Lulugo-lugong bumaba si Patrice ng sala. Suot niya ang simpleng jeans at T-shirt na may naka-print na pusong umiiyak. Iyon mismo ang mood niya para sa araw na iyon. Matingkad ang sikat ng araw sa labas pero pakiramdam niya ay napaka-gloomy ng mundo niya. Dala pa rin niya ang bigat ng loob matapos ang pag-uusap nila ng ina ni Calden.
Ayaw niyang maniwala. Ayaw niyang malason ang isipan niya. Pero di maiwasang magduda siya sa relasyon nila ni Calden. Di naman maiiwasan iyon. At kung dati ay siya pa ang nauunang batiin ng binata kapag anniversary nila, paggising niya sa umaga ay wala pa rin ito kahit isang text man lang.
“O! Akala ko ba dress ang isusuot mo para sa araw na ito?” tanong ng nanay niyang si Aling Linda na gumagawa ng resibo para sa mga delivery nila ng pastillas.
Umunlad na rin ang simpleng negosyo ng nanay niya dahil nababagsak na ito sa mga canteen at tindahan. Madami na ring flavor ang pastillas nito at may yema na rin. Dahil na rin sa demand ay kumuha ito ng dalawang makakatulong. Di na rin niya gaanong matulungan ang ina sa paggawa ng pastillas kaya ang page na lang ng negosyo nila ang inaasikaso niya.
Dahil sa pag-unlad ng negosyo ay nakakuha sila ng apartment sa maayos-ayos na lugar. Hindi na sila sa squatter’s area nakatira pero natutulungan naman nila ang mga dating kapitbahay para magkatrabaho at magnegosyo. Umaasa siya na dadating ang panahon na magiging sikat din ang pastillas business nila at magkakaroon sila ng sariling bahay. Sa kabila ng pagiging abala ay inaasikaso pa rin siya ng ina.
“Ibinaon ko na lang po,” aniya at pilit na ngumiti. “Wala po kasi ako sa mood na mag-dress ngayong umaga.”
“Oo nga naman. Baka mamaya malukot pa ang dress mo bago ka pa sunduin ni Calden para sa date ninyo. Saan kayo magde-date?” excited na tanong ng ina.
“Hindi ko pa po alam.”
“Ahhh! Sosorpresahin ka siguro niya. Nakahanda na nga ang special pastillas langka na ginawa ko para sa kanya. Ilalagay ko na sa bag mo, anak. Iyan kamo ang anniversary gift ko sa inyo.”
Isang kiming ngiti ang isinagot niya sa ina at niyakap ito. “Salamat po, Nanay.”
Noong una ay tutol ito sa relasyon nila dahil bata pa sila. Nang mag-eighteen na siya at nakita nito kung paano siyang irespeto ni Calden ay pumayag na rin ito. Basta daw tiyakin lang na makakatapos siya ng pag-aaral.
Pumalatak ito habang pinagmamasdan siya nang kumakain na siya nUg agahan. “Namamaga ‘yang mata mo.”
“Napuyat po ako sa paggawa ng script namin at idiot board.”
“Huwag mo namang masyadong pinapagod ang sarili mo, anak.”
“Di naman po maiiwasan, Nay. Graduating na po kasi,” sabi niya at pilit na pinasaya ang boses. Ayaw niyang mapansin ng ina na malungkot siya dahil kay Calden.
Ang nanay niya ang takbuhan niya nang unang beses na may na-link kay Calden na artista at iniyakan niya. Ang nanay niya ang nagpayo sa kanya na kailangan niyang unawain ang trabaho ng nobyo. Ito ang unang yumayakap sa kanya kapag may naninira kay Calden at muntik na siyang mapaaway sa pagtatanggol sa binata. Sa pagkakataong ito ay di pa niya mabuksan ang agam-agam sa ina. Ayaw niyang dagdagan ang problema nito dahil ang focus nito ay ang negosyo. Hangga’t di sila nagkakausap ni Calden, hindi siya magre-react ng kung anu-ano. Umaasa siya na may tsansa pa ang anniversary nila ng binata. May tiwala siya dito.
Dala pa rin niya ang mabigat na pakiramdam nang pumasok sa university. Distracted siya dahil maya’t maya niyang pinakikiramdaman kung tatawag o magte-text man lang ang binata. Dumating na ang lunchtime at lahat ay wala pa ring contact sa kanya ang nobyo.
“Saan daw ang date ninyo ni Calden mamaya?” tanong ni Desmond sa kanya habang nagse-set up sila sa kusina ng condo na pag-aari nito. Doon sila magsu-shoot. May magandang island iyon na gawa sa marmol at maganda ang overhead lamp pati na rin ang background ng kusina kaya perfect sa cooking show nila.
“Hindi ko pa alam kung ano ang plano niya. Alam mo naman iyon, basta na lang nanonorpresa,” sabi niya at inabala ang sarili sa pagtse-check ng ingredients. Pumitlag siya nang marinig na nag-ring ang cellphone niya. Nanlaki ang mata niya nang makilala ang ringtone. “Si Calden!”
Nagkukumahog niyang dinampot ang cellphone at tumakbo sa balkonahe ng condo. Pakiramdam ni Patrice ay tinangay ng hangin ang lahat ng sama ng loob at agam-agam na naramdaman niya mula pa nang makausap ang ina ng binata.
This is it! Tuloy na tuloy na ang anniversary namin.
“Hello, baby!” masaya niyang bati sa nobyo. Nasa dulo na ang dila niya ang pagbati dito ng Happy Anniversary nang maunahan siyang magsalita ng binata.
“Tumawag ka daw kaninang madaling-araw sabi ni Mommy,” sabi nito sa pormal na boses. “Sabi ko naman sa iyo ako ang unang tatawag sa iyo, di ba?”
Natigilan si Patrice. Hindi kasi iyon ang inaasahan niyang ibubungad sa kanya ng nobyo. Akala niya ay babatiin siya nito ng “Happy Anniversary” at hindi siya sesermunan sa kagustuhan niyang makausap ito.
“Kasi... Kasi ilang araw na tayong di nagkakausap. Nami-miss ko lang marinig ang boses mo.”
“And Mom gave me an earful. Si Mama ang may hawak ng phone ko kapag gabi na para di ako maabala sa pagpapahinga at di ako ma-distract.”
Napamaang siya. Hindi na niya nagugustuhan ang takbo ng pag-uusap nila ni Calden. “Kasalanan ko pa ngayon na gusto kong makausap ka samantalang mahigit isang linggo ka nang walang balak na tumawag sa akin. Kundi pa ako mag-text sa iyo, hindi ka naman sasagot.”
“You know how busy I am.”
“Hindi mo naman sinabi sa akin na hawak pala ni Tita Mina ang cellphone mo. At lalong di mo sinabi sa akin na sinabi mo sa kanya na break na tayo,” aniya sa nanginginig na boses. Ayaw niyang magalit sa nobyo. Ayaw niyang manumbat. Pero di siya papayag na parang siya pa ang may mali sa nangyayari sa relasyon nila.
Napipilan ito. “I-I am sorry. Patrice, kailangan ko lang sabihin iyon kay Mommy dahil gusto niya na mag-focus ako sa career ko. Alam mo naman na tingin niya ay nadi-distract ako dahil sa relasyon natin. I know you understand me.”
“Calden, baka naman ako na lang ang hindi nakakaalam na break na pala tayong dalawa,” aniya at mahigpit na hinawakan ang railing.
“Of course not. Patrice, nasabi ko na sa iyo na busy ako sa trabaho. And I am trying to do everything to preserve our relationship.”
Pagak siyang tumawa habang nararamdaman niya na namamasa na ang luha niya sa mata. “Preserve? Hindi ko nga alam kung anong relasyon ang ipe-preserve natin. Di na tayo nagkikita. Di na tayo nagkakausap. Puro one-liner nga lang ang reply mo sa text ko. Nakikita ko naman ang post ko sa mga fans mo. Nakakapag-reply ka naman sa kanila.”
“That’s my PR team. Sila ang may hawak sa account,” sagot nito.
“Sana may PR team ka rin na sasagot sa akin. Sana pala naging fan mo lang ako para kahit paano maisip ko na nabibigyan mo ako ng atensiyon.”
“Ano bang nangyayari sa iyo, Patrice? Hindi ka naman dating ganyan. Inuunawa mo naman ako lagi at ang demands ng trabaho ko. Alam mo naman na ngayon ko pa lang sinisimulang abutin ang mga pangarap ko. May pangarap ka rin...”
“Ano pa nga bang ginagawa ko, Calden? Simula’t simula ng relasyon na ito, inintindi kita.”
“At naiintindihan mo na ginagawa ko ang lahat para protektahan ka. Pwede kitang isuko kung gusto ko pero hindi ko ginagawa dahil ikaw ang mahal ko.”
Humugot siya ng malalim na hininga. Alam niya ang punto nito dahil maraming mga showbiz personality na nakakaranas ng pamba-bash ng mga fans lalo na at involved sa love team. Possessive ang mga fans. Kung ano ang nakikita ng mga ito sa telebisyon o pelikula, gusto rin ng mga ito na mangyari sa totoong buhay. Akala niya ay tanggap niya iyon dahil isa siyang broadcasting student. Kasama ito sa pinag-aaralan niya. Pero masakit pa rin pala kapag siya na ang nakaharap sa realidad. May mga bagay na kahit alam na niya ay di ganoon kadaling tanggapin.
“Sabi mo mahal mo ako. Alam mo ba kung bakit ako tumawag kagabi? Dahil may importante akong gustong sabihin sa iyo,” anang si Patrice at pinagmasdan ang unti-unting pag-ipon ng madilim na ulap sa kalawakan.
“Bakit? Wait. May mangyari bang masama sa iyo? I hope you are not involved in an accident. Is Tita okay?” tukoy nito sa ina niya.
Lalong dumidilim ang ulap na nakikita ni Patrice at gumuhit ang matalim na kidlat. Pumikit siya habang nararamdaman na parang tinamaan ng kidlat at milyon-milyong boltahe ng kuryente ang puso niya. “Di mo ba alam kung anong petsa ngayon?”
“I-I don’t know. I lost track of time and....”
“It is our third year anniversary! Three years ago sinagot kita. Officially, naging boyfriend kita.”
“Oh, s**t!” bulalas ng binata. “I am sorry. Nakalimutan ko.”
“NAKALIMUTAN mo?” singhal ni Patrice sa nobyo habang pakiwari niya ay sasabog ang dibdib niya. “Ganyan ka ba sa taong mahal mo? Nakakalimutan mo ang anniversary. Calden, parang sinampal mo ako sa sinabi mo. So much for professing your love, right?”
Nang mga oras na iyon ay parang natanggal ang piring sa mga mata ni Patrice. Sa mahabang panahon ay inunawa niya ito. Wala siyang hinihingi na kahit ano. Simpleng “Happy Anniversary” lang ang gusto niyang marinig mula sa binata, na maalala nito ang espesyal na araw nilang dalawa.
But she was just a stupid girlfriend. Too understanding, too blinded by her love she didn’t see this coming. Mula nang makilala niya si Calden, pakiramdam niya ay isa siyang gusgusing prinsesa sa isang fairy tale na pinili ng guwapong prinsipe. Sabi niya sa sarili niya ay kakayanin niya ang lahat. Pero hindi pala ganoon kasimple ang lahat lalo na kung ang nobyo mo ay si Calden Faulkner at kalaban mo ang mundo. Ngayon ay parang di na rin siya kasama sa buhay ng binata.
“Baby, you must understand. Hindi ko na hawak ang oras ko ngayon. Someone else is fixing my schedule. Hindi ko na nga alam kung anong nangyayari sa buong araw ko. I don’t have a social life. Hindi ko intensiyon na makalimutan ang anniversary natin. I am sorry, baby.”
Humikbi siya. Gusto niyang isipin na sinsero ang nobyo sa paglimot sa anniversary nila. Nakikita naman niya kung gaano kaabala ang schedule nito. Pero masakit pa rin. Hindi na nga siya nito maipakilala sa publiko bilang nobya nito, pati ba naman importanteng araw nilang dalawa ay wala na sa kalendaryo nito?
Huminga siya ng malalim. Give him a chance. Maliit na bagay lang ito kung palalakihin mo. “Anong plano mo sa anniversary natin ngayon? Magsu-shoot lang kami sa condo ni Desmond ng project at available na ako.”
Pumikit siya habang hinihintay ang isasagot ng binata. Gusto kitang makasama. Available ako kahit abutin ng gabi o madaling-araw. Maghihintay pa rin ako. Kahit walang magarbong dinner date. Kahit na makita lang kahit. Kahit sandali lang. Maibigay ko lang ‘yung pastillas na luto ni Nanay. Maipakita ko lang sa iyo ang video na pinaghahandaan namin para makita mo kung gaano kita kamahal.
“I-It is impossible right now. May taping kami sa Batangas. Mamayang gabi kami aalis pagkatapos ng isang appoinrment ko at sa isang araw na ang balik namin sa Manila. I am sorry, Patrice.”
Parang binalutan ng yelo ang puso niya. “Ibig sabihin di tayo magkikita?”
Di rin siya makakabati ng “Happy Anniversary” dahil di na siguro iyon kailangan. Di naman masaya ang pakiramdam niya nang mga oras na iyon.
“Babawi ako sa iyo. Marami pa namang ibang pagkakataon, di ba? Promise. Hindi na ito mauulit,” pangako ng binata.
Napapitlag siya nang marinig ang malakas na katok sa pinto. “Calden! Calden! What’s taking you so long? Huwag mong sabihin na paghihintayin mo pa si Darling sa date ninyo?”
“Just give me a minute, Mom!” sagot naman ng binata.
Nanlaki ang ulo ni Patrice sa narinig. “May date kayo ni Darling?”
“Honey, this is just work.”
“May date ka kasama ang ibang babae pero nakalimutan mo ang anniversary natin. How could you?”
Bumuntong-hininga ang binata. “We will discuss this next time. Magkikita tayo at mas maganda kung maayos natin ito nang harapan. I promise that I will fix this. Babawi ako sa iyo.”
“Hindi ko alam kung paano ka pa makakabawi sa akin, Calden,” aniya at huminga ng malalim. “At kailan mo ulit ako maaalala? Kapag fourth anniversary natin at tinawagan ulit kita? No. I don’t think tatagal pa ako nang ganoon katagal.”
“Patrice, please....”
Muling may lumagabog na tunog. “Calden! Calden, time is precious.”
“I have to go, baby,” pabulong na wika ng binata sa kanya.
“Ditch the date and see me,” mariing utos ni Patrice sa binata.
“What? Are you crazy?”
“Ditch the date and see me. Wala akong ibang hiningi sa iyo, Calden. Ito lang. Sa anniversary lang natin, ito ang hihingin ko sa iyo.”
“You know that I can’t. Don’t be unreasonable.”
Mariin siyang pumikit. “Kahit isang minuto lang. Kahit sandali lang.”
Gusto lang ng dalaga ng assurance na mahal pa rin siya nito. Na mahalaga para dito ang araw na iyon. Kahit anong hadlang ay magagawan ng paraan. Kung sabihin nitong magkita sila sa restaurant kung saan ang date nito, kahit sa labas lang, gagawa siya ng paraan. Kung gusto talaga siya nitong makita at makasama.
“I am sorry, Patrice. Bye.”
Napahagulgol na lang siya ng iyak nang tapusin ng binata ang tawag. Unti-unti siyang dumausos sa sinasandalang dingding. Ang nangingitim na ulap na kanina ay nagbabanta pa lang ay bumuhos na bilang malakas na ulan.
Wala na si Calden sa kanya. Hindi na siya mahalaga dito. Walang halaga ang lahat ng sakripisyo niya at pang-unawa. Sa huli ay siya pa rin ang kailangang umintind. Sa huli ay kailangang siya pa rin ang magbigay. Simpleng hiling lang niya ay di na nito maibigay. At sa araw na umasa siyang may forever din sila ay natapos din ang lahat sa kanila. Alam niyang malabo nang mabawi pa niya ang binata.
“Calden!” isinigaw niya ang pangalan ng nobyo kasama ang sakit na nakasa kaibuturan ng puso niya.