Chapter 2

1781 Words
Flashback… Napabuntong hininga ako bago bumaling ng tingin sa mga bata na masayang naglalaro sa playground ng bahay ampunan kung saan ako kasalukuyang nakatira. Naka-upo ako sa isang swing at tahimik na nag-iisip. Ang bahay ampunan ay ang kinalakihan kong tahanan, si Mother Myrna na at ang iba pang mga madre na ang tumayong magulang sa akin, sa amin… Today is my 18th birthday but why do I feel like I am not happy? Pakiramdam ko ay hindi ako buo. Pakiramdam ko ay may kulang. Mapait naman akong napangiti nang mapagtanto na ang kulang na tinutukoy ko ay ang dalawang matalik kong kaibigan. Sina Drake at Dmitri. Kasama ko sila dito noon. Silang dalawa ang lagi kong kalaro at kasama. Noong twelve years old sila ay masuwerte silang napili ng mayamang mag-asawa para ampunin. Naging masaya ako para sa kanila, iyon ang totoo. Pero may parte sa akin ang nalulungkot dahil nga alam ko na sa pag-alis nila rito, ay magbabago na ang lahat. At hindi nga ako nagkamali. Kahit pa nangako sila na lagi nila akong pupuntahan at papasyalan ay iba pa rin iyong alam ko na kasama ko sila sa isang lugar lang. Kahit nga si Mother Myrna ay nahalata kong nalungkot siya dahil sa nangyari. Pero ayaw naman niyang ipagkait sa dalawa na mabigyan ang mga ito ng matatawag nilang pamilya. Dahil sa edad namin, ang akala ko ay wala nang aampon sa aming tatlo. Madalas kasi ay mga baby, o kung hindi kaya ay bata pa ang hinahanap ng mga gustong mag-ampon dito. Kaya sadyang masuwerte talaga ang dalawa kong kaibigan. Totoo naman ang sinabi nila na papasyalan nila ako, iyon nga lang ay hindi iyon kasing dalas ng inasahan ko. Pero hindi ko naman sila masisisi kasi alam ko na may sarili na silang buhay. Alam ko rin na may mga bago na silang kaibigan. Kailangan kong tanggapin ang katotohanan na hindi na sa akin iikot ang mundo nila. Mabilis kong pinunasan ang luhang pumatak mula sa kaliwang mata ko. Hindi ko alam kung bakit nagiging emosyonal na naman ako. Siguro ay hindi lang talaga para sa akin ang salitang pamilya. Sa totoo lang noong in-ampon na sina Drake at Dmitri, nagkaroon ako ng pag-asa na may mabuting pamilya rin ang aampon sa akin. Pero hindi naman nangyari. I’ve waited for years, but up until today, nothing happened. Dalawang taon na lang din at matatapos na ako sa kolehiyo. Nakakahiya nga kay Mother Myrna kasi siya na rin ang tumutulong sa akin sa pag-aaral ko. Pero ngayong nasa tamang edad na ako ay balak ko na ring humanap ng part time job. Hindi ko alam kung paano masusuklian ang lahat ng kabutihan na ginawa niya para sa akin. “Happy birthday to you, happy birthday to you…” Nagulat ako at mabilis na napalingon sa likod ko nang marinig ang boses ng dalawang matalik kong kaibigan na kumakanta. Nalaglag pa ang panga ko nang makita silang dalawa na may buhat na tig-isang cake. Kasama nila si Mother Myrna at ang iba pang madre, maging ang iba sa mga bata na nakatira sa bahay ampunan ay nasa likod nila at kumakanta rin kasabay nila. Gamit ang magkabilang kamay ko ay tinakpan ko ang bibig ko, kasabay no’n ay ang pamumuo ng mga luha sa mga mata ko. Ang akala ko ay nakalimutan nila. Ang akala ko ay hindi nila ako pupuntahan. Nang matapos ang kanta ay sabay silang naglakad palapit sa akin habang