Chapter 49

1786 Words
CHAPTER 49: Lalong nagkaroon ng pagkalito si Shaika sa kanyang paniniwala tungkol sa mga politiko. Hindi niya maiwasang ikumpara si Zeldris sa mga politikong sinasabi ni Herlene sa kanya na hindi gumagawa ng masama at walang bahid ng dumi ang pangalan. Ayaw man niyang sabihin o aminin sa sarili, nakikita niya talaga sa binata ang mga salitang paulit-ulit na ipinapaalala ng kaibigan niya sa kanya. Mahirap para sa kanya na tanggapin ang naiisip niya na ang mga politikong sinasabi ng kaibigan niya ay pareho sa binata—dahil nga ang mga sinasabi ni Herlene ay hindi naging target ng Dark Knight habang si Zeldris ay may record sa grupo bilang patunay na may ginagawa itong katiwalian. Bata pa lang siya ay naniniwala na siyang may kakayahan talaga ang grupo na isiwalat ang totoong pagkatao ng isang politiko, kaya hindi ganoon kadali na kumbinsihin ang sarili niya na maaring nagkamali lang ang Supremo sa pagturo kay Zeldris bilang isang masamang politiko. Maaring hindi halata ni Herlene kay Shaika ang bagay na ito… ngunit may basehan din naman ang naging matinding paniniwala niya sa nagagawa ng Dark Knight. Lahat ng politikong kanyang napatay noon pa ay nakitaan niya mismo ng maling gawain bago, habang, o pagkatapos niyang isagawa ang kanyang misyon na patayin ito. Ang masakit lang dito, sa oras na maibigay sa kanya ni Three ang dapat ay misyon ni Owen o ni Dave noong araw na iyon ay hindi niya nagawang alamin ang tungkol kay Zeldris Tan—dahil nga hindi naman talaga orihinal na kanya ang misyon at wala sa loob niyang gawin iyon, kasi ang tanging nasa isip niya na lang nang mga oras na iyon ay matapos na iyon at makapahinga na siya ng diretso. Idagdag pa riyan na nagkaroon sila ng laban ni Owen noong araw na papatayin na sana niya si Zeldris, kaya lalo siyang nawalan ng pagkakataon na kilalanin ang kilos nito. Ibig sabihin, wala talaga siyang sapat na ebidensyang magpapatunay na hindi nagkamali ang Supremo sa pagpili sa mayor na iyon para patayin. Paulit-ulit na bumalik sa isipan niya ang sinabi nito noong unang beses nilang mag-usap ng seryoso. Ayon kay Zeldris, ang nakikita niya lang na rason kung bakit nakita siya ng Dark Knight ay dahil sa kapatid niya na dati ring mayor. May palagay siyang maaring tama ang sinabi nito, pero duda pa rin siyang iyon lang ang basehan ng Dark Knight para matawag siyang masamang politiko. Sa tuwing lumalalim ang pag-iisip niya tungkol sa paniniwala niya, sa galaw ng Dark Knight, at sa mga sinabi sa kanya ng binata ay walang ibang nangyayari kundi ang pagsakit ng ulo niya sa pag-intindi sa tatlong bagay na iyon na nagiging dahilan para mauwi sa wala ang pag-iisip niya sa sagot na kailangan niya. Kung isasama pa ang ilang beses na pag-uusap nila ng binata na nababanggit nito ang ilan sa ginagawa niya bilang mayor ng bayan, at kung paano ito makipaghalubilo sa iba na talaga namang isang halimbawa ng kabutihan— tila isang anghel kung umasta ay mas lalong hindi niya maiwasang hindi maisip na baka nga pagkakamali lang ang nangyari. “Sino ka ba talaga?” bulong ni Shaika sa kanyang sarili. Sa pakiwari niya ay magagawa niyang takasan ang sakit ng kanyang ulo kapag sinabi niya ang tanong na iyon sa kanyang isip. Nakaupo lang si Shaika sa couch na madalas niyang tambayan sa tuwing walang iniuutos si Zeldris sa kanya. Dito niya gustong tumambay dahil bukod sa kakaunting tao lang ang dumadaan sa pwestong ito ay tahimik pati ang lugar. Idamay mo pa na malapit lang ang pwesto ng couch sa pinto ng opisina ni Zeldris, para kung sakaling kailanganin siya nito ay mabilis lang siya nitong matatawag. Hindi niya ito ginagawa dahil gusto niyang ikatuwa ng mayor na nandiyan siya agad sa tuwing kailangan siya nito, ginagawa niya ito dahil naririndi siya sa boses ni Zeldris kapag paulit-ulit siyang tinatawag kahit na narinig niya naman at sumagot siya na papunta na siya. Naiinis siya na hangga’t hindi siya lumilitaw sa paningin ng binata ay hindi talaga ito titigil sa kakatawag sa kanya— na sa tingin niya ay sinasadya talaga ni Zeldris para mainis siya. Sa tuwing mangyayari ang ganoong pagkainis niya sa ugali ng mayor ay pinapakalma niya na lang ang sarili niya sa pag-iisip ng katagang: “Kaunting tiis lang, Shaika. Makakaalis ka rin sa puder ng nakakairitang mayor na ‘yan.” “Shaika, busy ka ba?” Isang pamilyar na boses ang bigla na lang kumausap sa kanya sa gitna ng kanyang malalim na pag-iisip. Kunot ng noo ang agad niyang isinagot sa babaeng itinuring niyang huling taong kakausap sa kanya ngayong araw o kailanman. Susungitan na sana ni Shaika si Camille dahil sa ginawa nitong paglapit sa kanya, pero nang makita niya na para bang hiyang-hiya itong kausapin siya ay lalong lumalim ang kunot sa kanyang noo. “Ano na namang kailangan mo?” masungit na tanong pabalik ni Shaika sa kanya. Hindi niya gusto ang ginawang paglapit ng babae. Nahihiwagaan siya na sa isang iglap ay tila naging mabait ito sa kanya at hindi talaga kapani-paniwala ang ginagawa nito ngayon. Isa siyang mamamatay-tao at isa sa kanyang kakayahan ay magkaroon ng malakas na pakiramdam, at iyon mismo ang nagsasabi sa kanya na hindi dapat pagtiwalaan ang bait-baitang ugali ni Camille. “Wala naman, kinausap kasi ako ng mayor at sinabi niya sa akin na dapat daw ay ako na ang lumapit sa ‘yo at makipag-ayos nang tunay. Kaya heto, sinusubukan kong maging mabait sa harap mo. Kaso lang, hindi ko pala talaga kaya,” aniya. Bahagyang nakaramdam ng pagkakampante si Shaika dahil bumalik na si Camille sa dati nitong ugali sa tuwing siya ang kaharap. Hindi rin naman niya dapat pagdudahan ang sinasabi nito dahil alam niya ang pag-uugali ni Zeldris at ito talaga ang tipo ng tao na gagawin ang mismong sinabi ng babaeng kaharap niya. Kumbinsido siya na napipilitan lang si Camille, marahil may sinabing pananakot ang mayor kapag hindi niya nagawa ang sinabi nito. “Hindi natin kailangan mag-ayos dahil lang sa sinabi niya, lalo na kung hindi naman talaga natin kaya. Dahil kung ako man ang nasa posisyon mo, hirap din akong gawin iyon,” pag-amin ni Shaika. Kung kanina ay iniisip niya maaring mabuti ngang tao si Zeldris at kakaunti na lang ay maniniwala na siya kay Herlene, biglang gusto niya nang bawiin ang mga iyon. Napalitan na ng inis ang nararamdaman niya sa lalaking iyon ngayong ipinipilit niyang dapat silang magkaayos ni Camille kahit sobrang imposible ng bagay na iyon. “Exactly! Alam ko namang alam mo rin iyon, kaya lang, kung hindi nga kita lalapitan at kung hindi nga ako aastang mabait ay maaalis ako sa trabaho. You know what, I really hate myself that I need to say this but… can we at least try?” Mabilis na ngumiwi si Shaika sa kanya. Hindi niya maintindihan kung bakit naiisip ni Camille na ipilit pa rin kahit pareho naman sila ng iniisip tungkol sa ideya ng mayor. Dahil sa totoo lang din, hindi niya kayang makipagkaibigan kahit na sino sa mga tao rito sa opisinang ito lalong-lalo na kay Camille. “Sa tingin mo gagawin ko talaga ‘yan? Ikaw lang ang puwedeng matanggal sa trabaho at hindi ako, kaya bakit naman ako susunod sa gusto mo o sa gusto ng lalaking iyon? Kasalanan mo ‘yan, gagawa-gawa ka kasi ng kalokohan tapos ngayon ay hindi mo kayang lusutan—” “Papatayin nila ang pamilya ko!” Mabilis na kumunot ang noo ni Shaika sa kanya. “Anong sabi mo?” Halos kumawala ang puso ni Camille sa kanyang dibdib nang mapansin niyang may nasabi siyang bagay na hindi niya dapat masabi. Ang totoo, gusto niyang hingin ang tulong ni Shaika para makawala na sa pananakot ng mga taong nasa likod ng ginagawa niyang ilegal… pero hindi niya magawang makahingi ng diretso sa dalaga dahil alam niyang nakatingin ang mga kasamahan ng mga taong iyon sa kanya rito sa opisina. “Ang ibig kong sabihin, ako ang papatayin ng pamilya ko kapag natanggal ako as secretary ng mayor. Kahihiyan daw iyon kapag nangyari iyon kasi nga ipinagmalalaki talaga nila sa mga family friends and relatives namin na ito ang trabaho ko. Kaya kahit ayaw talaga kitang kausapin, gagawin ko na huwag lang ako mapagalitan,” paliwanag niya. Hindi ito makatingin ng diretso kay Shaika at ito ang nagbibigay ng malaking pagdududa sa kanya. Gaya kay Zeldris, wala siyang pakialam kung ano ang lagay ng buhay ng nito o kung ano ba talaga ang totoo. Hindi niya lang talaga maiwasan na hindi mapansin ang mga ganoong klaseng bagay. “Nag-uusap na tayo ng normal, hindi ba? Ano pa bang gusto mo?” ani Shaika. Ilang beses man niyang sabihin sa sarili na wala siyang pakialam sa kung ano man ang lagay ng kausap ay dinadala naman siya ng kuryosidad kung bakit tila hindi mapakali ang kaharap. At iyon na lang ang tanging dahilan kung bakit tuloy pa rin siyang nakikipag-usap dito. “P-puwede bang… puwede ba tayong uminom kahit anong beverages lang sa Cafeteria? Wala lang, catch up lang. I mean, gusto ko lang i-try na makausap ka ng normal gaya sa ibang empleyado rito,” ani Camille. Pasimpleng inikot ni Shaika ang kanyang tingin sa paligid na para bang sinusuri niya ang mga empleyado rito kung may nakatingin ba sa kanila habang nag-uusap. Hindi siya kumbinsido na gugustuhin o sasabihin ni Zeldris kay Camille na ayain niya itong magpunta sila ng cafeteria dahil higit kanino man ay alam nitong napaka imposible na ng bagay na iyon. Maliban na lang kung may ibang tao nga na nag-utos sa kanya nito kapalit ng kaligtasan ng buhay ng pamilya ng babaeng kaharap niya. Alam ni Shaika na kahit itanong niya kay Camille ang tungkol sa pamilya niya ay hindi na nito uulitin ang sinabi niya kanina at itatanggi niyang mali ang kanyang pagkaintindi. Hindi niya sigurado kung sinadya lang ba iyon sabihin ng kaharap niya para subukan ang kakayahan niya bilang isang assassin at para madala sa isang patibong, dahil sa nangyari kagabi ay hindi malabo na patayin na siya ng mga taong nasa likod ng kalokohan ng sekretarya ng mayor. O hindi kaya ay totoong nasa panganib ang buhay ng mga ito at sinusubukan niyang manghingi ng tulong sa kanya. “Hindi ako kasing tanga ng gaya ng iniisip mo, Camille,” ani Shaika. Tumayo siya na may masamang tingin sa kausap at saka itinuloy ang sinasabi. “Wala akong pakialam kung ano man ang sinabi sa ‘yo ng lalaking iyon para lang makipag-plastikan ka sa akin. Pero hinding-hindi ako susunod sa mga gusto mo kaya lubayan mo ako!”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD