Chapter 33

1772 Words
CHAPTER 33: Hindi maintindihan ni Shaika ang sarili niya kung bakit niya iyon sinabi, wala pa sa usapan nila na papatayin na nila si Zeldris. Dahil nga hindi niya pa nalalaman kung ano ang plano sa kanya ng mayor at ng kaibigan niya. Pero ganoon pa man, ayaw na rin niyang bawiin ang nasabi niya na dahil nakikita niyang iyon lang ang tanging solusyon sa problema ni Owen. Alam niya na sa kanilang dalawa ay ito ang pinaka may gustong matapos na ang lahat ng ito. Agad na tumawag si Shaika kay Zeldris. “Huwag ka nang tumuloy sa restaurant, may nangyaring gulo roon at—” Tinawagan niya ito hindi dahil ginagawa niya talaga ang trabaho niya bilang bodyguard ng mayor, sa tingin ng iba ay maaring iyon nga ang ginawa niya… pero ang totoo ay ginawa niya lang talaga iyon para alam niya kung saan nila maaring puntahan ang mayor. [Napanood ko nga sa live news. Ayos ka lang ba? Nasaktan ba kayo ni Owen? Nasaan kayo ngayon? Ipapasundo ko kayo,] ani Zeldris. Bahagyang nagitla si Shaika nang marinig ang nag-aalalang boses ng binata mula sa kabilang linya. Sa sinabi nito ay lalo siyang nagkaroon ng dahilan na huwag muna itong patayin… na para bang may parte sa kanyang naniniwala na hindi talaga ito masamang tao. Pilit niyang kinukumbinsi ang kanyang sarili na huwag magpadala sa nararamdaman niya at huwag maaawa sa isang lalaking kagaya ni Mayor Zeldris Tan. “Ayos lang kami, huwag mo kaming alalahanin. Bumalik ka na sa opisina mo,” iyon na lang ang nasabi ni Shaika saka niya ibinaba ang tawag. Hindi na hinintay ni Shaika ang sagot ng kasama niya nang sabihin niyang balak na niyang patayin ang binatang mayor ngayong gabi. Alam niya na iniisip ng kasama niya na matigas ang kanyang ulo at gusto niyang siya ang laging nasusunod, pero ngayon ay mas nakikita niya ang katangiang iyon sa binata. At ngayong gabi, patutunayan niyang hindi lang sarili niyang desisyon ang mahalaga sa kanya. Kaya hindi na rin siya nag-abala pang ipaliwanag sa kasama kung bakit bigla niyang naisip gawin iyon. “Isang kaaway na nag-aalala sa isang katulad mo? Bago iyon, ah,” komento ni Owen nang tuluyang maitago ni Shaika ang kanyang telepono. Nasa labas pa rin sila ng bahay ni Shaika, nakatayo at magkaharap habang nag-uusap. Kaya hindi malabong narinig ng binata kung ano ang pinag-usapan nila kahit pa hindi naman naka-loudspeaker ang telepono niya nang kausap niya ang mayor. “Maaring gaya ko ay nagpapanggap lang din siyang may pakialam sa katrabaho niya para maitago ang totoo niyang intensyon. Pero huwag kang mag-alala, tuloy pa rin ang plano natin,” tanggi ni Shaika. Maging sa kanyang saril ay ayaw niyang aminin na hindi niya gusto ang sarili niyang ideya. Hindi pa siya handa at wala pa siyang nalalaman kay Zeldris na may kinalaman kay Herlene. Itong gabi na magkakasama sana silang apat ang magagamit niya kahit paano na paraan para makahanap ng impormasyon ngunit nasira naman ito kaagad bago pa ito mangyari. Kaya lang, hindi niya naman kayang makitang nahihirapan ang kasama niya kung malaki na rin ang naitulong nito sa kanya. Madaming payo ang naibigay sa kanya ng binata kaya umabot siya sa ganitong punto, ayaw na niyang patuloy na maging makasarili sa pagkakataong ito. Ang kailangan na lang niyang gawin ay mag-isip ng ibang paraan para malaman ang itinatago ng kaibigan niya sa kanya. “Wala nang saysay kung mapatay ko man siya ngayon. Nakita mo naman ang nangyari, ‘diba? Trinaydor na ako ng sarili kong kaibigan,” malungkot na saad ni Owen. Hindi alam ni Shaika kung dapat ba siyang makaramdam ng awa sa binata, dahil sa tingin niya naman ay maganda rin ang nangyari na nakilala nito ng maaga ang sinasabi niyang matalik niyang kaibigan. Dahil kung ganoon din ang magiging resulta ng ginagawa niya para kay Herlene, ikatutuwa niya iyon. “Pero hindi ibig sabihin niyan ay wala ka nang gagawin para sa sarili mo,” ani Shaika. Madilim man ang paligid at hindi gaanong kita ang mukha ng isa’t isa ay alam niyang lumingon sa kanya ang binata. Dahilan para ituloy niya ang sinasabi niya. “Nang makilala kita, siya na ang rason mo bakit ka napunta sa ganitong sitwasyon. Pero ngayong wala na ang rason na iyon, ano nang gagawin mo ngayon?” Hindi nawala ang tingin ni Owen kay Shaika. Kumpara sa pwesto ng dalaga, mas pabor sa kanya ang ilaw mula sa poste sa kalsada. Kitang-kita niya na nakatingin sa mga mata niya ang kausap niya na para bang kinukumbinsi siya nitong sagutin ang tanong niya. Kaya lang, ngayon lang din niya napagtanto ang isang bagay… “Hindi ko alam kung magagawa ko pang makabalik sa Dark Hotel. Kasi kung nandoon si Thunder, tiyak na mauulit lang ang nangyari sa restaurant,” aniya, napayuko siya habang sinasabi iyon. Nakatulong ang bagay na iyon para kahit paano ay maintindihan ni Shaika kung ano ang iniisip ni Owen ngayon. Kahit kailan ay hindi niya naranasan ang manghula sa iniisip ng isang tao, dahil nga sanay na siya kay Herlene na madaling basahin kung ano ang iniisip nito. At dahil sa respeto niya kay Supremo, ni minsan ay hindi niya nagawang hulaan kung ano ang iniisip nito sa tuwing nag-uusap sila. “Nakakalimutan mo yata ang patakaran ng Dark Hotel,” sagot ni Shaika, naging rason naman iyon para lingunin siyang muli ng kausap. “Kung ano man ang kaso ng dalawang miyembro, bawal itong isagawa sa loob ng Dark Hotel. May pahintulot man ni Legal o wala,” dagdag niya pa. Inasahan niyang matutuwa ang kausap niya sa sinabi niya, dahil nga isang magandang balita iyon para masolusyunan nag iniisip niyang sagabal sa pagtuntong niyang muli sa Dark Hotel. Kaya lang, hindi niya nakuha ang reaskyong gusto niya. Bagkus ay nanatili lang si Owen na tahimik at tila walang epekto sa binata ang sinabi niya. “Tama ka, bawal iyon. Pero kilala ko si Thunder, tiyak kong gagawa iyon ng paraan mapatay lang ako,” giit niya. Isang buntong hininga ang agad na kumawala sa bibig ni Shaika. Kanina pa siya nagtitimpi at sumusubok na makatulong sa problema ni Owen na gaya ng ginawa sa kanya ng binata nang mga panahong namomoblema pa siya tungkol kay Herlene. Pero imbes na magkaroon ng linaw ang lahat, pakiramdam niya ay walang pinatutunguhan ang pinag-uusapan nila. “Baka nakakalimutan mo kung sino ako, sa tingin mo ba ay hahayaan kong mapatay ka niya? Si Legal lang ang nag-utos sa kanya, mas mataas pa rin ang posisyon ko sa kanya kaya mas dapat akong masunod. Kung kasama mo ako, hindi ka niya magagalaw,” paliwanag ni Shaika. Alam ni Owen na sinusubukan lang siyang bigyan ng pag-asa ng kasama niya, kaya lang ay hindi niya magawang kumbinsihin ang sarili na kasama niya si Sinister… ang kinikilalang anak ni Supremo. Siya ang tagapagmana ng Dark Knight at alam niyang totoo ang sinabi nito. Pero isang bagay ang nakalimutan ni Shaika na gustong ipaalala ni Owen. “Baka nakakalimutan mo ring muntik ka na rin niyang patayin kanina?” paalala niya. Nagkaroon ng kaunting pagtataka si Shaika sa sinabi ng kausap, at hindi niya maitatanggi na tama rin naman ang sinabi nito. Ganoon pa man, hindi siya papayag na matalo sa diskusyon nilang dalawa. naniniwala pa rin siyang tanging si Owen lang ang pakay ng mga kasamahan nila kanina at nadamay lang siya sa problema ng dalawa, dala ng galit at pagmamadali ay nakalimutan ni Thunder na siya si Sinister. “Hindi—“ Hanggang sa hindi na siya nakapagtimpi, agad siyang pumasok sa loob ng bahay para kunin ang susi ng kanyang kotse at iisa lang ang laman ng isip niyang dapat nilang gawin ngayon. Dahil hindi maintindihan ni Owen kung ano ang ginagawa ng dalaga, pinanood niya lang itong pumasok sa loob ng bahay niya. At sa paglabas nga nito ay isinara niya lang ang pinto at hinila sa braso ang binata. Pagtapat sa kanyang kotse na nasa garahe ay binitiwan din siya nito at sinabing, “Sakay,” utos ni Shaika. Hindi na abot ang liwanag ng poste ng ilaw sa pwesto ng sasakyan ng dalaga. Pero alam ni Owen na kulay itim ito at bihira lang ding gamitin iyon ni Shaika lalo na kung si Herlene ang pupuntahan niya, dahil minsan nang ikinuwento sa kanya ng dalaga na may takot ito sa kanya sa pagmamaneho. Wala naman sa kanyang problema kung kaskasera ito o hindi marunong magmaneho, pero hindi niya ito magawang sundin kung hindi niya naiintindihan kung ano na naman ang tumatakbo sa isip nito. “Ano na naman ba ito, Shaika?” naguguluhang tanong ni Owen sa kanya. Sa totoo lang ay kanina pa unti-unting nauubos ang pasensya ni Shaika sa kasama niya. Naiintindihan niyang problemado ito at mabigat naman talaga ang nangyari sa kanya, pero ang hindi niya maintindihan ay tila wala na itong balak na umusad o gumawa manlang ng paraan na solusyunan ang sarili niyang problema gayong bukas-palad itong solusyunan ang problema ni Thunder at ang problema niya. “Gusto mo bang itumba na lang kita rito para tapos na problema ninyong dalawa?!” tumaas na ang kanyang boses. Kahit madilim at kahit hindi niya tiyak kung kita ba siya ng binata ay dinuro niya pa rin ito. “Simpleng bagay lang ang sasabihin ko sa ‘yo at intindihin mo itong mabuti. Wala talaga akong pakialam sa sinasabi ng kaibigan mo at kung ako lang ang tatanungin ay kayang-kaya ko siyang patayin para sa ‘yo. Pero dahil alam ko ang nararamdaman mo at alam kong hindi mo ako papayagang gawin iyon, ibang paraan ang gagawin natin para hindi ka na magmukmok diyan na parang inagawan ka ng babae,” pagalit niya sa binata. Agad na napaiwas ng tingin si Owen sa kanya. Hindi niya alam kung nakikita ba siya ng dalaga sa naging reaskyon ng mukha niya, pero hiyang-hiya siya na ganoon pala ang balak nito para sa kanya. Hanggang ngayon ay nagugulat pa rin siya sa kung ano pa ang maaring gawing imposible ng dalaga na sa tingin niya ay malayo sa personalidad nito kung paano niya ito nakilala. Sa huli, wala na ring nagawa si Owen kundi ang sumunod. Wala siyang imik nang sumakay siya sa kotse, puno man ng alinlangan ay alam niyang may punto naman ang sinabi ni Shaika sa kanya. Habang ang dalaga naman ay nagbukas muna ng gate para mailabas ang sasakyan, siya na rin ang nagsara nito nang makalabas na sila. Sa hindi malamang dahilan, biglang hindi niya kayang magsalita ngayon matapos ng mga sinabi niya sa binata.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD