Chapter 40

2510 Words
CHAPTER 40: THE PRINCESS OF IGAPIRE Rhys's POV Natapos ang araw namin sa paglilibot sa paligid, sinilip namin ang mga sira para mapag-usapan paano ang gagawing pag-aayos sa mga ito. Madilim na nang bumalik kami sa bahay. Naabutan naming gising na si Cush, mabuti na lang at maayos na siya. Humingi kaagad siya ng tawad na hindi siya nakatulong sa huling bahagi ng laban. Tapos kinuwento na lang sa kanya ni Cecily ang nangyari habang kumakain kami ng hapunan. Tinanong ko rin kay Cecily kung paano ang trabaho niya rito sa viyon kapag sumama siya sa amin, sabi niya hindi naman siya empleyado sa Inn na 'yon dahil sa kanila 'yon mismo. Kaya tiyak na maiintindihan daw ng pamilya niya kapag sumama na siya sa amin. Habang si Cush naman ay mag-isa na sa buhay kaya wala siyang aalalahanin na maiiwan sa pag-alis niya. Ngayong apat na kami sa grupo... mayroon na kaming taga-luto, si Cecily. Hindi na mahihirapan si Zion, medyo malungkot nga lang kasi sabi ko gusto ko ring magluto minsan pero hindi nila 'ko pinayagan. Iniisip ko tuloy na baka hindi nila gusto ang luto ko. Pagkatapos naming kumain, muli akong nag-anunsyo ng pulong para sa aming apat. Sila lang naman ang palagi kong kinakausap tungkol sa mga plano ko. "Sila ba ang Uwak na laging nanggugulo sa viyon ninyo?" tanong ko. Si Cush ang sumagot, "Hindi ako sigurado, Haie. Pero ngayon ko lang nakita ang Oscar na 'yon, kaya may posibilidad na hindi sila ang mga wayim na nefas." "Hindi rin sila nagnakaw ng kahit ano sa mga tindahan, gumawa lang sila ng gulo saka nanira ng mga gamit," dagdag ni Cecily. "Malamang ay ginawa lang nila 'yon para lumabas ka, Haie," ani Zion. Tumango ako sa mga sinabi nila. Kung gan'on, posibleng hindi rin sila ang mga taong nanggugulo na nabalitaan namin kay Frances noon. Ako ang pakay nila, alam nila na narito ako... "Ako lang talaga ang sadya nila rito," komento ko. Seryosong nagsalita si Zion, "Sang-ayon ako, Haie. Nabanggit ni Oscar na may nag-utos lang sa kanila na pumunta rito para kunin kayo. Iyon din siguro ang dahilan bakit patuloy pa rin sa pag-atake ang mga alagad niya kahit patay na siya." Tumango ako sa kanya bago muli nagsalita, "Sigurado na ang may utos niyan ay parehong tao na nag-utos din sa mga sumugod sa atin noon. Magkaibang grupo pero isa lang ang layunin nila, ang patayin ako. Alam ng ignium na 'yon kung nasaan tayo, alam niya kung paano tayo lulusubin. Matalino at malakas talaga ang may gawa nito, lahat ng plano niya ay kalkulado." Ilang buwan siyang namahinga, akala ko kaya gan'on ay dahil hinahanap niya pa 'ko. Iyon pala, iba na naman ang plano niya. Iniba niya ba ang grupo para hindi ako maghinala na siya pa rin ang may gawa nito? O may iba pang rason? Incommo, lalo siyang nakakagigil patayin! "Trono lang ba ang puwedeng rason bakit gusto ka niyang patayin?" Napatingin ako kay Cecily nang sabihin niya 'yon. "Anong ibig mong sabihin?" "Ah, hindi naman masyadong importante ang opinyon ko pero naisip ko lang... baka posibleng may ibang rason bakit niya ito ginagawa." Magsasalita sana 'ko pero naunang nagsalita si Cush, "Naiintindihan ko ang punto ni Cecily. Kung trono lang, 'diba dapat pinatay na lang niya ang Reha at Quina para makuha na ito ng Sivenis. Bakit kailangan niya pang dukutin ito at itago kung saan? Para ba obligahin kayong puntahan sila? Wala naman siyang katiyakan na ililigtas mo nga ang mga magulang mo," dagdag ni Cush. "Sinasabi mo bang wala talagang kinalaman ang Sivenis rito?" tanong ko. "Haie, ilang beses ko na rin 'yang sinabi sa 'yo. Inosente ang kakambal mo," ani Zion. Ilang segundo akong nanahimik bago nagsalita, "Sige, ang importante ngayon ay malinaw na ang grupong binanggit ng kaibigan ni Zion na si Frances at tinatawag ninyong Uwak ay iisa. At hindi sila ang grupo na gustong pumatay sa akin, hindi rin malinaw kung ibang tao rin ang nagpadukot sa mag-asawang maguim." Kahit paano ay may dagdag impormasyon na kaming hawak. Napangiti ako nang sumang-ayon silang tatlo sa akin. "Ngayon, pag-usapan naman natin ang gagawing pag-aayos ng mga nasira rito sa Nislan..." Pinagpatuloy ko ang sinasabi ko, "Nabanggit rin pala ng mga residente ang tungkol sa Uwak. Palagay ko ay nag-aalala sila na ang grupong iyon naman ang sumunod na puminsala rito. Kaya naisip kong isabay natin sa pag-ayos ang paggawa ng depensa." Tumango ulit silang tatlo sa akin. Muli akong nagsalita, "Gusto ko ring ituloy ang planong sinabi ko na dapat nating turuan ang mga tao kung paano makipaglaban." Gulat pa rin silang tatlo sa sinabi ko kahit pa nabanggit ko na ito bago ang paglusob ng mga alagad ni Oscar. Halata rin sa mga mukha nila ang pagtutol sa gusto ko. "Haie, alam n'yo naman po siguro ang kalagayan ng viyong ito. Hindi po nila kakayanin ang humawak ng armas," nag-aalalang sambit ni Cecily. Napabuntong hininga ako, tingin ko ay uulitin ko na namang ipaliwanag sa kanila ang punto ko. "Hindi hadlang ang estado nila sa buhay at hindi rin dahilan ang uri nila... ang pinag-uusapan natin dito ay ang kaligtasan nila. Kung hindi sila matututong humawak ng armas, paano nila ipagtatanggol ang kanilang sarili?" Nagbigay pa 'ko ng ibang halimbawa. "Kagaya na lang ng nangyaring pagsugod nila Oscar, wala silang nagawa kundi ang tumakbo, umiyak at humingi ng tulong. Hindi habang buhay ay narito tayo, lalo pa't kasama namin kayong dalawa na aalis. Paano na sila kapag wala na tayo? Sino na ang magtatanggol sa kanila? Kung paiiralin nila ang kanilang karuwagan, mabubura sa mapa ang viyong ito." Kagaya ng palaging nangyayari, tahimik na naman sila dahil sa sinabi ko. Patuloy akong nagpaliwanag, "Wala nang ibang paraan para iligtas ang Nislan sa mga karahasan. Tanggapin na lang natin na ito ang kapalaran nila, alam ko hindi sila dapat ang humahawak ng armas... pero sino pa ba ang maaari nilang asahan? Nu'ng mga oras na inaatake kayo rito, ano ba nagawa ng mga namumuno? Sarili nga nila hindi nila magawang iligtas nang mag-isa, 'diba? Palagi n'yong tatandaan na wala kayong ibang aasahan kundi sarili n'yo lang." "Sera, Haie," ani Cecily. "Huli na para magsisihan, nagawa naman ng viyon na kahit papaano ay makaligtas. Kaya iyon ang pananatilihin natin. Kung ayaw n'yo pa rin sa paraang naiisip ko, kayo na ang umisip ng ibang solusyon sa problema rito. Para saan pa ang pagtawag n'yo sa 'king savenis at pag-asa kung hindi n'yo rin naman pala ako susundin," dagdag ko pa. "Haie, hindi naman po sa ganoon. Inaalala ko lang po ang maaaring mangyari," sabi ulit ni Cecily. "Tapos na ang pulong, balitaan n'yo na lang ako sa magiging desisyon ninyo." *** Napagdesisyunan kong maglibut-libot. Sakay ng kabayo, nadadaanan ko ang ilang bahay. Bumabati sa akin ang bawat taong napapasilip sa kanilang tahanan at nagbibigay ng pugay. Hanggang sa may sumalubong sa aking daanan, grupo ng residente. Agad akong bumaba dahil palagay ko ay may sadya sila sa akin. "Quista, Haie. Ako po si Ben, ang Sumor ng Nislan. Una po sa lahat ay gusto ko pong magpasalamat sa inyo ng personal sa pagtatanggol n'yo sa aming viyon. Tunay nga na kayo ay aming pag-asa." Sa itsura ay may edad na si Ben, halata na siya nga ang Sumor. "Hindi kita nakita nu'ng dumating ako rito. Pasensya na rin, pumasok ako sa viyon ninyo nang walang pasintabi sa 'yo," sagot ko naman. "Huwag n'yong alalahanin 'yon, Haie. Isang karangalan po na nakarating kayo rito sa amin. Ako nga ang dapat humingi ng pasensya dahil hindi ko kayo nasalubong, hindi ko po kasi akalain ang pagdating ninyo. At may ibang bagay pang sumunod na nangyari kaya hindi na ako nagkaroon ng pagkakataon na makaharap kayo at makausap ng personal." "Ayos lang. Maiba ko, anong sadya n'yo sa akin?" "Kung papayagan n'yo ako ay gusto ko po sana kayong makausap kahit sandali sa aming munting tanggapan." Hindi naman ako tumanggi, wala rin naman akong ginagawa. Inanyayahan niya 'ko na sumakay sa isang karwahe, kasama ko ang Sumor sa loob nito. Hinatid kami nito sa munisipyo. Nakita ko na kasama rin pala namin ang kabayo ko, ipinaalam sa akin na pakakainin at paiinumin nila ito bago ibalik sa 'kin. Nang unang punta ko sa munisipyo ay pinigil ko ang pagpatay ni Zion kay Cush, ngayon ko pa lang mapapasok ang loob nito. Kagaya ng sinabi ni Ben, maliit nga lang ang munisipyo nila. Halos kasing laki lang ito ng bahay ni Cush. Pero para sa isang munting munisipyo, hindi na masama ang itsura nito dahil maganda ang mga kasangkapan. Kahit papaano ay maayos itong tanggapan ng mga bisita. Pinaupo ako ng Sumor sa upuan na ayon sa kanya ay laan lang sa mga katulad kong maguim, hinanda daw talaga nila ito para sa Reha kung sakaling bumisita siya rito pero ni minsan hindi pa daw ito naupuan ng duwag na 'yon. "Haie, hindi po matatapos ang aking pasasalamat sa inyo. Hindi ko po alam kung paano po kami makakabawi." "Hindi na iyon mahalaga, ang totoo nga niyan ay ako pa ang nagdala ng gulo sa viyon ninyo." "Nagkakamali po kayo, dati nang lapitin ng karahasan ang viyong ito. Kaya kaming mga taga-rito, hindi kami naniniwala sa sumpang sinasabi ng iba tungkol sa inyo." Yumuko ito bago nagsalita ulit, "Nang pumutok ang balita na may dalaga raw na napag-alaman nilang kakambal ng Sivenis na pinatapon ng Reha noong siya ay sanggol pa lang ay labis kaming nagulat at nabalisa. Hindi namin akalain na ang isang maguim na kagaya niya ay magagawang gawin 'yon sa sarili niyang anak huwag lang mawala ang trono niya. Kaya ngayon ay alam na rin namin ang dahilan bakit hindi niya kami magawang bisitahin manlang." Samakatuwid, pareho kami ng tingin sa Reha na 'yon... walang kwenta. "Haie, walang naging epekto sa amin ang pumutok na balita. Alam ng mga tao na kahit nangyari 'yon ay hindi magbabago ang kondisyon namin ngayon kaya nanatili kaming walang pakialam. Pero nang mabalitaan namin ang pagtulong mo sa ibang viyon, nagkaroon agad kami ng pag-asa. Lalo silang nabuhayan ng loob nang dumating ka, lahat kami ay nakaramdam ng saya... sigurado na kaming makakabangon na ang Nislan." Ang sarap pakinggan ng mga sinasabi ni Ben, hindi ko lubos maisip na may naniniwala talagang hindi ako isang sumpa. "Nagpapasalamat ako sa mga sinabi mo, pero wala naman ako magagawa para sa inyo. Kahit nandito ko, hindi ko kayo kayang ipagtanggol lahat kasi hindi naman ako malakas na Magnis. Kahit pa nakasali ako sa Tournament, mahina ako kung ikukumpara kay Cush. Alam n'yo naman ang sinapit ko sa naging laban namin." "Haie, ang sinasabi namin ay hindi ang katulad ng iniisip ninyo. Hindi tungkulin ng isang Savenis ang lumaban at madungisan para sa mga nasasakupan niya. Ang punto ko ay sa wakas... may isang Savenis na handang gawin ang lahat para mapabuti kami... Haie, isang katulad n'yo ang kailangan ng viyong ito... isang pinuno, isang pag-asa..." Ang mga salitang iyon... "Haie! Bakit po kayo umiiyak?!" Nataranta ang Sumor at agad na nagpakuha ng malinis na panyo para mapunasan ang mukha ko. Hindi ko rin alam kung bakit ako umiiyak pero natutuwa ako, tumagos sa puso ang mga sinasabi niya... Pagkatapos kong punasan ang mukha ko ay nagsalita ako, "Pasensya na. Bago kasi ako dumating dito, inalipusta ako ng mga nakatira sa Igto... galit na galit sila sa akin. At sa hindi ko maintindihang pangyayari, nasaktan ko sila. May namatay at nawalan ng ikinabubuhay dahil sa kagagawan ko... lalo silang nagalit sa akin at lalo akong naging sumpa sa paningin nila." "Haie, hindi na kayo dapat magpa-apekto pa sa mga ganoong pangyayari. Ang galit nila ay hindi patungkol sa inyo, humahanap lang sila ng masisisi. Darating din ang panahon na maiisip din nilang hindi kayo isang sumpa gaya sinasabi nila." Ngumiti ako kay Ben, sana nga ay mangyari ang sinasabi niya. Dumating ang dalawang tasa ng kape, isang dalagita ang may dala nito. Paglapag niya sa mesa ay ngumiti siya sa akin bago umalis. Humigop ako sa tasa ng kape. "Tungkol nga pala sa sadya n'yo..." "Ah! Muntik ko nang makalimutan. Sera, Haie... tungkol po sa bagay na 'yan, nakausap ko ang Duhe at si Cush..." Sa oras siguro na abala ako sa pangangabayo ay kumilos na ang dalawang 'yon, susunod din pala ginalit pa 'ko. Tumingin ako sa Sumor at muling humigop sa kape, nag-hintay ako ng susunod niyang sasabihin, "Gagawin po namin ang gusto ninyo, Haie." Ibinaba ko ang tasa ng kape ko. "Kahit pa puwede kayong masaktan? Kahit mahirapan kayo? Kahit wala kayong alam sa paghawak ng armas?" "Isang kalapastanganan po kung hindi kami susunod sa utos ninyo. Isa pa, tama lang po ang pinapagawa ninyo sa amin... dapat kaming matutong lumaban at ipagtanggol ang aming sarili." "May isa lang po akong hiling sa inyo kapalit ng utos ninyo..." "Sige, ano 'yun?" "Haie, gusto po sana namin kayong pagsilbihan... gusto po naming maging saksi na hindi kayo isang sumpa. Haie, ituring niyong kaharian ang viyong ito. Mamalagi kayo rito hanggang mailigtas ninyo ang Reha at Quina. Makasarili man pong pakinggan ang hiling ko pero ito lang po ang maari naming ibayad sa kabutihan ninyo." *** "Makinig kayo, hindi ako magsasalita rito bilang isang savenis na pinaniniwalaan n'yong pag-asa... Gusto kong ituring n'yo itong payo mula sa isang babaeng natutong makipaglaban na mag-isa mula nang siya ay bata pa lang..." "Sa laban, hindi mo kailangang patunayan na malakas ka. Ang kailangan mo lang ay mapatumba ang kalaban at manalo. Walang sino man ang magliligtas sa inyo kundi ang mga sarili n'yo lang. Hindi ako mabuting tao, hindi rin ako mabuting pinuno, at lalong wala akong interes sa pagiging savenis. Pero ang gusto kong mangyari ngayon, ipakita n'yong ang kaya n'yo. Gamitin n'yo ang sarili ninyong tapang para malagpasan ang pagsubok na kinahaharap ng viyong ito." "Ang karuwagan ay para lang sa mga walang silbi, wala silang karapatan mabuhay. Kaya patunayan ninyo, hindi kayo 'yon... ipakita ninyo ang talentong taglay n'yo!" "Mabuhay si Prinsesa Rhys! Mabuhay!" Isang malakas na sigaw mula sa lahat, kahit ilang beses kong sabihin na hindi ako prinsesa at kahit ilang beses kong ipaintindi sa kanila na ginagawa ko ito para lang din sa sarili kong kagustuhan na mamuhay ng simple at tahimik... hindi pa rin sila naniniwala. Patuloy pa rin sila sa pagpugay, ginagalang pa rin nila akong pinuno nila. Hindi ko tinanggap ang pakiusap ng Sumor nila sa akin pero heto sila at matigas talaga ang ulo, ginawa pa rin ang gusto nila... napangiti ako, makasarili talaga sila... "Haie!" Tumingin ako kay Zion, sinusundo na niya 'ko. "Bumaba ka na riyan sa stage at umuwi na para makapagpahinga ka na. Sisimulan na rin kasi ang pag-aayos sa munisipyo para maging munting palasyo kaya makakasagabal po tayo rito." Ngumiti ako. "Duhe, hindi ikaw ang inatasan kong maging Sela ko. Hindi ikaw ang gusto kong sumundo sa akin, nasaan si Cecily?" "Sera, Haie. Makasarili ang Duhe na kaharap ninyo. Gusto ko, ako ang sumundo sa inyo." Tumawa kaming pareho. Palagay ko, nagugustuhan ko na ang mga nangyayari...
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD