Chapter 23

1718 Words
CHAPTER 23: Sa dami ng lugar na maaring puntahan ni Zeldris, ngayon lang nangyari sa kanya ang magtagal sa isang bahay. Ipinagtataka na iyon ni Herlene at tila nagsisimula na siyang mag-alala, alam niya kasing nasa panganib ang buhay ng kaibigan niyang iyon at dapat niya rin iyong iligtas sa kapahamakan. Si Zeldris ang kapatid ni Zacarias Tan, si Zacarias ang mayor na nambastos sa kanilang mag-ama noon sa mismong pamamahay ng mga Tan at sa harapan ng ibang alkalde ng bayan. Naging tahimik ang kanyang ama sa kabila ng ginawa nito sa kanilang pambabastos, at sinubukan din naman ng kabilang kampo na makipagbati sa kanila. Kaya lang, hindi mo talaga maaring pagkatiwalaan ang taong minsan nang gumawa ng hindi maganda sa ‘yo. Ang taong iyon ang may kasalanan kung bakit nawalan ng pamilya si Herlene, kaya hindi siya pumayag na hindi ito masingil sa ginawa nitong kasalanan sa kanya. Lalo siyang nagkaroon ng rason na ituloy ang kanyang pagiging miyembro ng Dark Knight. Hindi nagkakaiba ng kapalaran sina Herlene at Shaika. Pareho silang naulila at lumaki sa puder ng isang lalaki na tumayo bilang kanilang ama. Ang pinagkaiba lang nila, si Shaika ay nagawang makasama ang tunay niyang magulang bago ito mawala sa kanya… habang si Herlene, kahit kailan ay hindi niya nakilala kung sino ang kanyang totoong mga magulang. Hindi na rin malinaw sa dalaga kung paano ba siya napunta sa puder ng kanyang kinilalang ama. Ang natatandaan na lang niya ay nagkakilala sila ni Shaika sa loob ng Dark Knight noong mga bata pa lang sila. Doon niya nga din nalaman ang naging nakaraan ng dalaga at ang pag-ampon sa kanya ng kanilang Supremo. Sabay silang tinuruan ng organisasyon kung paano maging isang assassin, at sabay din silang nangarap na linisin ang mundo sa pamamagitan ng pagpatay sa mga masasamang politiko na gaya ng pumatay sa mga magulang ni Shaika. Hanggang sa napunta na nga siya sa puder ng isang lalaking may mabuting puso, si Lucas Ruiz. Hindi pa ito tumatakbong mayor nang ampunin siya nito. Hindi na nga lang niya naaalala kung paano sila nagkakilala at bakit siya nito kinupkop. Basta ang tanging naalala na lang niya ay naging mabuti ang trato nito sa kanya at itinuring talaga siyang isang tunay na anak. Magkasama sila hanggang sa nagdalaga na nga si Herlene at nagdesisyon na ang kanyang ama na tumakbo bilang alkalde ng kanilang bayan. Ito ang nagbigay sa kanya ng panibagong paniniwala sa buhay na: “Hindi lahat ng politiko ay masama.” Kaya mula noon, nag-iba bigla ang tingin niya sa Dark Knight, nagsimula siyang mag-isip kung dapat ba talagang patayin lahat ng politikong pinapapatay ni Supremo at totoo ba talaga ang mga nakakalap nitong impormasyon tungkol sa taong gusto nilang ipaligpit. Hindi naman ibig sabihin na nagdududa na siya sa organisasyon ay wala na ang katapatan niya sa mga ito. Dahil kahit naging alkalde na ang kanyang ama ay patuloy niya pa ring ginagawa ang trabaho niya para sa Dark Knight. Kaya nga niya nagawang ipaghiganti ang ama na mapatay din ito. Kaya lang, hindi niya lang talaga kayang patayin ang mga taong nakilala niyang mabuting politiko dahil sa kanyang ama. At dahil nga utos iyon ng organisasyon, hindi naman puwedeng hindi niya sundin. Kaya para walang problema ay ipinapagawa niya na lang ito kay Shaika. At nito nga lang nakaraan ay nalaman niya na kasabay pala ng kanyang misyon na patayin ang isang kaibigan ng kanyang ama sa politika ay may nakakaalam ng kanyang ginawang pagpatay kay Zacarias. Nagawa niyang imbestigahan ang taong iyon, wala itong koneksyon kay Zeldris na kapatid ng dating mayor. Ibig sabihin, malinis pa rin ang tingin niya sa binatang mayor. Sa takot na madamay si Shaika sa sarili niyang problema, at mangyari rin kay Zeldris ang nangyari sa kanyang ama, o hindi kaya ay mas malala pa sa dalawang iyon ang mangyari… agad na siyang umisip ng paraan para mailigtas ang dalawang kaibigan niya. Ipinagtagpo niya ang kanilang landas. Mula nang gawin niya ang balak na iyon, wala na siyang narinig na balita mula kay Zeldris o hindi kaya kay Shaika, kaya ganoon na lang ang pag-aalala niya. Lalo na nu’ng nakarating sa kanya ang nangyari na nagkaroon ng problema si Shaika sa misyon na ipinasa niya rito, nalaman niya na nakipagpalit pala ito mismo sa assassin na may hawak ng misyon na patayin si Zeldris. Hindi niya alam kung paanong naging target ng Dark Knight si Zeldris, pero naniniwala siyang isang malaking pagkakamali lang ang maituro siyang masamang politiko. Hindi niya alam kung may naninira ba sa binata at gumawa ng kwento para kainitan ito ng organisasyon, o sadyang may napakialaman siyang masamang politiko kaya idinadamay siya nito sa hukay. Ano man doon ang totoo, hindi niya hahayaang mangyari iyon. Wala siyang oras para personal na bantayan ang kaibigan, dahil abala pa nga siya sa pag-iimbestiga sa dating kapartido at kaibigan ng dalawang politikong napatay niya na may sala sa pagkamatay ng kanyang ama. Kaya kahit alanganin ay ipinagkatiwala na lang niya kay Shaika ang kaligtasan ng binata. Kaya lang, dahil wala nga siyang naririnig na balita tungkol sa dalawa ay mas lalong lumala ang pag-aalala niya. Walang ibang pinagpilian si Herlene na gawin kundi ang tawagan ang binata upang kumustahin. “Ayos ka lang ba?” bungad na tanong ni Herlene kay Zeldris nang sagutin nito ang tawag niya. Isang tawa ang narinig niya mula sa kabilang linya. [Bakit ba lahat na lang kayo ay iyan ang itinatanong sa akin? Wala akong sakit at walang nangyaring masama sa akin, ayos na ayos ako. Ano bang iniisip ninyo?] ani Zeldris. Masaya ang tono ng kanyang kausap, pero hindi magawang maging masaya ni Herlene. Mas lamang pa rin sa kanya ang pag-aalala dahil sa maraming bagay. Hangga’t hindi niya natitiyak na mabuti nga talaga ang lagay ng kausap ay hindi siya matatahimik. “Kasama mo na ba si Sinister?” diretsong tanong ng dalaga sa kanyang kausap. Sandaling nagkaroon ng katahimikan sa kabilang linya, nawala ang awra ng pagiging masayahin ng kausap niya. Nagbigay iyon ng isang panibagong kaba sa dalaga na para bang gusto na niyang pagsisihan na sinabihan niya pa si Sinister na maging bodyguard ni Zeldris. [Pasensya na, lumayo ako sa kanya. At obviously, oo kasama ko na siya. Kung itatanong mo sa akin kung ano na ang balita sa aming dalawa, hindi naman siya ganoon kadaling mapaniwala na hindi ako gaya ng iniisip niya. Pero huwag mong iisipin ang bagay na iyon, ako na ang bahala roon at intindihin mo ang sarili mong problema. Ang mahalaga ngayon ay hindi niya pa ako puwedeng patayin kahit inutos ng organisasyon nilang patayin ako,] paliwanag ni Zeldris. Nakarating na rin kay Herlene ang tungkol sa binatang may hawak ngayon ng misyon na patayin si Zeldris. Bukod sa hindi niya alam kung paano nangyaring naging target si Zeldris ng Dark Knight ay hindi rin malinaw sa kanya kung bakit isang assassin na nagngangalang Destroyer ang may hawak na ng misyon na patayin ang binata. “Anong inalok mong kapalit ng ginawa niyang pagpayag?” usisa ni Herlene sa kanyang kausap. Kahit gustuhin man ni Herlene na personal na puntahan si Zeldris para kausapin ay hindi niya ito magawa dahil nga gusto niya munang iwasan si Shaika. Alam niya na may galit pa ang kaibigan niya sa kanya, masakit man isipin na ito ang unang beses na nagkaroon sila ng hindi pagkakaintindihan, pero wala siyang magagawa kundi ang hayaan muna itong ganito. Dahil kapag nagkaayos sila, mawawalan ng rason ang dalaga na manatili sa puder ni Zeldris dahil tiyak na siya na ang kukulitin nito sa totoong problema niya. [Gusto niyang malaman kung ano ang koneskyon nating dalawa, kung bakit ganoon na lang ang tiwala mo sa akin. Hindi siya maniniwala kung ikukwento ko ang naging pagsasama natin, kaya maigi na rin ang siya na mismo ang kumalap ng impormasyong hinahanap niya,] ani Zeldris. Napabuntong hininga na lang si Herlene nang marinig ang bagay na iyon, alam na alam niyang iyon talaga ang gagawin ni Sinister na kaibigan niya. Tiyak niya namang hindi talaga ito maniniwala sa sinabi niyang gusto niya itong maniwala sa prinsipyo niya tungkol sa mga politiko. “Pagtiisan mo na lang ang ugali niya, sa una lang naman matigas ang ulo niyan at mahirap pakisamahan. Pero kapag nahuli mo na ang kiliti niyan ay magkakasundo na rin kayo,” ani Herlene. Nagkukulong lang ang dalaga ngayon sa kanyang kwarto, abala siya sa pagbabasa ng ilang balita at report na nakalap niya tungkol sa pagkamatay ng kanyang ama, tungkol sa mga politikong malapit sa kanyang ama at sa partido nina Zacarias. Pero ngayong mas malapit na sa peligro ang buhay ni Zeldris, pakiramdam niya ay mas gusto niyang malaman sa ngayon kung bakit nagkaroon ng masamang imahe ang binata sa harap ng Dark Knight. [Hindi ba talaga puwedeng mag-ayos na lang kayong dalawa para matapos na ang problema niya? Herlene, naiintindihan ko naman na ginagawa mo ito para na rin sa kapakanan ko dahil nga nasa bingit ako ng kamatayan ngayon. Ang kaso, hangga’t kasama ko ang babaeng ito ay pakiramdam ko anomang oras ay may papatay sa akin,] reklamo nito. Hindi maiwasan ni Herlene na mapangiti dahil sa inireklamo ng kausap. Mabait at totoong kaibigan sa paningin niya ang imahe ni Zeldris, pero sa kabila ng magandang ugaling iyon ay alam niyang mahina lang ito at siya ang tipo ng tao na nangangailangan talaga ng bantay at ingat. Kaya habang naghahanap siya ng impormasyon tungkol sa ka-partido dati ng kapatid ni Zeldris at tungkol sa kung paano naging masama ang imahe ng binata sa Dark Knight, kailangan niyang panatilihing magkasama ang dalawa. “Kaunting tiis na lang, Zel. Kapag natapos ko na ang mga dapat kong asikasuhin ay mahaharap ko na rin si Shaika. Pero ngayon, isipin mo na lang na hindi ka rin magagalaw ng Dark Knight hangga’t nariyan siya.” Nagkaroon muli ng sandaling katahimikan mula sa kabilang linya, nakiramdam na lang si Herlene kung ano nag maaring ginagawa ng kausap sa kabilang linya. Magsasalita pa sana siya, kaso ay nauna nang magsalita si Zeldris. [Salamat, Len. Utang ko talaga sa ‘yo ang buhay ko.] Pagkatapos ng pag-uusap na iyon ay ibinaba na nilang dalawa ang kanilang tawag. Pareho silang nakaramdam ng panatag matapos makausap ang isa’t isa.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD