Hindi naman ako babae so malabo nila akong bastusin. Mabuti pati sana kung maganda ang hubog ng katawan ko, di'ba? At isa pa, nakasuot ako ng sumbrero, kaya naman hindi nila ako pagtatangkaan ng masama.
Siguro advantage na rin ito ng pagiging bakla. Nakakapaglakad ako sa gitna ng dilim, sa gabi, ng hindi natatakot whether kung may mga lalaking mamanyakin ako or what. Mahirap lang naman ako at hindi mukhang mayaman kaya malabo rin akong maholdap. Hindi kaya laking-aircon ang balat ko. Hindi rin mukhang laking-aircon kaya naman hindi talaga ako mamanyakin, babastusin, o nanakawan man lang ng mga masasang loob at labas.
Pero kung sa kdrama ito, babastusin ako ng mga gagong lalaking ito, kasama nito ay may magtatanggol naman sa akin na lalaki na siyang hero ko pala sa kwentong 'to ng buhay ko.
Kaya lang nga, wala ako sa kdrama. This is like... the reality. Duhh!
Malapit na ako sa mga lalaking nag-iinom. Sa kabilang side ako ng kalsada naglalakad. Hindi sa lane kung saan malapit ko silang madadaanan. Nasa right lane sila, nasa left lane ako.
Pero bakit kaya ang lalakas ng loob na mag-inom ng mga 'to? Hindi ba naka-liquor ban dito ngayon? At isa pa, ang alam ko, bawal mag-inom sa labas, di'ba? Ibang level naman 'tong mga lalaking 'to.
Sana lang may police mobile na dumaan. Siguradong lagot ang mga lasenggero na 'to.
Halos hindi ako huminga habang naglalakad sa tapat nila. Rinig na rinig ko ang walang kontrol nilang pananalita. Mga lasing na siguro.
Ang bilis naman nilang malasing. Pasado 07:00PM pa lang pero lasing na agad? Anong oras nagsimula ang mga 'yan?
Para akong nabunutan ng tinik nang makalampas na ako sa tapat nila. Hindi ako lumilingon kasi baka mapag-initan ako. Hindi nga ako mababastos, e pa'no kung pagtripan naman ako, di'ba? Wala pa namang nakakakilala sa akin dito sa Matador.
"Sandali, miss..."
"s**t," bulong ko kasabay ng pagbagal ng paglalakad. Wala akong nagawa dahil hinawakan niya ang braso ko. Napatigil na rin ako sa paglalakad.
And ohh, miss pati ang tawag sa akin, ha.
Iniharap ako ng lalaki sa kanila. "Tumagay ka muna." Nakakatakot ang pang-adik niyang ngiti.
Sana lang hindi ako matalsikan ng laway niya. Baka may virus 'yun. Kadiri.
"Ah, hindi na po," binawi ko ang braso ko mula sa kanya. Umatras ako ng tatlong hakbang pero natigilan ako nang mapansing may tatlo pang lalaki na papalapit sa amin.
"Ang KJ naman nito," puna ng isa.
Ano nang gagawin ko? Pa'no na 'to? Nasa'n ba mga tanod ng barangay na 'to at walang nagroronda? Bwisit naman.
Napalibutan na nila ako.
"Iinom lang naman tayo, e. Ayaw mo ba?" Hinawakan ng dalawa sa kanila ang tig-kabila kong pulso.
"Ayoko!" Malakas kong sagot. Nagpumiglas ako pero sinimulan nila akong hilahin papunta sa pwesto ng inuman nila.
"Huwag ka nang maarte," saad pa ng isa sa kanila.
Hays! Hindi naman sana ako mag-iinarte kung pogi lang sana 'tong mga 'to. Kaya lang hindi, e. Hello? Mga kamukha nila ang mga kakampi ni Paquito Diaz sa mga pelikula nila ni FPJ. Yes! Mukha silang mga adik na hindi naliligo.
Pasalamat na lang ako na may face mask ako, kasi kung hindi, malamang amoy na amoy ko sila.
"Ano bang inaarte-arte niyan?" tanong ng lalaking mukhang lider na nagsabi ng quack quack nang makalapit kami sa lamesa nila.
"Ewan ko ba rito, kap," sagot ng isa sa mga humila sa akin. "Siya na nga 'tong makakalalaki, ayaw pa."
Nanlaki ang mga mata ko na may kasamang question mark.
Wow, ha. Wow! Makakalalaki? Excuse me lang!
And wow ulit? Tinawag niyang 'kap' 'yung lalaki?
"Ano ka ba, sexy, ikaw na nga 'tong iniimbita namin, e," saad no'ng tinawag na kap. Tiningnan ko siya.
Kung ang higanteng hito na 'to ang kapitan ng barangay na 'to, malamang mga tanod niya ang mga mukhang panis na pusit na lalaking nandito. No wonder why walang nagrorondang tanod. Pambihira!
"Ayoko po," kalmado kong sagot.
"Pero magugustuhan mo rin 'to mamaya," binigyan nila ako ng espasyo sa mahabang bangkuan na gawa sa kahoy para makaupo. Pero hindi! Hindi ako uupo sa gitna nila. No!
"Hindi po. Uuwi na po ako," nagpupumiglas pa rin ako. Pilit akong kumakawala mula sa kanila.
Naiinis ako. Naiinis ako sa nangyayari. Bakit naman ganito? Akala ko naman palalampasin lang nila ako; hindi papansinin.
Kung nasa kdrama lang ako, may magliligtas na sana sa akin ngayon. Pero wala, e. Wala naman ako sa kdrama.
"Sige na kasi, 'wag ka nang maarte," pilit pa sa akin ng mga mokong na 'to.
"Kuya kasi..." ewan ko ba; naiiyak ako, pero kailangan kong tapangan. "'wag ako!"
Umugong ang kantyawan mula sa kanila na animo'y namangha sa sinabi ko. Naramdaman kong lumuwag ang kapit nila sa braso ko. Now's my chance!
Pumiglas ako. Sa wakas ay nakawala ako mula sa kanila! Tumakbo ako pero bago pa man ako makalayo ay nahigit na ulit nila ako.
Kung kdrama lang talaga 'tong buhay ko, malamang may magliligtas na sa akin. Kaya lang ay hindi. Siguro isang episode sa SOCO ang buhay ko. At malamang, ang ending nito ay either nakasemento ang katawan ko, nakasako at nagpapalutang-lutang sa ilog, o kaya ay nasa loob ng maleta.
"Kap? Mukhang nagkakatuwaan tayo d'yan, a," lumingon sila sa isang lalaking nakasakay sa isang bike. Pati na rin ako syempre. Kadadating lang niya. Inalis niya ang face mask niya.
Tumahimik din ang buong paligid nang magsalita siya.
Sino siya?
"Craig, ikaw pala 'yan," tumayo ang kapitan para lapitan siya.
"Opo, kap," sagot ng lalaki. "E siya po? Mukhang hindi siya kasama sa mga tanod mo, a."
Tinuro ako ng lalaki. Nagkatinginan din kami.
"Pogi..." bulong ko. Medyo tumingin sa akin ang mga lalaking malapit sa akin.
Wait!
Is this the kdrama I am waiting for to happen? Ibig sabihin ba nito hindi isang episode sa SOCO ang buhay ko?
"Ahh wala, iniimbitahan lang namin," sagot ng kapitan.
A, talaga? Iniimbitahan lang? More like pinipilit.
"E mukhang ayaw naman niyang magpa-imbita," tiningnan ulit ako ng lalaking nasa bike. "Sige na, kap, hayaan niyo na siya."
Binitawan ako ng mga tao ng kapitan na 'to.
Lumakad ako palayo patungo sa direksyon na nilalakaran ko kanina.
"Sa susunod na mangyari pa ulit 'to, sasabihin ko na 'to kay daddy. At saka, bawal mag-inom sa gilid ng kalsada, di'ba?"
Boses pa rin iyon ng lalaki.
"Mawalang galang na kap, pero itigil niyo na po 'yang pag-iinom niyo, baka kung ano pa pong mangyari," pahabol pa rin no'ng lalaki.
Nagpatuloy lang ako sa paglalakad. Hindi ako lumilingon sa kanila o kung ano pa man. Ang pinakamahalaga sa akin ay ang makalayo na sa lugar na 'to — ang makauwi na.
"Bago ka lang dito, ano?"
Medyo lumingon ako sa kanan ko. Kasunod ko ngayon ang lalaking nasa bike kanina na siyang sabihin na natin na... nagligtas sa akin?
"Ahhh, oo, bago lang..."
Pa'no naman niya nalaman na bago lang ako rito? Psychic ba siya or something?
"Pasensya ka na kina kapitan, ha. Alam ko hindi tama 'yung ginawa nila..."
Patuloy lang ako sa paglalakad. Patuloy lang siya sa pagsunod sa akin sakay ng bisikleta niya. Patuloy lang din siya sa pagsasalita. Hindi naman niya dinedepensahan ang pambabastos ng kapitan at ng mga alipores nito, pero parang nagre-reason out siya. Ewan. Wala ako sa mood intindihin ang mga sinasabi niya.
"Salamat nga pala," tanging tugon ko na lang sa lahat ng sinabi niya.
"You're welcome," kahit hindi nakatingin ay alam kong nakangiti siya habang binitawan ang mga salitang 'yun.
"Pauwi ka na? Sa'n ka ba nakatira?" tanong pa niya.
"D'yan lang," walang kakwenta-kwenta kong sagot. E kahit naman isipin ko kung paano ko ide-describe kung saan ako nakatira, paniguradong hindi niya 'yun maiintindihan. Hindi ko rin maintindihan kung saan ako nakatira, e. Hindi rin ako pamilyar masyado sa mga kapitbahay namin.
"Ihatid na kita?" tanong niya.
Medyo napatingin ako sa kanya. Medyo tumigil din ako sa paglalakad. Dito mas namalas ko ang kakisigan niya. Pogi nga siya.
Bumalik lang ako sa senses ko nang isuot ulit niya ang face mask niya.
"Huwag na. Baka isipin mo pa, easy to get ako."
Bigla ko siyang tinalikuran dahil sa naging sagot ko. Ano ba 'yan! Bakit ko ba sinabi 'yun? Ang corny-corny ko naman.
Pero narinig ko siyang humagikhik ng kaunti. "Kung easy to get ka, malamang nakikipag-inuman ka na rin kina kapitan ngayon."
Bumalik ako sa paglalakad. Hindi ko alam kung anong sasabihin ko sa kanya.
"Sige na, kung ayaw mong ihatid kita, okay lang. Ingat ka," saad niya.
Tiningnan ko siya at ngumiti ako sa kanya. Alam kong pointless ang pagngiti ko dahil naka-face mask ako pero hindi naman siguro siya bulag para hindi mahalata na ngumiti ako, di'ba?
Itinaas niya ang kanan niyang kamay, pagsesenyas ng ba-bye. Sumenyas din ako ng ba-bye sa kanya. Nagmani-obra siya at nauna kaysa sa akin. Tiningnan ko ang papalayo niyang likod. Nabaling ang tingin ko sa bike niyang kulay asul at sa sapatos niyang kulay itim na de-sintas.
Teka, kilala ko 'to!
Siya 'yung nakabangga sa akin kanina!
À SUIVRE