Chapter 14

2534 Words
CHAPTER 14: UNFAMILIAR TOWN Rhys's POV "Makakalimutan?" Sarkastiko kong tanong. "May ideya ka manlang ba kung anong pakiramdam na buong buhay mo nakatago ka lang sa loob ng kagubatan para maiwasan mo ang mga tao?" "Alam mo ba kung ano ang naging resulta sa akin ng katotohanan na inabandona ako ng mga sarili kong magulang kapalit ng kapangyarihan?" "Itinapon ka na nga ng magulang mo, binansagan ka pang sumpa." "Tapos sasabihin mo sakin, tulungan natin ang mga tao rito para makalimutan nila ang tungkol sa pagkatao ko? Nagpapatawa ka ba?" "Isipin mo, wala pa kong ginagawang mali, may ibinintang na agad sakin. At sa tingin mo, sa isang pagtulong ko lang sa viyon na ito mabubura na agad no'n ang lahat?" Napayuko nalang si Zion dahil sa mga sinabi ko. Hindi ko na naman napigilan ang sarili ko, dire-diretso na naman ang bibig ko sa pagsasabi ng mga emosyon na lagi kong tinatago. Wala naman saysay kahit ilabas ko 'yan ng paulit-ulit, wala namang magbabago, kahit anong sabihin ko, ganito pa rin ako, sinumpa pa rin ako. May tumulo na namang luha sa mga mata ko. Sa mga sinabi ko, sarili ko lang din ang nasaktan ko. "Sera, Haie." Umiwas ako ng tingin sa kanya, bigla akong nakaramdam ng hiya matapos kong magdrama sa kanya at umiyak pa akong parang bata. "Hindi ko nga siguro alam ang nararamdaman mo pero maniwala ka sana na hindi ko intensyon na saktan ka sa mga sinabi ko." "Pero, Haie... sana buksan mo rin ang puso mo. Ano man ang nakaraan mo ay hindi na iyon mahalaga ngayon, kahit pa ilang ulit kang pagbintangan na may ginawa kang mali ay huwag kang sumuko na ipakita sa kanila na hindi ka ganoong klaseng prinsesa." "Hindi nga madali na makalimutan ang tungkol sa pagkatao mo pero alam ko, kapag gumawa tayo ng hakbang para makalimutan nila ito ay unti-unti rin tayo makakakita ng pagbabago. Maniwala ka sana sa akin, Haie." Nagpahid ako muli ng aking luha saka masamang tumingin sa kanya. "Talagang makulit ka, ipipilit mo pa rin ang gusto mo. Baka nakakalimutan mo, ang kasunduan, kung bakit ako pumayag na sumama sa 'yo sa paghahanap ng mga Magnis at iligtas ang Reha at Quina. Labas na sa kasunduang iyon ang gusto mo." "Hindi ko nakakalimutan ang bagay na 'yan, Haie. Alam ko naman na kaya mo ito ginagawang lahat ay para r'on, gaya na lang ang paggamot mo sa mga sugat ko, ginamot mo ako dahil kailangan mo pa ako." Gusto kong sabihin na bukal sa loob ko ang paggamot ko sa kanya, gusto kong linawin sa kanya na ayoko lang magdagdag ng panibagong problema kaya ako tumatanggi sa gusto niya, pero hindi bumuka ang aking bibig, wala kahiy isang salita ang lumabas para magpaliwanag sa kanya. "Kung ayaw mong tumulong, makikiusap na lang ako sa 'yo na sumakay ka na sa karwahe at itatabi ko ito sa lugar na tingin kong ligtas. Mas makakabuti na hindi ka makita ng mga narito para maiwasan ang ano mang gulo." Hindi na lang ako umimik pa, sinunod ko ang sinabi niya at agad akong pumasok sa loob ng karwahe. Sa pag-andar muli nito ay para bang may kung ano sa loob ko na pinagsisisihan ko dahil hindi ko nilinaw sa kanya ang tungkol sa huling bagay na sinabi niya. Ilang beses ko siyang sinisilip pero wala na akong lakas ng loob na magsalita pa. Habang nakikita ko ang likod niya ay mas lalo akong nagi-guilty, pero naiinis lang ako isipin na ayokong maunang magsalita dahil pakiramdam ko mapapahiya lang ako. Ilang sandali pa ay naramdaman ko nang huminto ang karwahe. "Iiwan muna kita rito, sana pagbalik ko ay narito ka pa rin. At mag-iingat ka," iyon lang ang sinabi niya. Magsasalita rin sana ko para kumustahin ang mga kamay niya pero hindi manlang niya ko nilingon kahit saglit. Galit kaya siya? Pag-alis niya ay inabala ko na lang ang sarili ko sa pagdikdik muli ng gamot. Sandali ko rin tinitigan ang unang nadikdik ko, iyon sana ang gagamitin kong panggamot sa sugat niya oras na makahinto kami ng karwahe, pero hindi ko na nagawang gamutin ang sugat niya dahil sa naging sagutan namin. Hindi ko alam bakit binabagabag pa rin ako ng nangyari kanina, hindi ko na dapat problemahin pa kung ano man ang isipin ng lalaking iyon tungkol sa akin. Alam ko naman na sa ugaling niyang iyon ay maya-maya lang, babalik na ang pagiging makulit niya. Bigla namang kumalam ang sikmura ko, hindi pa nga pala kami nakakapag-almusal. Nakakainis naman ang araw na ito, ang daming nakakabwisit na nangyari. Pinaniwala ko ang sarili ko na hindi ako nakakaramdam ng gutom at dala lang ng nakita kong mga patay na tao kanina ang hapdi ng sikmura ko, kinukumbinsi ko ang sarili ko na hindi ako makakakain dahil hindi mawawala sa memorya ko ang nakita ko. Pero kahit anong pilit ko, talagang nagugutom ako. Sa totoo lang, ayokong lumabas, iniisip ko kasi na lalong magagalit si Zion kapag nalaman niya na hindi ko siya sinunod. Pero bakit ko ba inaalala kung magagalit siya o hindi? Buhay ko naman 'to, gagawin ko ang gusto ko. Agad kong niligpit ang mga gamit ko. Ginayak ko ang sarili ko para lumabas ng karwahe at humanap ng makakain. Paglabas ko sa karwahe ay bumungad sa akin ang kagubatan, dito lang naman ako maaring itago ni Zion. Nagpasya akong maglakad-lakad para maghanap ng bungang kahoy o ano pang maaring kainin. Ang kaso, nakalayo na ako sa karwahe pero wala pa rin akong nakikita maski anong makakain, kahit ligaw na hayop ay wala. Ganito na ba kahirap ang viyon na ito? Bumalik ako sa karwahe para kumuha ng mga nakaimbak na pagkain at magluto na lang ng aking makakain. Pero pagsandok ko, naalala ko na naman ang bwisit na lalaking iyon, hindi pa rin siya nag-aalmusal gaya ko. "Hahanapin kita para ayain na kumain muna, pagkatapos ay babalik ako sa karwahe at gawin mo ang gusto mo," para akong sira na kausap ang aking sarili. Binalikan ko ang daan na dinaanan ng aming karwahe mula sa pwesto nito ngayon, pero hindi ko pa rin siya nakikita. "Saan kaya nagpunta ang lalaking iyon?" bulong ko sa sarili ko. May nadaanan akong isang eskinita, dala ng curiosity ay pinasok ko ang daang iyon. At paglabas ko ay bumungad sa akin ang mga tao... "Anong... nangyari?" Hindi ko mabilang ang dami ng tao na nakaratay sa kalsada, ang iba sa kanila ay umuubo, mayroong walang malay, mayroon ding iniiyakan ng kanilang mga kaanak. Hindi ako makapagsalita, hindi ko alam kung anong magiging reaksyon ko. "Haie, may kumakalat na epidemya dito sa Epiya." Nagitla ako nang marinig kong magsalita si Zion sa tabi ko. "Kaya pala wala tayong makitang mga tao sa paligid ng viyon ay dahil..." halos hindi ko maituloy ang sasabihin ko. Ang tumpok ng mga taong wala ng buhay na nadaanan namin kanina, ang dami ng tao na nakahiga ngayon sa kalsada, lahat sila... natamaan ng epidemyang ito. "Nakasara ang mga bahay dito dahil takot silang mahawa sa kumakalat na epidemya, tanging mga apektado lang ng sakit ang nasa labas kasama ang kanilang mga kaanak," ani Zion. "Kung lalapit sila sa taong nahawa na ng epidemya, posible rin silang mahawa, 'diba?" "Hindi, Haie. Ayon sa isang nakausap ko, ang epidemya ay nakukuha sa hangin na maari mong malanghap." "Ibig sabihin, pati tayo?!" "May insigne ka, Haie. Maari kang protektahan nito sa hangin dahil sa apoy na bumabalot sa iyong katawan, kaya maswerte ka at hindi ka maaapektuhan ng epidemya," aniya saka ako iniwan sa pwesto ko at nilapitan ang isang babaeng nakahiga. Malamig kung makipag-usap sa akin si Zion, ramdam ko na may galit pa rin siya sa akin. Ano bang gusto ng lalaking ito, para bumalik na siya sa dati niyang sigla sa pakikipag-usap sa akin? May mali na naman ba akong nasabi? Pinanood ko siya habang kausap ang babaeng nakahiga, tila ba kinukumusta niya ang kalagayan nito. Nakangiti siya sa babae, samantalang kapag ako ang kausap niya ay para siyang yelo. "Pumunta 'ko rito para ayain kang kumain pero hindi mo naman ako pinapansin," bulong kong muli. "Hmmm..." Napatingin ako sa kanan ko nang may marinig akong nagsalita, isang batang babae, sa tingin ko ay nasa anim hanggang walong taon na siya. "Bakit?" "Ang sabi mo may pagkain ka, puwede bang humingi?" Napabuntong hininga ako. "Hindi ka pa ba kumakain?" Umiling ang bata kaya muli akong nagtanong, "Nasaan ang mga magulang mo?" Hindi siya muling sumagot, nakita ko na lang na nangilid ang luha sa mga mata niya. Ayokong isipin na ang ibig sabihin n'on ay... "Halika, bibigyan kita ng pagkain." Nasaktan ako. Para bang nailagay ko sa posisyon ng bata ang sarili ko. Hindi ko manlang ma-imagine na naranasan na ng isang batang kagaya niya ang ganitong uri ng sakuna. Isinama ko ang bata pabalik sa karwahe namin, balak ko lang sana siyang bigyan ng kapiraso ng tinapay na baon namin pero nang titigan ko siyang muli ay para bang hindi kaya ng konsensya ko na ganoon lang ang ibigay sa kanya. Umupo ako para pantayan siya. "Anong pangalan mo?" "Freya." Ngumiti ako bago muling nagsalita, "May alam ka ba na maari nating mapagkunan ng gulay? Ipagluluto kita ng madaming pagkain." Biglang tumakbo si Freya sa kabilang banda ng daan taliwas sa daan na pinanggalingan namin. Agad ko siyang sinundan. Sa pagtawid namin sa ilang bahay ay bumungad sa akin ang isang halamanan, iba't iba ang mga gulay na nakatanim dito. "Ang daming gulay, kanino ito?" tanong ko. "Sa amin." Ngumiti ako saka hinawakan ang ulo ni Freya, "Tulungan mo akong mamitas, magluluto tayo ng marami para sa lahat." Itinuro rin ni Freya ang bahay niya, tinanong ko siya kung may kasama pa siyang nakatira roon pero muli lang siyang umiling. Napagpasyahan kong doon na iluto ang mga pinitas naming gulay. Nagluto ako ng madami para mabigyan din ang mga taong nakita ko sa may eskinita. Sa totoo lang hindi ko maintindihan ang sarili ko, pagkakita ko kay Freya, nang malaman ko ang sinapit niya, para bang may kung ano sa puso ko na nagsabi sa akin na hindi ko siya dapat pabayaan. Pagkatapos kong magluto ay pinauna kong kumain ang bata, hindi ko masabi kung ilang araw na mula nang huli siyang kumain dahil sa pag-obserba ko sa kanya kung gaano siya kasabik sa pagkain pero sa tingin ko naman dala na rin ng gutom ay nakain niya ang pagkain na hindi ko rin alam kung anong klaseng luto iyon. Hindi talaga ako marunong magluto gaya ni In-ma pero ginawa ko lang ang nakikita kong ginagawa niya kapag nasa kusina siya. Pagkatapos kumain ni Freya ay inutusan ko siyang tawagin si Zion, hindi ko alam kung matutuwa ba siya sa ginawa kong ito pero alam kong gaya ko ay hindi niya matatanggihan ang isang kaawa-awang bata na magsasabi sa kanya na puntahan ako. "Haie!" Hingal na hingal si Zion nang dumating. Medyo nagulat ako dahil hindi ko inaasahan na ganito ang reaksyon niya pagdating kaya biglang hindi ko na alam kung paano ko siya haharapin. "Kumusta, alam ko kasi gutom ka na kaya..." Hiyang-hiya ako sa panimula ko. "Kinabahan ako dahil sa sinabi ng bata na nagluto ka raw, akala ko nasusunog itong bahay," aniya habang palapit sa akin. Agad na napalitan ng inis ang hiya na nararamdaman ko. "Alam mo, kung wala kang magandang sasabihin lumayas ka na lang dito—" Hindi ko na naituloy ang sinasabi ko nang yakapin niya ako. "Salamat, Haie." "Saan?" "Natakot ako, akala ko kinain ka na ng galit mo, akala ko hindi mo na talaga bibigyan ng pansin ang mga tao." Hindi naman talaga, ginawa ko ito para sa 'yo, wayim! Kumalas ako sa pagkakayakap sa kanya. "Ta-ce. Ginawa ko ito para kay Freya," sabi ko. Bumalik na si Zion sa dating pakikitungo niya sa akin, medyo hindi ko lang nagustuhan dahil pinagtawanan niya ng husto ang niluto ko. Pero kahit hindi maintindihan ang kinalabasan ng luto ko, kinain niya pa rin ito, ipinamigay niya rin ito sa mga residente ng viyon. Sa huli ay napagdesisyunan ko na rin na tulungan si Zion na gamutin ang mga taong tinamaan ng epidemyang kumakalat dito sa Epiya, hindi ko kayang isipin na may ibang bata pa ang makaranas ng gaya sa nangyari kay Freya. Hapon na nang matapos kami sa panggagamot. Naupo at nagpahinga kami ni Zion sa tabi ng aming karwahe, kasama namin si Freya. "May ideya ka na ba kung saan nanggaling ang epidemya?" tanong ko. "Wala pa, Haie. Kasalukuyan ko pa ring inaalam sa mga residente. Ang kaso, hindi ko magawang makausap ang mga taong nasa loob ng kanilang mga bahay dahil takot silang buksan kahit bintana nila." Napabuntong hininga ako. "Kapag hindi natin nalaman kung saan nanggaling ang sakit na 'yan, wala rin sense ang ginawa nating paggamot sa kanila." "Anong ibig mong sabihin, Haie?" "Hindi ako doktor, mas lalong hindi ako eksperto, prevention lang ang kayang ibigay ng halamang gamot na ipinainom ko sa kanila at hindi nito magagamot ang mismong epidemya, hindi ko ito kayang gamutin." Nakita ko ang pagkagat niya ng labi. "Ayos lang, Haie. Alam kong masaya pa rin ang mga residente na tinulungan natin sila," aniya. Ayoko sanang marinig niya ang sinabi ko, pero ayoko rin namang paniwalain siya na may pinatutunguhan ang ginagawa namin. Kahit hindi ko sila kilala, nakaramdam ako ng awa dahil sa sinapit nila, lalo na kaya ang kasama ko na may pusong bayani. "Sila ang unang viyon na tumanggap sa atin na hindi tayo pinaalis," sabi ko. "Kaya gagawin natin ang lahat para matulungan sila, 'diba, Haie?" Ngumiti ako kay Zion, ayokong direktang sabihin na 'oo' kasi parang kinain ko na rin ang mga sinabi ko sa kanya kanina, mas mabuti na 'yung makita niya na may ginawa na 'ko para sa mga taong gusto niyang tulungan. Malakas din ang naging epekto sa akin ni Freya, siya ang nagtulak sa aking gawin ang mga bagay na 'to, para bang nakita ko sa kanya ang sarili ko na hindi na alam ang silbi sa mundo pagkatapos ng isang pangyayari. Hindi ko itatanggi na may katwiran din ang kasama ko tungkol sa mga sinasabi niya kanina habang nagtatalo pa kami. "Zion..." May gusto sana 'kong sabihin sa kanya pero hindi iyon natuloy nang lumapit sa akin si Freya, hinawakan niya ang kaliwang kamay ko at itinuro ang simbolo ng insigne ko. "Ibon..." Nagkatinginan kami ni Zion dahil sa kanya. "Oo, Freya. 'Yan ay toran eagle, isang insigne. Ngayon ka lang ba nakakita niyan?" malambing kong tanong. "Madaming ibon dati, tapos nagkasakit mga tao." Kumunot ang noo ko. "Anong sinasabi mo, Freya? Hindi kita maintindihan." "Doon sa malayo, madaming namatay na ibon," ani Freya habang itinuro pa ang direksyon sa bandang kaliwa namin. Ilang beses kaming nagpalitan ng tingin ni Zion dahil hindi namin maintindihan ang sinasabi niya. "Nagpunta roon si Am-pa tapos nagkasakit siya." Bahagya kong naintindihan ang sinasabi niya. Sa muling tinginan namin ni Zion ay alam kong alam na rin niya ang ibig sabihin ng bata. "Freya, puwede mo bang ikwento sa amin ang nangyari?" ani Zion. At doon nga namin naintindihan ang totoong nangyari sa likod ng epidemyang kumakalat sa viyon na ito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD