Chapter 16

2521 Words
CHAPTER 16: SOLUTION Rhys's POV Wala nang nagawa ang Sumor nang dumugin siya ng mga tao at sapilitang iginapos. Tumiklop na rin ang mga tauhang ipinagmamalaki niya dahil wala naman silang laban sa dami ng mga residente dito na may galit sa pinaggagagawa nila. Isa pa, ano pang silbi ng paglaban nila kung nauna nang mahuli ang amo nila. Habang abala ang mga tao sa paggapos sa kanilang Sumor, si Zion naman ang umasikaso ng pagsunog sa mga patay na lakiavis sa factory, bilib ako sa kanya kasi nagawa niyang pasukin ang loob nito sa kabila ng mabahong amoy na dulot nito. Salamat na rin talaga sa aming Insigne dahil p-in-rotektahan kami nito sa epidemya. Pinapirma ko rin ang Sumor sa dokumentong nagsasaad na ipinapasara na niya ang Factory para sa kaligtasan nila mula sa epidemya. Labag man sa loob niya ay wala na rin siyang magawa, kung hindi siya sumunod sa gusto ko malamang naging bangkay na rin siya. Sa wakas ay tapos na ang problema ng mga tao sa epidemya... "Hindi namin alam kung paano ka namin pasasalamatan, Haie," sabi ng isang residente. Natapos man ang ugat ng problema, nag-iwan naman ito ng mapait na alaala sa Epiya. Tiyak na matatagalan pa bago maghilom ang sugat na dinulot nito sa mga kaanak ng namatay, at alam kong hindi ganoon kadali bumangon sa isang mabigat na pasakit kagaya ng nangyari rito. Pero sa kabila ng nangyari, isa lang ang hiling ng mga tao... ang mabigyan ng maayos na himlayan ang mga mahal nila sa buhay na namalaam. At siguro naman mula rito, kaya na nilang gawin iyon. Dapat nilang kayanin na humarap sa kinabukasan na sila-sila na lang para makapagsimula ulit sila ng bagong buhay, para naman maibalik nila sa dati ang lahat. Hindi habang panahon ay ganito na lang sila, kailangan nilang matutong lumaban nang mag-isa. "Ako na lang ang magpapasalamat kapag nakaalis na kami rito," sagot ko. "Haie." Hinawakan ako sa kamay ni Zion. Sinamaan ko siya ng tingin. "Kailan ka pa naging ganyan ka-komportable sa akin?" Nakakailang kasi na hinawakan niya ako ng ganoon sa harap ng mga tao. "Sera, Haie." "Halika na, umalis na tayo rito. Masyado na tayong naabala sa lakad natin." Nauna akong naglakad palayo sa mga tao. Balak ko sana ay agad na kaming umalis pero na-realize kong hapon na pala. Siguro mas mabuti kung doon muna kami ulit makitulog sa bahay nila Freya, tapos bukas na kami ng umaga umalis. Narinig ko pa si Zion na humingi ng pasensya dahil sa sinabi ko, dinahilan niya pa na dala lang daw ng init ng ulo kaya ganoon ang isinagot ko. Mainit talaga ulo ko dahil sa Sumor nilang mukhang buwaya, pero totoo rin naman ang sinabi ko. "Haie, aalis na ba talaga tayo?" tanong ni Zion nang makahabol siya sa akin sa paglalakad. Tumingin ako sa kanya na may halong pagtataka. "Anong ibig mong sabihin diyan sa tanong mo?" Bumuntong hininga siya, at kahit hindi niya sagutin ang tanong ko ay alam ko na ang gusto niyang mangyari. "Zion, naglalakbay tayo para makahanap ng makakasama sa pagligtas sa Reha at Quina, hindi para maging isang mabuting Samaritano na mag-aalok ng tulong sa kung sino ang nangangailangan," madiin kong sabi. Ilang beses ko na ba itong sinabi sa kanya? "Haie, prinsesa ka ng bansang ito, bakit ba—" "Nakatulong na tayo, 'diba? Tayo nga ang tumapos sa problema nila rito, ano pa bang gusto nilang tulong?" "Hindi sila humihingi ng karagdagang tulong, ang sa akin lang—" "Hindi naman pala, ano pang rason bakit kailangan pa nating magtagal dito?" "Haie—" "Talaga bang gusto mo pang pagtalunan na naman natin 'to, ha?" Mainit na nga ang ulo ko, dadagdag pa siya. Paulit-ulit na lang kami sa usapang ito. "Haie, intindihin mo naman sana... wala na ang factory at madami ang namatay sa viyon na ito. Ngayon nila mas kailangan ng tulong natin. Nakatulong na rin naman tayo, lubusin na natin." Ngumisi na lang ako dahil sa inis. "At anong tulong naman ang ibibigay mo? Pera? O baka naman ikaw na mismo ang magtatrabaho para sa kanila?" Tinitigan lang ako ni Zion, lumaban ako sa titig niyang iyon. Kung gusto niya talaga na may bangayan muna bago kami magkaintindihan o intindihin niya 'ko, lagi akong handa. Palagi akong may sagot sa ibabato niya sa akin. "Hindi ko na alam kung paano pa kita papaliwanagan, Haie," aniya. "Ako rin, hindi ko na rin alam paano ko ipapaintindi sa 'yo ang misyon natin." "Haie, gusto ko lang din gampanan ang tungkulin ko bilang isang Flame Knight. Sandali lang naman 'yun at nandito na rin naman tayo. Bakit ba hindi mo iyon maintindihan?" "Kung ginagawa mo ito para sa tungkulin mo, dapat ang unang intindihin mo ay paano tayo makahahanap kaagad ng makakasama na magliligtas sa dalawang namumuno ng bansang ito dahil iyon ang rason bakit tayo nandito, hindi kung ano-ano pa naiisip mong gawin." Muli siyang bumuntong hininga. "Haie, sige na... pagbigyan mo na 'ko. Huli na ito, gusto ko lang na bago tayo umalis, bigyan natin sila ng ikabubuhay at mapanatag tayo na magiging maayos na sila rito pag-alis natin." *** "Huwag ninyong kukunin kung may butas na ang dahon, hindi na puwede iyon gamitin bilang gamot dahil siguradong nakainan na 'yon ng uod." "Opo, haie." Wala na akong nagawa kundi ang gawin na lang ang gusto ni Zion na bigyan pa ng isa pang pabor ang mga tao, at ito ang naisip niya... turuan sila kung paano gumawa ng gamot mula sa mga ligaw na halaman at d**o. Ang katwiran niya kasi, nakikita raw niya na hindi uunlad ang buhay ng mga residente rito kung sa pagsasaka sila aasa dahil hindi raw maganda ang lupa rito para pagtaniman ng gulay at prutas. Matibay ang paniniwala niya na kahit anong pag-aalaga ang gawin ay hindi gaganda ang itatanim nila. Sa totoo lang, hindi ko alam paano niya nalaman iyon... pero gusto ko naman ang ideya niya na pagbebenta ng halamang gamot ang maging bago nilang hanap-buhay, kaya heto, nandito kami sa kagubatan para sa unang bahagi ng pagtuturo ko: paano pumili ng tamang halaman at d**o na maaring maging gamot. Bago ko sila pinahanap ng mga halaman ay itinuro ko na sa kanila kung ano ang itsura ng mga ito, maari naman silang magtanong sa akin kung sakaling hindi sila sigurado sa nakita nilang halaman. Makakatulong din ang bagong kaalaman nilang ito kung sakali na magkaroon ulit sila ng epidemya, alam na nila paano gagamutin ang sarili nila at hindi na namin sila kailangang tulungan. Matapos ng mga nangyari kahapon, nagsimula ang araw na ito sa unti-unting paglabas ng mga tao sa kanilang bahay, tulong-tulong sila sa paghakot ng mga bangkay para mabigyan ito ng maayos na libing. Iyon na rin ang nagtulak sa akin na tuluyang pagbigyan si Zion sa pakiusap niya sa akin, nakikita ko sa kanila na desidido rin silang magkaroon ng bagong buhay. Maging si Freya ay narito at gusto rin matuto. Bigla akong nalungkot para sa kanya, ano na lang kaya ang magiging buhay niya ngayong wala na siyang mga magulang... alam niya kaya ang tungkol sa bagay na iyon? "Haie, may problema ba?" ani Zion, hindi ko namalayan na katabi ko na pala siya. Lumakad ako ng bahagya palayo sa mga tao para sundan ako ni Zion, nang makapwesto ako na malayo kay Freya ay sinagot ko siya, "May naiisip ka bang paraan para matulungan si Freya?" "Oo nga pala, ang batang naulila..." panimula niya, tumingin din siya sa bata at nakita ko ang awa sa mga mata niya. Sa totoo lang, gusto kong isama na lang si Freya sa pag-alis namin, hindi naman siya malikot na bata kaya alam kong hindi siya magiging sagabal sa paglalakbay namin. Napalapit na rin ang loob namin sa isa't isa kaya alam kong hindi siya maiilang kapag nakasama niya ako. Pero naiisip ko rin ang mga puwedeng mangyari kapag nangyari ulit ang naging paglusob sa akin, tiyak na mapapahamak lang siya. "Haie, kung gusto mo siyang isama—" "Hindi puwede, ayoko na may alagain. Gusto ko lang matiyak na may kukupkop sa kanya, siguro naman tutulungan mo rin siya at makakahanap ka ng taong puwedeng maging bago niyang magulang. Malapit naman ang loob mo sa mga residente rito." Ngumiti siya sa akin. "Sayang, akala ko magkakaroon na tayo ng pamilya." Naging masama ang tingin ko sa kanya. "Anong sinasabi mo?!" "Siyempre, dalawa lang tayo, eh. Mas masaya sana kung madadagdagan na ang grupo natin," aniya, hindi nawawala ang ngiti niyang nakakaloko. "Kung gusto mong madagdagan na tayo, humanap ka na ng makakasama natin sa paglitas sa Reha at Quina, hindi kung ano-ano ang sinasabi mo riyan!" Iniwan ko siya at nilapitan ko si Freya na nahihirapan sa pagbunot sa isang d**o. Incommo, anong iniisip ng lalaking iyon?! *** Pagkatapos ng paghahanap sa kagubatan ay dumiretso na kami sa sunod na bahagi ng pagtuturo. Nagtipon ang lahat sa harap ng simbahan ng Epiya, sila rin ang nag-ayos ng kanilang mga upuan at binigyan din nila ako ng lamesa, para talaga kaming nasa klase. Ipinaliwanag ko sa kanila kung saan iginagamot ang mga nakuha nila, kung ilang beses dapat ipainom sa may sakit, pati na rin kung ano ang itinawag sa halamang iyon—na natutunan ko sa mga librong nabasa ko. Habang nagsasalita ako, may kanya-kanya silang hawak na papel at panulat, ang gaan sa pakiramdam turuan ng mga ganitong klaseng tao dahil nakikita kong gusto talaga nilang matuto. Siguro nga ay tama si Zion na hindi sila aasenso sa pagsasaka dahil sa uri ng lupa nila rito, malamang, alam din nila ang tungkol sa bagay na iyon. Ang huling bahagi ng aming leksyon ay ang proseso na ng paggawa ng halamang gamot. Dito ako natalagan magturo dahil kailangan ko silang asikasuhin ng isa-isa, nilalapitan ko sila para tingnan kung tama pa ang ginagawa nila. Pero hindi ako nahirapan, sa totoo lang, napapangiti pa nga ako dahil kapag nakikita ko si Freya na ginagawa rin ang makakaya niya, mas lalo akong nabubuhayan ng loob na kakayanin ng Viyon na ito ang bago nilang buhay. Natapos ang araw namin na lahat ay natuto sa mga itinuro ko. Bago kami maghiwa-hiwalay, sinabi ni Zion na maari nilang ibenta ang mga gamot na magagawa nila sa Igare, tiyak na marami ang bibili ng gamot nila roon. Hanggang sa bago kami magpahinga sa bahay ni Freya ay abot-abot ang pasasalamat nila sa amin, si Zion na lang ang pinaharap ko dahil gusto ko na magpahinga. *** Malalim na ang gabi, pagkatapos namin kumain ay lumabas ako para makapaglakad-lakad. Nakarating ako sa isang puno na gaya ng madalas kong tambayan sa amin, makikita mo ang kalangitan. Inakyat ko ito at naupo sa sanga. "Haie." Napalingon ako sa tawag na iyon, sinundan pala ako ni Zion. Umakyat din siya sa puno at tumabi sa akin. "Bakit mo 'ko sinundan?" "Alam kong kapag naglakad ka papunta sa kagubatan, may iniisip ka. Kapag naupo ka na sa sanga ng puno at tumingin sa kalangitan, kailangan mo ng kausap." Nakatingin ako sa kanya, akala ko ang binibigyan niya lang ng pansin ay ang mga taong nangangailangan ng tulong, tungkol lang sa gampanin niya bilang Flame Knight... "Wala naman gaano, gusto ko lang talaga magpahangin," sabi ko at tumingin ako sa kalangitan. "Iniisip mo si Freya, tama?" Napayuko ako, manghuhula ba siya? Hindi ako sumagot kaya nagsalita siyang muli. "Sabi ko naman sa 'yo, haie. Puwede natin siyang isama kung gusto mo." "Isama man natin siya o hindi, walang magbabago... ulila pa rin siya." Alam ko ang pakiramdam ng nangangapa sa buhay, hindi mo na alam ang gagawin kapag may bagay na nagbago sa 'yo na hindi mo gusto. Noong malaman ko ang tungkol sa pagkatao ko, biglang dumilim ang mundo ko, para bang kahit anong gawin ko, miserable na 'ko kasi may nakatatak nang sumpa sa pangalan ko. "Kapag may problema, may darating na pag-asa. Namatay man ang mga magulang ni Freya, alam kong alam na niya ngayon pa lang na kailangan niyang magsimula ulit." Sana nga kagaya ko siya na kinaya ang pagsubok ng buhay. Sana ay makakita siya ng pag-asa kagaya ng ipinaramdam sa akin ni In-ma. "Nakahanap ka na ba ng aampon sa kanya?" "Huwag kang mag-alala, Haie. Habang abala kayo kanina sa pagtuturo, may nakausap akong ilang residente. Sabi nila may papalit na sa Sumor ng Epiya, at ang taong 'yon ang kukupkop kay Freya. Nangako siya sa akin na hindi niya pababayaan ang bata." Ngumiti ako habang nakatanaw pa rin sa langit. "Mabuti naman." Ngayon ay panatag na akong aalis sa viyon, hindi siya maiiwang mag-isa. *** Nagising ako na mahigpit pa ang pagkakayakap sa akin ni Freya, hindi ako gumalaw at tinitigan ko lang ang mukha niya na animo isang anghel kung matulog. Hindi ko napigilan ang sarili ko at hinimas ko ang kanyang ulo, dahil sa ginawa ko ay nagising siya. "Good morning," bati ko. Ngumiti siya sa akin at naunang bumangon, nahiya na naman siguro. Nakaramdam ako ng lungkot, parang hindi ko siya kayang iwan... Sabay-sabay kaming tatlo nila Zion at Freya kumain ng almusal, ito na ang huling beses na makakasama ko ang batang ito sa pagkain. Pagkatapos, inasikaso kaagad ng kasama ko ang aming karwahe, bumili siya ng ilang pagkain na maari naming maimbak para sa mahabang paglalakbay. Sinabihan niya ako na hindi ko na siya kailangang tulungan sa paggayak ng mga gamit namin kaya inubos ko na ang ilang oras ko na makasama si Freya. "Haie, aalis na tayo!" Sa sigaw ni Zion na iyon ay agad akong lumabas sa bahay, hindi ko inasahang makita na katulong niya ang ilang residente sa pagsakay ng mga kakailanganin namin, ang iba pa nga ay kusang nagbigay ng ilang pagkain at gamit na maari naming pakinabangan. Nakatayo ako sa tapat ng bahay nila Freya habang nakatulala sa aming karwahe, handa na ang lahat, ako pa nga ang nangungulit kay Zion na umalis na rito pero... Ibinaling ko ang tingin ko sa katabi kong bata at agad siyang niyakap. "Mag-iingat ka rito, palagi mong tatandaan na kahit malayo ako, iisipin kita. Bibisitahin kita ulit dito kapag natapos na namin ang aming misyon." Ngiti at tango lang ang isinagot sa akin ni Freya, mahiyain talaga siya. Nilapitan ko na si Zion na ngayon ay kakasakay lang sa unahan ng aming karwahe. "May problema ba, Haie?" aniya, hindi ko namalayan na nakatulala pala ako sa mga dala namin. Umiling ako. "Wala, hindi lang ako makapaniwala na may mga taong mag-aabot ng tulong sa atin. Parang noong nakaraan lang ay isinusuka tayo ng mga residente sa mga viyon na pinuntahan natin, pero dito... ibang-iba sila..." Ngumiti siya bago sumagot, "Kapag mabuti ang ginawa mo sa kapwa mo, ganoon din ang igaganti nila sa 'yo." Hindi ko na lang pinansin ang sinabi niya. "Halika na, malayo pa ang ating lalakbayin." Umalis kami na may mga taong naghatid tanaw sa amin na may nakakabit na mga ngiti sa kanilang mga labi, hindi ko makakalimutan ang viyon na ito... sila ang unang mga tao na nagparanas sa akin na may maganda rin palang idinudulot ang aming mahabang paglalakbay.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD