Chapter 47

1820 Words
CHAPTER 47: Walang sinayang na sandali ang tatlo, ayon kasi kay Shaika ay sa gabi lang nila maaring pasukin ang opisina ng mayor lalo na ang mesa ng sekretarya nito. Wala siyang pakialam kung malaman man ng Dark Knight ang gagawin niya at isipin ng mga ito na talagang pinaninindigan niya ang pagiging bodyguard ng mayor—isang malaking patunay na isa talaga siyang traydor. “Kailan ka pa naging concern sa iba?” nagtatakang tanong ni Herlene. Maaring inaasar niya ang kaibigan niya na may espesyal nang relasyon ito sa kasama nilang si Owen. pero ganoon pa man ay alam niya naman na hinding-hindi mangyayari iyon dahil kilala niya ito bilang pusong bato at walang ibang inintindi kundi ang pumatay o hindi kaya ay maghanap ng clue sa nangyaring pagpatay sa mga magulang niya. Kaya nalilito siya sa ipinapakita nitong pagkilos na animo’y may malasakit na ito kay Zeldris. “Hindi ko nga pala naikwento sa ‘yo,” panimula ni Shaika, malapit na sila sa Munisipyo at prente pa silang nag-uusap na tatlo. “Ang babaeng iyon ang kaisa-isang tao sa mundo na gusto kong tirisin pero hindi ko magawa dahil protektado siya ng mayor na iyon. Kaya kung mapapatunayan ko ngayong gabi na may kalokohan siyang ginagawa ay tinitiyak kong kahit nakaharap pa ang Zeldris na iyon ay puwede ko na siyang patayin nang paulit-ulit,” paliwanag niya. Kumunot ang noo ni Owen nang marinig niya ang dahilan ng dalaga. Nagtataka rin naman siya kung bakit ito ginagawa ni Shaika, pero kung babalikan niya ang mga naging kwento nito tungkol sa babaeng iyon ay tila sobra na kung ganoon nga ang balak nitong gawin. Akala niya kasi ay gusto lang nitong ipahiya para maalis sa trabaho. “That’s my girl!” ani Herlene, ngiting-ngiti pa ito nang sabihin niya iyon at halatang proud pa siya sa sinabi ng kaibigan. Nang makalapit sila sa harapan ng Munisipyo ay bumungad sa kanila ang dalawang guard na nagbabantay sa front door. Hindi naman problema kay Shaika na makita siya ng mga ito na kasama sina Herlene at Owen dahil hindi naman na tago ang totoo niyang pagkatao, at sa totoo lang ay gusto niya pa ito na may nakakita sa kanyang papasok sa loob—may magiging saksi sa kanilang gagawin. “Bukas pa ang ilaw sa opisina ng mayor. Kayo ba ang may gawa niyon?” bungad na tanong ni Shaika nang makalapit na sila ng tuluyan. Nagkatinginan muna ang dalawang guwardiya na animo’y nagtuturuan kung sino ang sasagot sa tanong ng dalaga. Nakikita rin ni Shaika sa mata ng dalawang ito na may pagtataka sila na sa ganitong oras ay lilitaw pa siya sa harapan nila. Dahil bukod sa sekretarya ng mayor ay alam din ng mga ito na maghapong nasa labas ang mayor at hindi na ito babalik sa Munisipyo ngayong gabi. “May iniiwan talaga kaming bukas na ilaw sa Munisipyo, at mas mainam na kung ang ilaw na iiwan namin ay ang opisina mismo ng mayor,” paliwanag ng guard na nasa kaliwa ni Shaika. “Ikaw, anong ginagawa mo rito? Wala rito ang mayor kaya hindi ka kailangan dito,” dugtong pa niya. Biglang naningkit ang mata ng dalaga. Sa ilang segundo pa lang nilang pag-uusap, dalawang bagay na ang agad na pumasok sa isip niya: Una, maaring natural na sa mga guwardiya na iwan ang ilaw sa opisinang iyon na magdamag bukas kaya ganoon na lang sila kakampante sa sinabi niya. At pangalawa, maaring may alam ito sa kalokohang ginagawa ng sekretarya at ayaw nilang matuklasan niya ito. “Personal bodyguard ako ng mayor. Kasama sa trabaho ko ang kilatisin ang lugar kung saan siya nagpupunta lalo na ang kanyang opisina. Maaring wala siya rito, pero paano kung habang kayo ay nakatanga rito at iniwang bukas ang ilaw ng opisina niya ay may nananamantala na pala sa loob at wala kayong kaalam-alam? Hindi ba’t ako ang dapat na sumalo sa trabahong hindi ninyo magawa kung sakaling buhay na ng mayor ang nakataya?” ani Shaika. Agad na sumama ang tingin ng dalawang guwardiya sa kanya at tila ano mang oras ay magkakaron na ng gulo dahil sa tindig nila. Hindi natinag si Shaika r’on, dahil halata namang wala siyang dapat katakutan sa kaharap niya dahil ramdam niya namang hindi ito uubra sa kanya. “Hindi namin pinapakialaman ang trabaho mo bilang bodyguard ng mayor, kahit alam naming masamang tao ka. Kaya kung ayaw mong magkagulo tayo rito, huwag mo ring pakialamanan ang trabaho namin,” sabi naman ng guwardiyang nasa kanan ni Shaika. Tumaas ang kilay ng dalaga sa kanya, hindi siya makapaniwala na nakahugot ito ng lakas ng loob para sabihin ang bagay na iyon. Dahil sa pagkakaalam niya ay walang kahit na sino sa mga taong nagtatrabaho sa Munisipyong ito ang may kakayahan na banggitin lalo na sa harap niya ang tunay niyang pagkatao. Kaya imbes na si Camille lang ang nagpapainit ng ulo niya, dumagdag na ang dalawang ito. “Isa akong assassin, at hindi ko ikakaila sa inyo ang katotohanang iyon dahil kung tutuusin ay dapat kayong matuwa na binabawasan ko ang mga latak ng lipunang ito. Kung hindi kayo naniniwala sa prinsipyo ko, mas mabuti pang manahimik na lang kayo habang nakakapagpigil pa ako bago ko kayo isama sa mga latak na nilinis ko!” Buong akala ni Shaika ay makikisama ang dalawang kaharap niya sa plano niya, pero dahil sa pangingialam nito maski sa personal niyang buhay ay tila may kung ano na namang nagdidikta sa isip niya na dapat niyang patahimikin ang dalaga ng panghabang buhay, mabuti na lang ay nagagawa niya pang kontrolin ang kanyang sarili. Samantalang si Herlene, alam niya na wala na sa katinuan ang kaibigan niya. Hindi niya pa masyadong maintindihan kung ano talaga ang plano ni Shaika, pero malinaw sa kanya na walang kinalaman sa bagay na iyon ang dalawang guwardiya na ito at alam niya na magiging gulo talaga ang mangyayari. Kaya mas mabuti kung aawatin niya na ang dalawang panig bago pa lumala ang sitwasyon. “Teka nga,” mabilis na singit ni Herlene. Pumagitna na rin siya sa dalawang panig dahil talagang nagkakainitan na sila. “Siguro mas maganda kung sumama na lang kayo sa amin para tingnan ang opisina ng mayor. Hindi lang kasi talaga mapakali ang kaibigan ko at pakiramdam niya ay may kung anong panganib ang naghihintay sa mayor, kaya gusto niyang matiyak na mawala na iyon bago pa pumasok ang mayor bukas,” suhestiyon niya, at habang nagsasalita ay hinihiling niya sa kanyang isipin na sana ay nakumbinsi niya ang dalawang guwardiya. Nagpalitan ng ngisi ang dalawang guwardiya at hindi nakatakas iyon sa tingin ng tatlo. Hindi man nila sabihin o hindi man sila mag-usap ay alam na nila ang ibig sabihin ng mga ngising iyon. At kung kanina ay hindi maintindihan ng dalawa ang gumugulo sa isip ni Shaika, ngayon ay malinaw na malinaw na sa kanila na may dapat nga silang alamin sa loob. “Bakit naman kami susunod sa inyo? Bukod sa trabaho naming bantayan ang entrance, hindi naman kayo ang amo namin. Kaya para pare-pareho tayong magkaroon ng mapayapang gabi ay umalis na lang kayo at bumalik na lang kayo bukas, kapag hindi na kami ang bantay!” Agad ikinuyom ni Shaika ang kanyang kamao, hindi sana mabilis na iinit ang ulo niya kung hindi niya nakita ang ngisi ng dalawang lalaking kaharap nila. Malakas ang kutob niyang isinasagawa sa loob ang kung ano mang kalokohang ginagawa ni Camille at itong dalawang lalaking nasa harapan nila ang titiyak na walang makakagulo kung ano man ang ginagawa niya. Lalo siyang nag-iinit na pasukin ang Munisipyo dahil sa iniisip niya. “Shaika, tingin ko ay hindi mo na kailangang pumasok sa loob,” sabi naman ni Owen. Nilingon siya ni Shaika na may kunot sa noo para sana itanong kung ano ang sinasabi niya. Pero bago pa siya makapagtanong sa binata ay tumambad na sa harapan niya ang babaeng hinahanap niya na may ilang kasamang lalaking hindi pamilyar sa kanya. Lalong lumalim ang kunot sa kanyang noo dahil sa nakita niya. “Anong ginagawa mo rito?” agad na tanong ni Camille kay Shaika. “Nagsama ka pa talaga ng aso,” dagdag pa niya. Parehong hindi nagustuhan nina Owen at Herlene ang tabas ng dila ng babaeng kaharap nila. At kahit hindi na nila itanong kung sino ang babaeng mayabang na kaharap nila ay tiyak nilang kilala na agad nila kung sino iyon. Sa porma pa lang nito ay halata mo nang hindi talaga siya gagawa ng mabuti. “Hindi ba dapat ako ang nagtatanong sa ‘yo niyan? Gabi na at tapos na ang oras ng trabaho, bakit nasa loob ka pa ng munisipyo at may kasama ka pang mga kuto?” ganti ni Shaika sa kanya. Mabilis na nawala ang kaunting ngisi sa mukha ni Camille dahil umaandar na naman ang hindi magandang ugali na nakikita niya kay Shaika. Pareho lang silang inis sa isa’t isa at tinitiyak niya na ngayon ay hindi siya papayag na walang mangyaring gulo, dahil sa totoo lang ay nagtitimpi lang talaga siya sa babaeng ito dahil sa utos ng mayor. “Mag-ingat ka nga sa pananalita mo! Bodyguard ka lang, sumosobra na ang pagpapel mo! Wala naman si Mayor Zeldris dito, bakit hindi mo ilabas ang tunay na kulay mo?!” ani Camille, halata sa tingin niya ang kanyang inis. “Iyan ba ang sinabi mo sa sarili mo kaya ganyan ka manalita ngayon? Wala ang pusa, kaya naglalaro ang mabahong daga na gaya mo. Kung hamakin mo ang trabaho ko, para namang may dapat kang ikarangal sa trabaho mo. Bakit, ipinagmamalaki ba ng magulang mo sa mga kaibigan nila na ang anak nila ay pumapasok sa Munisipyo para ibenta ang sarili sa mayor?” “Bawiin mo ang sinabi mo!” Agad na umawat ang kasamahan ni Camille dahil sa tangka nitong pagsugod kay Shaika. Walang namang naging reaskyon sina Owen at Herlene kahit pa kitang-kita naman nila kung ano ang gagawin ng babae. Maging si Shaika ay nanatili lang sa kanyang pwesto na animo’y tiyak niyang hindi siya masasaktan. “Bakit ko naman babawiin kung alam kong iyon ang totoo—” “Tama na ‘yan!” Nang madinig nila ang pamilyar na boses na iyon, sabay-sabay na lumingon ang lahat sa gawi ng nagsalita. Lahat sila ay nagtaka na makita ang taong hindi nila inaasahan na makita. Ang ang pinaka nagtaka ay si Shaika. “Anong ginagawa mo rito?” tanong niya. Tumingin sa kanya si Zeldris nang seryoso. “Iba ang pakiramdam ko nu’ng nagtanong ka sa akin kanina kung kailangan pa ba kita hanggang sa makauwi ako, kaya sinundan kita,” aniya. Tapos ay bumaling ang tingin niya kay Camille. “At ang hindi ko inaasahan ay ang pagpunta mo sa Munisipyo kasama ang… sekretarya ko. Ikaw naman ang tatanungin ko, Camille. Anong ginagawa mo rito?”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD