadong gusto ang pagkain doon kahit masarap naman.
Habang kumakain ay nagtataka ako kung bakit pareho kami ng in-order. May pancit malabon din siya at letsong manok. Kanina pa siguro niya 'ko sinusundan kaya alam niya ang mga in-order ko. Nag-iwas ako ng tingin nang magtama ang mata namin.
Pinisa ko ang sili at piniga ang kalamansi sa toyo para gawing sawsawan ng letsong manok. Nagkamay na 'ko matapos kong ubusin ang pancit malabon na dalawang plato. Mabilis kong naubos 'yon kahit nakatingin pa si Sir William.
Nang manok na ang kakainin ko ay iyon din ang pinuntirya niya. Ginagaya yata ako. Hindi ko na alng pinansin at in-enjoy ang pagkain ko.
Malakas akong kumain pero hindi ako nananaba. Sakto lang ang katawan ko at flat ang tiyan kahit na matakaw akong kumain. Wala akong sekreto at iniinom para pumayat. Tamad din akong mag-exercise at tulog at kain lang ang ginagawa ko kapag day off ko sa trabaho.
Habang ako ay nagkakamay, siya naman ay nakakutsara't tinidor. Pero ang hindi ko maintindihan, may sarili naman siyang sawsawan... pero sa sawsawan ko pa sumasawsaw.
Muli, hindi ko pa rin binigyang pansin hanggang sa matapos kami ng sabay. Pati pag-inom ng softdrinks ay ginagaya niya pa rin ako.
Habang nagpapahinga ay nagkunwari akong busy sa cell-phone ko. Ayoko siyang kausap at baka mauwi na naman sa pamimilit niya sa'kin sa company niya.
Lumabas kaming dalawa na tahimik. Ako ay sa ibang daan pero hinila na naman niya 'ko patungo sa sasakyan niya.
Malakas kong winaksi ang kamay ko. "Ihahatid lang kita," wika naman niya at hindi niya hinayaang makawala ang kamay ko.
Wala na 'kong nagawa nang maisakay akong muli sa kotse niya. Agad na umandar ang sasakyan nang maisara ang pinto. Tila alam na ng driver kung saan ang punta namin.
Hindi ako umiimik hanggang sa makarating kami sa tapat ng bahay ko. Hindi naman niya 'ko kinakausap kaya mas napanatag ako.
Bumaba ako sa sasakyan nang pagbuksan ako ng pinto ng driver.
"I'll call you later," pahabol naman niya bago isara ang pinto ng sasakyan.
"Bakit?" Tanong ko. Hindi naman niya 'ko sinagot.
Pinagmasdan ko na lang ang sasakyan niyang paalis.
"Ang hirap mo talagang basahin, Sir William," bulong ko at pumasok na sa loob.
Nag-text na lang ako kay Ronnie na nakauwi na 'ko. Baka naghihintay 'yon ng text mula sa akin.
Nagpalit agad ako ng damit nang makapasok ako sa kwarto ko. Kakasuot ko pa lang ng shorts ay tumawag agad si Sir William. Inirapan ko lang 'yon at nilagay ang mga damit ko sa laundry basket. Namatay 'yon at hindi na siya uli tumawag. Isang text naman ang natanggap ko mula sa kaniya.
"Come to my office tomorrow," sabi sa text message.
"Why?" Tipid na reply ko.
"For signing a contract," reply niya agad. Kumunot ang noo ko at nagtaka.
Sumunod no'n ay tawag naman mula sa kaniya ang natanggap ko. Sinagot ko agad para magkaroon ako ng clue sa kontratang sinasabi niya.
"Para saan ang kontrata?" Deretsong bungad ko.
"As my secretary," aniya. Tumawa ako.
"Hanggang ba naman ngayon, nagbibiro ka pa rin, Sir William?" Tanong ko at tinawan siya.
"I'm not joking. Pag-usapan natin bukas," wika niya kaya napailing ako kahit hindi niya nakikita.
"Busy ako bukas. May mga aasikasuhin ako," wika ko.
"Pagbuksan mo na lang ako," wika niya kaya nagtaka ako.
"Pagbuksan?" Tanong ko. Kasunod no'n ay ilang katok sa pinto ng bahay ko.
"Huwag mong sabihin..."
"I'm getting wet," agad niyang dugtong sa sinabi ko.
Hindi kaagad pumasok sa isip ko ang mga sinabi niya hanggang sa may ilang katok uli sa pinto. Narinig ko rin ang katok sa kabilang linya. Nasa linya pa si Sir William.
"Basa na 'ko," wika niya kaya nagmadali akong tumungo sa pinto at binuksan.
Basang-basa na nga si Sir William! Tumutulo ang tubig sa buhok niya. Naka-long sleeve na lang siya ng puti pero wala ng necktie. Pati yata pantalon ay basa na.
"P-pasok, Sir William," ani ko at hinila siya papasok. Napansin kong wala ang sasakyan niya sa labas. Paano siya nakarating dito? Nagpahatid lang sa driver niya?
"Basang-basa na kayo. Bakit ngayon niyo lang sinabi na kanina pa kayo sa labas no'ng magkausap tayo?" Tanong ko.
Pinaupo ko muna siya sa sofa at kinuhanan ng malinis na tuwalya. Wala akong makitang iba dahil puro pang-babae ang mga gamit ko rito. Pink towel ang nakuha ko.
Inabot ko 'yon sa kaniya para tuyuin niya ang buhok niya.
Ako na ang nag-alis ng sapatos at medyas niya dahil basa na rin. Gusto kong kutusan ang dati kong boss dahil hindi ko maintindihan kung bakit niya ginawa 'to.
"Hays! Maligo na lang kayo sa banyo. Kanina ka pa siguro nasa ulan," may halong sermon kong boses. He smirk kaya inirapan ko siya.
"Crazy," pailing-iling kong bulalas sa kaniya.
Dinala ko siya sa banyo. Medyo maluwag naman, kumpara sa banyo sa bahay nila... buong sala at kusina ko na yata 'yon.
"Wala akong hot water dito, Sir William. Kung gusto mo no'n... magpapakulo ako ng tubig," wika ko. Umiling naman siya.
Ang taas pa niya dito sa loob ng banyo. Konti na lang, abot na ang kisame.
"It's okay. Thanks, Love," wika niya kaya napatango na lang ako. Bago lumabas ay tinuro ko sa kaniya ang sabon at shampoo.
"Ordinary shampoo lang po 'yan, Sir at ang sabon ay hindi po shower gel," wika ko sabay turo sa lagayan ng sabon, dahil baka mag-expect siya. Bar soap lang ang meron ako at ang shampoo, sempre ang paborito ko. May conditioner din naman sa banyo kung gumagamit siya no'n.
"Baka hindi po hiyang sa inyo ang sabon kong ginagamit. Bibili ako kung gusto niyo ng shower gel," wika ko at nag-suggest sa huli. Mataas ang standard ni Sir William pero simple lang naman siya. Kaya lang, ang kasimplehan niya... masiyado pa ring mahal kung minsan.
"No. It's fine. I'm using this," wika naman niya kaya tumango ako.
"Okay," wika ko.
Tumalikod na 'ko para lumabas.
"Love," tawag niya. Napangiwi ako sa pagkakabigkas niya sa pangalan ko pero hindi ko na lang ipinakita sa kaniya.
"Yes, Sir William?" Tanong ko at nilingon siya. Pero agad akong nagulat at nag-init ang mukha nang makitang feminine wash ko ang hawak niya!
"A-akin na 'yan, Sir!" Mabilis kong sabi at hinablot sa malaking kamay niya ang bote ng feminine wash. Nilagay ko sa likuran ko sa sobrang hiya.
"Uhm..." hindi ko malaman ang sasabihin dahil nagtataka siya sa inasal at ginawa ko.
"Pang-babae po ito," wika ko at mabilis siyang tinalikuran. Sinara ko na rin agad ang pinto dala-dala ang feminine wash sa kamay ko.
Kinabahan ako doon. Iba ang naramdaman ko nang mahawakan niya 'to. Tila ba... may kakaiba sa akin. Umiling ako at sinantabi ang nasa isip.
Kailangan ko pa lang hanapan si Sir William ng maisusuot na damit. Meron naman akong oversized na damit. Mahilig ako sa gano'ng damit kapag matutulog na 'ko. Kasya 'yon sa kaniya sigurado.
"Maligo na po kayo diyan," wika ko sa may pinto ng banyo dahil hindi ko pa naririnig ang pagbukas ng shower.
Nang marinig ko na ang lagaspas ng tubig ay tumungo na 'ko sa kwarto para hanapan siya ng damit.
Habang nasa harapan ako ng nakabukas na cabinet at drawer ko ay napaisip ako. "Paano pala ang underwear niya?" Tanong ko sa hangin. "Problemado pa tuloy ako," nakanguso kong bulong habang pinagmamasdan ang mga gamit ko.
Kinuha ko ang malaking plain white t-shirt ko at maluwag na short. Pwede naman sa lalaki ito dahil pang-unisex ang style.
Pero ang mga underwear ko rito... hindi pang-unisex.
"Bahala na. Ito lang ang maipapahiram ko sa kaniya," bulong kong muli.
Lalabhan ko na lang din agad ang mga basang damit niya. May dryer naman ang washing machine ko. Hindi ko lang nagamit kanina sa mga damit ko kaninang umaga dahil ang aliwalas pa ng langit kanina. Pero ngayon, hindi na humihinto ang ulan.
"May bagyo kaya?" Tanong ko sa hangin.
Hindi naman mahangin pero ang ulan, mini-maintain niya ang lakas. Hindi naman bahain ang lugar dito sa'min kaya hindi ako masiyadong nag-aalala sa ulan. Kaya lang... baka naman magtagal si Sir William dito.
Speaking of Sir William... tapos na kaya siyang maligo? Lumabas na 'ko sa kwarto dala ang mga damit na ipapahiram sa kaniya.
Mahigpit akong napahawak sa doorknob ng pinto ng kwarto ko nang mabungaran ang malaking bulto ni Sir William. Nasa harapan ko siya ngayon at mukhang kagagaling lang niya sa banyo. Saan pa ba siya manggagaling? E, doon ko siya iniwan. Nakatapis siya sa ibabang bahagi gamit ang pink towel ko pero na-distract ako sa katawan niya. Nakita ko na 'to dati. Ilang beses na pero palaging ganito ang pakiramdam ko.
Lumunok muna ako bago nagsalita. "Ito muna ang gamitin niyo, Sir. Wala akong damit pang-lalaki rito," wika ko sabay abot ng damit sa kaniya.
"Good," wika naman niya imbes na thanks. Kumunot ang noo ko sa pagtataka.
"Good?" Tanong ko pa.
Tinignan niya 'ko sa mata. "Dahil magagalit ako kapag may damit ng ibang lalaki rito bukod sa damit ko," makahulugang wika niya pero hindi ko makuha ang kahulugan. Bumalik siya sa banyo para doon magbihis.
"Crazy," tanging bulalas ko. Hindi ko mabasa si Sir William.