20: Finale

2759 Words
"VINCENT Hen...son ang pangalan ng nagligtas kay Arabella...?" "A—Ano?!" Kaagad na hinaklit ni Euna ang papel na hawak ni Reyna. At doon nga ay nabasa niya nga rin mismo ang pangalan ng lalaking puno't dulo ng galit niya sa mga Henson. Nang mag-research siya tungkol sa Henson Builders Corp. at tungkol sa sunog noong bata pa lamang siya ay napagtanto niyang si Vincent Henson ang nag-utos sa mga tauhan nito na kapag hindi nakuha sa maayos na pakiusap ang mga taga riles ay sunugin iyon at huwag mag-iwan ng bahay kahit may mamatay pa. Kilalang salbahe sa negosyo at salbahe sa personal daw ang tiyuhin na iyon ni Red. May nabasa pa siya sa mga article sa internet na nagkaganoon lang naman daw ito buhat nang iwan ng asawa at ipagpalit sa kapatid pa mismo. Sa bastardong kapatid na lalaki pa nga. "N—Nakakagulat naman..." sambit ni Reyna. Maging siya ay nagulat sa nalaman. "Ah, ang mabuti pa ay papasok na 'ko sa k'warto muna ni Arabella. Ikaw? Tutuloy ka ba sa mga Henson? Isasauli mo ang pera, hindi ba?" Tinanguan niya ang kaibigan. "Oo. Sige, sige na," taboy niya kay Reyna pagkuwan. Nanggaling sa mall ang mga pamangkin niya at nakalingat si Nica at hindi napunang naiwan sa labas ng tindahan niya sa Dangwa si Arabella. Kamuntikan na ngang masagasaan si Arabella at iniligtas ng kung sino na hindi na nila naabutan sa komosyon. Nagdiretso na kasi sila sa St. Jude Hospital kung saan itinakbo ang pamangkin niya ng duktor na si Doc Alfa. Kinailangan na ma-admit ang pamangkin niya dahil sa trauma na natamo nito sa nangyari. Nang humupa ang tensyon at kaba, nabanggit ng duktor sa kanila na dead on arrival ang taong nagligtas sa kaniyang pamangkin. Na si Vincent Henson nga. Nakakabigla, sobra. Lapit sa akin at huwag matakot... ka... Araw ay sisikat, may bagong liwanag, hindi ka nag-iisa... Napakurap siya nang marinig niya ang tugtugin na iyon na kung noon niya narinig ay babalewalain lang niya panigurado pero dahil angkop iyon sa k'wento nila ni Red, kada maririnig niya na iyon ay napapatda siya. Napakurap siya at nang maramdaman niya ang mga luhang naglandas sa kaniyang pisngi lang niya nalaman na umiiyak na pala siya. "Bakit po kayo umiiyak?" untag sa kaniya ng isang batang babae na may hawak na cellphone kung saan nagmumula ang kanta ng mahusay na singer na si Yeng. Napalunok siya. Parang may bumikig pang lalo sa lalamunan niya nang mapagtanto niyang may suot na wig ang batang babae. Kaya nga ba ayaw niya sa ospital e. Dahil sa mga ganitong tagpo. "Iniwan kasi ako ng boyfriend ko e," biro niya sa bata. "Sa ganda niyo pong 'yan, iniwan niya kayo? Ah, alam ko na, mukha na po kasi kayong tita sa suot niyo e, kaya gano'n." "H—Ha?" napatda siya sa tinuran nito. "Opo, mukha na kasi kayong tita. Certified Tita," pag-ulit pa ng batang babae. Oo, nalait pa nga siya ng bata! "Shocks, hindi pa naman nagsisinungaling ang mga bata." Nalingunan niya ang nagsalitang iyon na si Venus. "Euna, right? Ikaw 'yong owner ng flower shop d'yan sa labas, hindi ba?" Tpid na tinanguan niya ang bagong dating. "Ako nga." Nakasuot si Venus ng black cotton bodycon dress at white expensive rubber shoes. Kahit sino ay mapapalingon sa gara ng bihis nito. Kumpara nga naman sa kaniya na nakasuot lang ng simpleng shirt na nabili niya lang sa palengke— nakamaong na pantalon siya na tinernuhan niya lang ng simpleng doll shoes. Kalimitan na kasuotan lang naman niya iyon sa pang- araw-araw, kaya siguro nasabi ng batang babae na mukha na siyang tita. "Ang ganda niyo po!" puri ng batang babae kay Venus bago ito akayin na ng obviously ay nanay nito na nilapitan sila't tinawag ang bata. "See? Hindi talaga nagsisinungaling ang bata." "Oo na. 