CHAPTER TWO

1346 Words
CHAPTER TWO Napapitlag ako at napaatras nang makarinig kami ng malakas na tunog. Parang malapit lang sa ‘min iyong tunog. “Uy! Parang may tinamaan doon, boss!” Mabilis na nilingon ko ang nagsalitang lalaki na nakatayo sa gilid karatula ng checkpoint. “Nakita mo rin po?” Agad na tanong ko. “May lumilipad sa ere tapos bumagsak sa gitna ng gubat diba?” Napakamot ng ulo ‘yong lalaki, “Oo, ma’am. Siguro kalapati pero parang malaki.” Napakurap ako. Hindi ‘yon ibon, pero atleast hindi ako naghahallucinate, nakita niya rin ‘yong lumilipad. “Putok ba ng baril ‘yon?!” tanong ni kuya Alex, nang sumang-ayon ang mga nasa checkpoint na parang putok nga ng baril ang narinig namin ay mabilis niya akong pinapasok ng kotse dahil sa kaba. “Kaya may checkpoint sa lugar na ‘to, maraming may illegal na baril ang mga tao diyan sa bundok. Mahilig sila sa gulo, kailangan mag-ingat,” segunda ng mga nasa checkpoint. Nang makalagpas kami roon ay marami ng kinwento si kuya Alex na hindi ko na maintindihan at marinig pa, maliban na lang sa ingay ng mga tanong sa isip ko. Tahimik na nakatulala ako sa loob ng kotse. Kitang-kita ko. Bumulusok pababa ‘yong lumilipad. Kung baril man ‘yon... binaril kaya siya?   “Hi, Mama!” Bungad ko pagpasok ng bahay. Naabutan ko itong naka-apron, magulo ang buhok habang nakapusod at nagluluto sa malaking kaldero ng mami. Mayroon kasi kaming mamihan, maliit lang pero maraming customer palagi. Masarap magluto ang nanay kong maganda, e! “O, ikaw pala. Aga mo yata ngayon nakauwi?” Napunta ang tingin niya sa mga paper bag na inilalagay ko sa lamesa habang nakangiti. “Dami mong pinamili,” “Syempre po, lahat para sa mama kong maganda na masipag pa, masarap pa magluto ng mami!” Lalong tumamis ang ngiti ni mama kaya kinilig ako. Makita ko lang siyang masaya, okay na okay na ako. Lalo na kapag nasusuklian ko sa pamamagitan ng pagtulong sa araw-araw ang mga sakripisyo niya para sa ‘kin. Akala ko dati aabutin ng pagka-30 years old ko para bumuti kahit paano ang buhay namin ni mama. But now, I’m only 22, nakapag-patayo na kami ng business ni mama agad at hindi na rin baon sa mga utang. Ang sarap mag-trabaho at magbigay ng sweldo sa magulang. All thanks to that someone. Hindi lang trabaho ang binigay niya, pati pera. Malapit na magpaalam ang araw mula sa kalangitan, habang nasa sala ay inuubos ko lang ang oras ko sa pagtitipa sa maliit kong laptop. Nagreresearch. Kanina ay balak kong ubusin ang oras ko kaka-search kung ano kaya ‘yong nakita ko kanina. Imposibleng engkanto kasi umaga. Hindi ba kapag umaga walang ganoon? Napakamot ako ng ulo. “Feeling ko talaga tao ‘yon,” ang lakas ng kutob ko, pero... imposible talaga. Biglang bumukas ang pintuan at iniluwa si mama. Humahangos na hinahanap ang remote ng tv. “Nasaan mo nilagay ang remote? Sira pa naman ang pindutan ng tv natin,” “Ito po, mama.” Inabot ko ang remote sa kanya at mabilis na pinindot-pindot iyon. “Ano po bang meron?” “Sshh, makinig tayo sa balita!” Kunot-noong sinilip ko rin ang pinanonood niya. Nanlaki ang mga mata ko. “Ngayon po ba ibabalita ang resulta ng botohan?” Tumango si mama, hindi ikinukurap ang mga mata sa pag-aabang. “Naku, grabe ang panalangin ko kagabi na manalo si Miranda. Sa ganitong panahon natin ngayon na puro korap at masasamang tao sa gobyerno, kailangan natin ng kagaya niya na-“ “Tapat, makabayan, hindi korap, maka-diyos?” pagpapatuloy ko sa dapat niyang sasabihin. Natawa lamang siya saka nanood ulit ng telebisyon. Sa araw-araw, ganyan ang sinasabi niya patungkol kay tita Miranda. Hindi kami blood-related pero matalik siyang kaibigan ni mama, pareho silang lumaki sa mahirap na buhay ni mama pero ang kaibahan lang mayaman na siya ngayon at tumakbong mayor nitong nakaraan. Ngayon ay gustong palarin