"SAMPAGUITA po! Bili na kayo!" alok ng batang si Euna sa mga taong nagsisimba ngayong araw ng Linggo.
Kailangan niyang makaubos ng paninda dahil intrimitida siya at nakisali siya sa mga nagtitinda niyon. Kung hindi siya makakaubos ay makukurot siya sa singit ng nanay niya. Ayaw pa naman nito na nagtitinda siya ng kung ano-ano na katulad ng mga batang kaedad niya sa lugar nila.
"Enang, tara na! Madilim ang langit, baka umulan!" aya ni Reyna sa kaniya.
Napansin niyang wala nang hawak na paninda ang kaibigan niya, 'buti pa ito nakaubos na ng panindang Sampaguita!
"Ano ba, huy, tara na!"
"Ang daya naman kasi. Bakit ikaw nakaubos na?"
Humagikgik si Reyna. "Inalok ko sa mga mayayaman. 'Yong mga may kotse. E, ikaw kasi e, ayaw mo silang alukin!"
"Ayoko nga! Baka mamaya isa sa kanila ang tatay ko!" Sabi kasi ng nanay niya ay mayaman daw ang tatay niya. De kotse raw.
"Naku, imposible naman at hindi lang naman 'to ang simbahan. Kung narito 'yon e, 'di sana sinaglit na niya ang nanay mo. Malapit 'to sa riles e."
Hindi na niya ito nasagot, umambon na kasi.
"Sayang naman 'to, may tatlo pa."
"Parang tatatlo na lang e. Lagay mo na lang sa altar niyo. Ay, sana inalok mo kay Fordd!"
Namilog ang mga mata ni Euna. "Nariyan ba siya?"
Si Fordd kasi ay isa sa mga mayayaman na palagian na nagsisimba sa simbahan na 'yon tuwing Linggo. Naging kalaro na nila ito dahil palagi itong tumatakas sa mga magulang para raw napapansin ng sariling ama.
Oo, si Fordd ay isang mayaman din na sana ay kinaiinisan niya pero kasi ay papansin ito na mahirap namang hindi mapansin.
"Naku, crush na crush mo talaga si Tisoy ah!" buska ni Reyna sa kaniya.
"Uy, hindi ah!"
"Huuu, 'wag ako, Enang, alam na alam ko 'yang pag-aayos ayos mo ng buhok na 'yan..."
Naikutan na lang niya ng mga mata ang kaibigan.
"Enang!" Ang pinag-uusapan nila ay bigla na lang sumulpot mula sa kung saan.
"Uy, Ford, hi!" Kiming bati ni Euna rito.
"Hindi sumagot si Fordd. Basta na lang nitong inabot ang isang kung anong bagay na naka- paper bag.
"Ano 'to? Pagkain?" Excited na turan niya.
"Buksan mo na lang."
Payong! Ang gandang payong!
"Wow naman! Ang gandaaa! Balita ko ay mamahalin 'to sa palengke kasi uso," tukso ni Reyna sa kaniya nang makapagpaalam na si Fordd sa kanila.
Six hanggang seven PM mass ang palagian na pinupuntahan ng pamilya ni Fordd sa simbahang iyon. Sabi nito sa kaniya, kaya raw minsan ay maaga itong nagsisimba talaga dahil ang kasama ay ang lolo nito at hindi ang mga magulang.
Ganoon si Fordd, sa tuwing kasama nila ito ay ang sariling pamilya ang siyang bukambibig nito.
"Huy, hindi mo na naalok ang natira mong Sampaguita, natulala ka na sa regalo niya!" panunukso ni Reyna sa kaniya nang makaalis na si Fordd sa harap nila.
HALOS hindi niya mabitiwan ang regalo na iyon sa kaniya ni Ford. Sobrang saya ng puso niya na ewan niya kung bakit ganoon ang kaniyang nararamdaman, e, hindi naman ito ang unang beses na nakatanggap siya ng regalo mula sa batang lalaki. Pero sigurado siya, ito ang unang beses na sobrang saya niya nang makatanggap ng regalo. Siguro, dahil sa espesyal sa kaniya ang nagbigay.
Espesyal na talaga sa kaniya si Fordd dahil gustong-gusto itong nakikita ng mga mata niya.
"Enang, matulog ka na," pukaw sa kaniya ng nanay niya nang mapuna siguro nitong hindi pa siya tulog.
Magkakatabi sila ng higa at siksikan sa papag kaya imposible na hindi siya nito makitang gising.
"Opo, 'Nay," tugon na lang niya.
Kaso ay kahit anong gawin niya, hindi siya makatulog sa excitement na kaniya pa rin nararamdaman.
Hanggang sa narinig niyang may sumisipol sa labas ng bahay nila...
Namilog ang mga mata niya, sigurado siyang si Reyna iyon!
"Bakit? Gabi na ah," aniya kaagad kay Reyna nang makalabas siya ng bahay nila at nasiguro niyang ito nga ang sumipol.
"Gabi na pero gising ka pa talaga?" nanunukso ang tonong sabi sa kaniya ni Reyna. "Pinuntahan kita, malamang kako ay gising ka pa dahil siguradong kinikilig ka pa rin."
Ano raw?
Pinaikutan na lang niya ang kaibigan ng mga mata. "E, ba't nga?"
"Tara, perya tayo! Gusto ko talaga ang pitsel na kulay orange e, baka makuha ko na ngayon!"
Buntonghininga na lang na tumango siya sa kaibigan. "Sige, sige na, teka. May itatago lang ako sandali."
S'yempre, itatabi niya muna ang ibinigay na regalo sa kaniya ni Fordd sa isang lugar na alam niyang hindi magagalaw ng sino. Oo, kahit gabi na ay minsan kasi nagigising ang pamangkin niya kaya hindi niya puwedeng iwan iyon sa papag baka mapaglaruan.
"Naku naman, sa puno pa talaga itinago!" hindi makapaniwalang bulalas ni Reyna, tatawa-tawa.
"Oo e, baka magising ang pamangkin ko at mapaglaruan." Ang mga puno naman kasi na naroon ay ginawan nila ng pinto ang mga butas sa bandang ugat, iyon ang taguan nila ng chalk sa tuwing naglalaro sila ng piko.
SOBRANG saya lang sa feeling kapag nanalo ka sa perya. Lalo kung nanalo ka nang wala kang nagastos! Napahagikgik na ani ni Euna sa isipan niya.
Tinatahak na nila ni Reyna ang daan paauwi.
"Sabi ko na nga ba ay makukuha ang pitsel na 'to ngayon!" masayang bulalas naman ng kaibigan niya.
Nakangiting nilingon niya si Reyna. "Salamat nga pala rito, may bago na kaming kulambo at kumot." Ang mga iyon kasi ang napanalunan ni Euna.
"Naku, nang dahil sa 'yo kamo ay nanalo tayo."
"Ha?"
"Inaya kita kasi alam kong masaya ka ngayon dahil sa regalo sa 'yo ni Fordd. Alam mo bang sabi nila, 'pag ang isang tao raw ay masaya, ang mindset niya ay puro positibo lang ang laman. Kaya hayan, hakot awards tayo ngayong gabi."
Naghagikgikan sila pagkuwan. Madalas kasing magbasa ng kung ano-ano si Reyna kaya gano'n ang mga sinasabi nito.
Pero ang hagikgikan nilang ay natigil nang malayo pa lamang sila sa riles ay naulinigan na nila ang pagkakagulo ng mga tao.
May pagtatakang nagkatitigan sila sa isa't isa, bago sila sabay nang tumakbo papunta sa riles.
Nakakapanghina...
Nang datnan nila ang riles nang gabi na iyon ay hindi na iyon isang normal na riles na kahit alam nilang mahihirap ang mga nakatira ay masasaya naman ang mga tao.
Isa na iyong malaking usok na tila nagsasabing wala na ang riles, na dapat nang maglaho ang mga bahay sa riles.
Nilalamon na ng malaking sunog ang lahat ng kabahayan sa riles...
Ang masaklap, maging ang mga nakatira roon ay hindi pinalampas ng malaking sunog na iyon...
"UNGH..." daing ni Euna sa nangalay na mga braso. Nakatulog pala kasi siya nang nakayukyok sa sariling mga braso.
Nalingunan niya si Reyna na nakanganga pa sa sofa. Doon na sila inabot ng antok pala pareho.
"Reyna... gising, huy, alas singko na..."
Kailangan na nilang kumilos. Alas siete kasi sila magbubukas ng tindahan nila sa Dangwa.
"Reyna..." Inuga-uga na niya ang pisngi at braso ng kaibigan upang magising ito.
Umungol naman ang kaibigan niya, tanda na papagising na. E, may kalikutan talaga ito kahit tulog kaya nang mag-inat ay nasagi ang mga bagay na nasa ibabaw ng mesa. Nag-ingay iyon nang mahulog kaya tuluyan nang dumilat si Reyna at bumangon.
"Ay, sorry! Anong oras na ba?" balikwas na bangon ni Reyna.
"Alas singko na. Nakatulog na pala tayo rito," sagot ni Euna. Siya na ang nagsimulang dumampot ng mga nahulog sa sahig.
"Oo nga." Humihikab na sabi ni Reyna, nakidukwang na rin ito sa kaniya upang pulutin ang mga gamit na nasagi. "Eto pa, 'yong payong, o, Enang."
Natigilan si Euna. Matagal na niyang hindi naririnig ang pet name niyang iyon. Nang magkaisip siya ay pinagbawalan na niya ang mga tao sa paligid niyang tawagin siyang ganoon at kapangalan kasi iyon ng sikat na Japayuki na kapitbahay nila sa riles dati.
"Magtimpla muna ako ng kape natin," ani Reyna, tumayo na ito mula sa kinauupuan.
"Reyna... si Red..."
Nakangising nilingon siya ni Reyna, "Ay mahal mo. Oo, alam ko naman na 'yon."