'Ganda mo na," paismid na wika na lang ni Euna kay Venus. Pinasya na lang din niyang talikuran ito. Naramdaman niya itong sumunod sa kaniya. "Euna, alam mo ba na excited na 'ko sa birthday ni Red." Hindi niya maiwasan na matigil sa paglalakad pagkabanggit nito sa pangalan ni Red. "A—Ah, 'yong pagbibigyan niyo po ng bulaklak, Madam?" kunwari ay pag-recall niya. "Yes. Excited na 'ko for his birthday kasi baka maging kami na that day." Okay, hindi niya napaghandaan ang tila maliliit na karayom na tumusok sa puso niya bigla. "Uhm, g—good po. At least, hindi na kayo single after his birthday," 'yon lang ang nakayanan niyang isagot dito. Pakunwari ay hindi siya affected, "S—Sige po, mauna na 'ko," paalam na lang niya rito pagkatapos. "Wait," pigil sa braso niya ni Venus. Mariin na napapikit na lang siya. Gusto niya na itong iwasan pero bakit sunod naman ito nang sunod sa kaniya? "Bakit, Madam?" patay-malisyang tanong na lang niya rito. "Parang naaalala kasi kita. Ikaw 'yong nakasagi sa akin sa mall, 'di ba? Oo, ikaw nga 'yon!" "Madam—" "I knew it! Ikaw ang ex-girlfriend ni Red?!" Legit naman na nagulat si Venus sa pandinig ni Euna. "Madam, kasi..." Teka nga, bakit ba kasi nasa ospital rin ito? "Sabi ko na kaya ka pamilyar sa 'kin e!" "Ah, kasi ang totoo niyan—" hindi na niya natuloy ang dapat ay sasabihin pa niya kay Venus, nang ibuka niya kasi ang bibig niya ay nagulat na lang siya nang may magtakip sa ilong niya ng puting panyo na nakakasiguro siyang may lason! Ang tili ni Venus ay nabitin din sa pandinig niya dahil unti-unti na siyang nahilo sa gamot na nasa panyo. Teka, huwag kang pipikit, Euna, ang isang milyon ni Don Vladimir, nasa bag mo! ANG mga pamangkin niya. Ang bulaklakan niya. Si Reyna. Si... Red... Ang mga iyon ang nasa isip ni Euna ngayon habang nakapiring siya at unti-unti nang nahihimasmasan mula sa nakakahilong amoy ng kung anong itinapat sa ilong niya ng kung sino lalaki. Oo, namataan niya pa ang braso niyon kanina, braso iyon ng isang lalaki, nakakasiguro siya. Nang balikan siya ng ulirat, kahit hilo pa ay alam niyang nasa loob siya ng isang kotse. Umaandar na kotse. Ilang oras ba siyang nawalan ng malay? "N—Nasaan ako? Saan niyo 'ko dadalhin?" Patlang. "Nasaan si Venus? Hayup kayo! Kunin niyo na ang isang milyon na nasa bag ko, sige, huwag niyo lang akong gagahasain!" Another patlang. Pero ibang klaseng patlang na ngayon at tila may narinig siyang pagpipigil na tawanan...? "Nakakatawa pa kayo, ha!" winasiwas niya ang mga paa niya at pinagsisipa ang mga tao na sigurado siyang nasa harap niya. Oo, sigurado rin siya na nasa harapan ang mga kasama niya ngayon sa kotse dahil hindi naman nagmula sa tabi niya ang impit na tawa na kaniyang narinig. "Mga gago— aray!" daing niya, bigla kasing huminto ang sinasakyan niya, sumubsob tuloy siya sa sandalan ng upuan sa harap niya. Huminto na ang kotse pagkatapos niyon. Naramdaman niyang nagbabaan ang mga kasama niya sa loob ng sasakyan. Shet, dito na yata nila 'ko gahahasain at... at... mga gagong 'to, akala nila ay mangyayari 'yon? Hah! Makikita nila! Narining niya ang pa-click ng pinto ng kotse sa kanang bahagi niya, indikasyon na bumukas iyon. Awtomatiko ang ginawang pagkilos niya, marahan din siyang inakay ng kung sino pababa sa sasakyan. She gritted her teeth. Hindi niya inakala na ang isang milyon pa ang maglalagay sa kaniya sa ganitong sitwasyon. Malambot ang nilalakaran nila. Tila d**o. Napo-proseso iyon ng isip ni Euna dahil pinilit niyang kumalma. Pinakikiramdaman niya ang paligid kahit nakapiring siya. Sigurado siya, wala ang pabango ni Venus sa mga pabangong naaamoy niya kanina pa sa kotse. Putsa, plano niya lang na makipagkita kay Don Vladimir, tinawagan niya pa ito kanina. Nagkausap na sila at pumayag na nga ang don. Nang ikalawang beses niya itong tawagan ay hindi na niya ma-contact, 'yon pala ay namatay ang anak nito na si Vincent. Ah, bakit ba parang ang daming naganap sa loob lang ng isang araw? Ang konsolasyon lang niya ay ligtas na ang pamangkin niya sa kapahamakan. Salamat kay Vincent Henson. Oo, hindi niya inakala na darating ang araw na pasasalamatan niya ito pagkatapos niyang kamuhian ito sa halos buong existence niya. Simple lang, sa nangyari kasi kay Arabella, sa pagdating ni Venus sa flower shop niya upang ipaalala sa kaniya ang birthday ni Red, sa pagkakadukot sa kaniya ng kung sino ngayon, isa lang ang tumimo sa isip niya: Na mas mahalaga ang ngayon sa nakalipas. Kung hindi sana siya nag-inarte, sana ay hindi mangyayari sa kaniya ito dahil mananatiling wala siyang isang milyon. Iyon lang naman ang nakikita niyang rason sa pagdukot sa kaniya, mukhang natiktikan siya ng kung sino. Pero hindi, hindi rito magtatapos ang buhay niya. Kailangan pa niyang makausap si Red. Kailangan pa niyang maawat ito at si Venus sa pagkakaroon ng relasyon! Isip, Euna, isip... "Nandito na tayo," pukaw sa kaniya ng taong may hawak sa braso niya, lalaki nga. Ang weird lang na ang lambing ng tonong ginamit nito sa kaniya... "O, nagawa na namin, alam mo na ah," sabi pa nito, nakakatiyak niyang hindi na sa kaniya sa pagkakataong iyon—baka sa master nila! Binitawan na siya nito pagkatapos. Napakunot-noo siya nang maramdaman at maulinigan niyang naglakad ang lalaki palayo kasama ng tiyak niyang kasama nitong dumukot sa kaniya. "Hoy! Putang— alisin niyo ang piring ko! Kalagan niyo ang pulso ko! Paano ko mahaharap 'tong boss niyo, ha?!" asik ni Euna sa mga lalaki na ramdam niyang nakatalikod na pero sinigawan niya pa rin. Ang impit na tawa ng mga lalaking iyon kanina sa kotse ay natuloy ngayon. "Ms. Euna, huwag kang masyadong maingay at magagahasa ka ngang tunay niyang boss namin, sige ka!" Tawanan ang sumunod na narinig na naman niya. Doon na siya nakatiyak na hindi ito normal na dukutan... "Kalagan niyo 'ko!" hiyaw niya sa mga ito. Tumigil lang siya sa pagsigaw nang maramdaman niyang may tao na sa kaniyang likuran. "Kahit nakapiring ka na, napakatapang mo pa rin," ani sa kaniya nang taong nagtanggal ng tali sa mga pulso niya. Sa nagkikiskisan niyang mga ngipin ay agad niyang inalis ang telang nakapiring sa kaniyang mga mata. Napagtanto niyang tamaa ang hinala niya nang salubungin siya ng mga matang iyon na kay tagal niyang hindi nakita. "Kahit kailan ka talaga!" Pagpingot kay Red ang ginanti niya sa pagdukot na ginawa nito. "Ouch!" daing nito. "Ikaw lang pala, bakit may pagdukot ka pang nalalaman?!" Himas ni Red ang sariling tainga habang tatawa-tawa. Pagkuwa'y nataranta nang walang kaabog-abog niya itong talikuran. "Teka, wait, I'm sorry, Babe." "Babe-in mo 'yang mukha mo!" Huminto siya at dinuro ang lalaking siraulo. Saka nagmartsa ulit siya patalikod. Nakakainis ito, ipinadukot pa siya, pinakaba pa siya! "Sorry na..." Kaagad na nakaagapay si Red sa kaniya, isa pang nakakainis iyon. Nakaagapay na nga, nakayakap pa! "Na-miss kita," malambing na bulong nito sa kaniya. "Miss mo'ng mukha mo..." papiyok niyang tugon kay Red. Ewan ba naman niya kung bakit para siyang maiiyak bigla. Gaya nang nakagawian na paglalambing ni Red sa gano'ng puwesto noon sa tuwing yakap siya nito ay ipinatong nito ang sariling baba sa balikat niya at sinimsim ang leeg niya. Mas lalo lang naman na nag-init ang sulok ng mga mata ni Euna sa ginawa ng CCEO. Oo, iyon pala ang puwesto sa Henson Corp. ng nakilala niyang rider. Siyempre pa ay kasama iyon sa mga nakalap niya sa mga Henson. "Babe, I'm sorry, pinadukot kita kasi alam ko naman na hindi ka sasama sa 'kin kung sakali na kulitin na naman kita." Iniharap siya nito at pinahid ang mga luha niya. "Hindi ko alam kung paano akong hihingi ng tawad sa 'yo. Sa tingin ko kasi ay walang kapatawaran ang nangyari sa pamilya mo noon dahil sa utos ni Uncle Vincent. Siguro ay mana ako sa kaniya dahil makapal ang mukha kong sabihin sa 'yo ngayon na baka puwedeng kahit siya ang tiyuhin ko, na kahit ang pamilya ko ang naging rason sa pagkawala ng pamilya mo ay baka puwedeng 'wag mo nang idamay ang sa atin sa nangyari sa nakaraan." "P—Patay na ang t'yuhin mo, Red..." "I know, binalita sa 'kin ni Grandpops kanina. Nalulungkot ako sa pagkamatay niya kahit hindi naman kami close. Walang ka-close sa family namin 'yon. Aloof kasi siya at stiff. But then, sabi nga ni Grandpops, baka naman dahil sa pagkamatay niya, sa pagliligtas niya kay Arabella ay magkabati na tayo." Pagak na natawa si Euna. Bati? Ano, bata? "Bakit tayo magkakabati, e, ayaw nga ng lolo mong hambog sa 'kin. Teka pala, gago ka! Nasaan na ang isang milyon?!" "I—Isang milyon?" nagtatakang tanong nito. "Isang milyon, oo! 'Yong pera na binigay ng lolo mo, nasa bag ko 'yon, isasauli ko na nga e!" "Nasa bag mo?" "Ay, tange! Hoy, lutang ka ba? Nasa bag nga! Akala ko nga kaya ako nadukot kanina ay dahil do'n e— at, teka, may isa pa pala, si Venus, nasaan siya? Saka naalala ko, magiging kayo na raw ni Venus sa birthday mo!" "Si Venus?" nagtatakang tanong ni Red. "Magiging kami raw ni Venus? Talaga lang— aw!" malakas na napahiyaw na lang siya nang pingutin na naman ni Euna ang tainga niya! Tang na juice, magiging under pa yata siya 'pag nagkataon! "Paulit-ulit ka! Oo nga, 'yon ang sabi niya. Magiging kayo na raw sa birthday mo!" gigil na sambit ni Euna habang walang tigil na kinurot na siya nito. Umiilag man sa kurot ay natawa siya. Hinuli niya ang mga palad nito. "Relax, ang bayolente mo talaga." "E, sa nakakainis ka kasi!" Nakangusong ani Euna sa kaniya. "Nag-order pa si Venus ng bonggang flowers para ipangregalo sa 'yo, 'no!" Lumakas ang tawa niya. Kinabig niya ito palapit sa dibdib niya. "Listen, sa tingin ko, ang mga ginawa at sinabi ni Venus sa 'yo ay kagagawan ng pinsan kong si Haya." Naalala kasi niya ang sinabi sa kaniya at pinipilit ng brat niyang pinsan nang nakaraan. "Paano naman kasing mangyayari na magiging kami no'n, e, ang pinsan kong si Grey ang kinukulit niya magmula nang kinder days nila." "Seryoso ba 'yan?" "Uh—huh." "Nasa ospital din siya kanina." "Ang mga pinsan kong si Grey at Blue ang dumukot kasi sa 'yo. Malamang, inimbita na naman ni Venus ang sarili niya sa St. Jude dahil nalaman na naman niyang nando'n su Grey." Napamulagat si Euna. "Gano'n kagrabe?" "Gano'n kagrabe ang pagkagusto niya kay Grey. 'Yaan mo, makikilala mo sila, soon." "Okay." "Okay?" "Okay, sige, tayo na ulit." Nahiya yata ang dila niya, malawak na lang kasi siyang napangiti habang nakatitig sa babaeng nang una niyang makita ay napatibok na ang kaniyang puso... "May sasabihin ka ba?" udyok sa kaniya ni Euna, nainip na yata nang manatili lang siyang nakatitig sa mukha nito. "Alam mo ba na noong una kitang makita sa riles ay ikaw ang nailagay ng isip ko sa blankong canvas ni Uncle Vincent..." "Nagpipinta siya?" Tinanguan niya si Euna. "Noong bata pa raw siya. Nang tumanda na kasi siya, parati ko na lang siyang nakikita na nakatitig sa halos blankong canvas niya. May pinta na kasi iyon na riles at halatang kulang." "Kinulangan niya?" "Siguro," kibit-balikat na tugon ni Red. "Naalala ko ang canvas niyang 'yon nang unang beses kitang makita na nasa gilid ng paparating na tren sa riles. g**o-g**o ang buhok mo, pagod na pagod ka, may bitbit na backpack at naninigarilyo." "Amg pangit ko pala no'n!" "Conceited. Siyempre ay hindi." "Weh?" "Ikaw ang na-imagine ko na nawawalang imahe sa blankong canvas na 'yon ni Uncle Vince because your struggling face that time says life is like photography, kailangan ng mga negatibo para makausad at makasabay." "Pick up line ba 'yan?" Sabay silang natawa sa biro nito. Pinisil niya ang maliit na ilong nito. "Hindi nga, seryoso, that time kasi ay hirap na hirap ako sa pagiging rider. Then you came, nakita kita. Ang magandang struggling face mo that day." "O sige na, naniniwala na 'ko." "Good. So, pa-kiss na? Because Euna Del Fierro, you don't know how much I love you." "I love you too, Red. Kahit Henson ka, sige na." Sa tagal niyang naging girlfriend si Euna, at sa dami na ng halik na pinagsaluhan nila, iyon lang yata ang masasabi niyang tumagos sa kaniyang kaluluwa... Tila kasi sinasabi ng halik na iyon na magmula sa araw na iyon ay magkabigkis na sila, sa puso at kanilang mga kaluluwa. • • • The End • • • Thank you for reading! Remember~ Trust is the most expensive thing in the world :) ©LUNAMARGARET

Great novels start here

Download by scanning the QR code to get countless free stories and daily updated books

Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD