KINABUKASAN maagang nagising si Sam upang makauwi sa kanilang mansion at makita si Graciela, naroon pa rin naman sa mansion nila ang kaniyang damit sa pagpasok sa opisina. Hindi niya nakatabing matulog si Gareth sa magdamag, hindi niya alam kung saan ito natulog dahil hindi niya naramdamang bumalik ito sa silid matapos umalis, ngayong umaga naman ay wala rin ito. Nakakatawa, pero hindi ganitong kasal ang pinangarap niya.
Pababa siya sa matarik na hagdan nang sa kalagitnaan ay makasalubong niya si Gail na paakyat naman. Halatang kakauwi lang nito at may dala pa kasing bag. Mukhang galing din ito sa party dahil na rin sa gayak nito. Matalas ang tingin nito sa kaniya nang magkatinginan sila.
"G-Good morning." Pinili pa rin niya itong bati'in kahit alam naman niyang hindi siya nito papansinin.
Tumigil si Gail sa tapat niya. "Mula kagabi ay sira na ang mood ko. Hangang ngayong umaga ba naman? What are you doing here?" Mataray na sabi nito sa kaniya. Makikita talaga ang inis at galit nito sa kaniya.
Pilit siyang ngumiti. "Gareth took me here yesterday," malumanay niyang tugon sa babae.
Pagak itong tumawa. "Huwag mong sabihing dito ka ititira ni Kuya Gareth?" Pauyam ang tinig nito.
Hindi siya kumibo.
Pinagkrus ni Gail ang kamay sa harapan at pinagmasdan siya mula ulo hangang paa. "Will you stop pretending, Sam? Huwag kang umakto na parang mabait ka, the truth is you are a b***h! Sayang nga lang at hindi mo maalala gaano ka kasama dahil may amnesia ka nga pala," anito na tila ininsulto pa siya sa huling sinabi.
Kahit pa gustong gusto na ni Sam na patulan ito, mas pinili na lamang niyang magpasensya. Naisip niya, siguro sadyang grabe ang naging kasalanan niya sa pamilya ni Gareth noon kaya ganito na lamang ang galit ni Gail sa kaniya.
"Mauuna na ako," paalam niya sa babae at ipingpatuloy ang pagbaba.
Ngunit hinila ni Gail ang braso niya.
"Hindi pa tayo tapos mag-usap!" Gigil na sabi nito sa kaniya.
"Gail!" Boses ng ina ni Gareth na ngayon ay paakyat sa hagdan.
Agad na binitawan ni Gail ang braso niya at pinaikot ang mga mata.
"Mauuna na po ako," paalam niya sa ginang na tila walang nangyari. Tumango ang ina ni Gareth.
Tho, alam niyang hindi siya gusto ng mga magulang ni Gareth, hindi naman siya binabastos ng mga ito, hindi gaya ni Gail na halos lamunin na siya. Nagmamadali siyang bumaba sa hagdan upang makaalis na sa pamamahay na iyon.
"Ano ba ang ginagawa mo!"
Dinig pa niyang sita ng ginang kay Gail habang palayo siya. Hindi na niya narinig ang sagot pa ni Gail dahil malayo na siya. Pinipigilan niyang maiyak, kailangan niyang magtiis upang maisalba ang kompanyang tanging ala-ala na lamang sa kaniya ng kaniyang ama. Kapag nakabawi na siya, siya na ang kusang lalayo kay Gareth at sa pamilya nito. Sa ngayon ay kailangan niya ang oportunidad na binigay ni Gareth upang makabangon.
*******
"MOMMY!" Isang sabik na yakap ang sinalubong ni Sam mula kay Graciella. "Mommy bakit hindi ka umuwi kagabi? I missed you!" Nanghahaba pa ang nguso nito nang sabihin ang mga salitang 'yon.
Niyakap niya ng mahigpit ang anak. "Sorry anak may inaasikaso lang ako, sorry," habang yakap-yakap ang anak ay sinasabi niya iyon. Hindi niya alam paano ipapaliwanag kay Graciella ang sitwasyon.
"It's okay mommy. Ang importante, you're here!" Tsaka siya hinalikan ni Graciella sa pisngi.
"Saan ka galing, Sam?" Usisa ni Doña Thesa na galing sa kusina.
Kinarga niya si Graciella at hinarap ang ginang.
"Nagkaroon lang ng konting kasiyahan ang mga tao sa opisina, hindi na po ako nakauwi dahil gabi na masyado nang matapos," pagsisinungaling niya. Ayaw niyang sabihing ikinasal na siya kay Gareth. Ayaw niyang pag-usapan ang bagay na iyon at tiyak na magagalit ito dahil hindi man lang nagsabi na ikakasal na siya.
"Ganoon ba? Mag almusal ka na," anito sa kaniya na tila naniwala naman sa sinabi niya.
"Sige ho. Maliligo lang ako," paalam niya at umakyat sa hagdan habang karga ang anak.
Inihatid niya si Graciella sa silid nito kung saan dinatnan niya si Toneth na naglilinis ng silid ng bata.
"Good Morning, Ate Sam. Kagabi po ay hinahanap ka ni Gracie," imporma nito habang nakangiti.
Malungkot na ngumiti si Sam at muling niyakap ang anak. Dapat ng masanay si Graciella na simula ngayon ay hindi na muna siya nito makakasama sa pagtulog.
"Maglaro ka muna anak at maliligo lang ako, okay lang ba?" Kausap niya rito na agad namang pumayag.
Inilapag niya ito at pagkatapos ay hinarap si Toneth.
"Toneth may sasabihin lang ako," tawag niya sa yaya ng anak na agad namang lumapit sa kaniya.
"Ano ho 'yon?"
Bumuntong hininga siya at ipinaliwanag kay Toneth ang sitwasyon na ikinagulat nito.
"Tsaka ko na lang ipapaliwanag kung bakit napunta ako sa ganitong sitwasyon. Ang gusto ko lang ngayon ay sa'yo ko ipagkakatiwala si Gracie kapag wala ako rito. Alam kong hindi mo siya pababayaan. Ayaw kong sabihin sa kaniya dahil hindi niya maiintindihan..." Hindi niya maipagkakatiwala kina Doña Thesa at Carmela ang kaniyang anak. Puro gala ang nasa isip ng dalawa at natatakot siyang mapabayaan ang anak.
Tumango-tango si Toneth at nakakaunawang tumango.
"Poprotektahan ko po si Gracie sa buong makakaya ko kapag wala po kayo. Ako po ang bahala sa kaniya. At makakaasa po kayong walang makakaalam ng sitwasyon niyo ngayon."
Nginitian niya ang babae. "Salamat, Toneth. Alam kong makakaasa ako sa'yo. This is temporary. Gagawa ako ng paraan para makasama ko ang anak ko doon."
Tumango-tango si Toneth. Nagpaalam na siya rito at akmang lalabas na sa silid nang nagsalitang muli si Toneth.
"Eh, Ate Sam may itatanong po sana ako..."
"Ano 'yon?"
"Normal lang ba sa ugali ni Doña Thesa na ako ang lagi niyang inuutusan kahit po may ibang kasambahay na nakatoka sa mga gawain sa baba?"
Nagsalubong ang kilay niya. "Ofcourse not. Si Gracie lang ang trabaho mo rito at wala kang ibang gagawin." Nasapo niya ang noo at bumuntong hininga. "Si tita talaga. Don't worry, kakausapin ko siya about this. Gusto kong tutok ka lang kay Gracie, Toneth."
"Yes po, ate."
Lumabas na siya sa silid ng anak upang makaligo na at makapasok na sa opisina. For sure, marami na namang problemang ibubungad si Martina sa kaniya. Pero unlike before mas medyo kalma na siya ngayon dahil alam niyang kikilos na si Gareth anytime upang makabawi ang kompanya. Nang matapos maligo ay pinuntahan niya s Graciella na kasalukuyang pinapakain naman ni Toneth ng almusal. Nagpaalam siya sa anak at umalis na rin.