"Hindi! Si Red, kay Red galing ang payong na 'to. Siya si Fordd!"
MALALIM ang buntonghininga na pinakawalan ni Red nang mapag-isa na naman siya sa office niya.
Oo, nakabalik na nga siya sa trabaho. At sa tuwing mapag-iisa siya sa kaniyang opisina, iisa lang naman ang pinaglalaro niya sa kaniyang isip—si Euna.
Siguro ay kailangan ng space ni Euna kaya hahayaan na niya muna ito. Lately kasi ay aaminin niyang nahihirapan siyang suyuin ito. Matindi talaga ang galit nito sa mga Henson. Na kung ilalagay naman niya ang sarili niya rito ay kahit siya rin naman ay magkakaganoon.
Hahayaan niya lang ito sandali habang ginagawan niya ng paraan ang pagkakalutas ng problema nito sa mga Henson. Habang ginigisa niya si Don Vladimir Henson sa mga kalokohan nito.
Haist, kung hindi lang niya talaga lolo ang matandang iyon ay nahamon na niya ito ng suntukan sa inis niya.
"How are you, Red?" Ang pinsan na si Haya ang nalingunan ni Red nang mag-angat siya ng tingin.
"Hey, what's brought you here?" bati niya rin dito.
"Ang lapit lang pala ng nilipatan ng girlfriend mo, grabe!" bulalas naman ni Grey, kasunod pala ito ni Haya. "Walking distance lang mula sa riles, naka-kotse nga lang kami kaya hindi na kami naglakad," pagbibiro pa nito, saka maingay na nilapag sa mesa niya ang tangan nitong folder na may nakasulat na: Euna Del Fierro.
Oo, hindi naman niya tinigilan ang pagpapa-imbestiga kay Euna. Gusto niya kasing makasiguro na okay ito until now. Wala siyang galit na nakakapa sa dibdib niya sa kaalaman na nagpabayad ito sa lolo niya. Umaasa rin siya na sana ay isang araw, ganoon din si Euna sa kaniya dahil wala na naman silang magagawa sa nangyari na sa nakalipas.
Tapos na iyon. Ang kaya na lang niyang magawa ngayon bilang CCEO ng malaking kompanya ay ihingi ng tawad ang pamilya niya on his behalf at ayusin ang gulong ginawa ng mga ito sa abot ng kaniyang makakaya.
May punto naman sila Reyna, na ang mayayaman lang ang pinapanigan ng batas sa bansa kaya nga hanggang ngayon ay malaya pa ang Uncle Vincent niya na siyang nagpasunog ng riles noon. Nalaman niyang ang huli pala ang nag-utos niyon at hindi ang lolo niya. Kaya nga sana gusto niyang makausap si Euna at maging ang mga taga riles na minsan naging bahagi ng buhay niya upang maipaliwanag niya sa mga ito ang katotohanan tungkol doon.
Malaki na rin naman ang pinagbago ng Uncle Vince nila.
"Sinamahan ko na si Grey papunta sa 'yo para matulungan kita," wika ni Haya, nagtaas-baba pa ang mga kilay na may korte.
Tinaasan niya lang ng kilay ang pinsan niyang brat. Kung ang plano nito ay maglaro na naman, maigi nang sa kilay pa lang ay malaman nitong wala siyang balak i-tolerate iyon.
"Don't look at me like that!" Lukot ang ilong na reklamo kaagad ni Haya kay Red, pabiro pa siyang dinuro.
Tumawa si Grey. "Pakinggan mo muna. Sinama ko nga si Haya kasi may point naman siya."
Bumuga siya ng hangin ay diretso napasandal sa swivel chair niya. "H, wala akong oras para sa mga laro mo ngayon."
"At least hear me out," ani pa ni Haya sa kaniya. Nang hindi siya kumibo ay nagpatuloy na ito sa pagsasalita. "Babae rin ako, Red. I know how to deal with Euna more than you."
"Ah, really?" hindi man sinasadya ay nagtunog sarcastic ang namutawi sa mga labi ni Red.
"Haya's has a point, Red. Mas maalam niyang i-handle si Euna than you dahil babae rin siya," si Grey naman ang nagsalita, inulit lang ang sinabi ni Haya.
Nakatikim sa kaniya ng isang tingin na tinatamad makinig ang mga pinsan niya.
"Yes, babae ka rin. Pero aware ka ba na ibang klaseng babae si Euna? Iba siya sa iba. She's unique..." aniya na lamang sa mga pinsan.
"At sa tingin mo talaga ay hindi ko 'yan alam?" Nakapewang na hirit pa ni Haya sa kaniya. "Red Henson, ihanda mo ang bulsa mo sa hihingin kong kapalit!"
"Hindi pa ako sumasang-ayon sa mga plano mo, Haya, please leave me alone."
Pagak na tumawa si Grey. "Maiwan ka na namin nang mabasa mo na 'yan," anito, tinuro ang folder na kanina'y nilapag sa mesa niya.