na makaupo sa mas mataas na posisyon sa gobyerno, mukhang posible naman dahil ang balita namin marami na siyang kaalyansa, pati mga kasundo sa gobyerno. Noong eleksyon humingi siya ng tulong kay mama patungkol sa pagsuporta, kami naman ay todo suporta syempre. Ang dami nga naming tshirt ni mama na puro pangalan at mukha ni tita Miranda. Basta full support si mama. Mabait na tao si tita Miranda. Dapat siyang maupo sa ganoon. Hindi magsisisi ang mga tao. Pinanood ko ang litrato ni tita sa telebisyon, siya ‘yong tinutukoy kong tumulong kung paano ako naipasok sa pangarap kong trabaho bilang field reporter dito sa probinsya. Pati ‘yong business ay halos siya na ang bumili para sa ‘min. Kaya ang laki ng utang na loob namin sa kanya. Maya-maya pa ay nagtatalon sa tuwa si mama. Nanalo si tita Miranda. Governor na siya. SUNOD na araw ay nagkaroon kami ng meeting kasama ang iba pang reporters at syempre mga big boss namin dito sa opisina. Usual meeting kung anong dapat focusan na headline at kung sino ang ia-assign sa mga iyon at sa mga lugar. Nahihiya talaga ako dahil ramdam kong hindi ako welcome ng ibang mga katrabaho ko. Gaya nga ng sinabi ko, ni-refer lang ako ni tita Miranda dito sa station kasi kaibigan niya ang isa sa mga HR at big boss. Samantalang ang iba ay pinaghirapan talaga bago nakapasok dito. Pero pwede ko namang gawin ang best ko para patunayan na deserve ko, hindi ba? “Uy okay ka lang ba diyan?” Habang nasa hallway at bitbit ang bag na may lamang laptop ay nilingon ko ang sumabay sa paglalakad, “Ikaw pala, Martina,” “Mukhang malaki ang problema ah?” Natawa ako sa kanya saka umiling agad. “Hindi naman malaki. Sakto lang.” Inabot niya ang isa sa dalawang bitbit na kape saka kami lumakad papunta sa kanya-kanya naming desk. Magkalapit lang naman ang desk namin kaya rin kami naging magkaibigan. “Spill the tea. O baka naman tungkol pa rin sa mga ka-work natin dito?” Mahigpit na itinikom ko tuloy ang mga labi ko nang banggitin niya ‘yon. Sumimsim na lang ako sa hawak kong kape saka umupo at inilatag ang bitbit na laptop sa desk. “Naku naman, Marikit, sa mga ganitong opportunity mas iisipin mo pa ba ‘yon? Mas galingan mo kaysa intindihin ang mga sasabihin ng mga bitter diyan!” Palakas nang palakas ang boses niya sa mga huling sinabi na tiyak na napansin din ng iba naming kasama sa silid. Kinurot ko agad ang tagiliran nito. Siya naman ay natawa lang saka naupo sa upuan niya rin. “Pero ang sarap siguro maging malapit kay Ma’am Miranda, ano? Malakas siya sa mga big bossing natin dito, baka mamaya nyan promoted kana agad kahit wala ka pang isang taon dito. Mukhang super close pa naman kayo, isingit mo ako minsan sa usapan niyo ha.” Ngumisi ako sa biro niya. “Nagkataon lang na kaibigan siya ni mama. Sobrang bait non, Martina. Promise.” Kwento ko. Totoo naman, palaging may binibigay na pera kay mama kapag napapa-bisita sa bahay. Nang walang kapalit. “Pero siguro sa susunod na tulong niya na ibibigay sa ‘kin pagdating sa trabaho ko rito... hindi ko na tatanggapin.” Muntik masamid ay sinamaan ako nito ng tingin. “Gosh? Bakit mo tatanggihan? Ako nga pangarap kong ma-promote at mahelp niya. Ako, ipakilala mo ako doon, bilis! Gagawin ko ang lahat at ipagpapalit ko ang lahat o kahit sino, mapasok lang ang posisyon na gusto ko,” Hindi ko na lamang pinansin ang biro niya. Gusto kong paghirapan ang mga bagay na patungkol sa ganitong larangan, pangarap ko ‘to, gusto kong makita nilang pinagpaguran ko at hindi lang basta sinuwerte lang. ALAS-syete na ng hapon nang magpasya akong umalis na sa trabaho matapos magpaalam kay Martina at sa mga boss ko. Pasakay na sana ng jeep pauwi sa bahay nang tumunog ang cellphone na bitbit ko. TO BE CONTINUED...
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD