SABADO na naman. As usual, hindi mapakali si Alexa, paulit-ulit ang pagtingin sa kanyang wrist watch, gayon din sa orasang nakasabit sa dingding ng kanyang silid. Hindi pa nasiyahan, sinulyapan pa niya ang alarm clock na nasa bedside table. Alas-otso pasado na nang gabi.
“Giro, please naman, dumating ka na!” bulong niya sa hangin habang pabalik-balik na naglalakad sa kabuuan ng silid. Napatakbo siya sa pinto nang makarinig ng sunud-sunod na pagkatok. Mabilis niya iyong binuksan at excited na nagtanong sa kasambahay. “Bugs, nariyan na si Giro?” Bugs ang tawag niya rito dahil ang pangalan nito ay Bani, short for Vibiana. Nakatuwaan niya itong tawagin sa ganoong pangalan dahil sa malalaki nitong mga front teeth.
“Wala pa, Ati. Si Ma’am Candy po ang nasa sala,” anitong napakamot ng ulo. “Bakit kaya hindi niyo na lang tawagan si Sir Giro, Ati? Five times niyo na ‘kong tinatanong ah.”
Napataas ang kilay niya sa kaharap. “Nagrereklamo? Nagrereklamo?” tanong niyang nameywang pa rito in Vice Ganda tone.
“Ay hindi, Ati. Siyempre, ayoko lang na maghintay kayo sa wala. Sayang ang byuti niyo, sayang ang pabango niyo, sayang ang shampoo niyo at—”
“Sayang din ang daldal mo kaya lumabas ka na,” aniya sabay giya rito paalis sa pinto ng kanyang silid. Kung sa ibang pagkakataon ay tatawanan pa niya ito pero hindi ngayon. She was not in the mood to laugh, not even talk to her etchosera s***h daldalerang maid.
Oh wait, hindi pala ito maid. According to Bugs, herself, she was her secretary—dahil marami raw siyang sekretong alam nito.
“Pinapaalis mo ‘ko, Ati?” tanong ng kanyang secretary, dutdot pa ng hintuturo nito ang dibdib at tila hindi makapaniwala. Best actress talaga ang peg!
“Alangan namang pinapapasok kita e tinutulak na nga kita palabas, ‘di ba?”
Pumalakpak naman ang secretary at tawa nang tawa, litaw ang mga ngipin na asset nito. “Ati ha! Ang galing mo na talagang magpatawa. Puwedeng-puwede ka na kung hindi lang lukot ang noo mo diyan.”
“Bugs, mainit ang ulo ko ngayon. Iwan mo muna ko, utang na loob. Naiinis ako, okay!” Muli niya itong iginiya papunta ng hagdan pero huminto ito at humarap sa kanya.
“Naku, Ati, may sasabihin pala ko sa’yo!”
“Mamaya na lang. Bukas na lang pala! I’m so busy right now, okay!”
“Ar yu shwur, Ati?” pakenkoy nitong tanong. “Baka lang kasi gusto mong marinig ang sasabihin—”
“Tsupi na, tsupi, grrrrr!” Halos maipadyak na niya ang mga paa sa inis. Kundangan kasi ay nakuha ng kasambahay na ito ang loob niya kaya wala itong reservations pagdating sa kanya. Why, she had always been her defender, her guardian angel when it came to her parents. Noon ay madalas siyang makagalitan ng mga magulang pero mula nang mamasukan sa kanila bilang kasambahay s***h alalay niya si Bugs, dumalang na iyon. Palagi kasi siya nitong ipinagtatanggol. Everytime they asked about her, the secretary knew what to say. Kaya bukod sa pagiging sekretarya kuno, abogado rin daw niya ito.
Nagkibit ng balikat si Bugs at saka tumalikod pero bubulong-bulong pa rin. “Ikaw rin, Ati,” anito habang pababa na ng hagdan. “Baka lang kako gusto mong malaman kung sino ‘yung nakita kong kasama ni Giro noong Huwebes sa Monumento.”
Natigilan siya sa narinig pero saglit lang iyon. Madali niyang hinabol si Bugs at saka hinablot ang isang kamay nito. Nang humarap ito sa kanya ay ngiting-ngiti ito. Nasa gitna na sila ng hagdan noon kaya natanawan na niya sa tanggapan ng bisita ang kaibigang si Candy. Kinawayan niya ito at nagpaalam saglit bago muling hinatak papanhik si Bugs.
“Wala ako sa mood ngayon, sinasabi ko sa’yo, Bugs. Umayos ka!” aniya rito nang makapanhik. Bahagya na siyang hinihingal sa magkahalong inis at kaba. “Ano ‘yung sinasabi mo kanina? Saan mo nakita si Giro at sino ang kasama niya sa Monumento?” ‘Of all places, Monumento pa talaga!’
“Sasabihin ko naman talaga sa’yo, Ati, kaya lang bisi-bisihan ka sa katatawag diyan sa dyowaers mo. Hindi tuloy kita makausap.”
“Tama na ang pasakalye, kanta na kasi!” inis niyang sabi sabay amba rito. Madali namang nagsalita si Bugs at nagulat siya sa isinagot nito. Si Giro raw, kasama si Angela, ang kapitbahay nilang ex girlfriend nito. “Sigurado ka ba sa sinasabi mo diyan? Baka naman namalikmata ka lang?”
Pinaikot ni Bugs ang mga mata at ito naman ang nameywang. “For goodness, Ati, maganda lang ako, hindi ako malikmata, haler!”
Napaisip siya. Kung si Angela ang kasama ni Giro, hindi kaya…hindi kaya nagkabalikan na ang dalawa?
“Babain mo si Candy at sabihin mong magbibihis lang ako. May lakad kamo kami,” madali niyang sabi kay Bugs sabay taboy ulit rito. Marami pa itong sinasabi pero mabilis na niya itong tinalikuran at pumasok na siya sa kanyang silid.
“BAKA naman kasi sobrang higpit mo na sa kanya, friend. Halos ikaw na ang nagpapaikot sa buhay noong tao ah.”
Napasulyap siya sa kaibigang si Candy. Nakasimangot ito at noon lang niya na-realize na marahil ay naaasar na ito sa kanya. Kanina pa sila naroon sa Coffee Beam, at mula kanina ay pulos reklamo na lang sa boyfriend na si Giro ang mga ikinukuwento niya rito.
“What do you think, nakakaasar na ba ko, girl?” tanong niya sa kaibigan.
“Honest?”
“Of course.”
Tumango ito ng tatlong beses. “Super nakakaasar ka na, to the maximum level.”
Napasimangot siya pero hindi naman magawang magreklamo.
“Kung ako na kaibigan lang ay naaasar na sa mga ginagawa mo, paano pa kaya ang mga nagiging boyfriend mo?” patuloy ni Candy.
“Makasalita ka naman, mga boyfriend talaga?” She pouted.
Umiling muna ito bago muling nagsalita. “Nakalimang boyfriend ka na since last year, my friend. Noong naghiwalay kayo ni---”
“Ops! Stop right there! Do not mention names, please!” awat niya sa kaibigan.
“Mula nang maghiwalay kayo ng first ever boyfriend mo, sinabi mong ayaw mo nang mag-entertain ng manliligaw. Ang sabi mo ay hihintayin mo munang mag-eighteen ka saka ka magbo-boyfriend. Nang magsimula ka naman ulit mag-entertain, aba’y ginawa mo nang habit ang pakikipag-break at pakikipagrelasyon sa mga lalaki. May ipinaglalaban ka ba?”
“That’s unfair. Hindi naman ako nagbo-boyfriend nang sabay, hindi ba? Isa pa, ang mga lalaking iyon naman ang may kasalanan kaya ako nag-decide na makipag-break sa kanila.”
“Well…”
“Kapag hopeless na ang isang relasyon, past tense na talaga. Wala nang balikan, move on na kaya maghahanap na ng iba. What’s wrong with that?”
“The thing is you don’t need to look for a man, have him as a boyfriend and break up with him just a few days after, Alexa. Instead, you can live your own life habang wala kang boyfriend. Tuloy, hindi nagma-mature ang feelings mo at nauuwi lang sa hiwalayan ang lahat. Ano ka ngayon, nganga? Sayang ang effort, hindi ba?”
“Sa bagay nga. May point ka,” aniya pero nang maisip si Giro ay muling napasimangot.
“Si Giro na naman, ano? Mahal mo ba talaga ang lalaking iyan?”
Nagkibit siya ng balikat. Napasulyap siya sa cellphone na nasa ibabaw ng table nang tumunog iyon. Binitiwan niya ang hawak na kape at sinagot ang tawag—si Giro. “Hon!” bulalas niya. Marami sana siyang sasabihin rito pero naunahan siya nito. Itinatanong nito kung nasa bahay siya. Gusto raw siya nitong makita. Sa huli ay nagkasundo silang sumunod na lang ito doon.
“Si Giro,” aniya kay Candy nang matapos ang pag-uusap nila ng lalaki. “Pinasunod ko siya rito, okay lang?”
“No problem. You need to talk para matahimik ka na rin at makatulog nang maayos tonight.”
“Wish,” aniyang napapailing.
Ilang sandali pa ay iniwan na siya ni Candy. Hindi naman nagtagal ay dumating na rin si Giro. Mabilis niyang inubos ang kanyang kape at matamis na ngumiti sa papalapit na lalaki.