buhat pa rin ang mga cake. “Make a wish, crybaby,” may halong pang-aasar na saad ni Drake kaya natawa naman si Dmitri. Kahit pa umiiyak ay marahan kong ipinikit ang mga mata ko, tapos ay humiling ako sa isip ko. Sana ay makapag-celebrate pa ako ng maraming birthday na kasama silang dalawa… Nang matapos ay agad kong iminulat ang mga mata ko at hinipan ang mga kandila na nasa cakes. Pumalakpak naman ang lahat dahil doon. Pakiramdam ko ay wala nang paglalagyan ang saya na nararamdaman ko ngayon. Alam ko na masyado na akong mababaw pakinggan, pero kahit pa walang magarbong handaan, kahit wala ring cake, basta kasama ko sina Drake at Dmitri ay okay na okay na ako. Mayamaya lang ay ibinaba na nina Drake at Dmitri ang hawak nilang cake sa pinakamalapit na mesa, ang ibang staffs naman ng bahay ampunan ay inilagay na rin doon ang ilang bilao ng pancit at softdrinks. Hindi ko na napigilan na lumapit ulit sa dalawa kong kaibigan at sabay ko silang niyakap, kasabay no’n ay ang pagbuhos ng mga luha ko. “Akala ko kinalimutan niyo na ako,” ang umiiyak na saad ko kaya sabay silang natawa. “Puwede ba naman iyon? Eh, ikaw kaya ang prinsesa namin,” ang malambing naman na sagot ni Drake. Humiwalay ako sa pagkakayakap at bahagyang tumingala para mas matignan ko ang guwapo nilang mukha. “Dalawang linggo na kasi buhat noong pasyalan niyo ako. Eh dati tuwing sabado nandito kayo. Tapos hindi pa kayo nagte-text, ni hindi niyo nga ako nire-reply-an,” ang pagsusumbong ko pa. Medyo nagulat ako nang ipatong ni Dmitri ang kanang kamay niya sa ulo ko tapos ay marahang ginulo ang buhok ko. “Sorry na,” saad niya. “Hindi ka namin t-in-ext kasi baka hindi namin mapigilan at masabi namin agad sa ‘yo itong surprise,” dagdag pa niya kaya napangiti ako. “Kumain na muna tayo,” malawak ang ngiting saad naman ni Mother Myrna. “Unahin niyo na po ang mga bata, Nay. Medyo busog pa naman po ako,” ang nakangiti at masayang sagot ko. “Sige, basta kumain kayo mamaya, ha?” pagpapaalala niya kaya agad akong tumango. “Opo, Nay,” sagot ko ulit. “May gift kami sa ‘yo, Alison,” ang masayang saad naman ni Drake. “Let’s go!” dagdag pa niya at agad akong hinila palayo sa mga tao. Napatingin naman ako kay Dmitri ay napansin ko ang tingin niya sa kamay ni Drake na nakahawak sa akin, pero agad siyang nag-angat ng tingin at ngumiti tapos ay sumunod na rin sa amin. Sabay sabay kaming naglakad palabas ng bahay ampunan, tapos ay dumiretso kami sa sasakyan nila. “Wow, sa inyo ang sasakyan na ito?” namamanghang tanong ko. “Oo, regalo ni Dad. Sa ngayon sa aming dalawa ito ni Dmitri, pero pagka-graduate daw namin sa college at tinulungan siya sa business, ibibili na kami ng tig-isa,” sagot naman ni Drake. “Grabe, big time na talaga kayo,” nakangiting sagot ko naman. Aaminin ko na may konting selos sa akin noong inampon na sila. Hindi dahil alam ko na hindi na sila mahihirapan sa buhay, kung hindi dahil gusto ko ring magkapamilya. Sabi ko nga noon, kung may aampon man sa akin ay okay lang kahit na mahirap lang din. Basta ba ituring nila ako na parang parte talaga ng pamilya ay okay na. Ang sarap siguro sa feeling na may natatawag akong Mama at Papa. Binuksan ni Drake ang pinto ng sasakyan tapos ay may hinila siya na isang paper bag doon. Nakangiti pa niyang inabot iyon sa akin pagkatapos. Nanlaki ang mga mata ko nang makita ang isang smartphone. “Uy, masyadong mahal ‘yan. Sorry pero hindi ko matatanggap,” ang nahihiyang saad ko. “Grabe naman, pinag-ipunan pa namin ni Dmitri ito galing sa allowance namin tapos tatanggihan mo lang?” tanong naman ni Drake. “Sige na, tanggapin mo na. Para na rin hindi ka nagta-tiyaga sa cellphone mo na ang hirap pindutin ng mga keypad. Galing pa ata ni Mother Myrna ‘yan sa Lola niya, eh,” dagdag pa niya kaya napangiwi ako. “Grabe ka rin makalait, ano? Mas matibay naman ito kesa diyan. Isang bagsak lang niyan sira na agad. Eh, itong cellphone ko nagawa ko nang ipambato sa piko pero gumagana pa rin,” sagot ko kaya sabay silang natawa ni Dmitri. “Tanggapin mo na,” nakangiting saad naman ni Dmitri. “Tapos i-download natin iyong app na puwede tayong mag-video call. Ayaw mo no’n? Hindi na lang basta tawag kapag nami-miss mo kami. Makikita mo na rin kami,” dagdag pa niya. Para namang nagliwanag ang mukha ko dahil sa sinabi niya. Kaya kahit pa nag-aalangan ay mabilis kong hinila kay Drake ang paper bag. “Basta huwag mong ibibigay sa mga classmate mong lalaki ang number mo, ah? Huwag ka ring papayag na mag-video call kasama sila,” saad naman ni Drake kaya mabilis akong tumango. “Oo!” masayang sagot ko. “Kayo lang ni Dim ang ivi-video call ko,” dagdag ko pa. Nanatili pa kami ng ilang minuto sa labas ng sasakyan nila. Tinulungan nila ako na buksan ang phone, i-set up ito at mag-download ng mga apps. Mabuti na nga lang at may wifi naman sa bahay ampunan. Pagkatapos naman ay pumasok na kami ulit sa loob at dumiretso sa playground kung nasaan si Mother Myrna. “Anak, pasensiya ka na kung hindi magarbo ang selebrasyon ng kaarawan mo, ha? Hindi rin naman kasi sapat ang ipon ko. Kung ako ang papipiliin, gusto ko sanang maranasan mo iyong isasayaw ka ng mga kaibigan mong lalaki,” pabulong na saad ni Mother Myrna nang lapitan ako. “Nay, wala po iyon. Masaya na po ako na kasama ko kayo, atsaka sina Drake at Dmitri. Hindi naman po kailangan na may handaan pa,” nakangiting sagot ko naman. Tapos ay masaya kong ipinakita sa kanya ang bago kong cellphone. “Regalo po nina Drake at Dmitri sa akin, Nay! Ang ganda po, ano?” ang masayang saad ko pa. “Naku, hindi ba mahal ‘yan? Baka wala na kayong pera?” may halong pag-aalala na saad naman ni Mother Myrna. “Hindi naman po, Nay. Pinag-ipunan po talaga namin ni Drake ‘yan,” nakangiting sagot naman ni Dmitri. “Nay, puwede niyo po ba kaming picture-an tatlo?” nakangiting tanong ko naman at inabot pa sa kanya ang bago kong cellphone. “Aba’y hindi ko alam gamitin ‘yan,” saad niya. “Susan!” tawag naman niya kay Ate Susam, ang isa sa mga staff dito. “Po?” tanong naman niya “Picture-an mo nga raw ang mga bata, hindi ko kasi alam gamitin ’yang tatskrin,” saad niya. “Opo,” sagot naman ni Ate Susan, ngumiti naman ako sa kanya at agad na inabot sa kanya ang cellphone. Tapos ay agad kong hinila sina Drake at Dmitri para medyo lumayo sa kanila. Nang nakaharap na kami sa camera ay pareho silang umakbay sa akin, ako naman ay kumapit sa magkabilang bewang nilang dalawa, tapos ay sabay sabay kaming ngumiti sa harap ng camera.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD